Mga Dulang Pambata

By tinta_at_papel

19.8K 156 21

Salin sa Tagalog ng unang libro ng Children's Classics in Dramatic Form ni Augusta Stevenson, na nasa public... More

ANG MGA MANLALAKBAY AT ANG PALAKOL
ANG MATANDANG LALAKI AT ANG KANYANG APO
ANG UWAK AT ANG SORO
ANG MANGGIGILING, ANG KANYANG ANAK NA LALAKI, AT ANG KANILANG ASNO
ANG BAWAT ISA SA KANYANG SARILING LUGAR
ANG GINAGAWA NG MABUTING LALAKI AY LAGING TAMA
ANG PUSA AT ANG DAGA
ANG BATANG BABAENG TUMAPAK SA TINAPAY
ANG MGA PULANG SAPATOS
ANG KWENTO NI ALI COGIA
ANG MAIILAP NA SISNE
ANG DALAWANG TAGAPROBINSYA
ANG LALAKI AT ANG BUWAYA
ANG KANTA SA PUSO
ANG PAGSUBOK NG EMPERADOR
CRISTOFORO COLOMBO

ANG MAPANGIT NA SISIW NA PATO

843 2 0
By tinta_at_papel

UNANG EKSENA

PANAHON: isang umaga sa tag-init.

LUGAR: sa patyo ng bahay sa bukid ng pamilyang Moore.

GINANG PATO.

UNANG SISIW NA PATO.

PANGALAWANG SISIW NA PATO

ANG MAPANGIT NA SISIW NA PATO.

PANGATLONG SISIW NA PATO.

PABO.

MAITIM NA GANSA.

PUTING GANSA.

MALAKING INAHIN.

PULANG TANDANG.

(Papasok sa patyo si GINANG PATO kasama ang kanyang MGA BAGONG SISIW NA PATO. Lalapit ang mga ibang ibon.)

PABO: (magpapakita ng pagkainis) Mga bagong sisiw na pato! Tingnan ninyong lahat--mga bagong sisiw na pato!

MAITIM NA GANSA: (maiinis din) Parang hindi pa tayo marami dito!

PUTING GANSA: (maiinis din) Oo nga,--halos wala na akong makitang sulok para sa aking siyesta!

PULANG TANDANG: Sa tingin ko, Ginang Pato, dapat hindi mo kami dinalhan ng mga bagong sisiw ngayong tag-init.

GINANG PATO: Ano iyang sinasabi mo?

PABO: Sa tingin naming lahat, ginang, wala nang lugar dito para sa mga bagong sisiw.

MALAKING INAHIN: Mga kaibigan, maging makatwiran kayo. May karapatan si Ginang Pato na dalhin ang kanyang mga sisiw dito. Isa pa, nakakatuwang tingnan ang mga bata.

GINANG PATO: Ang gaganda nila! Makikita ninyo mismo iyon. Halikayo, mga anak, humilera kayo!

(Hihilera ang mga sisiw na pato. Panghuli ang Mapangit na Sisiw na Pato.)

GINANG PATO: Ibuka ninyo ang inyong mga paa! Ngayon magsalita kayo nang maganda para sa aking mga kaibigan.

MGA SISIW NA PATO: (lahat maliban sa huli) Kwak! Kwak!

GINANG PATO: Ayan--hindi ba sila kasiya-siya?

MAITIM NA GANSA: (titingin sa bawat isa sa mga sisiw na pato) Aba, oo, mukhang kalugud-lugod naman silang lahat--dito--sandali lang! Sa iyo ba ang huling iyon?

(Titingin ang lahat ng mga ibon sa huling Sisiw na Pato.)

GINANG PATO: Oh, oo! Mas malaki siya sa mga iba at siguro hindi gaanong maganda, pero--

PABO: (sasabat) Huwag kang gumawa ng palusot para sa kanya, ginang. Nakikita namin para sa aming mga sarili kung ano siya.

MAITIM NA GANSA: Sa aking buong buhay, wala pa akong nakikitang ganyan kapangit!

PUTING GANSA: Hindi siya pato at hindi din siya gansa!

MALAKING INAHIN: At hindi din siya manok!

PABO: Ikahihiya kong magkaroon ng pabong mukhang ganyan!

PULANG TANDANG: Hindi ako makakapayag na ampunin siya ng kahit sino sa aking mga inahin.

GINANG PATO: Teka muna, teka muna, mga kaibigan. Ang kawawang bata ay hindi maganda, pero mabait siya, at kaya niyang lumangoy nang mas mahusay sa mga iba.

PABO: Kung nakakalangoy siya nang mahusay ay wala sa akin!

PULANG TANDANG: Ni sa akin! Dapat siyang itaboy, sabi ko!

GINANG PATO: Hayaan ninyo siya; wala siyang ginagawang masama.

UNANG SISIW NA PATO: Pero, inay, walang titingin sa atin kung mananatili siya kasama natin!

GINANG PATO: (mapapaisip) Ngayon, siguro baka ganoon ang mangyari.

PANGALAWANG SISIW: Hindi ako maglalakad nang kasama siya!

PANGATLONG SISIW: Ni ako!

GINANG PATO: Ay, ay! Mukhang mas mapangit siya sa inaakala ko!

UNANG SISIW NA PATO: Isa pa, mahal na ina, ayaw niyang magkwak.

GINANG PATO: Ano ito? Hindi ba siya nagkwak ngayon-ngayon lang?

PANGALAWANG SISIW: Ibinuka niya ang kanyang mga paa, pero ayaw niyang magkwak.

PANGATLONG SISIW: Totoo iyon, mahal na ina.

GINANG PATO: (sa Mapangit na Sisiw na Pato) Magkwak ka! Magkwak ka ngayon--ngayon din!

(Susubukan ng Mapangit na Sisiw na Pato na magkwak, pero mabubulunan siya. Tatawanan siya at tutuyain ng mga ibon.)

MAITIM NA GANSA: Ha, ha! Ayan ang "kwak" para sa iyo!

PUTING GANSA: Ha, ha!

MALAKING INAHIN: Ha, ha!

PULANG TANDANG: Ha, ha!

PABO: Ha, ha!

GINANG PATO: (nang galit) Isa pa, sabi ko--magkwak ka!

(Susubukan uli ng Mapangit na Sisiw na Pato; mabubulunan siya.)

LAHAT NG MGA IBON: Ha, ha, ha, ha!

MAPANGIT NA SISIW NA PATO: (iiyak) Patawad--magkukwak ako kung kaya ko.

GINANG PATO: Ah, sana wala ka na dito!

UNANG SISIW NA PATO: Sana kainin ka ng pusa!

PANGALAWANG SISIW: Sana patayin ka ng mga sisne!

PUTING GANSA: At gagawin nila iyon kapag makita nila siya--makakasiguro ka doon.

MAITIM NA GANSA: (tatango) Oo, hindi nila mapapayagang lumangoy sa sapa ang ganyan kapangit na nilalang!

PULANG TANDANG: Kailangan natin siyang itaboy--malinaw iyon!

(Susugod sa Mapangit na Sisiw na Pato.)

Sige na, umalis ka na!

MALAKING INAHIN: (tutuka sa Sisiw na Pato) Umalis ka!

MAPANGIT NA SISIW NA PATO: Inay, iligtas ninyo ako!

GINANG PATO: Huwag kang tumawag sa akin!

MAITIM NA GANSA: (susugod para hampasin ng kanyang mga pakpak ang Sisiw na Pato) Umalis ka!

MAPANGIT NA SISIW NA PATO: (tatakbo papunta sa mga Sisiw na Pato) Mga kapatid, iligtas ninyo ako!

UNANG SISIW NA PATO: Huwag kang lumapit sa amin!

PANGALAWANG SISIW: Hindi ka namin ililigtas!

PANGATLONG SISIW: Umalis ka!

PABO: Sugurin ninyo siya, mga inahin, at tukain ninyo! Sugurin ninyo siya, mga gansa, at paluin ninyo! Sugurin ninyo siya, lahat kayo!

(Susugurin nilang lahat ang Mapangit na Sisiw na Pato, na tatakbo palayo sa bukid at papunta sa parang para makatakas.)


PANGALAWANG EKSENA

PANAHON: sunod na taglamig.

LUGAR: sa maliit na bahay ng Magbubukid.

ANG MAGBUBUKID.

ANG KANYANG ASAWA.

ISABEL.

ANG PUSA.

ANG INAHIN.

ANG MAPANGIT NA SISIW NA PATO.

(Papasok ang MAGBUBUKID sa maliit na bahay dala ang MAPANGIT NA SISIW NA PATO.)

MAGBUBUKID: Tingnan ninyo ang dala ko sa inyo!

ASAWA: Aba, sisiw na pato iyan--na halos yelo na!

MAGBUBUKID: Nakita ko siyang yelo na sa tubigan. Kinailangan kong basagin ang yelo para makuha siya.

ISABEL: Ibigay ninyo siya sa akin, itay. Ilalagay ko siya sa likod ng kalan.

MAGBUBUKID: (lalapit para ibigay kay Isabel ang Sisiw na Pato.) Iyan ang mabait na bata.

ASAWA: Ingatan mo siya, anak.

ISABEL: (magtatanggal ng alampay) Mahihiga siya sa aking alampay. Kawawang mahal na pangit na munting sisiw na pato!

(Ilalagay niya ang Sisiw na Pato sa alampay sa likod ng kalan, malapit sa PUSA at INAHIN.)

MAGBUBUKID: Iyon ang sisiw na pato na sinabi ko sa inyo!

ASAWA: Ang nakita mo sa tubigan kahapon?

MAGBUBUKID: Oo, at noong isa pang araw, at ngayong buong taglamig, ngayong iniisip ko. Kahapon, nakita ko siyang lumapit sa mga pato sa ilog para subukang sumali sa kanila, pero itinaboy nila siya pabalik sa tubigan.

ISABEL: Kawawang sisiw na pato! Nagyeyelo na ang tubigan noon!

MAGBUBUKID: (tatango) Tapos, sinubukan niyang humanap ng lugar sa mga talahib sa parang, pero itinaboy siya mula doon ng mga ibon.

ISABEL: Bakit nila siya itinataboy, itay?

MAGBUBUKID: Hindi ko alam, maliban kung dahil masyado siyang mapangit.

ASAWA: Halinakayo sa pagkain, ama--Isabel. Pagkatapos nating kumain, siguradong mainit na at gising na ang ating sisiw na pato.

(Pupunta sila sa kusina. Mapupukaw ang Sisiw na Pato at titingin sa paligid.)

INAHIN: Kaya mo bang mangitlog?

SISIW NA PATO: (nang magalang) Hindi po, ginang.

PUSA: Kaya mo bang humiga sa iyong likod?

SISIW NA PATO: Hindi po, mahal na ginoo.

PUSA: Kaya mo bang ngumiyaw?

SISIW NA PATO: (matatakot) Hindi po.

INAHIN: Kung gayon, hindi ka pwedeng manatili dito.

SISIW NA PATO: Huwag ninyo akong paalisin, pakiusap!

PUSA: Matututunan mo bang ngumiyaw?

INAHIN: At mangitlog?

SISIW NA PATO: (nang malungkot) Patawad po, pero ang alam ko lang gawin ay lumangoy.

PUSA: Lumangoy! Ay, lubhang kakaiba iyon.

SISIW NA PATO: Oh, hindi po! Pinakakalugud-lugod siya kapag nasa ilalim ng tubig ang inyong ulo at sumisisid kayo papunta sa ilalim.

PUSA: Sumisid papunta sa ilalim! Hindi ko maiisip na gawin ang gayong kahangalan!

INAHIN: Ni ako!

PUSA: Malinaw na hindi ka pwedeng manatili dito.

SISIW NA PATO: Saan po ako pupunta?

PUSA: Pumasok ka sa mga talahib. Lumipad na patimog nitong umaga ang mga ibon.

SISIW NA PATO: Magugutom ako doon.

PUSA: Talagang magiging mabuti sa iyo kung kakainin kita.

SISIW NA PATO: Pasasalamatan ko kayo kung gagawin ninyo iyon, mahal na ginoo.

INAHIN: Kainin mo siya, yamang gusto niya. Masyado siyang mapangit para mabuhay.

PUSA: (tatalikod) Hindi ko kaya, masyado siyang mapangit para kainin.

(Sa Sisiw na Pato.)

Sige na, umalis ka na!

INAHIN: (susugod sa kanya) Oo, oo! Umalis ka na! Umalis ka na!

(Itutulak nila ang Sisiw na Pato palabas ng pinto papunta sa niyebe.)

SISIW NA PATO: Naku po! Ano ang gagawin ko? Saan ako pupunta? Bakit ako ipinanganak na sobrang pangit at kinamumuhian ng lahat!


PANGATLONG EKSENA

PANAHON: nang sunod na tagsibol.

LUGAR: sa sapa sa bukid ng pamilyang Moore.

ANG MAPANGIT NA SISIW NA PATO.

ANG TOPO*.

ANG AMA.

ANG INA.

ANG MGA ANAK.

ANG MGA SISNE.

*Ang hayop na "topo" ay "mole" sa Inggles.

(Nakaupo ang MAPANGIT NA SISIW NA PATO sa burol ng isang TOPO malapit sa sapang dumaraan sa bukid ng pamilyang Moore.)

TOPO: (mula sa burol ng topo) Pwedeng pakiurong? Gusto kong lumabas.

SISIW NA PATO: (babangon nang mabilis) Aba, burol pala ng topo ang inuupuan ko!

(Lalabas ang Topo sa burol.)

Paumanhin, kaibigang Topo, hindi ko napansin ang iyong burol.

TOPO: Sino ka?

SISIW NA PATO: Si Ginang Pato ng bukiring ito ang aking ina.

TOPO: Hindi pwede iyon! Hindi ka pato.

SISIW NA PATO: Oo, pato ako. Pero, mas mapangit ako sa kahit anong pato sa mundo.

TOPO: Wala ka ng boses ng pato. Hindi ka nagsasalita na may kwak na ipinagmamalaki nila nang husto. At tapos, kung talagang pato ka, bakit hindi mo kasama ang iyong pamilya?

SISIW NA PATO: Itinaboy nila ako nitong tag-init dahil mapangit ako at hindi makakwak.

TOPO: Kung gayon, bakit ka bumalik?

SISIW NA PATO: Para magpapatay sa mga sisne.

TOPO: Ano! Magpapapatay ka sa kanila?

SISIW NA PATO: Mas gugustuhin kong mapatay ng magagandang ibong iyon kaysa matuka ng mga inahin, mapalo ng mga gansa, o magutom sa taglamig.

TOPO: Baka hindi ka na gayon kapangit tulad noon.

SISIW NA PATO: Hindi ko na nakita ang aking sarili sa tubig simula nang dumating ang tagsibol na nagtanggal ng yelo. Pero alam ko kung gaano ako kaitim at kasamang tingnan. Papatayin ako ng mga sisne kapag pinangahasan kong lapitan sila.

(May ingay na maririnig sa malayo.)

TOPO: Paparating na sila! Umalis ka na, habang may oras pa.

SISIW NA PATO: Wala nang lugar na mapupuntahan. Nang buong taglamig, itinaboy ako nang itinaboy sa iba't ibang parang. Hindi ako nakagawa ng kaibigan--hindi ko na gustong mabuhay.

(Makikita ang MGA SISNE na lumalangoy sa sapa.)

TOPO: Nandito na sila! Huwag kang pumunta sa kanila, pakiusap!

SISIW NA PATO: (iiling) Paalam!

(Lilipad siya papunta sa tubig at lalangoy palapit sa mga sisne. Makikita nila siya, at magmamadali sila para salubungin siya nang nakabuka ang mga pakpak.)

SISIW NA PATO: Patayin ninyo ako! Patayin ninyo ako!

UNANG SISNE: Patayin ka! Aba, nagpunta kami para batiin ka, magandang ibon.

PANGALAWANG SISNE: Nakita ka namin mula sa malayo, at dumating kami para makilala ka.

PANGATLONG SISNE: Masayang-masaya kaming makasama ka!

(May ILANG BATA na papasok.)

UNANG BATA: Tingnan ninyo, may bagong sisne!

PANGALAWANG BATA: (tatawag) Itay, inay, halikayo! May isa pang sisne!

(Papasok ang AMA at INA.)

AMA: Ano ang itinatawag mo?

PANGATLONG BATA: May bagong sisneng dumating! Tingnan ninyo!

INA: Nakikita ko siya! Ang ganda niya!

AMA: Batang-bata pa siya, pero siya ang pinakamaganda sa lahat!

PANG-APAT NA BATA: Tingnan ninyo kung paano siya himasin ng mga iba gamit ang kanilang mga pantuka!

INA: Ipinapakita nila sa kanya kung gaano sila kasayang makasama siya. Tingnan ninyo kung paano sila lumalangoy sa palibot niya at kung paano nila siya hipuin nang marahan!

AMA: Hindi pa ako nakakakita ng kahit anong ganyan kaganda. Kay saya ng bagong sisne! Tingnan ninyo kung paano niya pakaluskusin ang kanyang mga balahibo! Tingnan ninyo kung paano niya iyuko nang mapagmaliki ang kanyang malambot na leeg!

UNANG BATA: At tingnan ninyo kung paano niya tingnan ang kanyang sarili sa tubig!

PANGALAWANG BATA: Kumuha tayo ng tinapay at pastel para sa kanya!

PANGATLONG BATA: Oo, oo!

PANG-APAT NA BATA: Oo, oo!

(Tatakbo ang mga bata, na susundan ng Ama at Ina.)

TOPO: (papasok sa kanyang burol) Hindi naman pala gayon kasama--na hindi magkaroon ng kwak ng mga pato!

Continue Reading

You'll Also Like

109K 1.1K 20
Samantha Perez is your Typical normal woman. She's beautiful and smart. A man that could ever wished for. Pero sa likod ng magandang mukha at maganda...
6.6M 134K 51
The Neighbors Series #2 Highest Rank: #1 in General Fiction ** Meet the rich, gorgeous, hot and sexy Sapphire Briones. She loves to hang-out with her...
82.1K 1.8K 52
Im trained to kill. Im bound to murder. What can I do? If i fail my only treasure will lost forever. Ill do anything even if my Operation is to Assa...