Tila hindi narinig ni Leon ang sinasabi nito. "Alam mo bang pinagdududahan ng Mama kung totoo ang sinabi mong napatay si Carlos Antonio sa kamay ng mga rebeldeng Pilipino?"

"Kalokohan!" singhal ni Genaro. "Bakit ko ipagsisinungaling ang dahilan ng kamatayan ng sarili kong kapatid?"

"Dahil hindi mo siya tunay na kapatid." isang mapait na ngiti ang lumitaw sa mga labi ng binata. 

"Anak ka ng iyong ina sa ibang lalaki at isang taong gulang ka na nang mapangasawa ng iyong ina ang ama ni Carlos Antonio. Tinaglay mo ang pangalang Fortalejo. Pangalang wala kang karapatang taglayin!"

"Tama na ang walang-kabuluhang pag-uusap na ito!" Muling nanumbalik ang awtoridad sa tinig ng matandang lalaki. "Walang kinalaman ang kasaysayan ng aking mga magulang sa pinag-uusapan natin. Pakakasalan mo si Clemencia at iyan ang masusunod. Kapag hindi mo ginawa'y aalisan kita ng mana, Leon. Ni isang sentimo ay wala kang tatanggapin sa akin!"

Bahaw na tumawa si Leon. "Ano'ng mamanahin ko mula sa iyo, Papa? Kahit ang lupa't bahay na ito'y hindi sa iyo. Pag-aari ito ni Carlos Antonio. Nang mamatay siya'y inari mong iyo. Nang matapos ang digmaan ay nilustay mo sa sugal sa Maynila ang kanyang salapi. Hindi mo napilit ang Mama na ibigay sa iyo ang salaping inihabilin sa kanya ni Carlos Antonio bago ito namatay. Dahil doon kaya ako nakapag-aaral sa Maynila."

"Sa maraming pagkakataon ay ilang beses kong pinagdududahan kung anak nga ba kita?" Naniningkit ang mga matang nakatitig ito sa binata. Tumaas-baba ang dibdib sa galit. "Kahit patayin ko ang ina mo'y hindi niya inamin sa akin kung sino sa amin ni Carlos Antonio ang iyong ama. Ngayo'y natitiyak kong hindi kita anak, Leon..." Isang imbing ngiti ang sumilay sa mga labi ng matandang lalaki.

"Subalit pakakasalan mo si Clemencia sukdulang igapos kita patungo sa kapilya!" Pagkasabi niyo'y mabilis na lumabas ng silid ang matandang lalaki.

Ilang minuto nang nakalabas si Genaro'y nanatiling nakamasid sa pintong nilabasan nito si Leon. Nagpupuyos ang dibdib sa pinipigil na galit. Ipinagtapat sa kanya ng ina bago ito namatay na si Carlos Antonio ang tunay niyang ama. Na pinakiusapan nito ang komadronang sabihin kay Genaro na kulang siya sa buwan nang ipanganak.

"Ibubuhos niya sa iyo ang galit at poot kapag inamin kong hindi ka niya anak, Leon..." wika ni Marita sa pagitan ng pag-ubo. Ginagap nito ang kamay ng anak. "Ikaw na lang ang natitirang Fortalejo, anak. Pinangarap ng ama mong magkaroon ng maraming anak na lalaki. Kung sakaling magkapamilya ka'y alagaan mo sila... ingatan... ipangako mo..."

"Ipinangangako ko, Mama...

Muling humarap sa bintana si Leon. Pilit inaaninag ang karagatan sa likod ng makapal na gubat. Sa dako pa roon... sa isang islang di-kalayuan sa Palawan. Minsan na siyang nakarating sa isla. Sa pagkakaalam niya'y walang taong nakatira doon. Binalak niyang doon simulan ang pagpapamilya. Binalak niyang dalhin doon si Isabelita.

Sa muling pagkaalaala kay Isabelita'y muli ring gumuhit ang matinding sakit sa damdamin niya. Mula kay Isabelita ay natutuhan niya ang kahulugan ng karangalan... ng kahalagahan ng pangako at salita. Tataglayin niya ang pagpapahalagang iyon. Sa kabila ng sakit at kabiguan ay wala siyang makapang galit sa dalaga nang piliin nito si Eman. She was honor-bound to marry Eman, forsaking him and their love.

Pinuno niya ng hangin ang dibdib. Luluwas siyang muli sa Maynila bukas ng umaga. Titiyakin niya kung ano ang nangyari kay Isabelita. Kahit sa huling pagkakataon ay gusto niya itong makita at makausap kahit pa gaano iyon kasakit para sa kanya... at sa dalaga. Pagkatapos ay saka pa lamang niya magawang magsimulang muli. Doon sa Maynila. Hindi rito sa Palawan. Hindi sa panahong ito kung saan alam niyang nagigipit si Genaro.

May nakapagsabi sa kanyang pinagbabantaan ni Clemencia si Genaro na isusumbong sa mga magulang at mga kapatid na lalaki ang ginawa nitong pagsamantala sa dalaga kung hindi itatayo ni Genaro ang dangal. At natitiyak niyang hindi na muling itatali ni Genaro ang sarili sa isang katutubo, lalo at wala namang salapi ang mga ito. Kaya siya ang nais ni Genaro na magsalba sa sarili nito.

ALAS-SIYETE ng gabi nang bumaba ng bahay si Leon at tunguhin ang kamalig sa di-kalayuan. Hindi niya kailangan ng liwanag. Kahit nakapikit siya'y alam niya kung saan naroroon ang kukuhanin niya. Sa loob ng kamalig ay bahagya nang naggiikan ang mga manok at ang bahagyang paghalinghing ng kabayo. Pagkatapos ay muli ring tumahimik ang mga hayop. Sa dilim ay tinunton ng binata ang kinalalagyan ng piko at pala.

Ilang sandali pa'y sinisimulan na niyang maghukay. Nag-iingat na hindi makagawa ng ingay. Malaki ang pasasalamat niyang wala si Genaro. Tiyak na kasama na naman nito ang mga kapwa manginginom.

Tatlong dangkal mahigit na ang nahuhukay niya nang maramdamang may tinamaan ang piko. Ibinagsak niya ang piko sa lupa at lumuhod sa tapat ng hinuhukay. Hindi niya kailangan ng liwanag upang malaman kung ano ang natamaan niya. Kinahig ng kanyang mga kamay ang nakapaibabaw na lupa. Pagkatapos ay inahon mula sa pagkakabaon ang isang di-kalakihang cajetang kahoy.

Pinapagpagan niya ito ng lupa nang mula sa pinto'y isang liwanag ang tumama sa kanya. Napapikit ang binata sa pagkakasilaw.

"Hah! Sinasabi ko na nga ba!" si Genaro na palipat-lipat na itinuon sa jewelry box at sa mukha ni Leon ang malaking flashlight.

"Papa!"

Kristine 16 - Hasta La Proxima Vez (Till Next Time) (UNEDITED) (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon