Napailing na lang ako. "Kaya naman pala hindi nagre-reply ang gaga sa text ko, e, may ka-date naman pala," sabi ko na lang habang nakangiwi.

"Iyan talagang babaeng 'yan, kahit kailan. Ni hindi ko nga kilala 'yang kasama niya, e. Kung kani-kanino na lang siya nakikipag-date, hindi mukhang katiwa-tiwala," nakakunot-noong sabi ni Aljen.

Pasimpleng ngumiti na lang ako habang nakatingin sa kaniya. Masyado na siyang obvious. Bakit kasi iniisip niya pa rin na ako ang gusto niya hanggang ngayon? Halata naman
na si Wrena na ang gusto niya.

"Sundan natin sila," nakangising sabi ko kay Aljen saka hinila siya papalapit kina Wrena. Agad naman siyang tumigil sa paglalakad, napatingin na lang ako sa kaniya.

"Bakit natin sila susundan? Artista ba sila?" tila labas sa ilong na sabi niya.

"Ano ka ba? Sa 'yo na nga nanggaling, 'di ba? Hindi 'ka mo katiwa-tiwala ang hitsura no'ng lalaki, e di dapat natin silang sundan. Halika na, 'wag ka nang mag-inarte riyan," sabi ko na lang saka hinila siya.

Nagtago kami sa katabing bilihan ng damit at nagkunwaring nagtitingin ng mga damit habang pasimpleng nakatingin kay Wrena, pati sa kasama niya.

"Wrena, gusto mo ba 'to? Mukhang bagay 'to sa 'yo," sabi ng lalaking kasama ni Wrena saka ipinakita rito ang kulay puting dress.

"Talaga? Bagay sa 'kin 'to?" nakangiting tanong ni Wrena saka tiningnan ang dress.

Natawa ako nang mapansing napaismid si Aljen. "Ang pangit naman ng taste ng ka-date ni Wrena. Hitsura pa lang, mukhang jologs na. Wala talagang taste sa lalaki 'tong si Wrena," napapailing na sabi ni Aljen.

"Ayos naman 'yung lalaki, a. Saka bagay naman talaga kay Wrena 'yung puting dress, mukha siyang anghel," tila nang-aasar na sabi ko sa kaniya.

Pero totoo naman talagang maganda si Wrena. Medyo burara lang talaga siya at parang hindi babaeng manalita at kumilos.

"Mukhang anghel? Si Wrena? Nakakatawa 'yon, a," natatawang sabi na lang ni Aljen.

Napailing na lang ako at hindi na nagsalita. Nagtungo naman kami sa bilihan ng mga inihaw. Nagtago kami sa bilihan ng buko juice na malapit lang habang nakatingin kina Wrena.

"Tangina, bakit sila nagsusubuan? Kadiri, ano sila, teenager?" bitter na sabi ni Aljen habang nakatingin kina Wrena at sa ka-date niya na nagsusubuan ng barbecue.

Kanina ko pa talaga gustong humagalpak ng tawa dahil dito kay Aljen. Masyado kasing obvious na nagseselos siya, idinadaan lang niya sa panlalait.

"Ang sweet nga, e. Ganyan kaya ang type ng mga babae, 'yung sweet lover," nanunuksong sabi ko sa kaniya.

"Sweet lover? Mukha bang sweet lover ang lalaking 'yan? Mas mukha siyang kidnapper, e."

Tuluyan na akong natawa sa sinabi niya. Napaka-bitter talaga niya. Parang gusto ko tuloy i-record ang mga pinagsasasabi niya ngayon at iparinig kay Wrena, e.

"Halika, pupunta na sila ng court," sabi naman ni Aljen saka siya na mismo ang humila sa 'kin.

Nagpatianod na lang ako sa kaniya nang magtago kami sa may puno na malapit sa basketball court. Tinuturuan na ngayon no'ng lalaki na mag-basketball si Wrena.

"Tangina, anong katangahan 'yan? Bakit niya tinuturuan mag-basketball si Wrena e mas magaling pa ngang mag-basketball sa 'kin ang balahurang 'yan?" naiinis na sabi ni Aljen na kulang na lang ay batuhin ang ka-date ni Wrena.

Natatawang tinapik ko ang balikat niya para pakalmahin siya.

"Kalma ka lang, Aljen. Gusto talaga ng ibang babae ang ganyan," sabi ko na lang. Nagtatakang napatingin sa 'kin si Aljen.

Call Me Mayor (SERIE FEROCI 1)Where stories live. Discover now