Babaylan

By purpleyhan

1.3M 79.9K 10.1K

Standalone novel || Mula sa pamilya ng historians at archaeologists, lumaki si Cyrene na may malawak na kaala... More

front matter
Panimula : Lihim na Liham
Kabanata 1 : Ang Prinsesa
Kabanata 2: Kahalili
Kabanata 3 : Mula sa Kasalukuyan
Kabanata 4 : Tadhana
Kabanata 5 : Ang Pagtatagpo
Kabanata 6 : Ang Mandirigma mula sa Timog
Kabanata 7 : Ang Binukot at ang Babaylan
Kabanata 8 : Mga Patnubay
Kabanata 9 : Bukod-Tangi
Kabanata 10 : Hinirang
Kabanata 11 : Patungo sa Hangganan
Kabanata 12 : Ang Nayon ng Sambal
Kabanata 13 : Pananagutan
Kabanata 14 : Pintakasi ng Buwan
Kabanata 15 : Kasunduan
Kabanata 16 : Dakilang Adhikain
Kabanata 17 : Mula sa Silangan
Kabanata 18 : Tungkulin
Kabanata 19 : Hara
Kabanata 20 : Ang Nayon ng Samtoy
Kabanata 21 : Kapulungan
Kabanata 22 : Kapantay
Kabanata 23 : Dayuhan Mula sa Silangan
Kabanata 24 : Ang Ikatlong Sisidlan
Kabanata 25 : Katipunan ng mga Pinuno
Kabanata 26 : Hudyat ng Kadiliman
Kabanata 27 : Pag-usbong ng Liwanag
Kabanata 28 : Pamamaalam
Kabanata 29 : Paglalakbay sa Silangan
Kabanata 30 : Hudyat ng Pagsisimula
Kabanata 31 : Tanglaw ng mga Tala
Kabanata 32 : Tala at Bulan
Kabanata 33 : Paghahanda
Kabanata 34 : Bilang Gabay ng Babaylan
Kabanata 35 : Pulang Buwan
Kabanata 36 : Sinag ng Araw
Kabanata 37 : Poot ng Kaboloan
Kabanata 38 : Pagpawi ng Liwanag
Kabanata 39 : Hilagyo ng Kalikasan
Kabanata 40 : Ang Huling Habilin
Kabanata 41 : Pagbagsak ng Kaboloan
Kabanata 42 : Paalam
Kabanata 43 : Pagbabalik sa Kasalukuyan
Kabanata 45 : Habi ng Tadhana
Katapusan : Walang Hanggang Pagpupugay

Kabanata 44 : Kasaysayan ng Kaboloan

8.2K 897 209
By purpleyhan


Tahimik lamang kaming naglalakad papunta sa sakayan. Tanaw ko pa rin ang katiting na hilagyo ni Apo Tala sa kanya at kahit papaano ay gumaan ang loob ko sapagkat ngayo'y alam ko nang totoo nga ang lahat ng nangyari.

Napatingin ako sa aking kamay. Naroon pa rin ang bakas ng marka ni Apo Bulan—ang kalahating buwan sa likod ng aking mga palad—ngunit unti-unti na ring naglalaho ang mga ito.

Ilang sandali kaming naghintay sa biyahe hanggang sa tinapik niya ako upang bumaba na kami. Napaawang naman ang aking bibig nang huminto kami sa isang napakalaking kalupaan.

"Tara?" sambit niya.

Agad akong tumingin sa kanya. "I-ito ang bahay n'yo?"

Isang pigil na halakhak ang isinagot niya. "Hindi lang naman ako ang nakatira rito."

Sumunod ako sa kanya ngunit patuloy kong nililibot ang aking paningin sa paligid. Binuksan niya ang gate at bumungad sa akin ang dalawang-palapag na makalumang bahay na yari sa kahoy at bato. Sa bandang kaliwa ay naroon ang hardin na puspos ng mayayabong na mga puno at halaman. Sa kanan naman ay mayroon pang isang palapag na bahay ngunit higit na mas matanda ito kaysa sa nasa gitna.

Nagtungo kami sa gitnang bahay at bago pa man kami makarating sa pintuan ay sumalubong sa amin ang isang babae at lalaki. Sa isang sulyap pa lamang ay batid ko nang sila ang kanyang mga magulang.

Gumuhit ang gulat sa kanilang mga mukha nang makita nila ako. Agad akong nilapitan ng kanyang ina at mahigpit na hinawakan ang aking mga kamay.

"Sa wakas ay nakita ka na rin namin," malambing niyang saad.

Huminga naman nang malalim ang kanyang ama sabay tingin sa kalangitan. "Wala ka nang dapat ipag-alala, Hara."

Agad akong tumingin kay Ridge dahil hindi ko alam ang dapat kong sabihin kaya naman sinabi niyang mayroon pa kaming kailangang gawin. Matapos iyon ay nagpaalam kami sa kanila at tumungo kami sa bahay sa kanang bahagi.

"Alam ba nila ang nangyari?" tanong ko habang naglalakad kami.

"Oo," sagot niya. "Matagal na naming hinihintay ang pagkakataong ito."

"Ano ang ibig mong sabihin?"

Huminto kami sa harapan ng bahay at bigla akong nakaramdam ng pangungulila. Marahan niyang itinulak ang pinto at sumunod ako sa pagpasok niya sa loob. Hindi ko inasahang isang malaking silid lamang iyon. Sumindi naman ang malamlam at dilaw na mga ilaw at napasinghap ako nang masilayan ko ang mga nakapaskil sa dingding.

"Ridge . . ."

"Natatandaan mo pa ba ang sinabi ko sa iyo noong una tayong magkita sa nakaraan?" tanong niya.

Muli kong inalala ang panahong iyon at tandang-tanda ko ang mga salitang kanyang binitiwan noong tinanong ko kung sino ba siyang talaga.

"Ridge Estrella. At mula ako sa angkan ni Bagim. Ngayon, naniniwala ka na ba na ang lahat ng ito ay itinadhana?"

Tumango ako at ngumiti naman siya. Itinuro niya ang limang malaking larawan na nasa bandang itaas ng dingding. Iginuhit lamang ang mga ito sa papel na mula pa sa sinaunang panahon at inilagay sa banhay upang mapangalagaan ang kalidad nito. Namuo ang mga luha sa aking mga mata nang mapagtanto ko kung sinu-sino ang mga iyon.

Tila nagbalik sa nakaraan ang aking kaisipan nang muli kong makita ang mukha nina Anam, Bagim at Urduja kahit mga guhit lamang ang mga ito.

"Ibig mo bang sabihin ay . . ."

"Siya nga," bulong niya. "Kami ang tagapangalaga ng bahagi ng kasaysayan ng Kaboloan. Bilang kasapi ng lahi ni Bagim ay mayroong iniwang tungkulin sa amin ang aming ninuno." Ngumiti siya habang nakatitig sa akin. "Nanatili siyang tapat kay Urduja at ipinagpatuloy niya ang pinakaminimithi ng Hara. At iyon ay ang matiyak ang kaligtasan ng kanyang babaylan sa kasalukuyan."

Tuluyan nang tumulo ang aking mga luha habang nakatitig sa larawan ni Urduja sa gitna. Hanggang sa huli ay ang kaligtasan pa rin ng iba ang kanyang inalala.

Nagtungo si Ridge sa gilid at mayroon siyang kinuha sa isang maliit na baul. Nang makabalik siya ay agad na bumilis ang tibok ng aking puso sapagkat ang mga salitang nakatala sa papel ay kawangis ng nasa aking kawayan. Kinuha ko iyon mula sa aking bag at ipinagtabi ang dalawa.

"Ito ang tanging kaugnayan namin sa nawawalang sisidlan," sambit niya. "Ayon sa aming mga ninuno ay ito ang magpapatunay sa katauhan ng sisidlan na aming hinahanap."

Muling bumalik ang aking isipan sa nakaraan. Sa aking pagkakatanda, ang sinabi ni Ridge noong napunta siya sa panahong iyon ay mayroon din siyang binasa at tiyak na ito ang tinutukoy niya. Ngunit sa halip na maliwanagan ay mas lalo lamang dumami ang katanungan sa aking isipan.

"Maaari bang isalaysay mo sa akin ang lahat?"

"Marapat lamang, punong babaylan," sambit niya at nagsimula ang aming paglalakbay sa kasaysayan.


***

Napasandal na lamang ako sa pader matapos ang halos isang oras niyang pagkukwento. Ayon kay Ridge, ang tungkuling nais isakatuparan ni Bagim ay ang paghahanap sa dalawang gabay na lumisan sa kasalukuyan—at kaming dalawa iyon. Nais niyang ipagpatuloy at dinggin ang huling kahilingan ni Urduja at ang tungkuling iyon ang isinalin at ipinamana ni Bagim sa kanyang mga anak at mga inapo.

Kaya naman iyon din ang naiwang tungkulin ni Ridge. Ngayon ay alam ko na kung bakit ganoon na lamang ang tingin niya noong una kaming magkita sa klase.

Tumabi siya sa akin at nagpakawala ng malalim na buntong-hininga. "Nakakatawa lamang dahil ngayon ko lang napagtanto na sarili ko ang isa sa mga taong nais kong mahanap."

Napangiti naman ako roon. "Dahil hindi mo sinabi kay Bagim na mula ka sa angkan niya."

Isang matunog na tawa ang isinukli niya. "Tiyak na hindi siya maniniwala. Isa pa, hindi ko alam na ganoon pala ang mangyayari."

Muli kaming natahimik at muli ring dumako ang tingin ko sa dingding kung saan nakaukit ang tala-angkanan ng kanilang lahi magmula kay Bagim. Nakakamangha lamang dahil nagawa nilang landasin ang kanilang pinagmulan. Doon ko rin napagtanto na naging tapat ang kanyang angkan sa pintakasi nitong si Apo Tala sapagkat noong nagpanukala ang mga Kastila ng pagpapalit ng kanilang bansag o apelyido ay pinili nila ang Estrella, na siyang salin ng tala o bituin sa Kastila.

Ngunit napansin ko ring walang tinukoy na kabiyak si Bagim, taliwas sa mga sumunod sa kanya.

"Hindi nakasaad kung sino ang naging kabiyak ni Bagim?" tanong ko.

Tumango naman siya. "Tanging siya at ang mga anak niya lamang ang nakakaalam. Hindi rin namin batid kung bakit hindi iyon nakatala sa aming tala-angkanan."

Bigla ko namang naalala ang sinabi nina Bagim at Urduja noon. Ayon kay Urduja, mananatili siyang dalaga at tanging ang makakatalo lamang sa kanya sa isang laban ang pipiliin niyang maging kabiyak. Kung nalupig man ang Kaboloan ng Tundun ay tiyak hindi pa rin niya ibibigay ang kanyang kamay sa sinumang may nais sapagkat kinamumuhian niya ang mga ito. Kung ganoon, maaring . . .

"Alam ko ang iniisip mo," marahang sambit ni Ridge at napagtanto kong nakatulala lang ako sa dingding. "Maaaring si Urduja ang naging kabiyak niya ngunit hindi rin natin tiyak kung nakaligtas siya sa digmaan. At kung ganoon nga, bakit nila ito itinago?"

Hindi naman ako nakasagot at muli kaming binalot ng katahimikan. Makalipas ang ilang sandali ay nabaling ang tingin niya sa akin.

"Pero masaya ako ngayon dahil sa wakas ay natuldukan na ang ilang daang taong hiling nina Bagim at Urduja," sabay ngiti niya. "Ngayong alam kong ligtas ka ay tiyak na matatahimik na rin ang kanilang diwa. Sapagkat para sa Hara, mas mahalaga ang kaligtasan mo kaysa sa kanyang dakilang adhika."

Hindi ko maiwasang hindi maluha at mapangiti dahil sa kanyang winika. Sa loob ng maikling panahon ay naging malapit ang loob ko kay Urduja at naging bahagi siya ng aking buhay. Sapagkat naging bahagi rin ako ng kanyang nakaraan ay mas lalong umigting ang kalungkutan sa aking kalooban dahil naglaho na lamang siya sa kasaysayan. Ni hindi siya itinuturing na totoo ng mga mananalaysay sapagkat walang katibayan na namuhay nga siya at naging pinuno ng Kaboloan.

Bigla ko namang naalala ang kasulatang natagpuan ni Mama kahapon sa attic kaya agad akong napatingin kay Ridge, na siyang ikinagulat niya.

"May paraan para malaman natin ang nangyari sa kanila," sambit ko.

"Paano?"

"Ang tala ng aking mga gabay."


***

Gumuhit ang gulat at pagkalito sa mukha ni Papa nang dumating ako sa bahay kasama si Ridge, ngunit bago ko pa siya maipakilala ay napasinghap si Lola na nasa likuran ni Papa, nang makita niya kami.

"Mayroon ka ring basbas, apo . . ." aniya habang nakatitig kay Ridge.

Napatingin siya sa akin, tila naghahanap ng kasagutan. "Tulad ko ay may kakayahan din si lola na makakita at makaramdam ng hilagyo ng mga diyos at diyosa," paliwanag ko. "Mula kami sa angkan ng mga katalonan at babaylan, at kahapon ko lang din iyon nalaman."

Pinatuloy kami ni Papa sa sala at sakto namang lumabas si Mama mula sa kanyang silid-aklatan habang hawak ang mga kasulatang nais kong mapasakamay. Napahinto siya at nabaling ang kanyang tingin kay Ridge.

Ngumiti si Mama sa kanya. "Ikaw ba si Magat?"

Maging ako ay napakunot ang noo nang tanungin iyon ni Mama. Lumapit naman siya sa amin at umupo sa aming harapan habang nasa gilid niya sina Papa at Lola. Inilapag niya sa mesa sa gitna ang mga tala nina Handiran at Iliway.

"Isinalin ko sa Filipino ang mga kasulatan na 'to," sabi niya. "Naka-dokumento rito ang mga nangyari. Sa aking tantiya, nangyari ang mga ito noong 1368 hanggang 1425." Muli siyang tumingin sa amin ngunit kitang-kita ang lungkot sa kanyang mga mata na tila nag-aalangang sabihin ang nilalaman ng nakalathala. "Sigurado ba kayong kaya ninyong pakinggan ito?"

Tila isang palaso ang dumaluhong sa aking dibdib dahil sa tono ni Mama ngunit makalipas ang ilang sandali ay tumango ako at ganoon din si Ridge.

"Kung ganoon ay pakinggan ninyo ang bawat salitang bibitiwan ko."

Muli kaming tumango at sa loob ng halos tatlong oras ay naisalaysay niya ang nangyari sa Kaboloan magmula sa aming pagdating hanggang sa kanilang kamatayan.


***

Pagtingin ko sa orasan ay alas-nuebe na ngunit hindi pa rin kami makapaniwala sa aming mga nakinggan. Narito kami ngayon sa labas ng bahay, sa harapan ng malaking punong ayon kay Lola ay narito na bago pa man dumating ang mga Kastila.

Tanging ang malamlam na ilaw sa aming balkonahe at mga alitaptap sa paligid ang nagbibigay liwanag sa aming kinatatayuan. Umihip ang malakas na hangin at kasabay noon ay ang pagpatak ng aking mga luha.

Sa salaysay ni Mama ay nakaligtas sina Urduja, Bagim at Anam matapos lusubin ng Tundun ang Kaboloan. Sapagkat malalim ang sugat na natamo ni Urduja ay iniligtas siya ni Anam habang naiwan si Bagim upang harapin sina Lakan Gambang at Ilati. Sapagkat halos natupok na ang halos kalahati ng kagubatan at ng nayon ay batid ni Urduja na iyon na ang katapusan ng kanyang kadayangan kaya't nais niyang pumanaw nang lumalaban.

"Ang tunay na Kaboloan ay hindi itong pook kundi ang mga mamamayan nito," saad ni Bagim nang ibilin niya si Urduja kay Anam. "At magpapatuloy ang Kaboloan hangga't tiyak ang iyong kaligtasan."

Naglakbay sina Anam at Urduja patungo sa nayon ng Samtoy at Agta. Naging matagumpay ang Tundun sa pagsakop sa Kaboloan ngunit napigilan ng mga kapanalig ng kadayangan ang pagpapalawig ng kanilang pananakop. Tumigil ang Tundun hanggang sa hangganan ng Kaboloan at Samtoy sapagkat higit na mas marami ang mga mandirigma ng Hilaga.

Makalipas ang isang yugto ng buwan ay itinala ni Iliway ang muling pag-usbong ng Kaboloan sa hangganan. Ilang ulit tinangkang bawiin ni Urduja ang kanilang nasasakupan ngunit higit na lumakas ang hukbo sa timog sapagkat ganap nang naging magkakakampi ang mga nayon ng Namayan, Seludong at Tundun, at si Lakan Gambang ang tumayong kataas-taasang pinuno.

Sa pagtatapos ng ika-labingapat na siglo ay minabuti ni Urduja na ipagpatuloy ang nasimulan namin ni Ridge na kalakalan sa pagitan ng Tsina at Hapon sa halip na subuking muli ang lakas ng kaharian ng Timog at naging matagumpay ang kalakan ng tatlong nayon. Ngunit naging pangangailangan ng Kaboloan ang pagbibigay ng buwis sa dalawang bansa kapalit ng pag-alalay ng mga ito sa nayon.

Nais ng Hara na manatili sa kasaysayan ang Kaboloan sapagkat iyon lamang ang paraan upang malaman ng naglahong pantas at babaylan ang aming kinahinatnan . . . upang kanilang malaman na kami ay laging maghihintay sa kanilang pagbabalik . . . at upang matiyak na sila ay ligtas sa panahong kanilang pinanggalingan, tala ni Iliway.

Ayon kay Iliway ay pumanaw si Urduja makalipas ang anim na raan at tatlong kabilugan ng buwan. Sa tantiya ni Mama ay limampung taon siya nang pumanaw, taong 1400, sapagkat bumigay ang kanyang katawan. Sa pagsasaliksik ni Iliway ay marahil ito sa patuloy na paggamit ng hilagyo at kapangyarihan ni Apo Init. Namuhay pa ng ilang taon sina sina Bagim at Anam at kanilang ipagpatuloy ang mga naiwan niyang adhikain.

Sa aking mga anak, at mga inapo, at ang mga susunod pa, laging pakatandaan ang ngalan ng aming mga tagapagligtas. Nawa'y inyo silang masilayan. Nawa'y masabi ang mga salitang aming kay tagal pinanghawakan:

Sa aming punong pantas at punong babaylan, Magat at Sayi, pagpupugay! Narito pa rin ang Kaboloan, ligtas at patuloy na maghihintay sa inyong pagbabalik. At hanggang sa muli nating pagkikita ay hindi ko hahayaang muling bumagsak ang ating tahanan.

Pumanaw si Anam taong 1403 habang si Bagim ay noon 1426. Isang taon ang lumipas ay sumunod na rin si Iliway at ipinagpatuloy ng kanyang mga gabay ang pagtatakda ng kasaysayan. Nakatala roon ang kanilang kagustuhang muling makita sina Magat at Sayi sa huling pagkakataon kaya naman kaybigat ng aking kalooban nang basahin iyon ni Mama sa amin.

Mayroon ding nakatalang anak si Urduja, si Uriyan, na isinunod sa ngalan ng kanyang nakatatandang kapatid na lalaki, habang si Bagim ay nagsilang ng dalawa—sina Sayiran at Amagat. Wala ring ngalang itinala sa kanilang mga kabiyak. Ang kanilang mga anak ang namuno sa Kaboloan sa kanilang pagpanaw.

Naging mayabong ulit ang Kaboloan at nagbalik-loob ang mga kaalyado nitong nayon sa kadayangan ngunit bago pa man sila makabawi sa Timog ay dumating ang mga Kastila sa kapuluan.

Gamit ang kapangyarihan ni Apo Anagolay ay nakita ni Iliway ang pagkatalo nina Lakan Kalamayin ng Namayan, Rajah Matanda at Rajah Sulayman ng Seludong, at Lakan Dula ng Tundun, sa kamay ng mga Kastila, sa pamumuno ni Miguel Lopez de Legaspi, matapos nilang tumungo sa look ng Maynila.

"Ito ang tinutukoy ng nakaraang katalonan at ang kagalang-galang na Lakan Gambang . . . ang pagdating ng mga dayuhang sisiil sa ating Kalayaan. Bilang hinirang ng mga diyos at diyosa sa kataas-taasang luklukan!"

Iyon ang isinigaw ng Lakan bago makipagdigma sa mga Kastila. Hanggang sa maging ang mga pinuno ng Gitnang Luzon ay hinikayat ang iba pang mga pinuno upang sugpuin ang mga dayuhang mananakop.

Sapagkat napalilibutan ng kabundukan ang Hilagang Luzon ay nahirapan ang mga Kastila sa pagtungo roon ngunit sa pag-uusig ni Martin de Goiti, ay nakarating ang mga Kastila sa kadayangan ng Hilaga, at tuluyang bumagsak ang mga naghaharing nayon sa kamay ng mga dayuhan.


***

Ilang gabi na rin akong hindi nakakatulog nang maayos sapagkat laman lang ng aking isipan ang lahat ng nangyari matapos naming bumalik sa kasalukuyan.

Ilang sitwasyon din ang aking naisip . . . mga pangyayaring kung naganap ay magbabago ang lahat.

Kung sakaling nagsanib-lakas ang Hilaga at Timog, kung sakaling nagkasundo sina Urduja at Lakan Gambang noon, magtatagumpay kaya ang mga sumunod na pinuno sa pagtaboy sa mga Kastila? Kung naroon pa rin kami at nabalaan namin ang mga susunod na henerasyon sa pagdating ng mga dayuhan, makapaghahanda ba sila? Maniniwala ba sila?

Ngunit hanggang tanong na lamang ang mga iyon sapagkat ilang daang taon na ang nagdaan.

Bumangon ako sa aking higaan at naghanda sa pagpasok. Nitong mga nakaraang araw ay lagi kaming magkasama ni Ridge upang pag-usapan at tuklasin ang mga nawalang bahagi ng kasaysayan ng Kaboloan.

Ayon kay Mama, upang maipalaganap ang Kristiyanismo sa Pilipinas ay ipinakalat ng mga Kastila na mangkukulam at sumasamba sa mga demonyo ang mga katalonan at babaylan, dahilan upang paghuhulihin at bitayin ang karamihan sa kanila. Iyon din ang dahilan kung bakit unti-unting naglaho ang hilagyo ng mga diyos at diyosa dahil wala nang namamagitan sa kanila at sa sangkatauhan.

Isa ang Kaboloan sa napuruhan nito sapagkat nagmatigas ang mga babaylan at mamamayan sa sila ay mananatiling tapat sa kanilang diyos at diyosang pinagsisilbihan. Bilang ganti ay sinunog nila ang buong nayon, kasama ang mga punong babaylan at kanilang kasulatan ng kasaysayan. Ginamit din nila ang nayon bilang halimbawa sa iba pang nayon na tatanggi sa pagtanggap ng Kristiyanismo bilang kanilang relihiyon.

Sapagkat nawala ang tala ng Kaboloan noong panahon ng Kastila ay walang naniniwala na tunay ang nayon at kadayangan, maging si Urduja, sa kasalukuyan. At nais naming baguhin iyon.

"Ridge, may nakita ka ba?" tanong ko habang mayroong dalang isang tumpok ng libro mula sa bahagi ng kasaysayan ng Pilipinas sa silid-aklatan.

"Wala pa," sagot niya habang naglilipat ng pahina.

Madalas ay inaasar na kami ng aming mga kaklase dahil halos hindi na kami mapaghiwalay lalo na tuwing break, ngunit mas nakatuon ang aming pansin sa bago naming tungkulin—ang pagbabanghay ng kasaysayan ng Kaboloan at ang pagpapatunay ng kanilang pag-iral, taliwas sa sinasabi ng mga historian na sila ay haka-haka lamang.

Huwag kang mag-alala, Urduja, sambit ko sa aking isipan. Sa pagkakataong ito, kami naman ang maghihintay. Hanggang sa tanggapin nila na tunay ka at ang Kaboloan, hindi kami titigil sa pagsasabuhay sa iyong kadakilaan.

Hanggang sa muli nating pagkikita. 


***

Continue Reading

You'll Also Like

327K 8.9K 63
"Aalamin ko ang totoong nangyari sa kamatayan mo." Date Started: April 28, 2018 Date Finished: May 14, 2018
9K 306 13
Amaltheia Orejola, the woman who has the innocent heart and pure. Nagsusumikap sa buhay, kaibigan ang tanging sandalan sa buhay. Paano kung may dumat...
M By Maxine Lat

Historical Fiction

6.6M 293K 17
#ProjectM II This work of fiction may include potentially disturbing readings, scenes and discussions around topics such as self-harm, physical viole...
5.1M 196K 44
Akala ni Jill Morie ay tapos na ang laban, matapos nilang matalo ang Memoire ay payapa na silang namumuhay ngayon sa Isla Ingrata. Subalit biglang ma...