Unexpected Love (Complete)

By nikkidelrosariophr

13.7K 291 5

Kung mahal mo, dapat ay ipaglaban mo. Kapag sinabi sa'yong hindi ka mahal, puwedeng gawin mo ang lahat para m... More

CHAPTER ONE
CHAPTER THREE
CHAPTER FOUR
CHAPTER FIVE
CHAPTER SIX
CHAPTER SEVEN
CHAPTER EIGHT
CHAPTER NINE
CHAPTER TEN

CHAPTER TWO

1.3K 26 0
By nikkidelrosariophr

PAGKATAPOS mananghalian ay marami nang nalaman si Lia tungkol sa isa sa mga bagong miyembro ng Stray Wolves na si Omid Ahmadi. Isa pala itong one-fourth Swedish, one-fourth Iranian at one-half Filipino.

Ayon dito, hindi pinapayagan ng ina nito na magsalita ito at ang kapatid nito ng ibang lengguwahe maliban sa Tagalog kapag nasa loob ng bahay ang mga ito. Kaya naman nakasanayan na iyon ng magkapatid. Ang nakababatang kapatid daw nito ay nasa Iran kasama ang ama samantalang ang ina naman daw nito ang kasama nito sa bansa.

Dati pala itong miyembro ng Iran National Team at dahil natapos na ang kontrata nito at inudyukan nga ito ni Misagh na pumunta na lang sa Pilipinas at subukan ang Philippine football ay napapayag na din daw ito. At sa dalawang buwang pamamalagi nito sa Pilipinas kasama ang ina at ang mga bagong kaibigan, wala naman daw itong naging pagsisisi sa naging desisyon nito.

Ang totoo ay bumilib siya kay Omid dahil hindi ito takot sumubok at sumugal sa mga bagay na walang kasiguruhan. Sa palagay nga niya ay kilalang-kilala na niya ito habang kausap niya ang lalaki. Hindi naman kasi sumasabat si Amani at nananahimik lang ito habang nilalantakan ang mga in-order nitong pagkain.

Napapailing na lang si Lia kapag naiisip ang nagastos ng kaibigan sa tanghalian lang nila. Kadalasan kasi ay nagtitipid sila pareho para hindi agad nauubos ang savings nila. Wala naman kasing ibang trabaho si Amani maliban sa paglalaro ng football. At siya... hindi din naman ganoon kalaki ang kinikita niya sa mga trabaho. Pero kapag may pagkakataon naman, hinahayaan din nila ang sariling maging maluho lalo na kapag may extra money naman sila.

Isa iyon sa mga natutunan nila pareho sa mga nakalipas na taong nakahiwalay sila sa kanilang mga magulang.

May dalawang taon na ang nakararaan nang maisipan niyang subukan ang pagiging independent. Hindi kasi niya gusto na palaging kinukutya ng sariling ama sa tuwing bine-baby siya ng mommy niya. Dalawa lang kasi silang magkapatid at dahil noon pa man ay alam na ng daddy niya na walang balak ang kakambal niyang si Leo na pamahalaan ang negosyo nila, siya na lang ang pinipilit nito. Ang kaso ay umayaw din siya kaya naman doon nag-umpisa ang lahat ng ka-negahan sa kanya ng ama.

Noong una ay nagtatampo at nagagalit siya dahil sa ginagawa ng daddy niya. Bakit si Leo, hindi nito ginaganoon. Ni hindi nga nito pinigilan ang kapatid niya nang mag-desisyon iyong pumunta sa Japan para doon mag-trabaho kasama ang nobya pero siya, kung kutyain nito at i-discourage sa mga bagay na gusto niyang gawin, akala mo ay hindi niya ito magulang. Pero kalaunan ay nasanay na din siya. Ipinaliwanag din naman sa kanya ng ina kung bakit ganoon sa kanya ang daddy niya. Dahil ang inasahan nitong anak noon ay parehong lalaki at hindi nito inasahan na walang magmamana sa pinaghirapan nitong itayong negosyo na kung tutuusin ay para din naman sa pamilya nila.

May oras na pumasok na din sa isip niya na patunayan sa ama na kaya niyang hawakan ang furniture company na pagma-may ari nito pero sarili naman niya ang lolokohin niya. Hindi iyon ang gusto niya at hindi iyon ang makakapag-pasaya sa kanya. Bata pa lang siya ay pagsusulat ng mga istorya na ang nakahiligan niya. At dahil suportado siya ng ina at ni Leo kaya niya ipinagpatuloy ang pangarap na maging isang successful script writer. Ang pagiging novel writer niya ay dalawang taon pa lang naman niyang nagiging trabaho.

Mabuti na nga lang at sinuportahan din ng mommy niya ang desisyon niyang umalis sa bahay nila. It will make her grow and mature, ayon na din dito.

Aminin mo, may kinalaman talaga si Leo sa desisyon mong maging mature at maging independent. Gusto mong magbago at tumatag! kutya ng isang bahagi ng isip niya.

At dahil hindi siya sigurado kung kakayanin niyang mag-isa, kinausap niya si Amani kung puwedeng samahan siya nito kahit na ilang buwan lang. Laking tuwa naman niya nang walang kaabog-abog na pumayag ito sa proposition niya. Matagal na din naman daw nitong gustong magsarili at hindi naman din tumututol ang mga magulang nito.

Hindi niya inakalang mage-enjoy siya sa pagiging independent. And being the good best friend that he is, hindi siya iniwan ni Amani at mukhang nage-enjoy din naman ito sa set-up nila. Sinusuportahan nila ang isa't-isa na animo magkadugo sila. Magkapatid na din naman kasi ang turingan nila dahil simula pa nang ipanganak sila ay palagi na silang magkasama.

Ang kaibahan nga lang, suportado si Amani ng parehong mga magulang nito habang siya ay ang ina lang ang kinakapitan. Pero ayos lang naman iyon kay Lia, hindi naman niya kailanman inisip na paluguran ang kanyang ama. Magmumukha siguro siyang walang pakialam pero sa ganoong pagpapalaki siya nasanay. Hindi hinayaan ng kanyang ama na ma-spoil sila ng mommy nila. Kaya nga naisipan niyang maging independent para hindi naman mahirapan ang mommy niya kung palagi itong sinasawata ng kanyang ama kapag kinakampihan siya nito o ang kapatid niya.

"Sabihin mo kung kailangan mo pa ng tulong bukas para madala kita sa training. Baka sakaling doon mo mahanap ang hinahanap mong nawawalang utak." wika ni Amani nang papunta na sila sa parking lot ng mall kung saan sila kumain.

"Whatever, Amani Manuel! Kung aasarin n'yo lang ako doon, hindi na lang ako pupunta. Pupunta na lang ako sa mga club kung saan maraming macho dancers at bading." matapang ngunit sarkastiko na sagot naman niya.

Narinig niya ang malakas na pagtawa ni Omid na nasa kabilang gilid niya. Hinarap niya ito, nginisihan at kinindatan.

"Subukan mo lang, Liandra. Sinasabi ko sa'yo, ipasusunog ko ang club na pupuntahan mo. Magtigil-tigil ka nga sa mga kalokohan mo, iposas kita sa kama mo para makita mo ang hinahanap mo." salubong ang mga kilay at halatang naiinis na banta naman ni Amani na lalo niyang ikinatawa.

"Ang OA mo naman, Lolo Amani. Para namang gagawin ko talaga ang sinabi ko. Kailan ba ako nagpunta sa mga ganoong lugar? Mas gusto ko pang pikunin ng mga kaibigan mo kaysa magpunta sa mga lugar na iyon 'no!" muli niyang hinarap si Omid na nakangiti lang na pinakikinggan ang paga-asaran nila ng kapre niyang kaibigan. "Saan ka nga pala namin ihahatid? Lubos-lubusin mo na ang pagiging mabait namin, bagong kaibigan ka naman eh."

"Kahit hanggang sa Cubao na lang. Magta-taxi na lang ako pagdating doon." nakangiting sagot naman nito.

Sinaluduhan niya ito. "Sureness."

KINABUKASAN ay hindi inasahan ni Lia ang magiging mga bisita niya. Dahil hindi naman siya pumapasok sa opisina, hawak niya ang oras niya. Kung anong oras siya gigising, anong oras siya kakain at kung gugustuhin niyang manatili sa bahay niya o lumabas para magliwaliw ay naka-depende sa magulong utak at mood niya.

Hindi siya nakatulog nang nagdaang-gabi dahil sa pakikipag-titigan sa MS Word. Nakapagdagdag naman siya sa nobelang sinusulat pero sa script na tina-trabaho niya, nganga siya kaya kailangan niyang bumawi sa araw na iyon. Hindi siya puwedeng matengga ng matagal kung gusto niyang magkaroon ng pera at madagdagan ang ipon niya.

Pero hindi pa man siya nakakatulog ng matagal ay may mga gumambala na sa kanya. Sina Iyah at Elyza na nakilala niya dahil sa panonood ng football ang mga bisita niya sa umagang iyon. Mga self-proclaimed friends niya ang mga ito dahil ang mga ito lang naman ang namimilit na close sila at magkakaibigan. At dahil hindi naman siya ganoon ka-walang puso ay hinahayaan na lang niya ang mga ito. Kaya heto't libre ang mga ito na guluhin siya anumang oras. Ginagamit pa ng mga ito madalas si Amani para makapasok sa apartment niya.

Kaya ngayon tuloy ay ang binata ang tumatanggap ng topak niya. "Alam mo naman na ayaw kong nagpapa-istorbo kapag ganitong kaaga. Isa't-kalahating oras pa lang akong nakakatulog, hindi mo ba alam kung gaano kasakit sa ulo iyon?" sawata niya dito nang mahila niya ito sa kusina. Ito ang nagbitbit ng mga dalang plastic bags ng mga 'kaibigan' niya.

"Nangungulit kasi sila. Alam mo naman ang dalawang kaibigan mong iyon, hindi titigil hangga't hindi nakukuha ang mga gusto nila. Besides, baka kailangan mo din sila para makabalik ka sa trabaho mo." pagtatanggol naman nito sa sarili. "Isa pa, nagugutom na din ako. Hindi pa ako nakakapag-grocery dahil busy pa sa training kaya blessing in disguise na din ang pagdating nila."

Ito na ang naglabas ng mga pagkain sa plastic bag habang siya ay nakahalukipkip pa din na nakasandal sa kitchen counter. "Minsan, nakakainis ka din talaga. Bawiin ko iyong susi sa'yo eh." inirapan niya ito bago umupo sa isang stool.

"Huwag ka ngang masyadong magpaka-introvert. Batukan kita diyan eh. Hindi ka ba nagsasawa na ako lang ang kaibigan mo? Hindi ka naman ganoon kadalas pumunta sa training kaya technically, hindi mo sila nakakausap at nakaka-bonding do'n. Buti nga at nagri-reach out sa'yo sina Iyah at Elyza, ma-appreciate mo naman sana." panenermon nito. Nang balingan niya ito ay nakasandal na ito sa kitchen counter habang nakaharap sa kanya at nakahalukipkip. Salubong na din ang mga kilay nito, indikasyon na naiinis na ito.

At kapag ganoon na ang kaibigan ay wala na siyang magagawa kundi ang manahimik at ipagpaliban ang pag-uusap nila. Dapat niyang isipin na may bisita sila kaya hindi sila maaaring magtalo. Makakapag-hintay naman iyon. Kaya sa halip na sumagot ay inirapan na lang niya si Amani. Tumayo na siya at tinalikuran ito. "Ikaw na ang maghanda diyan, pupuntahan ko muna sila." aniya bago tuloy-tuloy na lumabas ng kusina.

Mabuti na lang at may kalakihan ang apartment niya kaya kahit na mag-usap sila ni Amani sa kitchen ay sigurado siyang hindi sila maririnig ng mga bisita.

Hindi naman sa hindi niya ina-acknowledge ang effort nina Iyah at Elyza dahil itinuturing na din naman niyang kaibigan ang mga ito. Siya lang talaga ang may problema at ayaw niyang masyadong ma-attach sa ibang tao.

Para kay Lia, people come and go. Walang permanente sa mundo, lahat nagbabago at lahat ay iniiwan at nangi-iwan. Katulad na lang ng ginagawa sa kanya ng mga 'kaibigan' na nagdaan sa buhay niya. Katulad ng ginagawa ng kanyang ama sa kanyang ina na natigil lang apat na taon na ang nakararaan. Katulad ng pangi-iwan sa kanya ni Leo dahil na din sa kasalanan niya dito. Kaya nang maisipan niyang umalis sa bahay ng mga magulang niya, iniwan na din niya ang dating siya. Ang mahina, uto-uto, makasarili, maldita, brat at iyakin na siya ay naiwan na at wala na siyang balak na balikan pa.

Naabutan niya ang dalawang babae na tumitingin-tingin sa CD rack niya. "Anong hinahanap n'yo diyan?" Lumapit siya sa dalawa at umupo sa carpeted na sahig.

"Iyong Descendants of the Sun na original DVD mo. Mag-marathon na lang tayo ngayon, wala kasi kaming gagawin ngayong araw kaya ginugulo ka namin." nakangising sagot ni Iyah. Umayos ito ng upo at nangalumbaba sa center table.

"Iyon na naman? Noong nakaraang punta n'yo dito, iyon din ang pinanood natin di'ba? 'Tsaka magta-trabaho ako ngayong araw kaya hindi n'yo ako puwedeng guluhin." nakasimangot na sagot niya. Mukhang hindi siya lulubayan ng mga kaibigan hangga't hindi niya napagbibigyan ang mga ito.

"Favorite nating lahat iyon, aminin mo na. At dahil ikaw lang ang may kakayahang bumili ng original DVD, makikinood na lang kami." wika ni Elyza. Umayos ito ng upo sa tabi niya. "Mukhang si Amani naman ang naghahanda ng pagkain kaya isalin na natin 'to. Hindi naman natin kailangang tapusin, hanggang tatlong episodes lang, okay na." nakangising kinindatan pa siya nito.

Naitirik na lang niya ang mga mata bago sumusukong tumayo para isalang ang napiling panoorin ng mga babae. Hindi niya alam kung paano niya nato-tolerate ang dalawang babaeng 'to na hindi pa naman ganoon katagal niyang nakikilala pero dahil ayon na rin sa best friend niya ay mukhang katiwa-tiwala naman ang mga ito kaya napagtitiisan na niya ang presensiya. Hindi nga lang one hundred percent dahil may pakiramdam siyang masasaktan lang siya sa huli kapag ginawa niyang ibigay na naman sa ibang tao ang buong-buong pagtitiwala niya.

ANG TATLONG episodes ay nauwi sa walo. Halos maga-alas kuwatro ng hapon na nang matapos ang Episode eight at bago pa magsimula ang susunod ay agad nang pinatay ni Lia ang television at ang DVD.

"Ano ba iyan, isa na lang. Last na iyon, promise na." ungot ni Elyza. Tumayo ito mula sa pagkakahiga sa sofa at nag-unat.

"Tama na, hindi na ako nakapag-trabaho dahil sa inyong dalawa. Next time naman. Parang awa n'yo na, kailangan kong kumita ng pera." pagmamakaawa niya. Inalis niya sa saksakan ang mga aparato kung sakaling mabaliw ang mga ito at muling buksan ang telebisyon.

"Hayaan n'yo na muna si Lia. Bumalik na lang kayo sa susunod at kailangan niyang mag-trabaho." singit ni Amani na nakaupo sa bean bag na katabi ng sofa. "Besides, isasama ko siya sa training and we only have one hour to prepare. Doon siya magsusulat ngayon." tumayo na ito at nag-unat bago humarap sa kanya. "Twenty minutes, Lia. Maligo ka nang mabilis at nangangamoy ka na." iyon lang at nagtuloy-tuloy na itong lumabas ng apartment niya.

Nakanganga siya habang nakatingin sa pinto. Hindi siya makapaniwalang sinabi iyon ng best friend niya sa harap ng ibang tao. Napaka-walanghiya talaga! nanggigigil na aniya sa isip.

"Alam mo, hindi ko alam kung maiinggit ako o magseselos o ano sa kind of friendship na mayroon kayo ni Amans. In a way, kinikilig ako dahil over protective siya sa'yo at talagang makikita iyong paga-alaga niya sa'yo. Pero sa kabilang banda, nagseselos at naiinggit ako kasi sana gawin din niya iyon sa'kin kahit minsan lang." litanya ni Elyza dahilan para mapabaling siya dito. 'Amans' ang palayaw nito sa matalik niyang kaibigan sa hindi niya malamang kadahilanan. Pero ayon naman dito ay hindi iyon alam ni Amani at nagmakaawa pa ito sa kanya na huwag iyong sasabihin sa kaibigan niya.

"Ano bang sinasabi mo? Ako talaga pagseselosan? Grabe ha!" hindi siya makapaniwala sa sinasabi nito. Walang dapat pagselosan dahil daig pa nila ni Amani ang magkapatid at alam niya sa sariling hindi sila lalampas doon kahit na sa kabilang buhay pa.

Sa gulat niya ay binatukan ni Iyah si Elyza. "Tumigil ka ngang babae ka sa pagpapantasya kay Amani. Kinikilabutan ako sa'yo." Humarap ito sa kanya. "Sige na, mag-ayos ka na. Sasabay na lang kami sa inyo hanggang sa Mandaluyong para tipid pamasahe." udyok nito sa kanya. Tumayo ito at ito na ang nagbitbit ng mga gamit na ginamit nila sa kanilang mga kinain.

Muli niyang binalingan si Elyza na nanghahaba ang nguso habang tumutulong na din sa pagi-imis ng mga kalat. Iiling-iling na naglakad na lang siya paakyat sa ikalawang palapag. Hindi niya alam kung kailan pa nagsimula ang pagsintang pururot ni Elyza para kay Amani.

Nakilala lang naman niya ang dalawa dahil fans ang mga ito ng Stray Wolves. Sa football industry din nagta-trabaho si Iyah samantalang barista naman sa isang kilalang coffee shop si Elyza. Nakakasama niyang manood ang mga ito hanggang sa kahit paano ay mapalapit na din ang mga ito sa kanya. Mula noon ay vocal na ito sa pagsasabi sa kanya ng nararamdaman nito para sa kaibigan niya. Dahil nga 'close' na sila at malapit na magkaibigan. Hindi na nga lang niya masyadong iniintindi ang dalaga dahil kahit kailan naman, hindi siya nakialam sa mga nagiging relasyon ng kaibigan niya.

Hindi siya ganoon ka-romantikong tao. Hindi siya naniniwala sa tunay na pag-ibig at kung talagang nage-exist nga iyon ay para lang marahil sa mga masuwerteng tao. And definitely, hindi ako kasama doon. matabang na aniya sa isip.

Naiinis na bumuga siya ng hangin bago inabala ang sarili sa paga-ayos. Sisiguruhin niyang makakapag-sulat siya habang nagte-training si Amani. Hahanap siya ng mga lalaking maaaring makapagpabalik sa kahit na kaunting kilig sa puso niya o kahit makipag-harutan at pikunan lang siya sa mga ito ay ayos na, makaramdam lang siya ng iilang emosyon na ilang araw nang missing in action. Kailangan na ulit niyang kumita ng pera at talagang naghihikahos na ang savings niya.

Kaya niyang buhayin ang sarili niya kaya ipagpapatuloy na niya. Nage-enjoy naman siya at marami siyang natututunan. Nagawa na nga niya nang dalawang taon, ngayon pa ba siya titigil?

Continue Reading

You'll Also Like

189K 4.9K 32
Magkalayong-magkalayo ang mga hilig nina Melanie at Gabe pero hindi naging hadlang iyon sa kanilang pagkakaibigan. Since the first time they met, the...
43.1K 831 42
Posible bang ma-in love sa isang dating kaaway? Posible! Lalo na kung malapit na ang Pasko!
7.6K 159 16
"He is my home and I love him so much that I am giving up all the glamour, the wealth, and the dream I have cherished for so long." Labag man sa kalo...