Saan Kami Pupunta?

By ruerukun

253K 4.7K 1.7K

Alas syete ng umaga, sa may Avenida, Maynila... Pakapal nang pakapal ang di-pangkaraniwang hamog na bumalo... More

Preface
Season 1: El Vacío
Kabanata I : Kami
Kabanata II : Unang Araw (1/2)
Kabanata II : Unang Araw (2/2)
Kabanata III : Avenida (1/3)
Kabanata III : Avenida (2/3)
Kabanata III : Avenida (3/3)
Kabanata IV : Hintay (1/3)
Kabanata IV : Hintay (2/3)
Kabanata V : Ang Unang Patak ng Ulan (1/2)
Kabanata V : Ang Unang Patak ng Ulan (2/2)
Kabanata VI : Liwanag at Dilim
Author's Message
Kabanata VII : Saklolo (1/2)
Kabanata VII : Saklolo (2/2)
Liwanag ng Buwan
Season 2: Rigor Mortis

Kabanata IV : Hintay (3/3)

11.7K 226 56
By ruerukun

Katahimikan... Nang makulong ako dito sa loob ng 7-eleven ay naunawaan ko ang ibig sabihin nito. Magkaiba pala ang salitang kapayapaan sa katahimikan...

Ilang oras na ba nang huli naming makita sila Hesus at Penny? Hindi ko na alam... Hindi ko na rin kasi nararamdaman ang oras. Madilim pa rin sa buong paligid at literal na wala akong makita kaya tingin ko'y madaling araw pa rin. Alam kong nakadilat ang mga mata ko. Dilat na dilat pero kahit anong dilat ko ay wala talaga akong makita. Kahit ipikit ko ang mga mata ko'y wala ring pinagkaiba. Gusto ko nang magpahinga... gusto kong magbakasakali na kahit sa panaginip ay maranasan ko ang isang maliwanag na paligid.

Madilim... pakiramdam ko ay ako na lang ang natira sa aming walo. Pakiramdam ko ay magisa na lang ako sa mundo. Sinabayan pa ng katahimikan ang aking magulong pagiisip. Ganito rin kaya ang pakiramdam ng isang baliw? Halimbawa, ng taong grasa? Hindi sumasagi sa isip ko noon ang bagay na yun kahit araw araw akong nakakakita ng mga taong grasa dito sa Avenida. Ano nga ba ang nasa utak ng isang baliw? Kabaliwan? Ano ang iniisip ng isang taong kulang sa pagiisip. Gaano kalalim o kalayo ang mga naiisip nila? Kaya kaya nilang magisip ng tama sa mali? Napansin ko lang, lahat ng taong grasang nakita ko ay hindi nanlilimos ng pera. Hindi nila alam ang halaga ng pera. Nakararamdam sila ng gutom kaya't pagkain ang kanilang hanap pero hindi sila nakararamdam ng awa sa sarili. Awa sa sarili - kung ramdam ko ito ngayon, maaaring hindi pa nga ako nababaliw.

Isang hikbi ang narinig ko habang ako ay nagiisip nang malalim. Tila ang hikbi na narinig ko ay patunay na kaya ko pang pumuna sa realidad. Kaya ko pa palang makaramdam... Patuloy ang paghikbi... na kalaunan ay nabosesan kong kay Marta pala ang mga mahihinang iyak na iyon. Wala nang iba pang maaaring dahilan ang pagiyak nya kundi sa pangungulila. Lahat kami ay gusto na talagang makaalis sa lugar na to. Kung kaya lang din namin na maipaliwanag sa mga sarili namin na wala na talaga kaming pupuntahan ay ginawa na namin. Paano mo nga naman sasabihin sa sarili mo na narito ka - sa isang lugar na di mo alam kung ano - at nagpupumilit kumawala mula sa kung anong pangyayaring hindi talaga maintindihan.

Makalipas ang ilang sandali, ay tuluyan na rin akong nangiyak. Hindi ko inaasahang masasagad ako. Pagod na pagod na ko... Bakit nangyayari ito sa akin? Ano na naman ang kasalanan ko sa Diyos at pinarurusahan ako ng ganito? Panaginip... gusto ko talagang isipin na panaginip itong lahat.

Sa bawat patak ng mga segundong naririnig ko sa aking relo ay sya ring pagkawala ng pag asa kong mabuhay. Saan kami pupunta? Nang minsang akong lumabas ay naramdaman ko ang pakiramdam ng isang namatay. Kung magkulong naman dito ay nararamdaman ko kung paano unti unting namamatay. Wala akong mapuntahan. Wala na ata kaming patutunguhan. Gusto ko nang magpahinga...

Bakit ka tatakas sa isang lugar na alam mong mas ligtas ka? Nakakatawa pero ang tindahang ito... ang kulungang ito pa ang kailangan naming pag tiisan para mabuhay.

Parang ilang oras na ang dumaan at wala pa rin sila Hesus at Penny. Ilang oras na nga ba - isa? dalawa o tatlo? Hindi ko na alam kung gaano katagal. At hindi ko na rin alam kung makakabalik nga silang talaga.

"Elias... " boses ng isang babae. "Gising ka ba?" nanggagaling ang boses nito sa malayo - boses ni Anabelle. Hindi ko alam kung ang boses na yun ay talagang narinig ko o nanggaling lang sa utak ko. Napakadilim kasi ng paligid at hindi ko malaman kung gising pa ang diwa ko. "Elias..." tawag muli nito sa akin.

Hindi ako nagsalita. Pakiramdam ko ay pagod na pagod ako at ni pagbuka ng bibig ay parang napakahirap gawin. Hindi ko rin alam at baka talagang wala namang tumatawag salita akin. Wala pa akong tulog at maaaring pinaglalaruan lang ako ng sarili kong utak.

"Elias.. kung naririnig mo ko, makinig kang maigi..." narinig kong muli ang boses ni Anabelle. Ang boses nya ay boses na parang umiiyak din. "Alam kong gising ka pa... nararamdaman ko... nararamdaman ko na pinanghihinaan ka na ng loob. Kailangan ka namin ng anak ko. Kailangan ka namin nila Marta. Kailangan natin ang isa't isa... makakatakas din tayo mula dito..." Si Anabelle nga.. gising ding tulad ko.

Ayaw kong maniwala sa mga salitang binanggit nya lalong lalo na ang salitang makakatakas. Masarap pakinggan ang mga salitang yun. Matamis sa pandinig pero kung mas lalo namin aasahan, baka mas lalo lang maging masaklap ang pagkamatay namin.

"...Nakikinig ka ba sa akin, Elias?" Muling tanong ni Anabelle.

"Naniniwala ka bang, makakaligtas tayo?" biglang bumukas ang bibig ko. Siguro ay kusang ibinuka yun ng utak ko para kahit papaano ay mailabas nito ang pinakamabigat nitong tanong. "Naniniwala ka ba na makakaligtas ka? ulit ko.

Wala akong narinig kay Anabelle. Yun lang din naman ang gusto naming malaman. Sa totoo lang ay wala na akong pakialam kung anong kababalaghan ba itong mga nangyayari. Ayaw ko nang pilitin ang utak kong magisip pa. Kung ito ay bangungot, gusto ko nang magising. Kung ito ang totoong mundo, gusto kong malaman kung may buhay pa bang nanghihintay sa akin.

Kalaunan, narining ko na naman ang boses nya "Naniniwala ka ba sa Diyos?" tanong ni Anabelle.

Parang sinibat ako ng tanong nya. Parang may isang bagay sa loob ko na tinamaan. Hindi ko maipaliwanag... pero yung tanong na yun ay isang tanong na lagi ko ring tinatanong sa sarili ko mula nung namatay ang asawa ko...

May Diyos nga ba? Bakit may Diyos? Bakit kailangan natin ng isang Diyos? Bakit kung kailan kailangan natin ng Diyos ay saka wala ito? Tulad ngayon... bakit ngayon ay wala sya?

"Kung maniniwala ba ko, maliligtas ako dito?" Sarkastiko kong ibinalik ang tanong sa kanya. Hindi agad ito sumagot. Siguro'y naramdaman nya na hindi ako ang taong kailangang kausapin pagdating sa mga ispirtual na bagay.

Sinubukan ni Anabelle na ibahin ang usapan. "Makakabalik pa kaya sila?" tanong na naman nito.

Sa totoo lang ay naiinis na ko sa mga sinasabi nya. Hindi magandang pagkakataon ngayon na pagusapan ang gusto nyang pagusapan. Nakukulitan na rin ako. Pangit mang sabihin pero gusto ko syang sampalin kahit babae sya para tigilan nya na ko. Parang nararamdaman ko ang naramdaman ni Penny nung kanina nang kanyang bigwasan si Rudy. Lalo lang akong pinahihirapan ng mga tanong nya.

"Ano bang kailangan mong marinig sa 'kin!?" diretso kong tanong kay Anabelle. Nais kong matapos na ang pangungulit nya. "Gusto mo pa bang marinig na ito na... ito na... dito na tayo mamatay... Gusto mo bang ulit ulitin ko pang sabihin yun?" Sigaw ko.

Nangibabaw na naman ang katahimikan matapos kong sabihin iyon. Gusto kong bawiin ang sinabi ko. Hindi ko intensyong sirain ang loob nya at lalong wala sa loob ko na saktan sya. Sa lakas ng aking pagkakasigaw ay hindi malayong narinig din ng lahat ang mga pinagsasabi ko.

Habang nasa kalagitnan ako ng pagiisip, ay narining ko naman ang boses ni Rudy. "Kung hindi na sila makabalik, ano na gagawin natin?" Mahinanon ang tinig nito. Ang boses nya ay parang galing sa malapit sa pintuan.

Mga ilang minuto ang lumipas bago may tumugon sa tanong nya, "Gusto ko pang mabuhay..." Boses naman ni Marta, "Maghintay lang tayo... Babalik sila.."

"Wala din naman tayong ibang magagawa, di ba? Mula nung nangyari ito sa 'tin naghihintay na tayo. Bukas... O sa susunod na mga araw, maghihintay pa rin tayo. Habambuhay na ata tayong maghihintay..." Tinapos ni Rudy ang sinasabi kasabay ng sunod sunod na hagulgol. Tulad ko, malamang tinatanggap nya na rin ang katotohanan na wala na kaming patutunguhang talaga.

"May dahilan lahat ng nangyayaring ito" malumanay na sabi ni Marta. "Kung hindi na sila makakabalik, gagawa tayo ng paraan para makaligtas. Hindi pwedeng walang dahilan tong nangyayari..." Mariin nyang pagpapatuloy.

Napaisip ulit ako sa sinabi ni Marta. May dahilan ang lahat ng nangyayaring ito. Tama. Sigurado yun. Kumbinsido ako na may ugat itong mga pangyayaring ito. Tulad nga ng lagi nyang binabanggit, hindi pwedeng nangyari lang ito amin nang basta basta. May dahilan. Hindi na importante ngayon kung ano ang mga kababalaghang nangyari, nangyayari at mangyayari pa.

Parang naliwanagan ang isip ko sa sinabi ni Marta. "May sikreto ang mundong ito..." bulong ko sa isip ko. "Bakit ngayon ko lang to naisip?. Sa simulat simula pa lang pala ay mali na ang mga ginagawa namin. Lahat din ng mga naiisip namin ay mali. Lahat din ng mga tanong namin ay mali - mga tanong tungkol sa kung ano ang nagyayari sa labas, bakit nangyayari ang mga ito at paano iyon nangyayari. May sikreto ang mundo... at kapag nalaman namin ang sikreto o mga sikretong iyon, ay maaari kaming makaligtas...

"Bakit may hamog?" Tanong ko sa lahat. "Subukan nyo ngang sagutin."

Unang nagsalita si Marta. Hindi nito direktang sinagot ang tanong ko "Ano ka ba... Parang inulit mo lang yung klase ng tanong ni Anabelle kanina - tanong na hindi masasagot"

Tama ang sinabi ni Marta. Sa simula palang ay hindi ko inasahan na masasagot ang tanong na yun. Sabi ko nga, lahat ng tanong namin ay totoong walang kasagutan.

"Elias, kanina nagalit ka kay Anabelle dahil sa walang kwenta nyang tanong... Ngayon magtatanong ka rin pala ng ganun. Ano ba talaga brad?" boses ni Jeric. Sumali na ito sa usapan.

Tama rin si Jeric pero sa pagkakataong ito, tila nabuhayan na ako - at yung ginagawa ko ngayon ay ang alam kong paraan para malaman namin kung paano sasagutin ang mga nangyayari.

"Tama kayo. Walang kwenta talaga ang tanong ko" sinubukan kong magpaliwanag. "Alam ko yun at sinadya kong gayahin ang lagi nating itinatanong. Makinig kayo, mukhang may paraan para makaligtas dito... pero bago yun, gusto kong malaman kung pareho pareho tayo ng naiisip."

Tumahimik ang lahat. Senyales na nakikinig na sila. ipinagpatuloy ko ang pagpapaliwanag "Nasa isang lugar tayo.. nasa isang mundo tayo na iba sa totoong mundo natin. Lahat ng mga di natin inaakalang posibleng mangyari, naranasan natin dito. Lahat ng takot na posible nating maramdaman, naramdaman natin dito. At higit sa lahat, anumang bagay na nakikita natin, naririnig... lahat yun ay totoo."

"Hindi ko maintindihan, teka. Ano bang gusto mong sabihin? Gusto mong sabihin na totoo tong mga nangyayari? Hindi pwedeng totoo, Elias... dahil hindi normal yang mga yan. Hindi mo na siguro kailangang sabihin yan sa amin" si Anabelle

"Hindi normal sa mundo natin pero normal sa mundong ito. Totoo ang mundong to. Ang tanong na lang eh kung gaano katotoo para sayo?" idiniin kong ang mga salitang yun sa kanila "Hindi tayo makakaligtas kahit kailan kung hindi natin tatanggapin na normal ang mga yan."

Mukhang napasisip si Anabelle sa sinabi ko. Hindi ko makita ang mga mukha nila pero ramdam ko na nakikinig sila sa mga sinasabi ko. Wala rin naman kaming ibang pang pagtutuunan ng pansin.

"Pano tayo makakaligtas sa sinasabi mo?" tanong naman ni Marta

"Yung kaninang tanong ko, kung bakit may hamog? pati yung mga tanong na may kaugnayan sa mundong to, lahat yun ay sadyang walang sagot dahil lahat ng nakikita natin ay hindi kababalaghan - walang kababalaghan - dahil sa mundong 'to ang kababalaghan ay normal. Hindi nyo ba napapansin... parang walang sense ang mga nangyayari? Anong kinalaman ng hamog, anong meron bakit kumidlat, paano naging luma yung lahat ng bagay sa labas. Kahit pagdugtong dugtungin nyo, hindi sila magkakakonekta."

"Hindi nga magkakakonekta, Its doesnt make any sense..." si Anabelle.

"Ang iniisip ko, kung hindi magkakakonekta yung mga nangyari sa labas, ibig sabihin magkakaibang pangyayari yun"

"Separate events?" mabilis na dugtong ni Anabelle"

"Ganun nga. Isang malaking palaisipan ang mundong 'to". Walang sagot sa lahat ng tanong. Lahat ng pangyayari ay talagang walang paliwanag. Wala talaga... Pero hindi ibig sabihin na hindi masasagot itong mga to, ay hindi na natin mauunawan ang mga nangyayari."

"Sinasabi mo ba na nananaginip tayo? Di ba pag nanaginip ka, pagkagising mo hindi mo rin mapaliwanag kung ano yung mga napanaginipan mo. Halo halo mga nangyayari sa loob ng panaginip. Tingin mo ba talaga nasa loob tayo ng isang panaginip?"

"Hindi tayo nananaginip. Sigurado ako dun... Hindi tayo nananaginip pero yung mga nangyayaring to, pwede mong ituring na panaginip. Isipin nyo na lang na wala tayo sa panaginip pero yung panaginip nasa harap natin..."

Kailangan naming paniwalaan na ang mundong ito ay totoong mundo at hindi kami nakulong sa kawalan. Ito ang gusto kong sabihin sa kanila at alam kong naunawaan nila ang mga gusto kong sabihin. Hindi kami naligaw sa kawalan... ang kawalan ang naligaw sa amin...

Nakakatakot. Takot na takot ako ngayon... kung lahat ay posible ngang mangyari, ano pa kaya ang naghihintay sa amin?

_____________________

Napatingin ako sa labas. Unti unti nang nagkakaroon ng liwanag. Naguumaga na pala. Nakikita ko na ang relo ko - mag aalas siyete. Bahagyang lumiwanag na rin sa loob nitong 7-eleven at naaaninag ko na ang mga kasama ko. Lahat sila ay nakatingin na sa akin. Matiim na pinagiisipan ang huling kong sinabi. Alam kong mahirap intindihin ang mga binitawan kong paliwanag at hindi yung basta basta na lang mauunawaan. Nananaginip kami pero hindi. Paano nga naman maipapaliwanag ang ganoong konsepto. Pero dahil wala na rin kaming magandang eksplanasyon, mas maigi nang mayroon kaming paniwalaan kesa sumuko.

"Gusto kong maniwala Elias," si Marta. Tumayo sya at humarap sa bukas na pintuan. Hinawakan ang hamog na hindi pa rin gumagalaw. "I mean, paano nga ba ipapaliwanag tong mga to.?"

Pinagmasdan ko ang ginagawa nya. Malalim nyang pinagiisipan ang lahat ng binanggit ko kanina. Siguro ay naiintindihan nya na rin na kung gusto nyang maligtas, o makatakas sa mundong to, kailangan naming simulang paniwalaan na lahat ng nakikita namin ay parte na ng mundo. Hindi isang panaginip, kundi normal na pangyayari sa buhay. Aaminin ko, hindi rin ako sigurado - mayroon pa ring parte ng sarili ko na ayaw tanggapin ang ganoong eksplanasyon. Pero wala na ring kayang abutin ang utak ko... parang mas importante ngayon ang paniniwala kesa sa katotohanan.

Nasa ganoon akong pagiisip nang lumapit sa akin si Rudy at umupo sa tabi ko.

"Naniniwala ako sa sinabi mo... Hindi dahil totoo, pero dahil kapanipaniwala kahit papano. Hindi ko alam kung makakabalik pa ba sila Penny... Ikaw na lang tingin kong makakatulong samin... kaya gusto kitang paniwalaan" tinignan ako nito sa mata at pagkatapos ay yumuko. Para bang sinasabi ng mga mata nya na kailangan nya ng tulong ko at kailangan nyang marinig ang mga salita ko para mapanatag ang loob nya. Yun lamang ang sinabi ni Rudy at tumayo itong muli, lumapit sa pinto at kinausap si Marta.

Gusto ko sanang habulin si Rudy at sabihin sa kanya na hindi ako ang tanging magliligtas sa kanya. Kaming lahat ang magdidikta kung ano ang nararapat naming gawin at hindi ako. Kaming ang magliligtas sa isat isat. Ang tanong na lang ngayon ay saan kami magsisimula.

Tumayo ako at nilapitan ang dalawa. Nadatnan kong nilalaro nila ang hamog at parang manghangmangha sa nakikita. Ganoon din ang naramdaman ko nung una ko itong nahawakan - magkahalong gulat at tuwa. Bawat paghaplos nila sa hamog ay nababasa nang bahagya ang kanilang mga kamay. Lumalakas na ang ulan at gayun din ang hangin kaya umaabot na sa lugar namin ang mga patak patak na tubig. Nakakamangha talaga, kahit anong lakas ng hangin ay hindi nito itinutulak ang hamog papasok sa tindahan.

Habang kaming tatlo ay nakatayo sa tapat ng pinto ay biglang kumulog ng malakas. Lahat kami ay nagulat. Nagising din ang anak ni Anabelle nang marinig ang kulog na yun. Mabilis itong yumakap sa kanyang ina. Maya maya pa ay lumakas din ang tunog ng mga patak ng ulan. Parang mga bakal na pinatutugtog ng ulan ang mga bubungan ng mga sasakyan sa labas. Hindi namin makita kung gaano nga kalakas dahil sa kapal ng hamog pero ramdam namin amg bigat.

"Bumabagyo sa labas..." nasabi ni Marta. Hinawakan nito ang nakasukbit na flashlight sa bewang nya. Bubuksan na sana pero pinigil sya ni Rudy.

"Hindi natin pwedeng buksan ang ilaw, baka hindi makabalik sila Penny" pigil ni Rudy. Ayon kay Penny kanina, kung may manggagaling na ilaw mula dito sa loob ng tindahan ay baka hindi sila makapasok.

Nagkatinginan kaming tatlo. Lumapit na rin sa amin ang mag-ina at si Jeric. Lahat kaming anim ay nakamasid lang sa harap ng pinto, nakikiramdam kung anong nangyayari sa labas.

"Mommy... mommy.." narining kong tawag ng bata kay Anabelle. Hinihila nito ang laylayan ng damit ng kanyang ina. "mommy..."

"Dont worry anak umuulan lang..."

"Mommy may tubig, oh." sabay turo ng Chris sa sahig.

Napatingin kaming lahat sa itinuturo ng bata. Pagkakita namin sa sahig ay nagulat kami dahil pinapasok na ng tubig ang tindahan. Sa lakas ng ulan sa labas ay maaaring baha na sa kalsada.

"Wag ka mag alala bata..." sabi ni Rudy kay Chris. Umupo ito at ginulo ang buhok ng bata. "Umuulan kasi kaya pumasok yung tubig." binigyan nya ito ng tsokolate na malamang ay kinuha sa mga paninda nila.

Isang malakas na kulog na naman ang narinig namin at lahat kami ay napalayo sa pinto dahil sa takot. Umiyak na nang tuluyan si Chris at kahit anong gawin ng ina hindi ito mapatahan. Habang tumatagal ay lalong lumalakas ang naririnig namin. Mukhang bumabagyo nga talaga. Nakakarinig na naman ako ng sumisipol na hangin. Tulad ng ulan, palakas nang palakas ang bugso nito.

"Hindi ba natin isasara tong pinto?" si Jeric. umakma itong ibaba ang overhead door.

"Wag," pigil ni Rudy. "...sila Penny... Pano sila Penny?

"Pumapasok yung tubig, kailangan nating isara" pamimilit ni Jeric.

"Wag, lilinisin na lang natin yan pag tumila yang ulan" si Marta.

"Sandali!" sigaw ko. Napahinto sila at napatingin kaming lahat sa sahig. Pumapasok nang mabilis ang tubig. Patuloy sa pagtaas at ngayo'y abot sakong ko na. Basa na rin ang loob ng sapatos ko. Parang ilang minuto pa lang nang mapansin namin ang tubig at ngayo'y di na mapigilan ang pagtaas.

"Teka... ambilis tumaas ah..." si Rudy. "...hindi naman kami binabaha nang ganito dito, ah..."

Mabilis kong hinablot sa tagiliran ni Marta ang flashlight. Hinawakan nya ang aking kamay at tinitigan ako. Gusto nya akong pigilan pero dahil nagaaalala na rin sya sa nangyayari, ay hinayaan nya akong kunin ito. Tumingin din sa akin si Rudy. Bakas din sa mukha ang pagaalala.

"Paano sila Pen..?" .

Bago matapos ni Rudy ang sasabihin ay bigla kaming nakarinig isang napakalakas na kalabog ng bakal. Sa sobrang lakas ay napadapa kaming lahat at umilag. Ilang saglit pa ay sumunod naman ang pagkabasag ng mga salamin ng tindahan. Bawat putok ng mga salamin ay tumatagos sa ulo ko. Nakakabingi. Tinignan ko kung ano nangyari at nagulat ako nang makita kong tuluyan nang nasira ang mga salamin ng 7-eleven. Sinubukan kong hagilapin kung ano ang humampas sa tindahan pero nabigo ako. Biglang pasok ng malakas na hangin sa loob ng tindahan at parang hinihigop kami palabas.

"Pumunta tayo sa likod! Maghanap kayo ng mapagtataguan!" narinig kong sigaw ni Jeric. Inakay nilang dalawa ni Rudy ang iba.

Natulala ako sa mga nangyari. Hindi ko na naman alam ang gagawin ko. Lagi na lang nangyayari ito sa amin. Ilang beses ko na bang naranasan ang mamatay mula nang makulong kami dito? Malupit ang mundong ito at mukhang mali ako ng naisip na meron pa kaming kaligtasan. Hindi kami tatagal kung ganito lagi ang mangyayari. Naisip ko, siguro ay ganito rin ang nangyari kina Penny at Hesus nang lumabas sila. Hindi na sila nakabalik dahil maaarang pinatay na sila ng mundo. At maaaring ilang sandali pa, baka ganito na rin ang mangyari sa amin.

Naiwan akong nakatayo malapit sa mga nasirang salamin. Nilingon ko ang mga kasama ko... nakita ko silang lahat na nakakapit at nagtatago sa mga istante. Bawat isa sa kanila ay pinagmasdan ako. Pansin sa mga anyo nila ang takot. Parang nakakasanayan ko nang makita ang ganoong klase ng mga mukha. Sa ilang araw na ikinulong ko dito ay hindi ko na mabilang kung ilang beses ko nang nakita ang mga anyong tila nakikipagtitigan kay kamatayan. Maaaring ito na ang huling sulyap ko sa kanila. Nakaramdam ako ng matinding kalungkutan. Maaaring ito na ang huling sulyap namin sa isat isa dahil wala na kaming ibang pupuntahan.

"Elias!" nakita ko si Rudy na tinatawag ako. Parang ganito rin ang nangyari noong binulabog kami ng malakas na ipo ipo - tinatawag din ako ni Hesus pero parang hindi ko sya naririnig.

Lumingon akong muli sa labas... lumalakas pa rin ang hangin at ang ulan ay parang nagiging daluyong. Napaka-ingay na sa buong paligid. Magkakahalong sipol ng hangin, bugso ng ulan at ang mga sigawan ng mga kasama ko ang umiikot sa dalawa kong tenga. Ang tubig sa sahig ay lagpas tuhod ko na at patuloy pa itong tumataas nang mabilis. Pinapasok na rin ng kung ano anong mga basura itong tindahan - mga sirang kahoy, mga plastic at kung ano ano pa. Hindi na kami magtatagal. Tantya ko ay kaya kaming ilubog ng baha sa loob lamang ng kalahating oras. Baka sa loob lang ng labinlimang minuto ay lampas tao na ang tubig.

Ibinaling ko ang pagmamasid sa mga kasama ko. Lahat sila ay hindi na rin makagalaw sa takot, panay ang dasal at lingon ng lingon sa lahat ng dako. Hindi ko maintindihan pero parang bumabagal ang oras. Parang unti unting nauunawaan ko ang lahat ng nangyayari/ Ganito pala ang tanawin kapag namamatay kang magisa.

Hinagilap ko ang mga kasama ko. Si Anabelle, na todo ang pagyakap sa anak, ang dalawang crew na parang ipinako na sa pagkakakapit ang mga kamay sa bakal na istante, at si Marta na walang tigil sa pagdarasal.

Muli kong hinarap ang nangyayari sa labas. Walang ipinagbago maliban sa abot bewang na na tubig. Hindi ko alam kung paano harapin ang kamatayan. Hindi ko naman pinlanong mamatay agad. Pero aaminin ko, maaaring ang kamatayan ang magliligtas sa amin mula sa pagkakakulong. Maaaring ito ang tatapos sa lahat ng takot na nararamdaman namin ngayon.

"Hindi!" parang isang tinig ang nagsalita sa loob ko. Hindi ako pwedeng mamatay ngayon. Hindi ito ang inaasahan kong mangyayari sa akin... sa amin. Hindi dito magtatapos ang buhay ko. May dahilan ang lahat. Oo, hindi pwedeng nangyayari ang mga ito ng walang dahilan. Mapanukso ang mundong ito at gusto kaming patayin. At naniniwala ako na merong isang dahilan kung bakit gusto kaming mamatay ng magulong mundong ito at kung mamamatay ako ngayon, hindi ko na malalaman kung ano ba talaga ang dahilang yun.

Kailangan na naming tumakas!

Continue Reading

You'll Also Like

Psycho next door By bambi

Mystery / Thriller

4.3M 204K 51
Cosima Sanctuary is a one of a kind safe house for teenage survivors, but when they realize that one of them is a psychopath, all hell breaks loose...
6.9M 254K 30
The day Molly's attackers were set free was the day Mallary decided to take justice into her own hands. And Mallary knew that in order to do that, sh...
13.9M 389K 79
Harrison University is an institution where the seventeen-year-old, Myrttle Joong, was obliged to finish her study, despite of her strong aversion. A...
63.4M 2.2M 44
Warning: Do not open if you haven't yet read Hell University. This is just a sequel of that book. Thank you!