Saan Kami Pupunta?

By ruerukun

253K 4.7K 1.7K

Alas syete ng umaga, sa may Avenida, Maynila... Pakapal nang pakapal ang di-pangkaraniwang hamog na bumalo... More

Preface
Season 1: El Vacío
Kabanata I : Kami
Kabanata II : Unang Araw (1/2)
Kabanata II : Unang Araw (2/2)
Kabanata III : Avenida (1/3)
Kabanata III : Avenida (2/3)
Kabanata III : Avenida (3/3)
Kabanata IV : Hintay (1/3)
Kabanata IV : Hintay (2/3)
Kabanata IV : Hintay (3/3)
Kabanata V : Ang Unang Patak ng Ulan (1/2)
Kabanata V : Ang Unang Patak ng Ulan (2/2)
Kabanata VI : Liwanag at Dilim
Author's Message
Kabanata VII : Saklolo (2/2)
Liwanag ng Buwan
Season 2: Rigor Mortis

Kabanata VII : Saklolo (1/2)

11.7K 277 90
By ruerukun

"Kailan ako nanaginip?" Yan ang unang tanong na pumasok sa isip ko nang magmulat ako ng mga mata. Hindi ko maalala kung saang tagpo ako nakatulog o naidlip man lang. Hindi ko alam kung saang parte ng huling alaala ko ang simula ng panaginip na yun. Wala akong matandaan... Wala sa hinagap ko na nakatulog pala ko.

"Ok ka lang ba, Elias...?" ulit na tanong ni Marta

Walang kaugnayan, pero ang mga tanong na yun ay para bang katagang nagpaalala sa akin na ang buhay ay sadyang maikli - na kung inaakala mong marami ka nang nagawa sa buhay mo, na marami ka nang naranasan, ay nararapat lang na maisip mo rin na kung gaano kahaba ang inilagi mo sa mundo, ay kabaliktaran nito ang bilis kung paano ka mawalan ng pulso. Bakit? Dahil sa isang iglap, sa bilis ng mga pwedeng mangyayari, ay maaaring patay ka na bago mo malaman na patay ka na nga.

Nanlamig ang buo kong katawan. Ang mga balahibo ko sa braso ay nagsisitayuan. Kalaunan, di ko na rin mapigilan ang panginginig ng aking mga kamay. Niyakap ko ang sarili ko. Pakiramdam ko ay kumalas ang kaluluwa ko't at nagbalik lamang matapos mamatay sa loob ng panaginip na yun. Sobrang makatotohanan. May mga talim pa rin akong nararamdaman sa balat ko. Nangyayari rin pala na ang damdamin ay di magawang kalimutan ang isang panaginip - kahit na ang damdaming ito ay dulot lamang ng paglalaro ng isipan.

Ang lahat ng nangyaring yun ay isang malaki at napakahabang panaginip - ang bagyo, ang Quiapo, ang gutom, ang panlulumo, at ang mga nilalang na pumatay sa akin. Lahat ng yun ay nangyari sa isang maikling sandali nang makatulog ako. Sinasabi ng utak ko na ang lahat ay isang mahabang ilusyon subalit iba naman ang idinidikta ng katawan ko. Ramdam ko pa rin sa sistema ko ang takot at pangamba na baka totoo ngang nabubuhay ako ngayon sa isang lugar na pinaglalagakan ng mga kaluluwang kamamatay pa lamang. Gaya ng inaakala ni Penny, maaari rin naming isipin na baka nga kami ay totoong namatay na at kasalukuyang nasa purgatoryo. At ang napakasamang panaginip na yun ay isa palang pangitain o hindi kaya ay isang paalala - na kahit anumang pagpupumilit naming hanapin ang sagot ay di rin namin masusumpungan.

Nandito pa rin kami sa loob ng 7-eleven. Nandito pa rin pala ako ako - tulala sa isang kwarto, na kung tutuusin ay napakaliit lang pero walang hanggan ang hiwaga. Hanggang ngayon ay wala pa rin akong maisip na tuwirang dahilan kung ano ba talaga ang ginagawa namin dito. Hanggang sa puntong ito ay wala pa rin akong makuhang pahiwatig kung ano ba talaga ang nangyayari...

Tulala akong nakatingin sa kadiliman nang tumama ang isang liwanag sa isang basong tubig na napansin kong nasa harapan ko pala. Nag angat ako ng ulo at naaninag ko ang mukha ni Marta.

"Uminom ka muna..." mahina nyang boses. Iniabot sa akin ni Marta ang isang plastic na baso. Sa sobrang lalim ng iniisip ko ay hindi ko namalayang may tao palang kumakausap sa akin.

Ininom ko ang tubig. Ang bawat pagdaloy nito sa lalamunan ko ay siya ring unti unting pagkapanatag ng katawan ko. "Grabe ka pala bangungutin..." pagpapatuloy ni Marta. Bahagya itong ngumiti at umupo sa tabi ko"...para kang anak kong babae, kapag matindi tulog, lalo na kapag ganyang umuulan, sigurado puyat ako."

Sa sinabi nyang yun ay naalala ko rin ang nagiisa kong anak. Sa dami ng mga gumulo sa akin ay nawaglit sya sa utak ko. Ilang araw na nga ba ang lumipas mula nung nakulong ako dito? Walang dudang nagaalala na rin sya sa akin.

"Ok ka na?" muling tanong ni Marta. Kinuha nito ang baso mula sa akin nang maubos ko ang laman. Kahit sa ibang direksyon nakatutok ang liwanag ay naaaninag ko pa rin ang itsura nya. Ang mga mata nya... na namumula mula at hindi pa rin nawawalan ng mga butil ng luha. Kapagdaka ay pinupunasan, pinunasan para lamang palitan ng mga bagong luha...

Gusto kong ibalik ang tanong na yun sa kanya... Sa kanya at sa lahat ng iba pa naming kasama. "Ok pa ba kayo?" yan ang mga katagang gusto kong bigkasin sa bawat isa sa kanila. Sa puntong ito ay maaaring hindi lang ako ang nangangailangan ng presensya ng kasama. Hindi lang ako ang nalulungkot. Nakakabaliw ang kadiliman sa loob nitong 7-eleven at baka nga ang bangungot ko kanina ay isa sa mga unang epekto ng pagkasira ng ulo. Masasabi kong ang panaginip na yun ay hindi talaga karaniwan dahil hanggang ngayon, kahit pa man alam kong panaginip nga yun, ay patuloy ko pa ring nararamdaman ang mabilis na pagpasok ng dalawang patalim sa katawan ko.

"Hindi ka naman sumasagot..." narinig kong muli ang boses ni Marta. Nadatnan kong nilalaro laro nito ang hawak na flashlight. Pinaiikot ikot sa kamay at hindi maalis ang paningin sa naglalarong liwanag. Maya maya ay bigla nyang pinatay ang ilaw at lumukob na naman ang dilim sa loob ng kwarto.

Nung una ay ikinabigla ko kung bakit nya pinatay ang ilaw. Sa totoo lang ay nanumbalik ang takot ko nang wala na naman akong nakita. Pero unti unti ko ring naalala na kinakailangan nga palang patayin ni Marta ang flashlight dahil sa dalawang bagay; Una, dahil sabi ni Penny, bago sya lumabas ng tindahan, kinakailangang walang magbukas sa amin ng kahit na anong ilaw para makapasok silang muli sa dito sa tindahan. Kahit pa sabihing teorya pa lang nya yun ay hindi kami pwedeng magsawalang bahala at baka talaga ngang di na makabalik ang dalawa naming kasama; Ikawala, kung sakali mang hindi na nga makabalik si Hesus at Penny, yung flashlight na hawak ni Marta na lamang ang ilaw namin dito sa loob at mas makakaigi pa rin na gamitin yun kung kailangan lang talaga.

Katahimikan ang pumagitna sa amin. Isang mahaba at nakakalulang katahimikan. Hindi nagbanggit si Marta ng kahit ano at gayun din ako. Kahit ang iba pa naming kasama na alam kong gising pa ay hindi rin nagsalita. Siguro ay tulad ko, mas minabuti nilang gumising at mag-isip habang kaya pa nilang magisip. Maaari ring natatakot sila na baka abutan sila ng kamatayan habang tulog. Yun din ang naisip kong pinaka nakakatakot na maaaring mangyari. Paano nga kaya ang pakiramdam ng isang taong namatay nang tulog. Posible ba na malaman ng isang tao na patay na sya kung nangyari yun habang ang buong presensya nya ay lumulutang, walang kamalay malay na ang katawan nya ay wala na palang buhay. Sa palagay ko ay hindi na. Maaari ring posible pero mahirap isipin. Pero paano nga kung ganun din ang nangyari sa aming walo. Paano kung talagang patay na nga kami tulad ng pinakikiramdaman ni Penny pero walang alam ang kamalayan namin na patay na nga kami talaga at naiwan na lang ang diwa namin sa isang lugar - tulad nitong 7-eleven? Paano kung kaming walo ay pawang mga multo na lang pala...?

Nanindig ang balahibo ko sa naisip ko na yun. Tang ina... Paano kung tama si Penny? Paano kung kaluluwa na lang talaga ako? Nasa purgatoryo ba talaga kami? Nanumbalik sa alaala ko ang mga pinagdaanan naming walo. Progresibo ang lahat ng nangyari mula simula hanggang ngayon. Wala talaga akong matandaan na maaaring sabay sabay naming ikinamatay. Kailan at paano kami namatay? Hindi ko mapigilang hindi kabahan. Hindi ko mapigilang umiyak... Kung patay na nga kami talaga, ano pa bang dahilan ng lahat ng ito... ano pa bang hinihintay namin?

"Nakakita ka na ba ng takot na takot na pusa?" pinutol ng tinig na yun ni Marta ang iniisip kong yun. Mabuti rin at pinutol nun ang takot na dulot ng mga naiisip ko. Ang bawat sabihin ni Marta ay para bang garantiya sa akin at nagsasabi na nagpapatuloy pa rin ang oras at kung nagpapatuloy ito, siguradong naglalakad ang panahon at ako ay buhay pa talaga.

Pinunasan ko ang magkabila kong pisngi. Nagaalinlangan man, sinagot ko rin ang tanong nya. "Bakit mo natanong? ...pusa? tama ba narinig ko? Pusa?"

"Pusa... alam mo ba ang mga pusa, sabi nila, masyadong maingat ang mga hayop na yan... Hindi sila gumagawa ng kahit anong bagay na alam nilang mapapahamak sila. Alam nila kung anong nangyayari o mangyayari sa paligid nila. Halimbawa, pag bumabagyo, sumisilong sila sa lugar na alam nilang safe sila..."

Kahit sa tingin ko ay walang kwenta ang gusto nyang pagusapan, napilitan na rin akong magpatuloy "Lahat naman ng hayop, siguro naman, naghahanap ng ligtas na lugar kung may bagyo."

Tumahimik si Marta. Matagal bago ko naramdamang muli ang presensya nya. Sa pagitan ng oras na yun, unti unti kong inisip at naunawaan ang gusto nyang sabihin sa akin. Hindi sya makikipagusap ng tungkol sa isang hayop lang kung wala syang gustong sabihin.

Tipikal na babae si Marta... na nanay. Kung may mamumutawi mang paliwanag na mula sa kanya, ay ipapaliwanag nya yun sa pinakamaiging paraan. Parang isang ina na nagpapaliwanag sa anak kung ano ang tama o mali... kung ano ang dapat gawin at ano ang dapat iwasan. Parang isang nanay na dadaanin ka sa simpleng kwento at sa bandang huli, ay ikaw mismo sa sarili mo ang tanging makakapagpaintindi.

"Yung anak kong yun... yung babae... minsan isang gabi tinawag ako nun. Umuulan nang malakas sa labas nun. Nakadungaw sya sa bintana. Sa gilid ng bintana namin, may bubong na pwedeng silungan. Maikli lang yung bubong, pero para sa isang pusa na nakita ng anak ko, sapat na yun para maiwasan nyang mapano sa bagyo... Sinamahan ko yung anak ko. Tinignan lang namin yung tinuro nya. Yung pusa na nakatingin lang din samin. Hindi sya lumilingon sa iba. Talagang titig na titig lang sa amin. Tinitignan kung anong gagawin namin sa kanya. Iniisip siguro ng pusa na baka gawan namin sya ng masama - batuhin o ihulog sa kalsada. Pinakikiramdaman kami nung pusang yun... Sabi ng anak ko bigyan namin ng pagkain kasi nga baka raw nagugutom. Alam mo naman yung mga bata, parang lahat kinaaawaan, so kumuha ko ng pagkain. Pagbalik ko, nandun pa rin yung pusa... nakatitig pa rin sa kin. Hindi pa rin sya gumagalaw. Nung aabutan ko na ng pagkain, bigla syang tumayo, tumalon sa bubong nung kabilang bahay. Lumusong sya sa ulan..."

Malinaw na sa akin kung anong nararamdaman nya ngayon. Gusto kong sabihin kung ano ang pagkakaintindi ko sa kwento nya pero hinayaan ko lang syang magsalita.

"Nagtaka ko kung bakit sya tumakbo..." pagpapatuloy ni nya, Humina ang boses nito. Kumukulot ang boses na nagsasabi sa akin na umiiyak sya. Humihikbi. Nararamdaman kong napakaimportante ng gusto nyang sabihin kaya dinaramdaman nya ang bawat namumutawing salita. "...Bakit sya tumakbo kahit mababasa lang sya ng ulan? Bakit umalis sya sa pwesto nya kahit alam nyang malakas yung ulan at baka mapano sya. Pagkain naman yung binigay ko pero hindi nya naintindihan. Hindi ko naintindihan yun... pero ngayon, sa nangyaring 'to satin, parang alam ko na kung bakit minsan, kahit alam nating ligtas tayo sa isang lugar, kailangan pa rin nating umalis..."

"Bakit sa tingin mo?"

Hinintay kong sumagot si Marta pero mukhang ayaw nya nang ipagpatuloy ang sasabihin. Dala na rin siguro ng bigat ng dibdib. Hindi ko alam kung sinadya nya bang tumigil o hinihintay nya lang akong magsalita at sabihin kung ano ang tingin ko sa ginawa ng pusang yun. Pero sa katunayan... simple lang din naman ang gustong ipahiwatig ng kwento ni Marta... ng nasa loob ngayon ng puso ni nya.

Sa pagkakaintindi ko, tulad ng pusa, maingat na tao si Marta. Ayaw nyang gumawa ng isang bagay na ikapapahamak nya. Walang mali duon. Lahat ng tao ay likas na maingat. Pero ang gusto talaga nyang sabihin ay yung kabilang banda ng ugali nya... Kaya nyang gawin ang isang bagay kung sa tingin nya ay yun ang magliligtas sa kanya - tulad ng ginawa nung pusa nung tinanggihan nya ang pagkain at lumusong sa malakas na ulan dahil sa tingin nya, mas maiging makipagsapalaran kesa magtiwala sa isang taong hindi nya kilala at sa lugar di sya pamilyar kahit pa ipinapakita nito na walang masamang intensyon sa kanya.

Gustong lumabas ni Marta... Yun ang totoo. Yun lang naman ang gusto nyang sabihin. Gusto nya nang lisanin 'tong 7-eleven pero natatakot sya. Yun ang dahilan kung bakit kinukuwento nya sa akin ang nararamdaman nya. Ayaw nyang sabihin nang diretso dahil siguro, sa loob nya, hindi rin sya sigurado kung yun nga ang dapat nyang gawin. Gusto nyang marinig mula sa iba kung ano ba ang tingin nilang mas dapat. Ayaw nyang magtiwala sa tindahan na to - ayaw nyang magtiwala sa kwartong ito kahit pa man ligtas sya rito. Maging ako ay naniniwala na walang mangyayari sa amin kung magkukulong lang kami dito sa loob ng tindahan at maghihintay. Maaaring wala naman talaga kaming hinihintay...

Nasa ganoon akong pagmumuni nang mapansin kong unti unting nagliwanag ang loob ng tindahan. Napatingin ako sa bukas na pintuan - Naguumaga na... Tumataas na ang araw. Ang hamog sa labas ay parang nag anyong ulap nang tamaan ng sikat ng araw - puting puti na animo ay mga bulak na nagsisilutangan.

Inalalayan ko ang sarili ko at tumayo. Hinayaan ko munang mapag isa si Marta at tinungo ko ang pintuan para lalo pang mapagmasdan ang hamog. Napakaganda ng liwanag. Aaminin ko, nakakapanatag ng damdamin ang tanawin. Para bang nakatayo ako sa pintuan ng kalangitan. Maamo ang liwanag ng hamog. Kakaiba talaga ang pakiramdam ko - magkahalong pagkamangha, saya at lungkot. Hindi ko talaga maipaliwanag. Naalala kong muli ang mga sinabi ni Penny - maari ngang ang nasa harap ko ang pintuan papunta sa kung saan palabas ng purgatoryo.

"Ang ganda no?" Narinig ko sa aking kanan ang boses ni Anabelle. Nakita ko rin sa mukha nya ang pagkamangha sa nakikita. Napapa nganga at ang mga mata ay dilat na dilat habang pinagmamasdan ang puting hamog. "Huminto na pala yung ulan..." Sabi pa nya.

Nun ko lang din napansin na naglaho na pala ang tunog ng ulan sa labas.. Wala na akong marinig na kalansing ng tubig sa bubong ng mga jeep. Malamang ay naglaho na rin ang mga ulap kaya ganito na lang kaliwanag ang hamog. Tahimik na sa lahat ng dako.

"Ano kaya yung talagang nasa likod ng hamog na yan...?" narinig ko ang bulong Rudy, lumapit ito sa amin at tumingin din sa pintong pinalilibutan ng puting hamog. Hindi nya mapigilang huwag hawakan ang tila ulap na liwanag na nasa harapan namin. "Wala akong maramdaman" wika pa nya "... para lang talaga kong humahawak sa wala. Sa tingin nyo... sa tingin nyo lang, may iba pa kayang tao sa labas bukod satin?"

May ilang sandali bago ko naproseso sa utak ko ang tanong na yun. Nasa ilalim ako ng impresyon na kaming walo na lang talaga ang nabubuhay sa lugar na to. Hindi... anim na lang pala kami dahil hindi ko masabi kung saaan na napunta ang dalawang naming kasama na lumabas kagabi. At kung talaga ngang nawala na sila Hesus at Penny... hindi ko pwedeng sabihin na patay na sila hanggat di ko nasasaksihan kung anong meron sa labas.

Binalikan ko ang mga unang tanong na iniwan naming di masagot sagot. "Ano nga ba ang nangyari at saan napunta ang mga tao?" - Yun ang dalawang bagay na gusto naming malaman nung nagsimula itong pangyayaring ito. Wala talaga akong ideya kung paano bakit at paano nagkaroon ng hamog sa labas pero naniniwala ako na ang lahat ng sagot sa tanong namin ay makikita lang namin sa likod ng mga ulap na to. Dalawa lang naman talaga ang kalaunang gagawin namin - ang maghintay o ituloy ang buhay sa labas.

"Paano kung tayo na nga lang?" tanong naman ni Anabelle. Bumaling ito kay Rudy, na ngayon ay nakatingin patingala sa hamog.

Hindi nya sinagot ang tanong na yun. Masyadong mabigat. Magmumukhang padalos dalos ang sinuman sa amin na sasagot sa tanong na yun ni Anabelle. Kung may sasagot at magsasabing maghihintay pa rin dito sa loob, lalabas na wala syang pakialam. Kung magmumungkahi na lumabas, siguradong may aangal. Napatingin tuloy ako sa direksyon ni Jeric na kasalukuyang nagbubukas ng makakain.

"Ano sa tingin mo?" si Rudy naman ang nagbalik ng tanong sa babae. Lumalabas ngayon na nagbabasahan ng isip ang dalawa. Ang hinala ko ay parehong nagaalinlangan ang dalawa na magsabi ng gustong gawin. Tulad ni Marta, itong si Rudy at Anabelle ay nararamdaman kong gusto na ring lumabas pero nagpipigil lang ng sarili. Nagpipigil o natatakot. Sino ba naman ang taong gustong magkamali ng desisyon lalo na't hindi biro ang sitwasyon ngayon. Alam kong hindi nawawala sa isip nila na hindi pa rin nakakabalik ang mga kasama namin at dahil dun nagkakaroon ng kanya kanya hinala ang bawat isa sa kung ano ang maaaring nangyari kina Penny at Hesus.

"Magpapakatotoo ako..." sa likod namin ay narinig ko ang boses ni Marta. Kaming tatlo ay napalingon sa kanya. May mga bakas pa rin ng natuyong luha sa magkabila nyang pisngi. "...sa tingin ko hindi na makakabalik sila Hesus. Kung makakabalik pa sila, dapat kagabi pa... Dapat hindi ganito katagal. Hindi ko sinasabing patay na sila, pero nararamdaman ko na sa oras na lumabas ka sa paraan na ginawa nila, mapupunta ka sa ibang lugar... sa labas ng mundong to." nagkusot ng mga mata si Marta. Lumapit sa pinto at hinawakan ang hamog. "Malay natin, nakabalik na pala sila sa totoong mundo kaya hindi na sila bumalik dito?"

Mulagat na pinagmasdan ni Anabelle at Rudy si Marta. Kahit ako ay napaisip sa sinabi nya. Paano nga kung nakabalik na sila Hesus sa orihinal na mundo namin kaya wala pa rin sila dito sa tindahan? May punto si Marta. Lumukso ang puso ko sa tuwa sa narinig ko. Nabuhayan ako. Pero mabilis ding nagbago ang pakiramdaman ko nang maisip ko na paano kung mali si Marta. Paano kung hindi yun ang daan palabas? Paano kung makulong na naman kami... makulong sa panibagong mundo at tulad nila Penny, ay hindi na makabalik sa tindahan...?

"So, gusto mong lumabas? Gusto mo na lumabas na tayo?" si Anabelle.

Tingin lang ang isinagot ni Marta. Halatang kong nagpapakiramdaman ang lahat - nakikiramdam kung sino ang gustong maunang magsabi ng gagawin.

"Kung hindi pala nakaligtas sila Hesus..." si Rudy "...ibig sabihin nun di ba matutulad tayo sa kanila?"

"Alam mo ba kung anong nangyari sa kanila?" ibinalik ni Marta ang tanong. "Walang may alam satin kung ano talagang meron sa labas. Ano nga ba nangyari dun sa dalawa? Pwedeng... nakabalik na sila sa mundo natin, pwede sa labas pala nandun yung daan pabalik sa mundo, pwede rin naman nandyan lang sila sa labas ng pinto pero di lang makapasok..."

"O pwede ring patay na, di ba?" parang isang martilyong bumasag sa usapan ang mga katagang yun. Tulad ng inaasahan ko, nagsalita na si Jeric para kontrahin ang ideya ng paglabas.

Napatingin kami sa direksyon ni Jeric. Nang tignan ko ay nakaramdaman ako ng pamilyar na bagay. Pakiramdam ko ay nangyari na rin ang tagpong ito. Parang isang dejavu. Ang pagsalungat nya, ang banat nyang yun... saka ko naalala, parang ganito rin ang daloy ng usapan sa panaginip ko kagabi. May mga kaibahan pero ganitong ganito ang mga binabatong salita.

Mabilis kong iwinaglit sa isip ko ang pakiramdam na yun naniniwala ako na nagkakataon lang ang lahat ng mga nangyari sa wirdong panaginip ko.Nangyayari paminsan minsan sa isang tao ang makaramdam ng mga pangyayari na sa tingin nila ay nangyari na dati pa. Likas na mapaglaro ang utak ng tao kaya hindi nakakapagtaka na kung minsan, akala natin ay nakakakita tayo ng mga hindi normal na bagay pero sa bandang huli, makukumbinsi natin ang sarili natin na guni guni lang pala.

"May suggestion ka?" mariing tanong ni Anabelle kay Jeric.

Walang isinagot ang mama. Ipinagpatuloy lang nito ang pagsubo sa kinakain. Lahat kami ay nakatingin lang sa kanya. Nararamdaman kong iba na rin ang tingin ng mga kasama ko sa inaasal ni Jeric. Mahilig talaga kasi itong pumasok sa usapan at magsalita pagkatapos ay wala namang maitutulong o magandang maisusuhestyon.

"Nagpaplano na ba tayo?" tanong ko sa kanilang lahat. "...nagpaplano na ba tayong umalis?" Bumaling muli ang atensyon nila sa usapan. Bumaling sila sa akin. Nakikita ko sa mga mata nila ang pagnanais na kumilos para kahit papaano ay masagot man lang ang ilan sa mga bumabagabag sa amin. Pero nakikita ko rin sa mga anyo nila ang pagaalinlangan. Alam kong gusto nang makipagsapalaran ng lahat pero hindi namin kayang maalis na lang basta ang takot sa dibdib. Hindi ganun kadaling magdesisyon dahil buhay namin ang isusugal namin.

Ang pinakamalaking palaisipan sa amin ngayon ay ang di pagbalik ng dalawa - nila Hesus at Penny - kung ano ba ang talagang nangyari sa kanila. Wala akong mahagilap kahit na hula man lang.

"Sabi ni Hesus kahapon, ibang lugar makikita natin pag lumabas tayo..." si Rudy. Nakatingin ito sa amin at iniisa isa ang aming mga mata. "Siguro simulan natin sa ganun... simulan nating aminin na may dalawang mundo na nageexist. Itong lugar na to.. Itong 7-eleven... at yung nasa labas nitong pintong 'to." sabay turo nya sa labas.

Tama. Bigla kong naisip na isa pala sa mga palaisipan sa amin ang maaaring nasagot na - may dalawang mundo. Yun ang nagiisang bagay na hindi ko magawang pagdudahan dahil napatunayan ko na yun noon lumabas ako ng tindahan. May mundo sa labas... at yun ang unang katotohanang naintindihan namin.

"So, tayong anim ngayon, Ikaw, ako, yung anak ko, si Marta, si Elias, at si Jeric... lahat tayo nandito sa unang mundo...?" sumunod na nagsabi ng iniisip si Anabelle. ".. si Hesus pati si Penny... nasa kabila naman sila?

Matagal bago sumagot si Rudy. Pansin kong inisip muna nitong maigi ang sumunod na mga salita. "Yun ang tingin ko... base yun sa kwento nung dalawa nung una silang lumabas" bumaling ng tingin sa akin si Rudy "Ano tingin mo?

Itinanong ni Rudy sa akin yun dahil tanging ako lang ang kayang sumegunda sa sinabi nya. Totoo ang obserbasyon ni Rudy. Wala akong maisip na dahilan para baligtarin ang sinabi nya "Naniniwala ako sa sinabi mo" sagot ko "Tingin ko pwede nating simulang maghanap ng sagot mula sa sinabi mong yan. Kung may pangalawang mundo talaga, at nandun silang dalawa sa mundong yun, ibig sabihin may tyansa na buhay pa sila..."

"Hindi sila namatay nung lumabas sila, napunta lang sila dun..." wika ni Marta. Nakita ko sa mukha nya ang pagkamangha. Senyales na pareho rin kami ng naiisip.

"...at kung buhay sila... pwede rin ba nating sabihin na ligtas sila ngayon?" si Anabelle "at ...kung walang nangyaring masama sa kanila, ibig din ba sabihin nun wala tayong dapat alalahanin pag lumabas tayo?"

Huminto ako sa sinabing yun ni Anabelle. Masyado nang malayo ang mga inaakala namin. Hindi ko masisisi si Anabelle na ganun ang maisip. Ang susunod kasi na tanong sa katotohanang may isa pa talagang mundo sa labas ay "ano ang meron sa mundong yun."

Nagkatinginan lang kaming lahat. Mukhang pare pareho kami ng palagay. Sa simula' simula pa lang ay yun na ang problema namin. Wala kaming paraan para malaman kung ano ang lugar na pupuntahan namin sa oras na tumapak kami sa labas nitong 7-eleven. Sa loob loob ko, dalawang bagay lang ang pwedeng mangyari - ang makapagpatuloy na mabuhay o mawalan ng buhay.

"Bakit kailangan nating lumabas?" tanong ni Marta sa lahat. Binigyan nya ng diin ang tanong na yun na para bang kapag nasagot namin yun ay magkakaroon kami ng dahilan para huwag isipin na mapapahamak nga kami. "Bakit sa tingin nyo dapat lumabas na tayo...? Ikaw, ikaw Rudy, tingin mo ba kailangan mong lumabas?"

Kung iisiping maigi, mabigat ang tanong na yun. Simple pero mahirap sagutin. Alam naman namin na ang dahilan kung bakit gusto naming lumabas ay para matapos na ang impiyernong ito at mabuhay na ng normal. Ako, yun lang talaga ang gusto kong mangyari - makalabas at mabuhay muli kasama ang anak ko.

"Alam mo naman kung anong isasagot ko, di ba? Ano pa bang sasabihin ko, gusto ko lang namang bumalik sa bahay namin kasama anak ko. May iba pa bang dahilan?" inunahang sumagot ni Anabelle si Rudy. Bumalik ito sa pwesto ng anak at kinarga ang kagigising lang na si Chris.

"Sa ngayon, isa lang ang dahilan nating lahat... isa lang ang dahilan kaya dapat lumabas na tayo at maghanap ng ibang lugar na malilipatan." bakas sa mukha ni Marta ang kaseryosohan. Itinaas ni Marta ang hawak na flashlight para ipakita sa amin. "Sa oras na maubos ang baterya nito, hindi ko na alam kung paano tayo mabubuhay. Magdamag ko nang pinagisipan kung anong mga posibleng mangyari satin mula nung mawala sila Hesus. Syempre nandun na yung maisip ko na baka talagang nawala na sila. Sabi ko nga kanina, kung babalik sila, dapat nakabalik sila agad agad at di na aabot ng ganito. Ngayon, isipin nyo, paano kung hindi na talaga sila makakabalik? Paano kung wala na tayong dapat hintayin dito sa loob? Darating at darating din yung oras na may lalabas sa atin. Hindi na natin mahihintay yung oras na yun dahil kapag nawalan na tayo ng ilaw para makalabas..."

"...mapipilitan tayong mabuhay sa limbo..." naibulong ko. Pinutol ng mga salita kong yun ang sasabihin pa dapat ni Marta. Napatingin silang lahat sa akin. "... sa isang lugar na tulad ng binanggit ni Penny - purgatoryo." patuloy ko.

Natakot ako. Lubos ang takot na naramdaman ko habang iniisip kung paano ang mabuhay sa mundong nakita ko nung lumabas ako. Naunawaan ko ang gustong sabihin ni Marta. Tanging ilaw lang ang naging paraan kaya nakalabas sila Hesus at Penny. Gamit nila ang flashlight kaya nakalabas silang dalawa. Sa oras na wala na kaming ilaw na pwedeng gamitin kung sakali mang mapilitan na kaming lumabas, tiyak na huli na ang lahat at an dadatnan na lang namin ay ang lugar na pinuntahan ko kanina - ang lugar kung saan naramdaman ko kung ano ang pakiramdam ng isang naliligaw multo.

Limbo... lugar na pinabayaan at kinalimutan ng panahon at alaala. Purgatoryo sa madaling salita. Nanumbalik sa utak ko ang bawat salitang sinabi ni Penny. Iniisip ko pa lang kung paano kami maglalakad sa lugar na balot ng hamog sa gitna ng gabi ay humihinto na ang paghinga ko. Pero ang naiisip ko ngayon ay mas masahol pa sa pagiging multo. Paano kung buhay talaga kami at sa oras na wala na kaming mabuksang ilaw ay dun lang kami magdedesisyong lumabas? Siguradong tatambad lang sa amin ang lugar na hindi nararapat para sa mga nabubuhay. Ang lugar ng magpakailanmang kawalan...

Naramdaman ko ang mga palad ni Marta sa kamay ko. Hinawakan nya ang nanlalamig ko nang kamay. Ang paghawak nyang yun ay paalala na mayroong pag asa. Pero ang pag asang yun ay mangyayari lamang kung ang magiging desisyon namin ngayon ay tama.

Hinanap ko ang iba pang mga kasama ko - tahimik ang humahagulgol si Anabelle habang yakap ang anak, kagat ang labi at di na halos magawang punasan ang masaganang luha; Nanginginig naman ang mga braso ni Rudy na ngayon ay paroo't parito ang paglalakad na tila iwinawaksi ang takot na baka magpalaboy laboy kami sa purgatoryo. At si Jeric... kung kanina ay hindi ito matinag sa kinauupuan, ngayon ay lumapit ito sa amin na animoy ay isang batang humihingi ng tulong, umiiyak at malamang ay naiintindihan na rin na kinakailangan na naming gawin ang matagal nang kinatatakutan.

"Mamayang gabi... malalaman na natin..." yan ang mga huling salitang binitawan ni Marta bago kami magayos at magimpake para paghandaan ang paglabas ng tindahan

Continue Reading

You'll Also Like

169M 5.5M 67
A place where everything is mysterious, enchanting, bloody, and shitty. Entering is the other way of suicidal. Just one wrong move and everything wil...
82.6M 2.4M 73
Erityian Tribes Series, Book #1 || Not your ordinary detective story.
6.9M 347K 53
The adventures of the QED Club continue as the Moriarty mystery thickens. Looking for VOLUME 1? Read it here: https://www.wattpad.com/story/55259614...
17.5M 656K 66
So she tasted the deep pain that is reserved only for the strong. Crimes. Clues. Mysteries. Deductions. Detective Files (File 3) Written by Shinichi...