Art Like Scars

By jaem-ii

9.8K 685 201

WATTYS 2021 SHORTLIST Curious by the sudden change of his former childhood friend, Vale tries to see through... More

Prologue
Chapter 1
Chapter 2
Chapter 3
Chapter 4
Chapter 5
Chapter 6
Chapter 7
Chapter 8
Chapter 9
Chapter 10
Chapter 11
Chapter 12
Chapter 13
Chapter 14
Chapter 15
Chapter 16
Chapter 17
Chapter 19
Chapter 20
Chapter 21
Chapter 22
Chapter 23
Chapter 24
Chapter 25
Epilogue
Playlist

Chapter 18

148 17 1
By jaem-ii

Art Like Scars

•••

Ilang oras lamang ang tinagal namin sa Star City, pagkarating kasi ng alas-cinco ay kailangan na naming umalis para makasakay ng bus pauwi ng Dumangan.

Sa apat na oras na ginugol namin ay nagsaya talaga kami ni Jean. Sumakay kami sa iba't ibang rides, tumakbo sa initan, pumasok sa haunted house na hindi naman nakakatakot kaya tanging nagtawanan na lang, nakisaya pa sa mga ibang bata na naglalaro at ni isa sa mga batang 'yon ay walang nagtanong kung bakit ganoon ang kasuotan n'ya; nagandahan pa nga sa kan'ya ang iba rito—dito ko lamang nakita ang siya, ang Jean na gusto lang magsaya sa paraang mukha s'yang malaya. 

Malaya sa iniisip ng iba, malaya sa sinasabi ng iba, malaya sa lugar na ayaw n'ya, at malaya sa lugar na gusto n'ya.

Kung sana lang ay makikita ko s'ya na madalas na ganito, wala na 'kong ibang gustong hilingin pa. Masaya ako 'pag nakikita ko s'yang masaya.

Alas-sais na nang umandar ang bus papuntang Dumangan, napunta ang mga tingin ko kay Jean na katabi ko lang—siya ang nakaupo sa may tabi ng bintana. Pinili naming umupo sa bandang harapan para mabilis din kaming makababa ng bus mamaya. Dahil alas-sais na ng hapon ay maaaring alas-dose o ala-una na kami makauwi. Bigla tuloy akong namroblema kung paano kami magpapaliwanag sa mga magulang n'ya.

Wala kami parehong telepono, wala rin kami makitang pwedeng tawagan kanina. Ako ang nag-aalala para sa kan'ya dahil ako naman ang nag-aya na umalis kaming dalawa.

"Tinititigan mo na naman ako nang ganiyan," wika ni Jean. Tinuon n'ya ang mapupungay n'yang mga mata dala ng pagod.

"Sila Tita Luisa, paniguradong hinahanap ka na nila," ani ko na may pag-aalala sa boses.

Kinagat nito ang ilalim na labi n'ya at bumuntong hininga bago magsalita. "Huwag kang mag-alala, ako na ang bahala d'on, hindi ko rin babanggitin ang pangalan mo, basta, magdadahilan na lang ako," ang sinabi na lang n'ya.

Napalunok ako, hindi pa rin ako mapakali. Pagod man ako ay 'di ako makatulog, si Jean naman ay napasandal sa balikat ko. Hinayaan ko lang 'to dahil maaga rin kaming umalis kanina, at noong biyahe papuntang Maynila ay 'di s'ya natulog. Maganda nang magpahinga muna s'ya habang bumabyahe kami pauwi.

Nakakabagot at nakakangawit man ang biyahe ay nanatili akong gising. Ang musika lang na pinatutugtog sa bus ang tanging naging libangan ko. Padilim na nang padilim ang daan habang palalim na nang palalim ang gabi. 

Mga sampung minuto na lang ang kailangang lumipas bago mag ala-una ng madaling araw nang matanaw ko na ang terminal ng bus ng Dumangan. Marahan kong tinapik sa balikat si Jean.

"Nandito na tayo," pabulong kong sinabi. Nagising naman kaagad ito at kinusot ang mga mata n'yang inaantok pa. Sinuklay n'ya rin gamit ang mga daliri n'ya ang kulot n'yang buhok kahit hindi naman 'to gaanong nagulo.

Umayos kami pareho ng upo nang pumarada na ang bus sa terminal, nagsitayuan na rin ang iba pang mga pasahero. Nang bumukas ang pinto nito at lumabas na ang mga pasaherong nakaupo sa unahan namin pati na rin ang ibang nasa likuran namin na tila nagmamadali. Agad-agad din kaming tumayo na ni Jean. Pinauna ko 'tong lumabas nang sa ganoon ay 'di siya masisiksik o matutulak ng ibang pasahero.

Buti na lang ay may mga nakaparada pang tricycle sa terminal kaya agad kaming nakasakay patungo sa bahay nila Jean. Kaunting minuto lang naman ang magiging biyahr namin pauwi sa kanila dahil nasa bayan na kami ng Dumangan. 

Habang nakasakay kami ni Jean sa tricycle ay mapansin ko na nilalaro-laro niya ang mga daliri n'ya, mukhang kinakabahan ito. Ako na lang ang magpapaliwanag sa magulang n'ya, hindi ko s'ya pwedeng iwan sa ere dahil pareho kaming tumakas. 

"Dito na lang po, Manong," ani ko sa tsuper nang tumapat ito sa labas gate ng bahay nila Jean. 

Nauna akong lumabas habang sumunod naman si Jean. Tumungo na s'ya sa gate nila habang nanatili naman ako sa likod n'ya—tila hinihintay s'yang makapasok bago ako bumalik sa tricycle para makauwi na rin. Kinuha nito ang susi sa dala-dala n'yang maliit na bag, pero bago nito buksan ang gate ay lumingon muna ito sa'kin at kumaway bilang paalam. 

"Umuwi ka na, mag-ingat ka," sambit n'ya habang may maliit na ngiti sa labi. Naghihintay na rin kasi sa'kin ang tricycle na sinakyan namin. 

Tumango ako rito. "Pumasok ka na," sabi ko.

Nang-akmang bubuksan na ni Jean ang gate nila ay bigla na lamang umawang ito. Tumambad sa'min ang nanay ni Jean na si Tita Luisa at ang amain n'ya na si Pablo. 

Bumilog pareho ang mga mata namin ni Jean, kitang-kita ko ang takot sa kan'ya. Inaasahan ko naman na hindi maganda ang magiging salubong ng mga magulang n'ya sa'min, pero nang makita ko ang ekspresyon ng galit na nakapinta sa mukha ng nanay at amain n'ya ay gumulo ang isip ko. Nawala ang gusto kong sabihin sa mga 'to.

Nahuli ko ang pagsulyap sa'kin ni Tita Luisa kaya lalakad na sana ako papunta rito para magpaliwanag sa kanila, sasabihin ko na lang kung ano ang totoo; ipapahamak ko lang si Jean kung magsisinungaling pa 'ko. 

Napako na lamang ako sa kinatatayuan ko nang biglang dumapo ang palad nito sa isang pisngi ni Jean, napa-awang ang bibig ko. 

Natakpan ng buhok ni Jean ang pagmumukha n'ya, wala itong ginawa, nanatili lang 'tong nakatayo at nakayuko. Malalim ang paghinga n'ya, pero ni isang imik ay walang lumabas sa kan'ya.

"Tita…" tawag ko.

Imbis na matuon sa'kin ang pansin nito ay hinatak niya si Jean papasok ng bahay. Ang nakaharap ko na lamang ay ang amain n'ya.

"Ako po ang nag-aya kay Jean, wala po s'yang kasalanan," paliwanag ko rito. 

Tumambad lang sa'kin ang malamig nitong tingin. Oo, aaminin ko namang natatakot ako rito kahit na mas may katangkaran ako kumpara sa kan'ya. Iba kasi ang tindig nito; iba ang presensya n'ya bilang isang tao.

"Sa susunod, ayoko nang makikita kang kasama si Jean," matigas na sambit nito.

Imposible na mangyari 'yon, lalo na ayon sa mga kwento ni Jean na hindi n'ya gusto ang amain n'yang 'to—hindi ko balak na sumunod sa salita ni Pablo nang ganoon na lang.

"Wala po akong masamang intensyon, kaya humihingi po ako ng paumanhin na hindi ko po pinagpaalam si Jean," sagot ko rito sa mababang tono. 

"Kahit humingi ka ng paumanhin, hindi ko 'yan tatanggapin. Huwag ka nang magpapakita dito ulit sa'min." Minata ako nito.

"Uulitin ko rin sa'yo, ayoko nang makikitang magkasama kayo ulit ni Jean," patuloy nitong banta bago ito maglaho papasok ng gate nila. 

Sa loob noon, natatakot ako, nag-aalala ako sa kahaharapin ni Jean. Kung makakatulog ba s'ya nang maayos, kung papasok ba s'ya kinabukasan nang may sugat na naman na tinatago. Dahil kung ganoon man, tangina, ang gago ko. 

••

Lumipas ang ilang araw pagkatapos ng kaarawan ko kung saan tumakas kami ni Jean papuntang Maynila. Isang linggo na rin ang nakakalipas nang hindi siya sumusulpot sa eskwela, at kahit gusto ko man tawagan ang telepono nila na hiningi ko pa kay Earl ang numero ay hindi ko magawa. Pakiramdam ko kasi ay palalain ko lamang ang sitwasyon.

Paminsan, patago akong nagmamasid sa gate ng bahay nila Jean pagkatapos ng klase, umaasa na madadatnan ko man lang s'ya, pero ni isang beses ay hindi ito nagpakita. 

Kada isang araw na hindi sumisipot si Jean ay dumadagdag sa isipan ko ang kaba at pangamba kung ano na ba ang nangyari sa kan'ya. Bakit kailangan n'yang hindi pumasok ng isang linggo?

Dumating ulit ang araw ng linggo kung saan nagsisimba ang pamilya namin ng umaga. Sana rito ay makita ko na si Jean.

Nagbabakasakali ako, kaya naman pagkarating pa lang namin sa loob ng simbahan ay luminga linga na ako, hinahanap siya sa pwesto ng simbahan na madalas nilang upuan—sa harap, hindi kalayuan sa pwesto ng lector. 

Nanlaki na lamang ang mga mata ko nang madatnan ko si Jean kasama ang mga magulang n'ya papalakad patungo nga sa pwestong nakagawian na nilang upuan. 

Napalunok ako nang makita s'ya, mukhang pumayat ito dahil humapis nang bahagya ang mukha n'ya, isama pa ang mga mata n'yang mukhang lumalim. 

Kung hindi ko siguro s'ya inaya noong kaarawan ko, hindi naman siguro magiging ganito ang sitwasyon. 

Nang magsimula ang misa ay mataimtim na lamang akong nakinig kahit na aaminin ko na magulo ang utak ko. Kasi gusto ko s'yang kausapin, gusto ko s'yang kumustahin. 

Lumipas ang dalawang oras na parang ang tagal ng hinintay ko, na parang ang bawat segundo at minuto ay binibilang ko sa mga daliri ko pero hindi iyon matapos-tapos.

Sumunod lamang ako sa mga magulang ko nang matapos ang misa at palabas na kami ng simbahan. Mukhang hindi ko na rin naman makakausap si Jean, imposible, lalo na sa wika sa akin ng amain n'ya, mukhang pagmamasdan para bantayan nito ultimo katiting na interaksyon namin.

Sa may gilid ng simbahan kung saan may nagtitinda ng sampaguita ay nasaglit kami nila mama, bumibili kasi ito ng sampaguita sa matandang babae na suki na s'ya. Hinintay ko lamang 'tong matapos habang nakikipag kwentuhan sa tindera. Lumayo lamang ako nang bahagya sa pwesto nito nang marami ng nagsisilabasan sa simbahan—kasama na doon sina Jean. 

Nagtama ang mga mata naming dalawa, matipid akong nginitian nito; ngiti na hindi umaabot sa mata, mukhang napilitan lamang. 

Nakahanap ng oportunidad si Jean na lumapit sa'kin ng biglang may kumausap sa mga magulang n'ya, mukhang mga galak na nangangamusta. Kilala kasi ang amain n'ya sa probinsya. 

"Jean…" bati ko rito. "Kumusta ka? Bakit… bakit hindi ka pumasok ng isang linggo?" tanong ko sa mababang tono. Mukhang nawala kasi ang mga gusto kong sabihin, biglang mga umurong, dagdag pa ang banta na baka mahuli kaming dalawa ng mga magulang n'yang magkausap. 

Base sa pag-aalinlangan na nakapinta sa mukha n'ya ay hindi n'ya rin alam ang sasabihin. "Sorry pala noong isang linggo," pag-iwas nito sa tanong ko. 

Hindi ko mawari kung bakit kailangan n'yang humingi ng pasensya sa nangyari, e ako nga ang may kasalanan. Ako na ang may kasalanan, ako pa ang duwag lumapit sa kan'ya at mag-sorry sa nangyari.

"Ako ang dapat humingi ng sorry... kasalanan ko kung bakit nagalit sa'yo sina Tita Luisa."

Umiling s'ya. "Mali ka, Vale. Wala kang kasalanan." 

Napaiwas ako ng tingin kay Jean, nahiya ako bigla rito. Dahil sa pag-iwas ko ng tingin sa kan'ya ay dumapo naman ang mga mata ko sa gawi ng mga magulang n'ya. Nakatingin sa amin ang amain n'ya. 

Biglang may kumalabit sa'kin—si Mama, nag-aaya na s'yang umuwi.

"Mauna na 'ko, Jean," paalam ko rito. 

Tumango lang ito, naghihintay habang papaalis kami. 

Ang gago ko talaga kung iisipin, kasi ganoon na lang... hinayaan ko na lang s'ya, hindi ko man lang pinilit alamin kung ano ang nangyari sa isang linggo na 'di ko s'ya nakita. Pero lumakad pa rin ako paalis habang nakamasid lang s'ya.

"Vale…" tawag nito sa'kin sa boses na hindi ko pala kayang talikuran.

Napatigil ako sa paglalakad at napalingon rito. Hinintay ko ang ilang segundo para magsalita muli s'ya, pero umiling lang ito. Kumaway nang matamlay na nagsasabi ng paalam.

Alam kong hindi ako tatawagin ni Jean kung mayroon s'yang hindi sasabihin, hindi n'ya ako tatawagin para kumaway lang dahil hindi n'ya naman iyon gawain. 

Ang pagtawag n'ya sa pangalan ko ay parang may hinihingi, o hinihiling. At sa mga mata n'yang mukhang malapit nang bumagsak ay nakikita ko… parang humihingi s'ya ng tulong sa'kin.

•••

Continue Reading

You'll Also Like

1.2M 54.2K 69
(COMPLETED) After enrolling on her new school, Rue thought that her life would be peaceful unlike with her old school. She loves figthing back then b...
154K 11.5K 169
Si Austin Louis Vermilion, ang main character na ipinanganak na maganda,sexy, matalino-pero syempre charot lang yun! Walang ganun sa story na 'to! OK...
170K 3.3K 73
She's Floricel Valencia Tahimik na buhay lang ang tanging gusto nya kaya nag paka layo layo sya sa pamilya nya. Pero talagang mapag laro ang tadhana...
304K 21.2K 93
["PLAY THE KING" IS ACT TWO OF THE "PLAY" SERIES. PLEASE READ "PLAY THE QUEEN" FIRST.] It's been four months since Priam Torres, the once unpopular p...