Chapter Forty

Magsimula sa umpisa
                                    

Napapitlag ako nang mapasigaw si Nanay sa galit, halos mamula rin ang mukha nito.

Napasinghap ako nang agad akong hinila ni Tatay palayo kay Arken. Kinuha rin naman sina Kuya Jomer si Vander palayo kay Arken.

"Aba, ginugulat mo naman kami, Ayen! Ngayon mo lang pinakilala sa 'min itong tatay ni Vander. Malay ba namin kung anong klaseng tao siya, baka hindi naman katiwa-tiwala ang lalaking 'yan! Nagawa niya nga kayong abandonahin ng apo ko, e!" asik ni Tatay saka dinuro-duro pa si Arken.

Nanatili namang tahimik si Arken, wala akong nakikitang galit o inis sa mga mata niya na para bang tinatanggap niya ang bawat salitang binibitiwan nina Tatay. Kung ibang tao siguro ang gumagawa no'n sa kanya ay baka nabaril na niya.

"Dati po siyang mayor ng Caloocan City."

Natahimik silang lahat sa sinabi ko, maski si John na kanina ay walang pakialam ay napatingin kay Arken.

"E, ano naman?! Mayor din naman si Vaughn! Saka inabandona niya kayo ni Vander noon, hindi ako makakapayag diyan sa lalaking 'yan," umiiling na sabi ni Nanay.

"Nay, hindi naman po niya kami inabandona ni Vander, h'wag niyo naman pong ganituhin ang lalaking mahal ko." Inalis ko ang pagkakahawak sa 'kin ni Tatay saka muling lumapit kay Arken at kumapit sa braso niya.

Napahilot si Tatay sa sentido niya at tila hindi pa rin sang-ayon sa relasyon ko kay Arken, si Kuya Jomer naman na kahit tahimik ay nahahalata ko rito na hindi rin siya boto kay Arken.

"Ma'am, Sir, If you will let me--"

Agad na pinutol ni Tatay ang sasabihin ni Arken.

"Magtagalog ka!" asik ni Tatay saka napahampas sa mesa.

Napalunok naman si Arken, naramdaman ko na nanlalamig ang kamay niya. Hindi rin nakawala sa paningin ko ang pawis na namumuo sa leeg at patilya niya. Ngayon ko lang yata nakitang kinabahan nang ganito si Arken.

"Sorry po. Gusto ko lang po sabihin na malinis po ang intensyon ko kay Jonalyn. Gagawin ko po ang lahat para patunayan 'yon sa inyo. Hindi po ako perpektong lalaki para sa anak niyo, marami po akong nagawang kasalanan sa kanya, pero mahal na mahal ko po talaga siya. Balak na po naming magpakasal kaya po sana ay bigyan niyo ako ng pagkakataon para patunayan sa inyo ang sinseridad ko."

Nanlaki ang mga mata ko habang nakatingin kay Arken, nanatili naman siyang nakatingin nang seryoso sa mga magulang ko. Pati si Arkia na katabi niya ay mukhang natigilan din.

Sana hindi dumugo ang ilong niya pagkatapos, ngayon ko lang yata siya narinig na nagsalita nang ganiyan ka-haba tapos tagalog.

Natahimik din naman sina Nanay. Napaismid na lang si Tatay at nagwalk-out saka nagtungo sa silid nito. Si Nanay naman ay napapailing na nagtungo na lang sa kusina. Si Kuya Jomer naman ay umupo na lang sa tabi ni John.

"Future brother-in-law, ngayon pa lang sasabihan na kita na papahirapan ka nina Tatay. Kung ako sa 'yo magba-back out na 'ko, hindi naman maganda si Ate Ayen, e. Mukha kang model ng brief, maraming maaakit sa 'yo at-- aray naman! Ang sakit, Ate Ayen!" reklamo ni John nang lapitan ko siya saka tinadyakan sa binti.

"Manahimik ka na nga lang diyan! May extrang kuwarto ba?" tanong ko na lang.

"Doon sa taas, kasya kayong apat do'n kasi may banig naman. Patulugin mo sa banig 'yang si mayor kuno," tila sarkastikong sabi ni Kuya Jomer.

Napabuntong hininga na lang ako at napailing saka niyaya sina Arken sa ikalawang palapag saka nagtungo sa magiging silid namin.

Inilapag ni Arken ang bag namin sa kama, sina Vander at Arkia naman ay agad na umupo ro'n.

Call Me Mayor (SERIE FEROCI 1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon