CHAINS II: The Kidnapping Of...

By Kuya_Soju

40.3K 1.7K 356

Upang makuha ang atensiyon ng mga tao at sumikat online ay nagkunwari si Krystal Cuevas na siya ay nasa panga... More

PROLOGUE
CHAPTER 01
CHAPTER 02
CHAPTER 03
CHAPTER 04
CHAPTER 05
CHAPTER 06
CHAPTER 07
CHAPTER 08
CHAPTER 09

CHAPTER 10 [The Final Chapter]

4.2K 245 78
By Kuya_Soju

NOTE: May parte ang kwentong ito na hango sa totoong pangyayari. Kayo na lang ang humula kung alin o ano ;)

BUMALIK si Martha sa kusina para kumuha ng itak. Itinago niya iyon sa gilid ng kaniyang palda at naglakad pabalik kay Romer. Sa ginawang pagbabanta ng lalaki sa buhay niya ay tuluyan na nitong sinagad ang kaniyang pasensiya. Tuluyan nang nagdilim ang paningin niya sa sobrang galit kay Romer. Kung papatayin sila nito ay uunahan na niya ito.

“Napirmahan mo na ba ang kontrata, Martha?” tanong ni Romer pagkabalik niya.

Walang imik niyang ibinalik dito ang folder. Kumunot ang noo nito nang buklatin iyon at makitang wala pa ring pirma niya. “Niloloko mo ba ako? Ang sabi mo ay pipirma ka na pero ballpen mo ang gagamitin mo. Bakit wala pa ring pirma?!”

Mataas na ang boses ni Romer pero kalmado lang si Martha. Pangiti-ngiti pa siya.

“Kaya nga, ballpen ko nga ang ipipirma ko…” Pasimple niyang kinapa ang tanganan ng itak sa kaniyang gilid. “Pero ubos na pala ang tinta ng ballpen ko kaya naisipan kong… ang dugo mo na lang ang gagamitin kong pampirma sa kontrata mo!”

Nanlilisik ang mata na hinugot ni Martha nang mabilis ang itinatagong itak. Kitang-kita niya ang gulat at panlalaki ng mga mata ni Romer. Mabilis itong tumalikod para tumakbo nang mahulaan ang gagawin niya pero mas mabilis siya. Hindi pa man tuluyang nakakatalikod si Romer ay nahataw na niya ito ng itak sa kanang balikat. Dalawang beses. Lumikha iyon ng malaking uka doon. Nakita pa niya ang buto nito doon bago pumulandit ang dugo sa balikat ni Romer kasabay ng pagsigaw nito.

“Putang ina kaaa!!!”

“Akala mo ba ay natatakot ako sa iyo, Romer?! Hindi! Ikaw ang dapat matakot sa akin. Demonyo ka!” At muli niyang tinaga ang lalaki.

Sa pagkakataong iyon ay tinadtad niya ito ng taga sa likuran nito hanggang sa matumba ito sa lupa ng nakadapa. “Mamatay ka na! Hayop ka! Demonyo!” May mga dugong tumalsik sa braso, kamay at mukha niya pero wala siyang pakialam. Ang gusto niya ay mamatay na si Romer para wala nang nangungulit sa kanila.

Akala mo ay giniling na karne ng baboy ang likod ni Romer nang huminto siya sa pagtaga. Maging ang buto nito doon ay halos madurog na. Humihingal siya pagkatapos. Maya maya ay tumawa siya nang malakas habang masayang nakatingin sa walang buhay na katawan ni Romer dela Torre.

“Mama! Anong ginawa mo sa kaniya?” Tumigil siya sa pagtawa nang maulinigan ang boses ni Jimmy sa kaniyang likuran.

-----ooo-----

BUMILIS ang tibok ng puso ni Krystal nang may makita siyang ibang tao na tumuntong sa lupa nina Jimmy. Isang lalaki. Hindi niya kilala. Ngunit hindi na iyon importante dahil ang una niyang naiisip ay baka pwede niyang mahingan ng tulong ang taong iyon. Baka ito na ang pagkakataong hinihintay niya!

Paglabas ni Martha ay dinala siya ni Jimmy sa kwarto nito gaya ng utos dito ng nanay nito.

Napansin niya na tila balisa ang lalaki kaya hindi niya napigilang magtanong. “Sino ang lalaking iyon?” curious na tanong ni Krystal.

“Si Romer dela Torre. Gusto niyang bilhin itong lupa pero ayaw namin. Makulit siya! Ayaw niya kaming tigilan kahit ilang beses na naming sinabi na hindi namin ibinebenta itong lupa. Ito na lang kasi ang tanging alaala ng tatay ko, e. Saka baka bumalik siya kaya ayaw talaga namin.”

“Pero bakit parang kinakabahan ka?”

“Hindi mo ba nakita ang mukha ni mama? Galit siya. Baka magkagulo sila ni Romer!”

Maya maya ay narinig nila ang pagbukas ng pinto. Sumilip sila at nakita nila si Martha na pumunta sa kusina. Nakita din nila na may isinuksok itong itak sa gilid ng suot nitong palda. Malalaki ang hakbang na lumabas ulit ito ng bahay.

Pinag-aralan ni Krystal ang kilos ni Jimmy. Natataranta ito. Ramdam niya. Baka magagamit niya iyon para makalabas siya ng bahay.

“Jimmy, nakita mo ba? Kumuha ng itak si Martha. Baka nga may gagawin siyang masama doon kay Romer,” panggagatong niya. “Ang maganda siguro ay sundan mo siya!”

“K-kaya nga, e. Sige, dito ka lang. Huwag kang lalabas at baka madamay ka pa.”

“Sige. Dito lang ako.”

Agad na sumunod si Jimmy sa nanay nito sa labas. Siya naman ay binuhat ang bolang bakal at inumpisahang maglakad palabas ng kwarto. Ang balak niya ay humingi ng tulong sa taong iyon. Dapat ay malaman nito ang nangyayari sa kaniya para makahingi ito ng tulong kung hindi man ito magtatagumpay na maisama siya dito sa pag-alis sa impyernong ito.

Dahil sa buhat niya ang bolang bakal ay naging mabilis kahit papaano ang kilos niya. Paglabas niya ng pinto ay nakita niyang malapit na si Jimmy sa nanay nito. Takbo pa rin siya nang takbo hanggang sa magulantang siya nang makitang tinataga ni Martha ang lalaki habang nakadapa ito sa lupa. Akala mo ay lobong tinusok ng karayom na sumabog ang kaniyang pag-asa. Ganoon kabilis.

Sa paghinto ni Martha sa pagtaga sa lalaki ay sigurado siyang wala na iyong buhay.

“Mama! Anong ginawa mo sa kaniya?” Narinig niyang tanong ni Jimmy sa ina.

Humarap si Martha dito. Puno ng dugo ang damit at mukha nito. “Dahil nagbanta siya na papatayin tayo—” Natigilan ang babae nang mapadako ang mata sa kaniya. Tumalim ang mata ni Martha. “Anong ginagawa mo dito sa labas?! Tatakas ka?! Hindi ka talaga marunong umintindi!”

Malalaki ang hakbang na sinugod siya nito. Nang hawakan nito ang isa niyang braso ay nabitawan niya ang bolang bakal. Mabuti na lang at walang nabagsakan.

Itinaas nito ang itak sa era. Akmang tatagain siya nito. Mabuti na lang at mabilis itong napigilan ni Jimmy.

“Mama, huwag!”

“Bitiwan mo ako, Jimmy! Tatagain ko ang babaeng ito!”

“'Wag! Paano kami magkakaanak kung papatayin ninyo si Krystal?”

“Sabagay. Tama ka!” Ibinaba na ni Martha ang kamay na may hawak na kamay. Hinarap nito si Jimmy. “Tulungan mo ako. I-drive mo ang kotse ni Romer doon sa pinagtaguan ko ng sasakyan ni Krystal. Bilisan mo! Ako na ang bahala sa katawan ng demonyong iyan. Ako na ang maghuhukay ng libingan niyang sa likod ng bahay.”

Tumalima agad si Jimmy. Hindi pa rin makapaniwala si Krystal sa kaniyang nasaksihan. Pinatay ni Martha ang isang lalaki. Parang sanay na sanay ito sa ginawa nito. Walang pangingimi. At parang wala lang dito ang lahat. Siya nga na nakasaksi lang ay hindi makagalaw sa sobrang shock. Kulang na lang ay masuka siya sa kalunus-lunos na hitsura ng likod ng lalaki.

Talaga palang pumapatay si Martha. Mas lalo tuloy siyang natakot sa mag-ina.

“At ikaw, halika!” sinaklit ni Martha ang isang braso niya.

Kinaladkad siya nito pabalik sa loob ng bahay. Napakasakit ng kaliwang paa niya dahil hila niyon ang bolang bakal. Ikinulong siya nito sa kwarto ni Jimmy. May kandado iyon sa labas kaya hindi siya makakalabas.

Tulalang napaupo si Krystal sa higaan na naroon. Takot na takot siya sa pwedeng gawin ni Martha at Jimmy sa kaniya kapag may ginawa siyang hindi nagustuhan ng mga ito.

-----ooo-----

MABILIS na nag-drive si Jimmy gamit ang sasakyan ni Romer. Dinala niya iyon sa tagong lugar kung saan nila itinago ang sasakyan ni Krystal. Naroon pa rin iyon. Pagkadala niya doon ng sasakyan ay bumaba siya at naglakad pabalik ng kanilang bahay.

Balak niya sanang pigilan si Martha kanina pero huli na ang lahat. Saka naisip niyang tama rin ang ginawa ng nanay niya kay Romer. Dapat lang dito ang mamatay sa ganoong paraan dahil pinagbabantaan na nito ang buhay nila.

Pagbalik niya sa kanilang bahay ay pumunta siya sa may likuran. Naabutan niya si Martha na naghuhukay kung saan nakatanim ang mga luya nito at iba pang halaman. Isang pala ang gamit nito at may asarol pa sa isang tabi. Siguro ay nasa isang talampakan na ang nahuhukay nito. Ang bangkay naman ni Romer ay katabi lamang ng hinuhukay nito.

“Tulungan na kita, mama.”

Galit itong napatingin sa kaniya. “Puking ina ka! Anong ginagawa mo dito?!” May inis na dumampot ito ng lupa sabay bato sa kaniya. Nasapulan siya sa tiyan.

“Tutulungan ko na kayo sa paghuhukay para mapabilis.”

“Gusto mong isama kita sa pagbaon ko kay Romer? Umalis ka! Hindi ko kailangan ang tulong mo!” Pagtataboy nito.

Labis man ang pagtataka ay iniwan na lang niya si Martha at pumasok sa bahay. Ang ipinagtataka niya ay kung bakit nataranta at nagalit ito nang makita siya. Para bang meron itong itinatago na hindi niya maintindihan.

Ano kaya iyon? Tanong niya sa kaniyang sarili.

Hindi siya mapakali. Panay ang lakad niya sa salas. May kakaiba siyang nararamdaman. Sa reaksiyon ni Martha ay malakas ang kutob niyang may itinatago ito.

Hindi kaya may itinatago siya sa parte ng lupa na hinuhukay niya? Sabi ng isang bahagi ng isip ni Jimmy.

Umiling-iling siya. Huminto sa paglalakad. Isang desisyon ang nabuo sa utak niya. Tutal, mukhang hindi siya makakatulog hangga’t hindi niya natutuklasan ang itinatago ng nanay niya ay aalamin na niya iyon. Tahimik siyang naglakad sa kusina. Kumuha siya ng upuan at itinabi iyon sa dingding. Tumuntong siya doon at nang maabot ng mukha ang maliit na butas sa dingding ay sumilip siya doon. Mula sa butas ay nakikita niya ang walang tigil na paghuhukay ni Martha sa lupa.

Inabot din ng mahigit dalawang oras si Martha bago ito huminto sa paghuhukay. Napakalalim ng nahukay nito. Kulang-kulang limang talampakan din siguro iyon.

May nakita siyang isang bagay na inilabas ni Martha mula sa hukay. Isang bagay na pamilyar sa kaniya. Hanggang sa hinila na nito ang katawan ni Romer sa hukay. Umakyat ito at inumpisahan nang tabunan ng lupa ang ginawa nitong hukay…

-----ooo-----

ALA UNA na ng madaling araw. Mulat na mulat pa rin ang mata ni Jimmy. Katabi niya sa higaan si Krystal na mahimbing na ang tulog.

Hindi siya makatulog dahil hindi maalis sa utak niya ang bagay na nakita niya na nakuha ni Martha sa hukay. Isang wristwatch na pagmamay-ari ng kaniyang tatay. Siya ang nagbigay niyon dito dati. Minsan ay isinama siya ng tatay niya sa bayan at pumunta sila sa tindahan ng mga alahas. Isang relo ang tiningnan ng tatay niya pero hindi nito binili. Nakita niya sa paraan ng paghawak nito sa relo kung gaano nito iyon kagusto kaya tumatak sa isip niya ibibili niya iyon para dito.

Nag-ipon si Jimmy at nang magkaroon ng sapat na pera ay binili niya ang relo at iniregalo sa kaniyang tatay. Kaya hindi siya pwedeng magkamali—ang relo na iyon ang binigay niya sa kaniyang ama noon.

Kanina pa siya nag-iisip kung bakit nandoon iyon. Sa pagkakaalam niya ay hindi hinuhubad ng tatay niya ang relo na ibinigay niya dahil espesyal iyon para dito.

Hindi kaya… Ipinilig niya ang ulo upang mapalis ang naiisip.

Pero paano kung tama ang hinala niya? Iniisip pa lang niya ay kumukulo na agad sa galit ang dugo ni Jimmy. Hindi niya kayang makatulog hangga’t hindi niya nalalaman ang katotohanan kaya tahimik siyang bumangon at nagpunta sa likod ng bahay dala ang isang flashlight. Naroon pa rin ang pala at asarol na ginamit ni Martha para maghukay.

Ipinatong niya ang flashlight sa malapad na bato. Nakatapat ang liwanag niyon sa pinagbaunan ng bangkay ni Romer.

Kinuha niya ang pala at inumpisahan nang hukayin ang pinaghukayan ni Martha kanina. Madali lang iyong hukayin dahil kakalagay lang ng lupa. Binilisan niya ang kilos. Hindi niya ininda ang pagod dahil ang nasa utak niya ay malaman ang dapat niyang malaman!

Makalipas ang isang oras ay nahukay na ni Jimmy ang bangkay ni Romer. Tagaktak na ang pawis niya sa buong katawan. Hinubad niya ang sando at itinapon iyon sa ibabaw. Umakyat siya sa hukay at kinuha ang flashlight. Bumalik siya sa hukay at inilawan ang bawat sulok.

May nailawan siya na kakaiba. Hindi siya sigurado kung ano iyon kaya nilapitan niya. Gamit ang pala ay hinukay niya ang bagay na nakabaon sa lupa. Isang tela pala iyon. Hinila niya at ipinagpag ang lupang nakadikit doon.

Nang ilawan niya ng flashlight ang tela ay para siyang tinamaan ng kidlat nang malaman na isa iyong damit. Kulay berde na may numerong trese naka-imprinta sa gitna. Sa tatay niya iyon!

Nangatal ang baba ni Jimmy. Naghukay pa siya nang naghukay hanggang sa may mga buto ng tao at bungo siyang nahukay. Hiwa-hiwalay na ang mga iyon. May kasama pang shorts na sigurado siyang sa tatay niya.

Kung ganoon, sa tatay niya ang mga butong nandito!

“P-papa!” Pigil ang paglakas ng hagulhol ni Jimmy.

Umiiyak na sinamsam niya ang mga buto at ang buo. Niyakap niya iyon. Matagal siyang naghihintay sa pagbabalik ng tatay niya na ang akala niya ay umalis. Pero kahit pala mamuti ang mata niya sa paghihintay ay hindi na ito babalik dahil patay na ito.

Ang pagtangis niya ay napalitan ng poot. Hindi siya tanga para hindi malaman kung sino ang gumawa niyon sa kaniyang ama. Si Martha. Ito ang pumatay sa kaniyang mahal na tatay!

Hindi na siya nag-abala na muling tabunan ng lupa ang hukay. Nakakuyom ang mga kamao na pinuntahan niya si Martha sa tulugan nito. Hindi na isang nanay ang tingin niya sa babae kundi ang taong pumatay sa kaniyang ama.

Tinapik niya ito ng isa sa pisngi. Agad naman itong nagising.

“Jimmy?!” Pilit siya nitong inaninag sa kadiliman. “Putang ina ka! Bakit ka nang-iistorbo—” Isang suntok lang niya nang malakas sa mukha nito ay bumalik na agad ito sa pagkakatulog.

-----ooo-----

AGAD na nagsisigaw si Martha nang paggising niya ay nakakadena ang mga kamay at paa niya. Nasa hukay siya kung saan niya ibinaon ang katawan ni Romer. Nakaupo siya sa isang tabi. Medyo maliwanag na ang paligid. Mag-uumaga na. Nakita niya ang bangkay ni Romer malapit sa kaniyang paanan. Sa tabi niyon ay mga buto ng tao at isang bungo.

Umurong ang dila niya nang may tumalon mula sa itaas ng hukay. Nakatayong bumagsak sa harapan niya si Jimmy. “Pakawalan mo ako dito! Bakit mo sa akin ito ginagawa?! Wala kang utang na loob! Nanay mo ako, hayop ka!” Matalim ang tingin niya dito. Nagpupumiglas siya pero sadyang mahigpit ang kadenang nakapulupot sa mga kamay at paa niya.

Madilim ang mukha ni Jimmy. May poot sa mata.

“Anong ginawa mo kay tatay?! Bakit mo siya pinatay?!” pasigaw nitong tanong na labis niyang ikinagimbal. Papaano nito nalaman?

“'Di ba, ang sabi ko ay huwag kang pupunta dito! Hindi ka marunong msumunod—”

“Sagutin mo ang tanong ko!” Mabilis na lumapit si Jimmy sabay tadyak sa mukha niya.

Nahilo siya nang tumama ang ilalim ng sapatos nito sa buong mukha niya. May isang piraso ng ngipin na nalaglag mula sa kaniyang bibig. May kasama iyong dugo.

Maya maya ay tumawa si Martha. “Dapat lang sa tatay mo ang mamatay dahil wala siyang kwentang tao! Oo, Jimmy Boy! Pinatay ko ang tatay mo!” Pag-amin niya. “Pero hindi ako nagsisisi na ginawa ko iyon!”

“Hayop ka!” Isa pang tadyak sa mukha ang natanggap niya mula kay Jimmy. Tigam ng luha ang mga mata nito.

Tinawanan lang niya ulit si Jimmy. Diretso siyang tumingin sa mata ng kaniyang anak. “Alam mo bang merong ibang babae ang magaling mong ama? At ng araw na iyon ay iiwanan niya tayo. Kaya pinatay ko na lang siya kesa maging masaya siya sa ibang babae habang tayo ay nagdurusa! Mahal na mahal mo ang papa mo pero hindi ka niya mahal, Jimmy Boy! Iiwan ka niya dapat!”

Sunud-sunod na umiling si Jimmy. “Hindi totoo 'yan!”

“Totoo, Jimmy Boy!” Nanlaki ang mata ni Martha. “Sana ay nakita mo kung paano ko ginilitan ang leeg ng papa mo. Habang ang dugo niya ay umaagos sa aking kamay at braso! Sana ay nakita mo kung paano ko siya hinila at ibinaon sa hukay na ito! Sayang at hindi mo iyon nakita, Jimmy Boy!” Pang-aasar pa niya sa anak. “Kaya nga ayaw kong ibenta kay Romer ang lupang ito dahil baka madiskubre nila ang bangkay ng tatay mo! Iyon lang ang dahilan ko at wala nang iba!”

“Wala kang puso! Si papa na lang ang nagmamahal sa akin, pinatay mo pa siya!”

“Nagmamahal? Talaga? Mahal ka ba talaga ng tatay mo, Jimmy Boy? Hindi! Walang nagmamahal sa iyo kahit na ako na sarili mong nanay dahil abnormal ka! Kulang-kulang iyang utak mo! At sa tingin mo ba ay mahal ka ni Krystal? Hindi ka niya mahal dahil walang magmamahal sa kagaya mong baliw!” At tumawa siya nang tumawa.

“Gagawin ko din ang ginawa mo kay papa pero mas matindi. Mas mahihirapan ka!”

Naputol ang pagtawa niya. “A-anong ibig mong sabihin?” Napalitan iyon ng kaba. “Pakawalan mo ako dito, Jimmy Boy! Inuutusan kita! Nanay mo ako! Putang ina ka!”

“Simula ngayon ay wala na akong nanay. Tapos na ang pagiging sunud-sunuran ko sa iyo, Martha!” Ngumisi si Jimmy at umalis na sa hukay.

“Jimmy Boy! Isa!” Sa pagtingala niya ay sumalubong sa mukha niya ang sandamukal na lupang itinapon ni Jimmy sa kaniya gamit ang pala. May napunta sa bibig niya at mata. “Hayop kang bata ka!”

Nagwala siya pero kahit ang pagtayo ay hindi niya magawa.

Walang emosyong tinapunan siya ng lupa ni Jimmy. Mabilis ang bawat kilos nito.

“Hayop ka!!! Pakawalan mo ako dito!” Patuloy na sigaw niya.

Maya maya lang ay hanggang dibdib na niya ang lupang itinatabon nito sa kaniya. Sigaw pa rin siya nang sigaw. Sumisikip na ang dibdib niya. Ngunit tila walang balak na huminto si Jimmy sa pagbaon sa kaniya sa hukay ng buhay!

Tumawa na lang si Martha. “Hayop ka, Jimmy Boy! Patayin mo man ako ay wala pa ring magmamahal sa—” Hindi na niya nagawang tapusin ang sasabihin dahil tuluyan nang natabunan ng lupa ang buong ulo niya.

Sa una ay nakakahinga pa siya kahit papaano pero sa paglipas ng ilang segundo ay nawalan na siya ng hangin. Parang sasabog na ang dibdib niya. Pasikip nang pasikip ang lupa. Hanggang sa may tila pumitik sa kaniyang dibdib at ang kasunod niyon ay ang tuluyang pagyakap sa kaniya ng malamig at masakit na kamatayan…

-----ooo-----

MABILIS na lumipas ang mga araw. Isang buwan na ang nakakalipas simula ng makidnap si Krystal ni Jimmy. Nagtataka siya kung bakit ilang linggo na niyang hindi nakikita si Martha. Kapag tinatanong niya si Jimmy ay hindi ito sumasagot o kaya ay iniiba nito ang topic. Pero mabuti na rin kung wala si Martha sa bahay dahil si Jimmy lang ang pakikisamahan niya.

Hinihiling na lang niya na sana ay hindi siya mabuntis ni Jimmy. Hindi sa ayaw niyang magkaroon ng anak pero huwag naman sana sa kagay ni Jimmy. Ang gusto niya ay magkaroon ng anak sa lalaking mahal niya pagdating ng tamang panahon.

Hanggang ngayon ay may kadena pa rin ang isang paa niya. Medyo nasasanay na rin siya na meron siya niyon. Saka kahit papaano ay nakakagala siya basta sa lupain lang nina Jimmy. May pagkakataon nga lang na natatakot siya kay Jimmy dahil bigla na lang itong umiiyak. Natatakot siya na baka kapag nasiraan ito ng katinuan ay bigla na lang siya saktan o mas higit pa doon ang gawin sa kaniya. Baka… patayin na siya nito.

Iyon ang ayaw niyang mangyari kaya simula nang mapansin niyang nag-iiba na ang behavior ni Jimmy ay nagpaplano na siya kung paano siya makakaalis dito. Lalo na ngayong wala si Martha. Sa tingin niya ay madali niya iyong magagawa.

May nabuo na siyang plano. Nag-aabang lang siya ng magandang pagkakataon. Lahat din ng gusto ni Jimmy ay sinusunod niya para mas magtiwala pa ito sa kaniya. At mukhang kahit papaano ay nakukuha na niya ang tiwala ng lalaki.

“Magluto ka na, Krystal. Nagugutom na ako,” utos ni Jimmy ng tanghaling iyon. Kapwa sila nakaupo sa sira-sirang sofa habang nanonood sa telebisyon.

“Wala na tayong gas, e. Naubos na kaninang umaga.”

“Ganoon ba? Bibili na lang ako sa bayan—”

“Naku, huwag na. Matagal pa iyon saka mapapagod ka pa. Alam mo namang ayokong napapagod ka, Jimmy.” Isang pilit na ngiti ang ibinato niya sa lalaki.

Ngumiti rin ito sabay haplos sa kaniyang pisngi. “Ngayon ay hindi na ako naniniwalang walang magmamahal sa akin… Mahal mo na ako, Krystal?”

“O-oo naman. Nahulog na ang loob ko sa iyo dahil palagi tayong magkasama. Sino ba kasing nagsabi na walang magmamahal sa iyo?” Ang lahat ng iyon ay kasinungalingan. Sinasabi lang niya ang gustong marinig ni Jimmy pero ang totoo ay nandidiri pa rin siya dito hanggang ngayon.

Umiling ito. Umiwas ng tingin. “W-wala…”

Pilit na pinasaya ni Krystal ang kaniyang boses. “So, ano na? Gutom na rin ako, e. Ano kaya kung magpa-deliver na lang tayo? Pizza! Gusto ko niyon!” aniya.

May pagdududang tumingin si Jimmy. “Magpapa-deliver? Baka lumabas ka kapag dumating ang delivery boy…”

“Wala ka pa rin bang tiwala sa akin? Edi, kahit ikulong mo ako sa basement pagkatapos nating um-order. Nasaan ba ang cellphone mo? Ako na lang ang oorder.”

“Sige. Ganoon na lang. Hindi ka lalabas ng basement hangga’t hindi nakakaalis ang delivery boy.” Inibot nito sa kaniya ang cellphone. “Um-order ka na ng gusto mong pizza. Dito ka lang sa tabi ko at baka kung ano ang sabihin mo sa makakausap mo, e.”

Agad na kinuha ni Krystal ang cellphone at nag-dial ng number. Paglapat niya sa kaniyang tenga ay ilang segundo lang iyong nag-ring at may sumagot agad.

“Pa-order po ako ng pizza!” Agad na sabi niya. “Alam ko po. Yes po.” Tumango siya sabay tingin kay Jimmy. Ngumiti siya. “Yes, may pepperoni. Wala. Walang pineapple. Yes. May hot sauce.”

Sandali niyang inilayo ang cellphone sa tenga upang kausapin si Jimmy. “Ano bang address dito?” tanong niya. Sinabi ni Jimmy ang address at sinabi din niya iyon sa kausap niya sa cellphone. “Okay po. Maraming salamat. Willing to wait po. Bye!”

Pagkatapos tumawag ay ibinalik na niya kay Jimmy ang cellphone. Dinala na siya nito sa basement at ikinulong.

-----ooo-----

MAGDADALAWANG oras nang naghihintay si Jimmy sa pagdating ng magde-deliver ng pizza pero wala pa ring dumarating. Naiinip na siya. Nalipasan na rin siya ng gutom. Tumayo na siya sa harapang ng telebisyon. Pinatay niya iyon. Bibili na lang siguro siya sa labas ng kung anong pwedeng makain. Siniguro niyang naka-lock ang pinto ng bahay bago siya umalis. Kung dumating man ang delivery boy ng wala siya ay hindi nito maririnig si Krystal kahit magsisigaw pa ito.

Pagkalabas ng gate ni Jimmy ay nagulantang siya nang may makitang dalawang magkasunod na kotse ng pulis na paparating. Bigla siyang ginapangan ng takot kaya napabalik siya sa loob ng bahay. Natatakot siya na baka may nakaalam na nandito si Krystal!

Ikinandado niya ang pinto at sumilip sa bintana. Huminto ang sasakyan ng pulis sa harapan ng kanilang gate at bumaba doon ang anim na mga pulis. Dalawang babae at apat na lalaki. Armado ng malalaking baril ang apat na lalaki kaya mas lalo siyang natakot.

“Puta! Anong ginagawa dito ng mga parak?” tanong niya habang nakasilip sa bintana.

Maya maya lang ay kumakatok na ang mga ito sa pinto ng bahay.

“Anong kailangan ninyo?! Umalis kayo!” Pagtataboy ni Jimmy.

“May nag-report sa amin na meron ditong kinidnap na babae. May search warrant kami.”

Natigilan si Jimmy. Sino naman kaya ang nag-report?

“Kung sino man ang nag-report sa inyo, sinungaling! Walang babae dito. Ako lang ang mag-isang nakatira dito!”

Hindi na sumagot ang mga pulis. Nagulat na lang siya nang biglang bumukas ang pinto at pumasok ang anim na pulis. “Halughugin ninyo ang buong bahay!” utos ng lalaking pulis na may malaking katawan.

Nang aapela siya ay ibinigay sa kaniya ang search warrant.

Gusto sana niyang pigilan ang ang mga pulis pero natatakot siya sa mga baril na dala ng mga ito. Wala na siyang nagawa nang kumilos na ang limang pulis para halughugin ang bahay niya.

Makalipas ang ilang minuto ay bumalik 'yong isang babaeng pulis. “Sir, may nakita po kaming babae sa basement!” deklara nito na naging dahilan para manlamig nang husto si Jimmy.

-----ooo-----

BUMUKAS ang pinto ng basement at ganoon na lang ang tuwa ni Krystal nang may bumabang babaeng pulis. Umalis ito saglit at pagbalik ay may kasama nang dalawang lalaking pulis. Tinulungan siya ng mga ito na makalabas ng basement.

Pagdating sa labas ay nakita niya si Jimmy na nakaposas habang hawak ng isang pulis. Kinuha ng isang pulis ang susi ng kandado sa kaniyang paa. Sa wakas ay naalis na ang kadena sa kaniyang paa. Hindi niya napigilang maiyak dahil sa labis na kasiyahan.

Nagtama ang mata nila ni Jimmy. Galit na galit ito. “Paano ka nakapag-report? Paano?!” Tumalsik pa ang laway nito sa sobrang poot.

Nakakalokong ngumiti si Krystal. “Pina-order mo akong pizza, 'di ba?” Pagkasabi niya niyon ay bumalik sa alaala niya ang naging usapan nila kanina ng nakausap niya sa cellphone nang pina-order siya ni Jimmy ng pizza…

“Pa-order po ako ng pizza!”

“Miss, mali ka ng tinawagan. 117 ito. Automatic na nada-direct ang tawag dito from 911. Ito ay national and official emergency hotline.” Isang babae ang sumagot sa tawag niya.

“Alam ko po…”

“Alam mo pero umu-order ka ng pizza sa 117? Sandali, may emergency ba? Nasa panganib ka ba, miss?”

Yes po.”

“Okay. Kuha ko na. Siguro ay nasa tabi mo ang taong kinatatakutan mo kaya hindi mo masasagot ng diretso ang mga tanong ko. Inaabuso ka ba? Kidnapped?”

“Yes, may pepperoni.”

“Okay. Kinidnap ka. May kasama ba ang kumidnap sa iyo?”

“Wala. Walang pineapple.”

“Matagal ka na ba diyan?”

“Yes. May hot sauce.”

“Ibigay mo sa akin ang complete address para matulungan ka namin.” Doon na niya ibinigay ang address na sinabi ni Jimmy nang tanungin niya ito.

“Sige. Ifo-forward ko ang case mo sa police station na malapit diyan para mapuntahan ka agad at matulungan. Maghintay ka lang. Darating din sila!”

“Okay po. Maraming salamat. Willing to wait po. Bye!”

Nanatiling tahimik si Krystal habang nakatingin kay Jimmy. Nagwawala na ito. Nagtatanong kung paano niya nagawang makatawag ng pulis.

Nilapitan niya ito. May takot pa rin pero pilit niyang tinapangan ang sarili habang nakatitig dito. “Gusto kong ipaliwanag sa iyo kung paano pero sa hina ng utak mo ay baka hindi mo rin maiintindihan. Ito lang ang sasabihin ko sa iyo, Jimmy. Tapos na ang paggapos mo sa akin ng kadena! Ikaw naman ang makakaranas kung paano makulong! Lahat ng kasong pwede kong ikaso sa iyo ay gagawin ko para lang hindi ka na makalabas. Demonyo ka!” Tumiim ang bagang niya.

Inilayo na ng mga pulis si Jimmy sa kaniya at isinakay sa isang sasakyan ng pulis.

“Tara na. Kailangan kang dalhin sa ospital para ma-check up…” Inakbayan siya ng babaeng pulis at inalalayan sa paglalakad.

“Salamat po! Maraming salamat!” Naiyak na naman si Krystal.

Napakasaya niya. Sa wakas ay natapos na ang paghihirap niya sa kamay ni Jimmy. Makakabalik na siya sa kaniyang tatay na matagal na niyang hindi nakakasama.

-----ooo-----

NAGING laman ng lahat ng balita ang nangyari kay Krystal. Lahat ay gusto siyang ma-interview pero tumanggi muna siya. Ang gusto niya ay makasama na ang kaniyang tatay. Kaya matapos ma-check up sa ospital ay nagpahatid na siya sa bahay nila.

Ngunit ganoon na lang ang kaba niya nang pag-uwi niya ay wala doon ang tatay niya. Ang unang pumasok sa isip niya ay baka kung ano na ang nangyari dito.

Hanggang isang sulat ang nakita niyang nakapatong sa ibabaw ng lamesa sa kusina. Binasa niya ang nakasulat doon. Isang number at ang sabi, kung nais daw niyang makita ang tatay niya ay tawagan niya ang number na nakalagay sa papel.

Takot na takot si Krystal. Paano kung ang tatay naman niya ang nakidnap? Ang unang pumasok sa utak niya ay si Martha. Kung may gagawa man niyon sa tatay niya ay ang babae lang ang may kakayahan. Hindi imposibleng malaman nito kung saan sila nakatira. Baka iyon ang dahilan kung bakit nawala bigla si Martha!

Humanda ka sa akin kapag sinaktan mo si papa, Martha! Turan niya sa sarili. Kinuha niya sa bulsa ang cellphone na ipinahiram sa kaniya ng babaeng pulis at tinawagan ang numerong nakalagay sa papel.

-----ooo-----

SA isang disenteng bahay dinala si Krystal ng address na ibinigay ng babaeng nakausap niya kanina nang tawagan niya ang numero sa papel. Nagpahatid siya sa mga pulis doon para masiguro niya ang kaniyang kaligtasan.

Nagulat pa siya ng isang dalagita ang nagpapasok at humarap sa kaniya.

“Ako po si Grace. Nakasubaybay ako sa post mo, Miss Krystal.”

“Ang tatay ko, nasaan?” Mukhang sa hitsura ni Grace ay wala naman siyang dapat ikatakot.

“Nasa kwarto po siya. Nagpapahinga.”

“Bakit nandito si papa?”

“Sorry kung dinala ko siya dito sa bahay namin. Nang makita ko kasi ang post mo na humihingi ka ng tulong ay naisip ko na what if totoo nang nakidnap ka? Kaya inalam ko ang address mo doon sa police station na napagtanungan ko ng tungkol sa iyo before. Actually, hindi nila ibinigay agad. Nagbayad pa talaga ako sa isang pulis.” Natawa nang kaunti si Grace. “To cut the story short, pumunta ako sa bahay ninyo. Walang sumasagot pero hindi naka-lock ang pinto kaya pumasok na ako. Doon ko nakita ang father mo na nakahandusay sa sahig. Akala ko ay patay na siya kaya humingi agad ako ng tulong para madala siya sa ospital. Ilang araw na pala siyang hindi nakakainom ng maintenance niya. Dehydrated din siya. 'Buti na lang ay gumaling siya. Nang ma-discharged siya sa ospital ay nag-volunteer ako na dito muna siya sa bahay hanggang sa dumating ka. Kaya nag-iwan ako ng note sa bahay ninyo.”

Sa sinabing iyon ni Grace ay napaiyak si Krystal. Tumayo siya at niyakap ang dalagita. “Thank you! Hindi ko alam kung paano ka papasalamatan! Salamat, Grace!”

“You’re welcome! Masaya rin ako na nakalaya ka na sa kunidnap sa iyo at napatunayan mong hindi ka nagsisinungaling, Miss Krystal.”

Maya maya ay kumalas siya sa pagkakayakap kay Grace. “Si Papa… pwede ko na ba siyang makita?” tanong niya habang pinupunasan ng panyo ang luha.

“Oo naman po. Miss na miss ka na rin niya. Halika po…”

Pinauna na niya si grace at sumunod siya dito. Pumasok sila sa isang silid at doon ay tuluyan nang bumuhos ang luha niya nang makita ang kaniyang papa na maayos na nakahiga sa isang kama. “Papa!” masayang tawag ni Krystal sa ama at sinugod niya ito ng mahigpit at puno ng pagkasabi na yakap.

“Anak ko! Krystal! Salamat sa Diyos at ligtas ka!” Maging ito ay napaiyak na rin.

-----ooo-----

WALANG pangingiming itinuloy ni Krystal ang pagsampa ng kaso kay Jimmy. Nadagdagan pa ang krimeng nagawa nito nang malaman ng lahat na pinatay nito ang sariling ina. Natagpuan ang bangkay ni Martha sa likod ng bahay ng mga ito. Sinabi niya kasi sa mga pulis na may ibinaong tao si Martha sa likod-bahay.

Sa paghuhukay ay nagulat ang mga pulis na matagpuan ang katawan doon ni Martha na merong kadena sa kamay at paa. Agad namang umamin si Jimmy na siya ang responsible sa kamatayan ni Martha.

Bukod sa bangkay ni Martha at Romer ay may kalansay din ng tao na natagpuan sa hukay. Sa huli ay nalaman nila na iyon ay labi ng tatay ni Jimmy na ang akala ng lahat ay nawawala lang. Nanggaling din mismo kay Jimmy na tatay nito ang kalansay. Pinatay daw iyon ni Martha dahil sa labis na selos…

Sa kasalukuyan ay nagsisimula na ulit si Krystal Cuevas. Marami ang naantig at naawa sa nangyari sa kaniya kaya dumagsa ang tulong. Ginamit niya ang perang nakuha para makapag-aral ulit. Gumawa din siya ng isang online shop sa tulong ni Roxanne. Nagbebenta sila ng mga murang damit at make up. Minsan ay tinutulungan din sila ni Grace sa pagpo-promote ng kanilang online store. Naging kaibigan na rin niya kasi ang dalagita.

Ngayon ay tahimik na siyang namumuhay kasama ang kaniyang ama. Binawasan na niya ang social media hindi kagaya dati na halos doon na nauubos ang oras niya para lamang sumikat. Hindi na rin siya nagva-vlog. Mas itinuon niya ang kaniyang pansin sa totoong buhay—ang buhay sa labas ng internet.

At si Jimmy? Nasa kulungan pa rin ito. Gumugulong pa rin ang kaso. At naniniwala si Krystal Cuevas na sa pagkakataong ito ay papaniwalaan na siya ng lahat. Hindi na siya makapaghintay na makuha ang hustisyang nararapat para sa kaniya!


















MARAMING SALAMAT SA PAGBABASA!
PLEASE COMMENT AND VOTE. KEEP SAFE!

Continue Reading

You'll Also Like

695K 47.2K 44
Crime and murder podcaster Wren Lozarte is desperate to earn money for her ailing uncle so she accepts a strange but high-paying offer from a mysteri...
3.8K 271 9
A collection of GxG and BxB stories that will either leave a smile on your face or leave you in tears.
44K 1.3K 19
Ako si Adam, at isa akong multo, pero hindi ko maalala kung ano ang unfinished business ko kaya hindi matahimik ang kaluluwa ko. Iyon ang dahilan kun...
197K 6.4K 35
Fright Night. Tuwing huling Biyernes ng buwan, bago sumapit ang hating gabi ay nagkikita-kita ang magbabarkadang sina Ryan, Ed, Cez, Kai at Joy sa li...