Ikatlong Kabanata

9 0 0
                                    

Matagumpay ang naging ritwal kahapon kung kaya't ang mga tao ngayon kabilang na ng aming pamilya ay masayang nagdiriwang.

Pinagmamasdan ko ang paligid, narito kami ngayon sa plaza na tapat lamang ng simbahan. Nakasabit ang mga makukulay na banderitas na nakatali sa bawat puno. Nakaupo kami ngayon ni Alaya sa gilid ng lamesa kung nasaan ang samu't saring pagkain na inihanda ng Kapitan ng bayang ito bilang pasasalamat sa Diyos. Naroon ang iba't ibang uri ng pitahe tulad ng pinakbet, sinigang na bangus, pinakuluang karne ng baboy, at ang paborito ko sa lahat ay ang bistek. Sa gilid naman niyon ay naroon ang iba't ibang klase ng kakanin na nakabalot sa dahon ng saging. Natatakam kong tinignan ang dudol na siyang aking paborito sa lahat. Napalunok pa ako ng dalawang beses.

"Nakikinig ka ba?" napapikit ako nang biglang iwagayway ni Alaya ang kanyang palad sa aking mukha. Gulat akong napatingin sa kanya na ngayon ay nakapewang na.

"Kanina pa ako nagsasalita rito, hindi ka pala nakikinig" wika niya. Natawa nalang ako sa itsura niyang nakanguso na ngayon. "Paumanhin, pinagmamasdan ko lamang ang mga pagkain na nais ko nang papakin" saad ko nang nakangiti. Napalitan naman ng tawa ang kanyang kanina'y nakangusong labi. "Hanggang kailan talaga, ikaw ay pinaglihi sa katakawan" natatawa paring saad niya. Natawa nalang rin ako.

Nagsasayawan sa gitna ang mga matatanda. Malakas ang tugtog ngunit maganda iyon sa pandinig dahilan ng pag ngiti at pag indayog ngayon ng bawat isa. Napapadyak narin ako na tila sinasabayan ang musikang bumabalot sa apat na sulok ng plaza.

Ang mga bata ay masayang nagtatakbuhan kahit pa ang ilan sa kanila ay napapadapa na, bumabangon parin ito at tatawang tila walang nangyari. Napangiti na lamang ako. Minsan ay iniisip kong masarap siguro bumalik muli sa pagkabata, iyong wala kang iniindang problema, masaya ka na sa pasalubong ng iyong mga magulang o di kaya'y masaya kana sa simpleng laruan mayroon ka.

"Halika, tayo'y sumayaw rin Astera" nakangiting yaya saakin ni Alaya. Nakatayo na siya at marahang sinusundot ang aking baywang, sa huli ay napapailing na lamang ako at sumunod sa nais niyang gawin. Hindi gaya ko ay mahilig sumayaw si Alaya, sa aming eskwela noon ay siya lagi ang nangunguna ng sayaw gaya ng Cariñosa, Sayaw sa Bangko, Binasuan, at marami pang iba. Talagang pasyon niya ang pagsasayaw, hindi gaya ko na parehong kaliwa ang paa.

Magkahawak kamay kaming sumingit sa ibang naroon at sumasayaw rin dahil gusto niyang sa gitnang bahagi kami sumayaw. Nakakaindak ang musika, nagsimula nang sabayan ni Alaya ang masayang musika. Napapailing naman ako sa kanya nang pilitin niya naring sumayaw ako. Ngunit, napatigil ang lahat nang tumigil ang kanina'y masayang musika na pinalitan mabagal na tugtog. Ang mga magsing irog ay ngayo'y magkaharap na sa isa't isa. Napatigil rin sa pagsayaw si Alaya. Yayayain ko na lang siyang umalis roon dahil wala naman kaming kapareha nang may magsalita mula sa aking likuran. Dahan dahan ko itong nilingon, tumambad saakin ang nakangiting mukha ni Intong na pananganay na  anak ng aming Kapitan. Nakasuot siya ngayon ng kulay asul na americana na siyang bumabagay sa kanyang kakisigan. Katamtaman lang ang kanyang kulay.

Gulat akong napatingin sakanya nang ilahad niya ang kanyang palad sa aking harapan. Nakangiti parin siya. Tinignan ko ang aking tabi kung nasaan kanina si Alaya ngunit pagtingin ko ay wala na siya roon. Bahagyang sumikip ang aking dibdib dahil marahil ay naninibugho na ngayon si Alaya. Matalik ko siyang kaibigan at alam kong matagal na siyang may pagtingin kay Intong.

"M-maaari mo ba akong samahan hanggang sa matapos ang tugtog?" nauutal na tanong ni Intong. Naroon parin ang kanyang ngiti. Napahawak pa siya sa kanyang batok na tila nahihiya.

"A-ah" hindi ko malaman kung ano ang nararapat kong itugon sa kanyang tanong. Hindi ako makatingin sakanya, itinuon ko na lamang ang aking mata kay ama na masayang kasayaw ang bagong asawa nito. "P-paumanhin Intong ngunit masakit na ang aking paanan dahil hindi sanay ang aking paa na magsuot ng bakya." nakatungong wika ko. Ang totoo ah hindi naman talaga masakit ang aking paa, ang inaalala ko lamang ay ang damdamin ng aking kaibigan sa oras na makita niyang kasayaw ko ang lalaking kanyang napupusuan.

"Ganon ba? Makabubuti siguro binibini kung ika'y maupo na. Ako'y magtatanong kung mayroon bang gamot na maaaring pantapal sa iyong paa" wika niya. Isa siyang estudyante na nag-aaral ng medisina kaya ganon na lamang siya kasensitibo sa mga bagay na mayroong kinalaman sa mga sakit. Napatango na lamang ako. Inalalayan niya naman akong maupo sa pinakamalapit na silya. Nagpasalamat ako sakanya bago niya ako talikuran at nagtungo sa malapit na tindahan ng mga halamang gamot.

Magtatakip silim na ngunit narito parin ako sa plaza. Nagtitingin tingin ako ng mga bagay na kakailanganin ko bukas upang mag turo ng mga bata. Masigla parin ang pamilihan kahit sa mga oras na ito. Nakasindi narin ang mga lampara na nakasabit sa bawat puno upang magbigay ng ilaw sa bawat tao. Napangiti ako nang makakita ng murang pangkulay. Anim na krayola iyon na nakabalot sa papel.  Ang aking gagawin na lamang ay pagsasamahin ko ang dalawang kulay upang makagawa ng maraming kulay na wala sa anim na ito. Bumili narin ako ng ilang papel dahil dito ko isusulat ang Alpabeto na siyang aking ituturo sa mga bata nang sa ganon ay maisulat narin nila ng wasto ang kanilang pangalan.

Napatigil ako nang makita ang magandang pang ipit ng buhok. Naalala ko si Alaya dahil mahilig siya sa ganoon. Paborito rin niyang kulay ang pula. Kinuha ko ang pang ipit na iyon, sa gitna nita ay naroon ang pulang gumamela na siyang nagpaganda sa arte ng bagay na ito. Binilang ko ang natitirang salapi. Kahapon ay nakuha ko ang aking sahod sa tatlong araw na paglalabada ko sa pamilya Ocampo na isa sa mga mayamang pamilya sa bayang ito. Sapat pa naman ang aking salapi upang mabili ko iyon. Napangiti ako nang rumehistro sa aking isipan ang posibleng maging reaksyon ni Alaya kapag nakita niya ito. Inilagay ko na iyon sa loob ng aking maliit na tampipi kung nasaan rin ang krayola, papel at tinta na akin ring nabili.

Sa gilid ay naroon ang mga kaselang nag aabang ng kanilang pasahero. Katatapos lang rin ng misa. Sa pagsapit ng alas sais ng hapon ay nakagawian nang magdasal ang bawat mamamayan sa simbahan. Dahil wala na akong sapat na pamasahe ay naisipan kong maglakad na lamang. Hindi naman kalayuan ang aming tirahan.

Lumiko na ako ng daanan sa gilid ng simbahan. Marami paring nagkalat na tao ngayon sa bawat gilid. Ang mga ale ay nakikipagtawaran rin ngayon ng mga pagkain na siyang kanilang uulamin sa gabing ito. Napatigil ako nang paglingon ko sa aking harapan ay makakasalubong ko ang magarbong kalesa ng Emperyo. Kakaiba ito at nag-iisa lamang kaya batid kong ito nga ay kalesa na siyang sinasakyan ng Hari. Kadalasan ay nakasara lamang ang bintana niyon dahilan upang hindi makita ang nasa loob nito ngunit ngayon, nagtataka ako kung bakit ito nakabukas. Tumabi ako sa gilid at nang nasa harapan ko na ito mismo ay naroon ang hari. Nakapikit ito na tila dinadama ang ihip ng hangin. Napalunok ako. Ito ang ikalawang beses na nakita ko ang haring ito. Tila bumagal ang aking paligid lalong lalo na nang isayaw ng hangin ang kanyang buhok dahilan upang mas makita ko ng malapitan ang kabuuan ng kanyang mukha.

Napayuko na lamang ako nang lumagpas na saakin ang kalesang kanyang sinasakyan.

When Rain Comes in Year 1862Where stories live. Discover now