Prologue

40.7K 701 93
                                    

SA ISANG luma at maliit na ospital sa labas ng Metro Manila ay mabigat ang dibdib na niyuko ni Cornelia ang limang taong gulang na anak. May tubong nakapasok sa ilong nito na siyang dinadaanan ng gatas kapag ito'y nagugutom. Sa braso nito'y naroroon ang tubo na dinadaluyan ng dextrose na malapit nang maubos at kailangang bilhan na ng panibagong bote.Sa loob ng portamoneda niya'y hindi pera ang laman kundi ang ilang reseta ng gamot na kailangan niyang bilhin kung gusto niyang mabuhay ang bunsong anak.Acute bronchopneumonia at may komplikasyon.

Kanina pa niya pinipigil ang luha na huwag bumagsak. Nagsisikip ang dibdib niya habang hinahaplos ang buhok nito. Kahit ang gatas ay nahihirapan silang bilhin, ang mga gamot pa kaya?

"Huwag kayong mag-alala, misis," banayad na wika ng nurse, isang babae na nasa mid-twenties. 


"Hindi ko pababayaan ang anak ninyo. At sana ho'y may mabili kayong gamot pagkabalik ninyo." Hindi nito maiwasang lumitaw sa tinig ang pag-aalala sa huling sinabi.

Tumayo si Cornelia mula sa pagkakaupo sa gilid ng katre. Hindi niya makuhang sumagot dahil nagsisikip ang dibdib niya. Nilingon niya ang asawa na nakatiim ang mga bagang. Hindi nito gustong lumapit at tingnan ang anyo ng bunsong anak. It was breaking his heart.Nakatayo ito sa may pinto ng pediatric ward na nagsisikip sa dami ng mga pasyenteng bata. May ilang katre kung saan dala-dalawa ang pasyente. Ang anak man niya'y may kasama sa teheras na iyon subalit inilipat sa tabi ng ibang batang pasyente dahil nakakahawa ang pulmonya sa ibang bata.

Nagulat pa siya nang mula sa pinto ay makita ang panganay na anak. Naiwan ito sa labas dahil hindi gustong papasukin ng mga naka-duty na nurses at baka mahawa ng sakit mula sa mga pasyente.

Tumakbo ito patungo sa kanya.

"Tristan."

"Gusto kong tingnan si Leandro, 'Nay," wika ng bata. Lumapit sa teheras at hinawakan ang kamay ng natutulog na kakambal. "Uwian ka namin ng mansanas," bulong nito at sumampa sa silya at yumuko at dinampian ng halik sa noo ang bunsong kakambal.

Cornelia choked her tears. Nilingon ang asawa na mabilis na tumalikod.

Nilingon ni Cornelia ang nurse na tahimik na nakamasid. "Please, hindi kami magtatagal. Sisikapin kong narito rin ako bukas ng hapon dala ang mga kakailanganing gamot ng anak ko. Ipangako mong hindi mo siya pababayaan."

Bahagyang nabigla ang nurse sa huling sinabi niya, hindi malaman ang sasabihin. Subalit nang marahil ay makita nitong naghihintay siya ng isasagot ay alanganing tumango.

"H-hindi ko ho pababayaan ang anak ninyo, misis. Lumakad na ho kayo nang makabalik kayo kaagad."

Bahagyang gumaan ang dibdib ni Cornelia sa sagot ng nurse. Niyuko niya ang anak at bumulong sa may tainga nito.

"I love you, Leandro, kayo ni Tristan. Mahal namin kayo ng itay mo. Gusto kong tandaan mo iyan." Hinagkan niya sa pisngi ang bata at pagkuwa'y atubiling nag-angat ng katawan. Niyuko at kinarga ang panganay na kakambal.

"Tayo na, Tristan."

Si Tristan ay hindi inalis ang tingin sa kapatid mula sa mga balikat ng ina hanggang sa makalabas sila ng ward.


"MATILDA, telephone," wika ng isang nurse sa kanya habang tinuturukan niya ng gamot ang tubo ng dextrose ni Leandro. Kinuha niya iyon mula sa tray ng mga gamot para sa ibang pasyente.

Kailangan niyang gawin iyon kung gusto pa niyang datnan ng ina nitong humihinga ang anak. Dalawang dose na ang naibibigay niya sa bata sa maghapong iyon mula sa pagbawas ng gamot sa magkakaibang pasyente.

Kristine Series 20 - My Wild Heiress (UNEDITED) (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon