Heaven Can Wait

By Kuya_Soju

22.2K 1.1K 109

Dalawang taong may magkaibang sitwasyon ang magkakapalit ng katauhan. Isang gusto nang mamatay at isang mamam... More

TEASER
CHAPTER TWO
CHAPTER THREE
CHAPTER FOUR
CHAPTER FIVE
CHAPTER SIX
CHAPTER SEVEN
CHAPTER EIGHT
CHAPTER NINE
CHAPTER TEN

CHAPTER ONE

3.6K 138 24
By Kuya_Soju

Kyline’s POV


MALALAKI ang mga hakbang ko patungo sa CR ng babae ng school namin. Walang patid ang pag-agos ng luha sa aking mata. Para bang hindi na matatapos ang mga luhang iyon. Nang marating ko ang CR ay dumiretso ako sa isang bakanteng cubicle at malakas kong isinara ang pinto. Umupo ako sa bowl at doon ko pinakawalan ang hagulhol na kanina ko pa pinipigilan.

Isinubsob ko ang aking mukha sa dalawa kong palad upang doon umiyak. Taas-baba ang aking balikat at halos hindi na ako makahinga dahil sa pag-iyak.

Ang sakit. Napakasakit!

Ano ba ang napapala nila sa pamamahiya sa akin? Masaya ba sila na nakikita nila akong napapahiya at nahihirapan? Ano ba ang masama sa pagbebenta ng tinapa at tuyo para lang may pangtustos sa aking pag-aaral? Mabuti nga sila may mga magulang sila na nag-aalaga sa kanila at hindi sila pinapabayaan. E, ako? May nanay at tatay nga ako pero anak ba ang turing sa akin? Hindi! Ang turing nila sa akin ay isang alila na kailangan silang pagsilbihan.

Simula nang tumuntong ako sa edad na labing-isa ay nagsimula na akong magtrabaho. Napansin ko kasi na parang wala nang balak na pag-aralin pa ako ng aking mga magulang kaya naman ako na lang ang gumawa ng paraan. Sa murang edad ay natuto akong mamalimos sa kalye. Nangangatok ako sa mga kotse at nanghihingi ng kaunting barya para lang may makain. Ang nanay at tatay ko? 'Ayon! Magka-buddy sa paggamit ng bawal na gamot. Nagbebenta rin sila pero iyong perang napagbebentahan nila ay ibinibili lang din ng bisyo nila. Mag-isang anak lang nila ako pero hindi nila ako magawang maitaguyod.

Labis talaga ang inggit ko sa mag-anak na may maraming anak ngunit iginagapang pa rin ng nanay at tatay nila.

Minsan nga, iniisip ko na ako na ang pinaka malas na tao sa buong mundo. Sa bahay, daratnan ko ang magulang kong gumagamit ng bawal na gamot. Dito naman sa school, paborito akong i-bully ng mga bully dahil sa nagbebenta ako ng tinapa at tuyo. Amoy tinapa na daw ako. Ganoon sila. Ang saya-saya nila kapag nabu-bully nila ako. Hindi ko naman magawang mag-sumbong sa teachers dahil lalo lang lalaki ang gulo. Mas okay na sarilinin ko na lang itong pinagdadaanan ko.

Katulad na lang kanina, habang kumakain ako sa canteen at mag-isa ay nilapitan ako ng mga kaklase kong babae sa pamumuno nina Sarah. Nang makita nila na tinapa at kamatis ang kinakain ko ay pinagtawanan nila ako.

“Hindi ka pa ba nagsasawa sa tinapa, Kyline? My God! Mukha ka nag tinapa!” Tandang-tanda ko pa ang sinabi ni Sarah.

Ang lakas ng pagkakasabi nito kaya naman narinig ng ibang naroon pa. Umugong ang malakas na tawanan. Napahiya ako. Sinamsam ko ang gamit ko at tumakbo palabas ng canteen. Masakit na mapagtawanan sa harap ng maraming tao kaya mas minabuti ko na lang na lumayo sa lugar na iyon.

Ibinuhos ko nang ibinuhos ang lahat ng sama ng loob ko sa pamamagitan ng pag-iyak. Maya maya ay nagsawa na yata ang mata ko sa pagluha at wala na iyong inilabas. Kinuha ko ang panyo sa aking bulsa at pinunasan ang aking mukha. Lumabas na ako ng cubicle at humarap sa malaking salamin sa CR. Binuksan ko ang gripo at naghilamos.

Biglang pumasok si Sarah sa CR kasama ang dalawa pa niyang kaibigan na sina Debbie at Ella. Anak-mayaman ang tatlo kaya sila ang palaging magkakasama.

Natigilan sila nang makita ako.

“Naku! Kaya naman pala amoy tinapa dito bago tayo pumasok. The Tinapa Girl is here!” Nakakainsultong turan ni Ella.

“Eww! Tara na nga! Baka mag-amoy tinapa pa tayo!” ani Sarah at umalis na ang tatlo habang pinagtatawanan siya.

Hindi ko man lang nagawang ipagtanggol ang sarili ko sa kanila. Nakatitig lang ako sa sarili kong repleksiyon. Kung galit ako kina Sarah ay mas galit ako sa aking sarili. Bakit? Dahil hindi ko magawang ipagtanggol ang sarili ko sa kanila. Hindi ko magawang lumaban! Dahil takot ako!

“Gaga ka talaga, Kyline! Ang tanga-tanga mo!” Pinagsusuntok ko ang sarili kong ulo habang umiiyak na naman. “Ang tanga mo! Tanga ka! Tanga!”

“Kyline!” Sa pagkakataon na iyon ay dumating ang nag-iisa kong kaibigan na si Renren.

Isa siyang payat na bakla na masayahin. Ewan ko ba sa kanya kung bakit nagtitiyaga siyang kaibiganin ako, e, ang boring ko naman kasama. Nag-transfer siya sa school namin last year noong Grade 9 kami. Grade 10 na kami ngayon at ako lang talaga ang kinaibigan niya. Wala nang iba. Kahit minsan at ipinagtatabuyan ko na siya, palagi pa rin siyang nandiyan para sa akin lalo na kapag alam niyang binu-bully ako nina Sarah.

Mabilis na lumapit sa akin si Renren at hinawakan ang dalawa kong kamay na sinusuntok ang aking ulo. “What are you doing, Kyline?! Sinasaktan mo na naman ang sarili mo!” Pigil niya sa akin.

“Hayaan mo na nga lang ako!”

“Anong hayaan?! Hindi ako gaga para hayaan kang saktan ang beautiful self mo! Gusto mo, itali pa kita ng severe para hindi mo na masaktang sarili mo!”

Malakas kong ipiniksi ang aking kamay at nakawala ako kay Renren.

“Bakit ka ba nangingialam, ha?” Matalim ang tingin na tanong ko.

“Kasi kaibigan mo ako!”

“Kaibigan? Kaibigan mo lang ako kasi naaawa ka lang sa akin, Renren!” Tinabig ko sa balikat si Renren nang palabas na ako ng CR. Dire-diretso lang ako sa paglalakad pabalik sa classroom namin.

“Hoy! Kyline! Hindi totoo ang sinasabi mo. Dahil kung naaawa lang ako sa iyo, magdo-donate na lang ako ng pera sa iyo. Kinakaibigan kita dahil gusto ko. Wala nang ibang rason!” Nakahabol pa rin sa akin si Renren.

Naabutan niya ako at nahawakan sa braso.

“Kaibigan mo ako, Kyline… Hindi dahil sa naaawa ako sa iyo o kung anuman. Kaibigan mo ako dahil kaibigan mo ako.”

Aaminin ko, tumagos sa puso ko ang sinabi ni Renren pero hindi pa rin maalis sa isipan ko na naaawa lang talaga siya sa akin. Saka, sino ba naman kasi ang gugustuhing maging kaibigan ang katulad ko? Mahirap na nga, nagtitinda pa ng tinapa at tuyo. May mga magulang na adik at nakatira sa squatter’s area.

Wala naman, 'di ba?

Hindi rin naman ako mabuting tao para gustuhing maging kaibigan. Negatibo ang tingin ko sa buhay. Hindi ako nagsisimba dahil hindi na ako naniniwala na may Diyos. Kung meron, bakit ako naghihirap ng ganito? Bakit pa Niya ako binuhay para lang mahirapan? Akala ko ba mahal Niya ang lahat ng tao? Bakit ako ganito? Kaya para sa akin, walang Diyos! Kahit kailan ay hindi ko naramdaman ang sinasabi nilang pagmamahal Niya. Kahit isang beses! Puro pasakit at paghihirap ang nararanasan ko! Minsan nga, iniisip ko na lang na magpakamatay para matapos na ang lahat ng ito. Iyon na lang kasi ang naiisip kong paraan para makatakas sa mga paghihirap ko.

Hindi ko na lang pinansin ang mga sinabi ni Renren. Kumawala ako sa pagkakahawak niya at pumunta na ako sa classroom namin. Pagdating ko doon ay eksaktong dating din ng teacher namin sa Math. Umupo na ako sa upuan ko na nasa pinaka huling row. Mas gusto ko kasi doon kesa nasa unahan ako para hindi ako makita ng lahat. Isa pa, nasa unahan sina Sarah. Alam ko na makakabangga ko lang sila doon. Pagpasok ko pa nga lang kanina ay nakatingin na sila sa akin habang iniinsulto ako sa pamamagitan ng kanilang mga ngiti.

Tumabi sa akin si Renren. Hindi na siya nagsalita. Marahil ay napagod na rin siya. Iyon naman talaga ang gusto ko, e. Ang mapagod siya at maisip niya na wala akong kwentang kaibigan, na boring ako.

“Okay, class… Na-check ko na ang periodical exam niyo at ang may highest scores ay sina Sarah, Ella at Debbie! Congratulations, girls!” sabi ng aming gurong babae.

Proud na tumayo ang tatlo at nag-bow pa sa harapan.

“Pwede niyo na kaming palakpakan, guys!” ani Sarah.

Nagpalakpakan naman ang mga kaklase nila maliban sa kanila ni Renren.

Mga uto-uto! Sigaw ko sa aking isipan habang nakatingin sa tatlong babae sa unahan.

“At ang may lowest score naman ay si… Kyline lang.” Napaangat ako ng mukha at tumingin sa aming guro. “Kyline, stand up.”

May pag-aalinlangan akong tumayo. Ayoko talaga ng ganito. Nasa akin na naman ang atensiyon ng lahat ng kaklase ko. Nakatingin silang lahat sa akin at pakiramdam ko ay kung anu-ano na ang sinasabi nila tungkol sa akin sa kanilang mga isip.

Ano kaya ang iniisip nila tungkol sa akin? Na bobo ako? Walang utak? Hindi nag-aaral?

Nakakahiya! Mas gugustuhin ko na lang na lamunin ako ngayon din ng lupa kesa pag-isipan nila ng ganoon.

“Y-yes, ma’am?” Nakayuko at nahihiya kong tugon.

“Kyline, nahihirapan ka ba sa past lessons natin? You only got six out of ine hundred.” Mahinahon ang pagsasalita ng aming guro pero pakiramdam ko ay ipinamumukha niya sa akin kung gaano ako kabobo.

“Yuck! Simpleng algebra nga lang 'yon, e. It is so easy. I wonder why kung bakit mababa as is sobrang baba ng nakuha ni Kyline!” singit ni Sarah kahit hindi naman hinihingi ang opinyon nito.

Tawanan ang lahat.

“Class, quiet!” saway ng kanilang guro. “Sarah, hindi ko sinabi na magbigay ka ng opinyon.”

“But ma’am, ipinagtatanggol ko lang kayo. Biruin niyo, turo kayo nang turo sa amin tapos may isa na hindi naintindihan ang itinuro niyo? Insulto iyon sa pagiging guro niyo, ma’am. It only means, may isang student ka na hindi naintindihan ang itinuro niyo kahit sobrang dali na niyon.”

“I am not insulted, Sarah. Thank you,” anito sabay tingin ulit sa kanya. “Kyline, Sarah’s right. Madali lang ang exam natin at itinuro ko sa inyo iyon ng mabuti bago kayo bigyan ng periodical test…”

Doon na nag-init ang gilid ng aking mga mata. Anumang sandali, papatak na naman ang luha ko. “S-sinasabi niyo po ba na bobo ako at h-hindi marunong m-makaintindi, ma’am?” Gumaralgal ang boses ko.

“No, Kyline… Gusto ko lang malaman kung saang part ka nahirapan para matutukan kita personally.”

“H-hindi na po kailangan, ma’am. Kung bagsak ako, ibagsak niyo na lang ako.”

“Kyline. Hindi ko gusto ang attitude mo. I am just helping you!”

Tumayo na si Renren at hinawakan ako sa braso. “Ah, ma’m, sorry po. Ako na po ang humihingi ng sorry. May pinagdadaanan lang po itong si Kyline. Ako na lang po ang magtuturo sa kanya ng past lessons natin.” Nanatili lang akong nakayuko dahil umiiyak na naman ako.

“Okay, Renren. Ikaw na ang bahala kay Kyline. Then, next week ay ipapa-retake ko sa kanya ang exams. Hindi ko muna ire-record itong result ng exam niya. You may sit down para makapagsimula na tayo,” ani ng aming guro.

-----***-----

“HINDI mo na dapat ginawa 'yon!” ani ko kay Renren habang palabas na kami ng classroom. Kakatapos lang ng Math subject at may thirty minutes kaming break pagkatapos niyon.

“Alin naman ang hindi ko dapat ginawa?”

“Alam mo ang tinutukoy ko, Renren.” Patuloy ako sa paglalakad ng mabilis.

Hindi na nagawa pang magsalita ni Renren dahil humarang sa aming daraanan sina Sarah. Kasama na naman niya ang dalawa niyang kaibigan. Naphinto kami dahil sakop na nila ang daraanan namin.

“Sinasabi niyo po ba na bobo ako at hindi marunong m-makaintindi, ma’am? Huhuhu!” Panggagaya ni Sarah sa sinabi niya kanina. Nag-iyak-iyakan pa ito ngunit sumeryoso rin agad. “Gusto mo ba talagang malaman ang totoo, Kyline? Oo! Bobo ka at mahina ang utak! Ganoon ka!” Tinuktok niya ang ulo ko at hindi ko man lang magawang umiwas. “Ano bang laman ng utak mo, ha? Tinapa pa rin ba ang laman niyan?!”

Malakas na tinabig ni Renren ang kamay ni Sarah. “Hoy, Sarah! Tigilan niyo na nga si Kyline. Mga bruhang ito! Parang hindi ko naman alam na nagkopyahan kayong tatlo at may kodigo pa. Nakita ko iyong itinapon mong papel. Nandoon iyong formula sa mga nasa exam. Kung makapagmalaki kayong tatlo! Akala niyo ang tatalino niyo, e, mga ampaw din naman ang utak niyo!”

Dinuro ni Sarah ang nguso ni Renren. “Hoy, baklang malnourish! Ang kapal naman ng mukha mong sumagot-sagot sa akin! Ang tapang mo, a!” Naglaban ang mata ng dalawa.

“Renren, tama na. Tara na!” Hinila niya sa braso ang kaibigan palayo kina Sarah. Sa iba na lang sila dumaan para makaiwas sa mga ito.

-----***-----

BAKIT nga ba unfair ang buhay? May mayaman at meron namang mahirap. May maganda at meron namang pangit. Ganoon ba talaga dapat? Dapat may mga nahihirapan at may mga maginhawa. Tapos kung sino pa iyong mga pinagpala, kadalasan sila pa iyong mapang-api at mapanglamang sa kanilang kapwa. Hindi ko talaga maintindihan ang konsepto ng buhay. Bakit may namamatay na hindi man lang naranasan ang sarap ng buhay? Kung may Diyos, bakit Niya hinayaan ang kahirapan sa mundo? Kung may Diyos at makapangyarihan Siya, bakit hindi niya burahin ang mga negatibong bagay at gawing masaya lang ang lahat ng tao?

Ang mga katanungan na iyon ay naisip ko nang mapadaan ako sa malaking simbahan pauwi sa amin. Palagi ko iyong nadadaanan kapag pauwi na ako galing sa school o hindi naman kaya ay kapag papasok na ako sa umaga. Kahit anong oras ay maraming tao ang nagpupunta doon para magdasal. Iyong iba nga, kilala ko na sa mukha dahil palagi ko silang nakikita doon. May iba pa nga na naglalakad ng nakaluhod mula sa entrada ng simbahan hanggang sa may altar.

Ano bang napapala nila sa palaging pagpunta sa simabahan? Parang wala naman, e. Dasal sila nang dasal pero natutupad ba ang mga pinagdadasal nila? Kung oo, bakit hanggang ngayon ay nakikita ko pa rin sila na patuloy sa pagdadasal?

Minsan na akong naniwala sa kapangyarihan ng Diyos at pagdadasal sa Kanya. Gabi-gabi akong nagdadasal at tuwing Linggo akong nagsisimba. Hinihiling ko sa Kanya na sana ay magbago na ang aking mga magulang at guminhawa na ang aming buhay pero napagod na lang ako at lahat ay wala pa ring nangyayari. Para akong nakikipag-usap sa bingi na hindi naman naririnig ang aking mga sinasabi! Kay tumigil na ako. Nagsawa. Napagod. Ayoko na! Imbes na magdasal sa Kanya ay ibinaling ko na lang sa ibang bagay ang aking atensyon.

Ipinagpatuloy ko na ang paglalakad pauwi. Habang papasok ako sa eskinita papunta sa aming bahay ay sumasalubong na rin sa akin ang iba’t ibang mukha ng kahirapan. May mga batang payat na payat na umiiyak at halatang nagugutom. Habang ang nanay nito ay abala sa pakikipagkwentuhan sa iba pang nanay. May mabahong kanal na puno ng basura. May mga nag-iinom na lalaki sa tapat ng tindahan. Mga batang naglalaro na marurungis at tumutulo ang sipon. Kung hindi sisinhutin pabalik sa ilong ay didilaan na lang kapag malapit na sa bibig.

Napapailing na lang ako sa aking mga nakikita.

Matagal ko nang gustong umalis dito ngunit hindi ko naman magawang iwanan ang aking nanay at tatay. Paano na lang sila kapag wala na ako sa kanila? Wala nang mag-aalaga sa kanila. Pakiramdam ko nga ay isa itong malaking kulungan at dito ako nakakulong. Siguro nga ay hindi na ako makakaalis sa lugar na ito. Dito na rin siguro ako mamamatay.

Naisip ko na naman ang kamatayan. Tama. May paraan pa pala para ako ay makawala sa malaking kulungan na ito. Kamatayan… Iyon ang sagot.

Malapit na ako sa aming bahay nang mapansin ko na maraming tao sa harapan ng aming bahay. May naririnig akong nagsisigawan. Bigla akong kinabahan. Agad akong tumakbo papunta doon at sinalubong naman ako ng isa naming kapitbahay na si Aling Teray.

“Naku, Kyline! Mabuti na lang at nandito ka na! Ang nanay at tatay mo!”

“A-ano pong nangyari sa kanila?!”

“Wala pa ngang nangyayari pero baka kapag hindi mo pa sila inawat ay may mangyari na. Nag-aaway na naman sila!”

“Ano po?! Bakit hindi niyo man lang inaawat?!”

“Alam mo naman na audience lang kami. Nakakatakot nang mangialam!”

Tinabig ko si Aling Teray at halos hindi ko na maramdaman ang paa ko sa bilis ng aking pagtakbo. Hinawi ko ang mga taong nakikiusyuso sa tapat ng aming maliit na bahay. Binuksan ko agad ang pinto at halos panghinaan ako ng loob sa aking nadatnan doon. Duguan ang aking nanay na nakahandusay sa sahig habang nakaupo sa tiyan niya ang aking tatay. May hawak na kutsilyo ang tatay ko na ginagamit nitong pangsaksak sa nanay ko.

“Tama na!” sigaw ko nang akmang sasaksakin na naman ni tatay si nanay.

Napahinto si tatay sabay tingin sa akin. Ewan ko pero hindi ko magawang umiyak kahit gustuhin ko. Sa tingin ko, sa lagay ni nanay ay parang patay na siya. Halos maligo na siya sa sarili niyang mga dugo.

Buong tapang akong lumapit sa kanila. Inagaw ko sa tatay ko ang hawak niyang patalim at itinapon iyon sa kung saan. Lumabas ako at humingi ng tulong sa mga taong nanonood lang doon. Nang makita nila na may dugo ang aking kamay ay agad namang may kumilos. May tumakbo sa baranggay para magsumbong.

Muli akong pumasok sa loob ng aming bahay. Nakita ko si tatay na nasa isang sulok at hawak ang ulo. Tuliro siyang nakatingin sa kawalan. Nilapitan ko ang nanay ko at tinignan kung may pulso pa siya. May kaunti pa pero sobrang bagal na.

“Tumawag kayo ng ambulansiya! Ang nanay ko!” sigaw ko.

Alam ko na madalas mag-away ang mga magulang ko. Ang tanging dahilan ay droga. Hindi ko alam kung bakit sila nag-aaway sa bagay na iyon ngunit iyon ang madalas nilang pinag-aawayan.

Nagulat ako nang sumuka ng dugo ang nanay ko. Tinapik-tapik ko ang kanyang pisngi at pilit na ginising. “Nanay! 'Wag niyo po akong iiwanan!” sabi ko.

Ilang sandali pa ay dumating na ang mga pulis kasabay ng ambulansiya. Ngunit dahil hindi makakapasok ang ambulansiya sa looban ay kinailangan pang buhatin ang nanay ko palabas ng squatter’s area. Si tatay naman ay dinampot na ng mga pulis at dinala na sa presinto.

Naiwanan akong mag-isa sa bahay namin na gulo ang utak habang nakatingin sa dugo sa sahig.

Anong nangyari? Bakit kailangang mangyari ito?

Pinipilit ko namang magpakatatag ngunit parang birong pilit akong inilulugmok ng mga pagsubok. Parang ayaw akong makabangon!

Nanghihinang napaupo na lang ako sa sahig at sa oras na iyon ay naglandas na naman ang luha sa aking pisngi. Walang patid ang aking pag-iyak. Habang panay ang pag-agos ng aking luha ay siya ring pag-agos ng walang patid kong paninisi sa Diyos!



TO BE CONTINUED…

Continue Reading

You'll Also Like

130K 3.7K 79
Started: May 3,2021 Status: Completed Finished: June 17,2021 Ps. This is unedited story and i don't have plan to edit kaya sorry kung may mga wrong t...
14.3M 742K 71
He's as loyal as a dog who follows her around, but that was before she gave him up. Arkanghel, the charming high school boy who taught Sussie's young...
88.4K 199 30
"Hindi naman mahalaga kung mahina o malakas ka, ang importante ay ang kaya mong harapin ang iyong mga kahinaan, ang kaya mo itong baguhin upang sa ma...
34K 1.6K 114
• Completed • First story • bts and yoona story •includes: character chapters and side story of 7aces members