Ikaw at Siya

21 3 5
                                    

Hindi siya ang lugar pahingahan mo.
Hindi rin siya ang duyang uugoy sa'yo
Sa mga mauulang gabi
Hindi kaya ng kanyang mga braso
Ang bigat ng mundo mo –
May mundo rin siyang pinapasan.

Hindi siya ang buwan sa mga bituin mo.
Pero siya ang kalawakan – malawak.
Hindi kayang ikahon.
Sa sobrang lalim, ayaw nang umahon.
Komportable sa sariling lalim,
Iniimbitahan kang sumisilid pailalim.

Siya ang alon sa tabing-dagat.
Sasampa saglit sa buhangin at maglalayag
Muli sa malawak na karagatan.
Hindi kayang ipirmi, ang tanging bubong ay
Ang bughaw na kalangitan.

Hindi siya ang nawawalang piraso ng iyong pagkatao,
Hayaan mo siyang maglakbay
Hayaan mong dalhin siya ng kanyang mga ugat
Sa kung saan siya puwedeng lumago.
Saksi niya'y ulan at sinag ng araw.

At kapag pareho na kayong pagod
Sa sariling paglalakbay,
Maaari n'yo nang uwian ang isa't isa.
Hindi na mangangapa.
Hindi na malilito.
Hindi na mawawala.
Ang mga bagahe ay
Iiwanang nakabukas sa pintuan – malaya.


Magmahal lang kapag handa na. Gawing tahanan ang sarili at ang mga lugar na minarkahan ng iyong mga paa. Maaari mo siyang makasama sa iyong paglalakbay, pero hindi n'yo responsibilidad ang isa't isa. Hayaan mong lumago siya at sa mga panahong malayo kayo sa isa't isa, mahalin mo pa ang sarili mo. xx

Stranded ka pa rin ba?Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon