Babaylan

By purpleyhan

1.3M 79.7K 10.1K

Standalone novel || Mula sa pamilya ng historians at archaeologists, lumaki si Cyrene na may malawak na kaala... More

front matter
Panimula : Lihim na Liham
Kabanata 1 : Ang Prinsesa
Kabanata 2: Kahalili
Kabanata 3 : Mula sa Kasalukuyan
Kabanata 4 : Tadhana
Kabanata 5 : Ang Pagtatagpo
Kabanata 6 : Ang Mandirigma mula sa Timog
Kabanata 7 : Ang Binukot at ang Babaylan
Kabanata 8 : Mga Patnubay
Kabanata 9 : Bukod-Tangi
Kabanata 10 : Hinirang
Kabanata 11 : Patungo sa Hangganan
Kabanata 12 : Ang Nayon ng Sambal
Kabanata 13 : Pananagutan
Kabanata 14 : Pintakasi ng Buwan
Kabanata 15 : Kasunduan
Kabanata 16 : Dakilang Adhikain
Kabanata 17 : Mula sa Silangan
Kabanata 18 : Tungkulin
Kabanata 19 : Hara
Kabanata 20 : Ang Nayon ng Samtoy
Kabanata 21 : Kapulungan
Kabanata 22 : Kapantay
Kabanata 23 : Dayuhan Mula sa Silangan
Kabanata 24 : Ang Ikatlong Sisidlan
Kabanata 25 : Katipunan ng mga Pinuno
Kabanata 26 : Hudyat ng Kadiliman
Kabanata 27 : Pag-usbong ng Liwanag
Kabanata 28 : Pamamaalam
Kabanata 29 : Paglalakbay sa Silangan
Kabanata 30 : Hudyat ng Pagsisimula
Kabanata 31 : Tanglaw ng mga Tala
Kabanata 32 : Tala at Bulan
Kabanata 33 : Paghahanda
Kabanata 34 : Bilang Gabay ng Babaylan
Kabanata 35 : Pulang Buwan
Kabanata 36 : Sinag ng Araw
Kabanata 37 : Poot ng Kaboloan
Kabanata 38 : Pagpawi ng Liwanag
Kabanata 39 : Hilagyo ng Kalikasan
Kabanata 40 : Ang Huling Habilin
Kabanata 41 : Pagbagsak ng Kaboloan
Kabanata 42 : Paalam
Kabanata 43 : Pagbabalik sa Kasalukuyan
Kabanata 44 : Kasaysayan ng Kaboloan
Kabanata 45 : Habi ng Tadhana

Katapusan : Walang Hanggang Pagpupugay

17.5K 1.4K 601
By purpleyhan


Sa ilang taon kong nag-aaral ng kasaysayan ay ngayon lamang ako kinabahan nang husto.

"Cyrene!"

Agad akong napalingon nang marinig ko ang isang pamilyar na boses at bumungad ang mukha ni Ridge sa akin. Umupo siya sa harapan ko habang saglit na yumuko sa mga nakarinig sa kanya. Maging ako ay nahiya nang kaunti dahil napalakas ang pagkakatawag niya sa akin sa loob ng silid-aklatan ng aming unibersidad.

"Sorry," bulong niya. "Kumusta? Nakapag-practice ka na?"

Isang malalim na buntong-hininga ang aking pinakawalan at marahang tumango. "Pero hindi ko alam kung maayos ba ang pagkaka-present ko."

"Practice tayo. Sa akin ka mag-present."

Nag-aalinlangan pa akong tanggapin ang alok niya dahil nakakahiya pero makalipas ang ilang sandali ay pumayag na rin ako. Napagdesisyunan naming sa bahay namin mag-ensayo para sa reporting ko bukas.

Halos apat na taon na ang nakakaraan simula noong malaman namin ang tunay na nangyari sa angkan ni Urduja. Iyon din ang panahong iginugol namin sa kolehiyo at ngayon ay ang mga huling linggo ng aming mga klase bago ang aming pagtatapos.

Naaalala ko pa kung gaano ako kasabik kumuha ng kursong Arhaeology noon kaya't labis ang lungkot ko noong sinabi ni Papa na walang undergraduate course na ganoon sa halos lahat ng unibersidad sa Pilipinas dahil isa iyon sa mga graduate programs na kinukuha bilang specialization. Dahil doon ay BA History ang kinuha ko. Sa parehong unibersidad din nakapasa si Ridge at kumuha siya ng kursong BS Biology dahil mayroon siyang balak maging paleontologist. Gaya ng Archeology ay isa rin iyong specialization course sa graduate studies.

Pagdating namin sa bahay ay naabutan namin si Lola sa bakuran na nagdidilig ng mga halaman kaya't agad namin siyang binati. Huminto rin kami sa malaking puno at taimtim na nagdasal.

Ayon kay Lola, ang punong ito ay galing pa sa hilagang Luzon at kinuha ng aming mga ninuno ang binhi nito upang itanim sa aming kasalukuyang lupain. Mahigit isandaang taon na rin ang aming pamilya sa lupaing ito kaya't batid kong ganoon na rin katanda ang puno.

Hindi man tiyak, tila mayroong pising nagtatali sa akin sa punong ito sapagkat magkawangis ang pakiramdam na nararamdaman ko rito at sa mahiwang punong aking pinagdadasalan sa gubat ng Kaboloan.

Apo Bulan, nawa'y patuloy mo akong gabayan. Iyon ang lagi kong ipinapanalangin, ngunit simula noong makabalik ako sa kasalukuyan ay hindi ko na kailanman nadinig ang kanyang tinig o naramdaman ang kanyang hilagyo.

Pagpasok namin sa loob ng bahay ay nagulat ako nang maabutan ko si Papa sa sala.

"Papa?" tawag ko at agad naman siyang lumingon. "Akala ko ay sa isang linggo ka pa babalik?"

Ibinaba niya ang tasa ng kapeng kanyang iniinom. "Maagang natapos ang field survey at excavation namin. Umuwi lang ako para magpahinga saglit. Bukas ay sa labs naman kami para sa analysis."

Halata naman ang pagod sa mukha ni Papa. Mukhang wala pa rin siyang maayos na tulog pero bakas din sa mga mata niya ang pagkasabik sa kung anuman ang nakuha nila.

Lumingon naman siya sa akin at doon niya lang napansin si Ridge.

"O, Ridge, nandito ka pala," bati niya.

Sinuklian siya ng Ridge ng ngiti. "Ah, tutulungan ko lang po si Cyrene mag-practice para sa presentation niya, Tito."

Kumunot ang noo ni Papa at muling bumaling ang tingin sa akin. "Ito ba 'yong research paper mo? Bakit kailangan mong mag-present? Hindi ba 'yon na ang last requirement para ma-qualify ka sa graduation?"

"Napili po ang paper niya sa top 3 kaya pinapa-present ng professor niya sa harap ng panel."

Bigla namang naging seryoso ang mukha ni Papa at napanganga na lang ako nang bigla siyang naghanda para sa mock presentation na gagawin ko. Sabi niya ay gusto niya rin daw makita kung ano ang mga ipapakita at sasabihin ko kaya sa hindi inaasang sitwasyon ay naging dalawa ang mga tagapakinig ko.

Ang research paper ko ay tungkol sa kultura at kadayangan ng hilagang Luzon bago ang pananakop. Sa nagdaang apat na taon ay mayroong mga pag-aaral at pagsusuri na inilabas, hindi lang ang grupo nina Papa, kundi ang iba pang nagsasaliksik tungkol sa nawawalang kasaysayan ng Pilipinas. Kontrobersiyal pa rin ang buhay ni Urduja at iba pang mga pangalan noon na itinuturing lamang na folklore o haka-haka ngunit sa paglabas ng ilang mga patunay na totoong namuhay ang mga taong ito noong panahon na iyon.

Marahil iyon din ang isa sa mga dahilan kung bakit napili ang akin—sapagkat tumatalakay ito sa isa sa mga kontobersiyal na paksa sa kasaysayan ng Pilipinas.

"Hindi mo makukumbinsi ang panel kung hindi ka confident sa pagsasalita mo," komento ni Papa habang inaayos ang salamin niya. "Ibalik mo sa 11th slide."

"Mas maganda rin siguro kung uunahin mong ipaliwanag 'yong kabuuan ng Lusong kaysa sa isa-isang nayon," dagdag ni Ridge.

Hindi ko akalaing mas nakakatakot silang magtanong at pumuna kaysa sa inaasahan ko. Parang bigla na lamang lumabas ang pagiging professor ni Papa at sobrang higpit niya sa pagp-present ko.

Matapos iyon ay kinailangan kong baguhin ang ilan sa slides upang ilagay ang mga mungkahi nina Papa at Ridge at muli akong nagsalita sa harapan nila. Makalipas ang tatlong ulit ay mukhang tanggap na nila ang paraan ko ng pagsasalita at pagpapakita ng impormasyon.

"Mukhang magiging maayos ka na bukas," sambit ni Ridge habang naglalakad kami palabas. "Kasi parang mas nakakakabang magsalita sa harap ni Tito kaysa sa panel."

Napangiti naman ako roon. "Sana lang ay wala na silang ibang tanong."

"Ah, oo nga pala, nakausap mo na ba si Sally?" tanong niya.

"Hindi pa," sagot ko naman. "Hindi pa siya sumasagot sa mga text ko."

"Sa akin nga rin."

Halos dalawang buwan nang hindi nagpaparamdam sa amin si Sally, palayaw ni Soledad, kaya medyo nag-aalala ako. Noong una namin siyang makita ay tila bumalik kami sa nakaraan sapagkat kawangis niya ang anyo at hilagyo ni Urduja. Tila kahapon lamang noong huli kaming nagkita ngunit ilang taon na rin ang nakakalipas.


***

"Saan tayo pupunta?" tanong ko noong bigla na lamang maglakad ang nagpakilalang Soledad Sinag matapos bigkasin ang liham na tanging ako at si Ridge lamang ang nakakaalam sa kasalukuyan.

"Sa aming balay," sagot niya.

Nagtinginan kami ni Ridge at tahimik na umayon sa isa't isa. Sapagkat nais din naming malaman kung ano ang kanyang tunay na kaugnayan kay Urduja at sa nayon ng Kaboloan ay sumunod kami sa kanya.

Halos isang oras kaming naglakad sa ilalim ng tirik na araw. Nais ko nang magpahinga sapagkat napakainit at tila masusunog na ang aking balat bagama't nakapayong kami ni Ridge. Samantala, hindi man lang inaalintana ni Soledad ang init ng araw at tila nais niya pang bilisan ang paglalakad ngunit hindi niya magawa sapagkat mapag-iiwanan kami.

Makalipas ang isa't kalahating oras ay huminto siya sa isang maliit na palayan. Sa kabilang dulo noon ay may barrio. Agad naming tinawid ang palayan at napaisip na sana ay hindi ako nag-puting sapatos.

Ang mga balay sa barrio ay yari sa pawid at nipa, at napaliligiran din ng iba't ibang puno ang mga ito. Mayroon namang mga sumisilip sa bintana ng mga balay at dumako ang kanilang tingin sa amin ni Ridge. Ilang sandali pa ay huminto kami sa pinakamalaking bahay sa bandang gitna. Dalawang palapag ito na yari rin sa nipa ngunit higit na mas matanda ang itsura kaysa sa iba.

Maingat kaming sumunod ni Ridge sa kanya sa loob ng bahay ngunit agad akong napahinto nang masilayan ko ang mga pamilyar na sandatang nakapaskil sa dingding.

Nagpabalik-balik ang aking tingin sa mga kampilan at kay Soledad na tumayo sa pagitan ng mga iyon. Isang malungkot na ngiti ang kanyang binitiwan.

"Maraming beses nang sinabi ng aming mga lakay na baka hindi na muling magpakita pa ang babaylan at pantas na kay tagal nang hinahanap ng aming mga ninuno," simula niya. "Hindi ko akalaing makikita ko kayo kung kailan balak ko nang sumuko."

"Ibig mong sabihin . . . tunay ngang mula ka sa angkan ni . . . ni Urduja? Paanong . . ."

Muli siyang ngumiti at tumingin kay Ridge. "Mula ka ba sa angkan ni Bagim?" tanong niya at tumango si Ridge. "Hindi nakasalaysay sa kanilang talaan ngunit alam naming lahat ang kinahinatnan ng dalawa."

Kahit may ideya na ako sa kanyang sinasabi ay nagulat pa rin ako nang malaman kong nagkaroon sila ng tatlong anak—sina Uriyan, Sayiran at Amagat. Ngunit dahil hindi kasapi sa Maharlikang pangkat si Ridge ay itinago nila ang katotohanang ito. Isinaad sa tala na si Uriyan ay anak ni Urduja mula sa panganay na anak ni Babacnang Darata, habang sina Sayiran at Amagat ay mga anak ni Bagim sa hindi pinangalanang mandirigma.

Sapagkat nalayo na nang tuluyan mula sa ugat ang kanilang pinanggalingan ay mas nakilala ang angkan ni Bagim sa Ilocos at Agta habang nanatiling tahimik sa Pangasinan ang kay Urduja.

"Kung gayon ay batid mo rin ang pangakong nais nilang makamit," dagdag ni Soledad at tumango si Ridge.

Naalala ko kung paanong guminhawa ang mukha ng mga magulang ni Ridge nang makita nila ako noong unang pagkakataon. Nais ng aming mga gabay na masiguro ang aming kaligtasan sa kasalukuyan.

Ilang matatanda ang unti-unti ring pumasok sa balay na aming kinalalagyan at nagbigay ng mga mapanuring tingin. Bagama't higit na mas bata siya sa amin ay tila siya ang ginagalang nang husto ng mga mamamayan.

Bigla naman nitong kinuha ang isa sa mga kampilan. Mainam niya itong tinitigan sa kanyang mga kamay. Napaawang na lamang ang aking mga labi nang mabilis niyang sinugatan ang kanyang palad at ipinadaloy ang kanyang dugo sa isang tila altar sa aming harapan.

"Sa ngalan ni Urduja, ang liwanag ng aming ngalan at tahanan; sa ngalan ni Apo Init, ang pintakasing pinakasisilbihan; nagagalak akong iparating na ito na ang katapusan ng ilang daang taong paghihintay. Sa muling pagtatagpo ng marka ng araw, tala at buwan, ay ang pagsisimula ng liwanag sa kasalukuyan."

Sa bawat pagsambit niya ng mga salita ay nararamdaman ko ang bigat ng mga iyon. Maging ang mga bata at matatanda sa aming paligid ay lumuhod at yumukod.

Umihip ang napakalakas na hangin nang ilang sandali at tila naging bakante ang mga mata ni Soledad. Sa isang iglap ay isang pamilyar na ngiti ang sumilay sa kanyang mga labi.

"Sayi. Magat," malambing niyang tawag at nagsitayuan ang aking mga balahibo nang matanaw ko ang hilagyo ni Urduja sa kanyang likuran. "Ligtas nga kayong tunay. Nagagalak akong makita kayong muli. Pagpupugay."

Agad na tumulo ang mga luha sa aking mga mata at sinalubong siya nang mahigpit na yakap.

"Isang maikling pakiusap lamang ito kay Apo Anagolay bago tuluyang humimlay ang aking kaluluwa," sambit niya. "Nais kong matiyak . . . makita ng sarili kong mga mata ang inyong kaligtasan."

"Patawad dahil pinag-alala ka namin, Hara," ani ni Ridge. "Ngunit wala ka nang dapat ipag-alala pa. Mananatili kaming ligtas para sa inyong kapakanan."

Isang impit na halakhak ang kanyang isinukli at saka inalo ang aking buhok. "Siya nga. Ito na ang huli nating pagkikita, ngunit magpapatuloy ang liwanag ng aking araw."

"Urduja . . ." hikbi ko habang mahigpit na nakayakap sa kanya. "Sisiguraduhin kong hindi ka malilimutan ng mga tao. Makikilala nila ang ngalan mo."

"Aasahan ko iyan, aking natatanging babaylan," matamis niyang bulong habang pinupunasan ang luha sa aking pisngi. "Hanggang sa ating muling pagkikita sa Kaluwalhatian. Paalam."

Muling umihip ang hangin at nagising ang tunay na diwa ni Soledad. Bakas sa kanyang mukha ang pagkalito sapagkat pareho kaming nakayakap ni Ridge sa kanya kaya agad kaming humiwalay. Ngumiti ako sa kanya at marahang hinawakan ang kanyang buhok.

"Maraming salamat," sambit ko at nabasag ang aking tinig. "Maraming maraming salamat."


***

Kabado akong humarap sa panel upang ipakita ang laman ng aking research paper. Gaya ng mga mungkahi nina Papa at Ridge ay ipinaliwanag ko nang maayos ang mga impormasyon at ipinakita ko rin ang ilang patunay sa mga ito, gaya na lamang ng talaan na napunta sa akin. Ayon sa pagsusuring ginawa nina Papa apat na taon na ang nakalilipas ay nasa anim na raan hanggang pitong daang taon na ang tanda nito—tugma sa pagtataguyod ng kadayangan at ng mga nayon sa hilaga. Idinagdag ko rin ang litrato ng mga kampilan ni Urduja at ang pag-iral ng kanyang angkan ngunit pinabubulaanan pa rin iyon ng ilang historians.

Matapos iyon ay nakipagkita ako kay Ridge upang ipagdiwang ang pagtatapos namin. Isa pa, nasasabik din ako dahil ngayon ang unang solar eclipse ng taon. Nakakatuwa dahil tila nagkataon ito sa mga nais naming ipagdiwang ngayong araw.

"Saan ka banda?" tanong ko habang kausap siya sa phone.

"Nasa gate na ako," sagot niya.

"Sige, papunta na ako."

Masaya akong nagtungo roon ngunit agad akong napahinto nang may matanaw akong kasama niya. Dali-dali akong lumapit at bago pa man ako makarating ay humarap na silang dalawa.

"Cyrene!"

Lumawak ang aking ngiti nang makita ko si Sally. Halos patakbo siyang lumapit sa akin at agad na sinalubong ng yakap.

"Bakit ka nandito?" tanong ko dahil ilang buwan din siyang hindi nagparamdam. "Mag-isa kang lumuwas?"

Isang malawak na ngiti rin ang kanyang isinagot. "Nakapasa ako sa unibersidad na ito. Gusto kitang sorpresahin at mukhang tagumpay ako!"

Lumingon siya kay Ridge at nag-thumbs up. Mukhang magkasabwat pa ang dalawa.

"Kumusta ang presentation mo?" singit ni Ridge.

"Okay naman," sagot ko. "Pwede na akong grumaduate."

Nagsimula kaming maglakad patungo sa bahay namin. Nais kasing makita ni Sally ang mga talaan na nasa akin at ang artipakto na na kina Ridge. Mula noong una naming pagkikita ay laging kami ang dumadalaw sa kanya. Nais niya raw kasing tapusin muna ang pag-aaral niya roon sa probinsya. Batid kong dito siya sa lungsod kukuha ng kurso sa kolehiyo ngunit hindi ko inaasahang sa parehong unibersidad siya mag-aaral.

"Siya nga pala," sabay bukas ni Ridge ng kanyang bag. Inilabas niya ang isang libro at inabot kay Sally. Maging ako ay napangiti nang makita ko iyon. "Kopya mo. Para sa'yo 'yan."

Agad naman iyong kinuha ni Sally at nagbago ang ekspresyon sa kanyang mukha. Nanubig ang kanyang mga mata ngunit pinigilan niya ang pagtulo ng mga luha.

"Patawad at ngayon lang iyan natapos," sambit ko. "Ngayon ay mahahayag na sa mundo ang kanyang kwento."

Sa loob ng apat na taon ay nagtulungan ang pamilya namin ni Ridge upang isulat ang kasaysayan ng Kaboloan at ng Hilagang Luzon. Ilang taon ng pag-aaral, pagsusuri at pagtitipon ng mga katibayan. Sa wakas ay nailimbag namin ang unang bahagi ng kanilang kasaysayan.

Mahigpit niyang niyakap ang libro. Mula pagkabata ay walang naniniwala sa kanila bilang kabilang sa angkan ni Urduja sapagkat itinuturing siyang gawa-gawa lamang. Kung anu-ano pang masasakit na salita ang kanilang natanggap dahil doon kaya't minabuti nilang itago na lamang nila ang kanilang pagkakakilanlan.

Ngunit ngayon ay mayroon nang sapat na patunay upang ilathala at ipahayag sa mundo ang nalimot na bahagi ng kasaysayan—ang buhay ng isa sa mga magigiting na mandirigma ng Pilipinas, ang buhay ni Hara Urduja.

"Maraming salamat," hikbi niya habang nakayakap pa rin nang mahigpit sa libro.

"Walang anuman," sabay naming sagot ni Ridge.

Sabay-sabay kaming napatingin sa kalangitan ngunit agad ding umiwas nang unti-unti nang natatabunan ang araw. Lihim akong napangiti sapagkat muli kong naalala ang unang pagkakataon na nakita ko si Urduja at kailanman ay hinding-hindi ko iyon malilimutan.

Bilang sagot sa kanyang liham ay isinulat ko sa huling bahagi ng libro ang mga salitang nais kong sabihin sa kanya:


"Pansamantalang pamamaalam, kaibigan;

Pangako sa iyo'y patuloy na kakamtan;

Pagdating ng hapon, muli kang masisilayan;

Ang tanging minimithi ay ang paglaganap ng iyong kadakilaan."


Walang hanggang pagpupugay. Hanggang sa muli nating pagkikita sa Kaluwalhatian, Urduja.


Ang iyong natatanging babaylan,

Sayi.


--- W A K A S ---


Continue Reading

You'll Also Like

8.2K 799 11
"If I could just steal all the happiness in the world, my life would be more interesting..."
239 131 22
Balang araw ay magiging katotohanan ang mga bagay na inakala nating suntok sa buwan. -- A compilation of prose and poetry from Usad, Manunulat's Week...
5.4M 165K 39
Maria Sigrid Ibarra has exceptional memory. She's already an achiever at such a young age, which is why she's sent to study at a prestigious Atlas U...
Card High By ain 𓆩♡𓆪

Mystery / Thriller

416K 661 1
EDITING ------------------------- Game of Cards (Book 2)