Agad namang naalarma ang mga nasa paligid ko at dali-dali nilang hinawakan si Shawn at pilit na inilayo ito sa akin ngunit ang loko ay ayaw talaga bumitaw!

"Ano bang problema mo?" inis na tanong ko.

"Ikaw!" sigaw niya kaya napaiwas ako ng tingin dahil sa inis.

"H'wag mo nga akong sigawan! Tumatalsik ang laway mo sa mukha ko!" nandidiring sigaw ko.

Umirap ako. Mukhang kailangan kong maligo agad pag-uwi.

"Alam mo, Mister?" Tumigil ako dahil nagkukunwaring hindi alam ang pangalan niya para lalo pang mainis.

"Shawn! Shawn ang pangalan niya!" rinig kong sigaw ni Hendrix.

Nang lumingon naman ako sa likod para tingnan si Hendrix ay nahuli kong binatukan siya ni Daryl.

Binalingan ko nang muli si Shawn dahil sa sobrang higpit ng hawak niya sa kuwelyo ko ay malapit-lapit na ring lumabas ang dibdib ko.

"Alam mo, Shawn? Hindi ko talaga alam kung anong problema mo sa akin, e. Una... wala naman akong ginagawa sa 'yo. Pangalawa, wala pa rin akong ginagawa sa 'yo at pangatlo, gano'n pa rin. Wala akong ginagawa sa 'yo kaya pwede ba? Tigilan mo akong bwisit ka!" inis na sabi ko at inalis ang kamay niyang nakakapit sa kuwelyo ko. Idiniin ko pa ang kuko ko sa kaniya.

Nang bumitaw na siya sa akin ay agad na siyang nilayo nina Austin kaya hindi na siya nakapagsalita pa.

"Okay ka lang ba?" tanong ni Daryl at lumapit sa akin.

Hindi niya nga ako tinulungan tapos magtatanong siya kung okay lang ako? Ano 'to? Gaguhan?

Inirapan ko siya. "Wala kang kwenta, alam mo ba 'yon?" inis kong sabi habang inaayos ang uniform.

Napansin ko ang pasimple pagharang ng katawan niya sa akin para hindi ako makita ng mga kaklase namin habang nag-aayos.

"Anong ibig mong sabihin?" inosenteng tanong niya pa.

Napairap ako ulit. "Wala ka kayang ginawa! Ni hindi ka man lang umawat!"

Bwisit siya! Siya pa naman iyong taong inaasahan kong unang tutulong sa akin!

"Inunahan na ako nina Austin," simpleng sagot niya sa akin kaya lalo akong nainis.

Dumating na ang sunod naming teacher kaya napilitan kaming bumalik na sa kani-kaniyang upuan.

Habang nag-aayos si Ma'am ng laptop ay tumingin ako sa unahan kung nasaan sina Shawn. Lumingon siya sa akin at agad ako nitong inirapan.

Pangit niya. Tss.

Nag-e-explain na si Ma'am sa unahan pero nakatulala lang ako sa isang tabi. Iniisip ko kung paano ko sasabihin kay Austin na maaari akong lumipat ng section anumang araw ngayon. Iniisip ko rin kung anong magiging reaksyon niya o nila.

Matutuwa sila? Ayos lang ba sa kanila na umalis ako? O baka... kahit papaano ay malulungkot sila?

Nanatili akong tahimik habang nagsusulat ng notes kahit na hindi ko naman maintindihan ang mga isinusulat ko.

Nagulat ako nang magpaalam na si Ma'am. Grabe, kapag talaga hindi mo pansin ang oras ay ang bilis lumipas nito.

Lumabas na si Ma'am ng classroom at bumaling agad ako sa katabi para sana kausapin tungkol sa paglipat ko sa section ng kapatid ko pero naunahan ako nitong magsalita.

"Hoy! Magsulat daw. 'Di ka na nga nakinig, hindi ka pa magsusulat," sabi sa akin ni Austin kaya napairap ako.

"Tanga, tapos na 'ko." Hinampas ko sa ulo niya ang nakabukas kong notebook at tiningnan niya naman agad iyon.

The Only GirlWhere stories live. Discover now