Kaya Ko Ba?

By nakalimutankoe

232K 10.1K 2.3K

"Magpakapraktikal ka na lang," ang opinyon ng ilan. Bilang isang estudiyante na walang passion o eksaktong pl... More

-
Dedication
Kabanata 1
Kabanata 2
Kabanata 3
Kabanata 4
Kabanata 5
Kabanata 7
Kabanata 8
Kabanata 9
Kabanata 10
Kabanata 11
Kabanata 12
Kabanata 13
Kabanata 14
Kabanata 15
Kabanata 16
Kabanata 17
Kabanata 18
Kabanata 19
Kabanata 20
Kabanata 21
Kabanata 22
Kabanata 23
Kabanata 24
Kabanata 25
Kabanata 26
Kabanata 27
Kabanata 28
Kabanata 29
Kabanata 30
Kabanata 31
Kabanata 32
Kabanata 33
Kabanata 34
Kabanata 35
Kabanata 36
Kabanata 37
Kabanata 38
Kabanata 39
Kabanata 40
Kabanata 41
Kabanata 42
Kabanata 43
Kabanata 44
Kabanata 45
Kabanata 46
Kabanata 47
Kabanata 48
Kabanata 49
Kabanata 50
Kabanata 51
Wakas
Thank You!

Kabanata 6

5.2K 275 80
By nakalimutankoe

Kabanata 6.

HALOS HUMIGA NA ako sa upuan ko habang nakikinig sa announcement ni Ma'am Santos. Isang buwan mula ngayon ay sasapit na ang foundation day. At bilang project sa kaniya, gusto niyang maghanda kami ng presentation na ipe-perform sa harap ng lahat ng estudiyante sa school. Kailangan naming mamili ng isang kanta na i-i-interpret sa pamamagitan ng pinaghalong drama at sayaw.

"Masiyado kayong marami kaya hahatiin ko kayo sa dalawang grupo."

Binuklat niya ang class record at nagsimulang banggitin ang apelyido ng mga mapupunta sa unang grupo. Gaya ng palaging nangyayari tuwing alphabetical ang sistemang ginagamit, kasama ako sa group one. Nang banggitin ang Gonzales, pinaglalaruan ang dalawang kilay kong humarap kay Simon. Buti na lang may kasama kaming masipag. Siguradong meron kaming magagawa.

"I am giving you enough time to prepare kaya huwag niyo sana akong bibiguin. Nagkakaintindihan ba tayo, section loyalty?" Sabay-sabay ang mga kaklase kong sumagot. "You can now use my time to discuss with your groupmates."

Lahat ng kagrupo namin ay agad bumilog kay Simon kaya hindi ko na kinailangang tumayo at umalis sa puwesto ko. Naglabas siya ng maliit na notebook at ballpen bago kami isa-isang tinignan.

"Unahin muna natin ang pagpili ng kanta. I-suggest ninyo ang alam ninyong maganda at posible nating magawan."

Para akong napapaligiran ng mga pipi dahil wala kahit isa man lang sa mga kasama namin ang gumagawa ng ingay. Tahimik lang silang nakatungo o kung hindi ay pinaglalaruan ang hawak na ballpen. Mukhang wala silang maisip kaya ako na ang nagbigay.

"Ang Huling El Bimbo na lang," sabi ko. Maganda iyon at may music video rin na puwede naming pagbasehan kung sakali. Lahat sila ay bumaling sa akin. "Ayaw ninyo? Edi huwag."'

"'Yun na lang, maganda nga iyon," pagsang-ayon ng isa hanggang sa nagsunod-sunod na sila. Parang domino amp.

Tumango-tango si Simon at isinulat ang pamagat ng kanta na gagamitin namin. "Cast naman. Sino ang may gusto? Kailangan lang siguro natin ng main na babae't lalaki."

"Si Jackson na lang iyong sa lalaki tutal siya naman ang nag-suggest ng kanta," turo ng kaklase ko. Nakaangat ang labi kong humarap sa kaniya.

"Ako na ang nag-suggest tapos gusto niyo pa na ako ang gumanap? Huwag kayong abusado, mga katoto."

"Ikaw na lang para hindi na tayo matagalan," ani Simon. Bago pa ako makapagreklamo, nakapagsalita na siyang uli. "Bawal ka ng tumanggi dahil naisulat ko na ang pangalan mo. Ayaw kong narurumihan ang notebook ko."

"Edi pilasin mo!" sagot ko.

"Okay na iyan, Jackson. Ang daming arte e," sabat ng isa ko pang kaklase na babae.

"Bakit hindi ikaw ang gumanap? Mukha namang gusto mo e," wika ko.

"O ikaw na iyong sa babae, Alliah." Pareho kaming tumingin kay Simon. "Okay na tayo sa main cast. Flow naman ang pag-isipan natin."

"Hindi ako marunong um-acting at sumayaw. Kapag naging pangit ang performance natin huwag na huwag ninyo akong sisisihin," pangunguna ko. Mahirap na. Baka mamaya sa akin na naman ibagsak ang lahat ng sisi e.

"Kaya nga tayo magpa-practice," sabi ni Simon. "Matagal-tagal pa rin naman. Siguradong mahahasa ka pa." Mahahasa? Tiyanggalang iyan. Ano ako patalim?

Pag-uwi ko, balak ko sanang mag-computer kaya lang wala na palang natira sa baon ko. Hindi rin naman ako makatambay kasama ang mga kaibigan ko dahil um-extra na naman sila sa construction na pinapasukan ni Mang Edgar. Wala akong ibang magawa kundi ang panoorin lang si Janus na maglinis ng bahay. Siyempre hindi ako tutulong. Nakakapagod kaya.

"Kuya!" tawag niya sa akin mula sa kuwarto nina mama.

Bago pa ako makalapit, nakalabas na siya bitbit ang kaha ng sigarilyo na may laman pang tatlong stick. Hindi siya nagsasalita. Nakatingin lang siya sa akin. Mayamaya, dumating si mama na bitbit ang isang supot ng tinapay. Bago pa niya maibuka ang bibig ay naunahan na siya ni Janus.

"Akala ko po ba ay matagal na kayong huminto?" Nangunot ang noo ni mama, hindi maunawaan ang sinasabi ng kapatid ko hanggang sa makita niya ang kaha ng sigarilyo. "Nagsinungaling kayo sa amin. Alam niyo naman po na ayaw na ayaw ni papa ang sigarilyo. At kahit kami. Aware naman po kayo sa masamang epekto niyan, hindi ba? Sinisira niyan ang halos lahat ng organs mo sa katawan! Ano po ba ang gusto ninyo, magkasakit kayo? Ipagpapalit niyo ba iyong kalusugan ninyo para lang sa temporary relief o kung ano man?"

Huminga nang malalim si mama bago sumagot, "Pasensiya na. Sinusubukan ko naman pero talaga kasing hinahanap-hanap na ng katawan ko." Hindi kami umimik. "Huwag niyo na sana itong ipaalam sa ama ninyo. Pangako, ito na ang huli."

* * *

Unang practice namin ngayon para sa presentation. Mediyo nakakaasar dahil Sabado't Linggo na nga lang ang libreng araw ko ay kailangan ko pang ilaan iyong una sa pagsasanay. Pagdating ko sa lugar na napag-usapan, nandoon na ang mga kagrupo ko. Nakakita ako ng isang pamilyar pero parang hindi na pigura ng babae na katabi ni Simon. Paglapit ko, lumaki ang mga mata ko dahil sa pagkabigla.

"Uy," sabi ko kay ate na nakita ko sa 7/11. Ano ang ginagawa niya rito?

"Hi," malapad ang ngiti na bati niya.

"Magkakilala kayo?" kunot ang noong sabat ni Simon.

'Yung babae ang sumagot, "Not totally. Nagkita lang kami sa Seven-Eleven isang beses."

Nakasuot siya ng paldang maong na hanggang itaas ng tuhod ang haba, light yellow na polo-shirt na naka-tuck in, at nakalugay ang mahaba, itim at tuwid na buhok. Nagpaalam si Simon para kausapin ang mga itinalaga niyang head ng production kaya kaming dalawa na lang ang naiwan.

"Jackson," pakilala ko at naglahad ng kamay.

Inabot niya naman iyon. "Patricia."

Halos kalahating oras ang lumipas ay hindi pa rin dumating si Alliah. Mediyo aburido na si Simon. At kahit ako siguro kung wala si Patricia sa tabi ko na ang sarap panoorin habang marahang tumatawa sa mga banat ko. Ang gaan niyang kausap . . . Para akong tinatangay papunta sa dreamland. Puwede kaya na pahintuin ko ang oras para hindi na siya umalis sa tabi ko?

"Guys!" malakas na tawag ni Simon dahilan para mabaling sa kaniya ang atensiyon naming lahat. "Nag-text si Alliah! Hindi raw siya makakarating ngayon dahil may emergency sa kanila." Matatawag ko ba iyong suwerte o malas? Depende sa mga susunod na mangyayari. "Para hindi naman masayang ang pagpunta natin, gawin na natin iyong ibang mga kailangan. Jackson, magpaturo ka muna kay Cleo ng sayaw."

Luminga ako, sinusubukang hanapin kung sino iyong tinutukoy niyang 'Cleo' ng magsalita si Patricia. "That's me . . . Cleo Patricia." Marahan siyang tumawa.

Tumango-tango naman ako. Kaya pala siya nandito. "Ang ganda ng pangalan mo . . . Parang ikaw."

Nakatakip ang kalahati ng mukha niyang tumawa. "Thank you."

Iginiya ko siya sa gitna, puwesto kung saan kami puwedeng makita ng lahat. Magpapabida ako. Ang ganda ng kasayaw ko e. Humawak ako sa kaniya at ganoon din siya sa akin. Wala pa kaming music at bilang pa lang ng mga steps ang naririnig ko sa maliit niyang bibig habang patuloy kami sa pag-indayog. Hindi ko maalis ang pagkakapako ng tingin ko sa kaniya. Para siyang magnet na ina-attract ako.

Nang magtama ang tingin namin, ramdam ko ang biglang pagbilis ng tibok ng puso at pagkabog ng dibdib ko. Pumipintig din ang ulo ko na parang ang lahat ng dugo ko sa katawan ay umakiyat doon. Napalunok ako. Hindi naman ako ganito kanina a. Bawat dampi ng kamay ko sa balat niya ay para akong kinukuryente. Pero ayaw ko siyang bitawan. Gusto ko na malapit lang siya sa akin. Ngayon lang ako nakaramdam ng ganito . . . Parang pinupuno ng kasiyahan ang loob ko.

"Jackson." Natauhan ako dahil sa bigla niyang pagbanggit sa pangalan ko.

"Ha?" tanging nasabi ko.

"Tinatanong kita kung gusto mo bang subukan ang may music."

"Ah . . . Oo, sige . . . para may theme song tayo."

"Theme song?"

"Ay. 'Yung ano . . . background music pala." Alangan akong tumawa. Pigil ang ngiti niyang umiling. At least napapasaya ko siya.

Lumayo siya sa akin sandali para lapitan si Simon at hiramin ang maliit at bilog na speaker. Nakasunod lang ang tingin ko sa kaniya, pinanonood ang mayumi niyang paglakad. Sana dumating iyong araw na sasabayan ko siya habang magkahawak ang kamay namin. Ewan ko rin kung bakit. Siguro ito iyong tinatawag na 'Love at first dance.' Tiyanggalang iyan. Hindi ko kailanman naisip na makakaramdam ako ng ganito.

Pagbalik, ikinabit niya ang cell phone sa speaker at nagpatugtog. Naghawak ang kamay namin at sinabayan ang lyrics ng aming paggalaw. Mahina pa rin siyang bumubulong ng bilang para siguruhin na hindi ako malilito. Nakangiti siya sa akin at ganoon din ako sa kaniya. Hindi ko na pansin ang ibang tao. Wala na akong pakialam sa kanila. Nakatutok lang ako sa kaniya na para bang siya lang ang tanging nakikita ko. Sa kaniya ko lang gustong ituon ang buong pansin ko.

"Mag-break na muna kayo!" wika ni Simon.

Nakabusangot akong napapitik sa hangin ng lumayo si Patricia bago sumunod sa kaniya. Habang itinatali niya ang mahaba niyang buhok nang papusod, hindi ko pa rin inihihiwalay ang mata ko sa kaniya. Bawat kilos niya, napakabanayad no'n sa paningin ko. Tiyanggala nga. Ngayon, nararanasan ko na iyong sinasabi kong corny scene sa mga palabas. Bumaling ako kay Simon ng tawagin niya ako.

"Puwede kang makulong." Nangunot ang noo ko dahil sa sinabi niya. "Kanina mo pa ninanakawan ng tingin ang kaibigan ko."

Mediyo nakaramdam ako ng hiya. "Wala ka namang ebidensiya," sabi ko.

"Witness ako."

May nakakita na pala e. Itatanggi ko pa ba?

"May boyfriend na ba siya?" kapagkuwan ay tanong ko.

Naningkit ang mga mata niya. "Study first siya." Hindi na ako nagsalita.

Pagkatapos naming mag-practice, sinadiya kong sumabay kay Simon hanggang sakayan para lang makasama pa si Patricia. Para ngang gusto ko ng sumakay na rin sa jeep na sasakiyan nila e.

"Pupunta ka ulit sa practice namin?" tanong ko kay Patricia.

"Depende kung kailangan pa ako roon," nakangiti niyang sagot.

"Kailangan kita roon—" Inspirasiyon para naman ganahan akong um-attend. "—Alam mo na . . . hindi ko pa rin kasi kabisado iyong steps. . . ."

"Titignan ko."

Dumating ang jeep at kumaway ako sa kaniya habang pasakay siya sa loob. Saka lang ako umalis ng hindi ko na matanaw ang sinakiyan nila. Pagdating sa amin, sinalubong ako nina Buknoy at Buboy sa daan.

"Kain daw tayo manok, libre ni Buboy," ani Buknoy habang nakaakbay sa akin.

"Negative. Na-surrender ko na lahat ng kuwarta kay ermats. Kailangan kasi namin magbayad ng kuryente para hindi maputulan."

"Sagot ko na," sabi ko. Ayaw ko pa rin namang umuwi sa bahay. Hindi ko rin masasabing pagod ako dahil hindi ko naman talaga ramdam na practice iyon. Mas lamang pa nga ang pagiging 'biyaya.'

Papalubog na ang araw kaya marami na ang nagtitinda sa mga gilid-gilid. Fishball, palamig, isaw . . . mamimili ka na lang kung ano ang gusto mo. Dumiretso kami sa cart ng manukan.

"Wilab, baka naman malamog mo iyang manok ni manong. Kanina ka pa halukay nang halukay riyan e," sita ni Buknoy.

"Teka lang naman. Hindi ko makita iyong parte na gusto ko," wika ni Buboy bago binalingan ang tindero. "May pakpak ho kayo?"

"Meron," tugon naman ng tinderong hinahango ang mga nakasalang mula sa kumukulong mantika.

"Sige nga lipad ho kayo." Natigilan kami ni Buknoy at napatitig sa kaniya. Ganoon din iyong tindero. "Ito na pala iyong sa akin." Hindi niya na naisilid sa plastic ang binili at nagmamadaling umalis. "Takte, leeg pala itong nakuha ko!" reklamo niya ng makalayo.

"Buang ka e," tanging nasabi ni Buknoy. "Siya nga, Son. 'Di ba galing ka sa practice? Mukhang hindi ka pagod a. Ano lang ba ang ginawa mo roon?"

"Baka nakaupo lang," si Buboy ang sumagot. "Hindi bale raw na wala siyang ambag at least nandoon ang presensiya niya."

"Mapapagod ka ba kung anghel ang kasayaw mo?" Awtomatikong gumuhit ang malapad na ngiti sa labi ko.

Itinanong nila kung ano ang nangyari sa practice at sinabi ko naman ang lahat. Pati na rin ang tungkol kay Patricia.

"Baka destiny talaga kayo," komento ni Buboy.

"Hindi iyan malabo," gatong naman ni Buknoy. Hindi na ako sumagot. "Oo nga pala . . . Nabalitaan ko na magbubukas daw ang CHED para sa mga incoming college students. Apply ka roon, Son. Bawas din iyon sa gastusin ninyo kung sakali."

"Para lang yata iyon sa mga matatalino e. Tataob din ako roon."

Tinapik ako ni Buknoy sa balikat. "Hindi mo malalaman kung hindi mo susubukan. Isa pa wala namang mawawala sa iyo kung magbabaka-sakali ka."

"Kung gusto mo nga sasamahan ka pa namin," wika naman ni Buboy.

Natawa ako. "Suportadong-suportado ninyo ako a."

"Siyempre. Kahit hindi kami nakapag-aral, kapag nakatapos ka ay parang nakatapos na rin kami," may ngiting sabi ni Buknoy. "Kaibigan ka namin, Son. Para saan pa ang pagkakaibigan natin kung hindi ka namin susuportahan, hindi ba?"

Ngumiti ako. Nasa harap ko na ang mga dahilan. Ang kailangan ko na lang ay magdesisyon at panindigan iyon.

"Sa hirap o ginhawa . . . In sickness and in death . . . palagi tayong magsasama," dagdag ni Buboy. Tumawa kami at nagpalitan ng kantiyaw. 

Continue Reading

You'll Also Like

2.5K 301 101
Mga salitang pilit naglalayag at naglalakbay. Mga kataga na nag-iwan ng marka sa nakaraan hanggang kasalukuyan. Mga salita na may dahilan o raso...
209K 13.6K 67
["PLAY THE KING" IS ACT TWO OF THE "PLAY" SERIES. PLEASE READ "PLAY THE QUEEN" FIRST.] It's been four months since Priam Torres, the once unpopular p...
622K 40.7K 162
Hi, bebi! An epistolary.
1K 104 47
Chanel Marcell Lee, a girl who wants to see her father. Bata pa lamang ay iniwan na sya ng kanyang ama, kaya naman lumaki syang tanging ina lamang ny...