Japanese Writing System

36 2 0
                                    

Ang wikang Hapon o Nihongo ay gumagamit ng tatlong uri ng panulat: hiragana, katakana, at kanji.

Ang mga panulat sa Nihongo ay mas angkop na tawaging syllabary kesa sa alphabet dahil binubuo ito ng kataga na nirerepresenta ng isang simbolo imbes na isang letra na tumatayo para sa isang tunog.  Ang halimbawa ng alphabet ay ang Roman alphabet (A, B, C, D, E...). Halimbawa naman ng syllabary ay ang sinaunang panulat ng mga Pilipino, ang baybayin (ba, be, bi, bo, bu...).

Ang hiragana at katakana ay kolektibong tinatawag na kana o kanamoji.

Ang hiragana ay ginagamit sa pagsulat ng ilang pangngalan, partikulo (mga salitang may tungkulin sa pangungusap ngunit hindi napapabilang sa alinmang bahagi ng pananalita), inflectional endings (mga letrang dinadagdag sa huling bahagi ng salita upang mag-iba ang kahulugan nito) ng lahat ng pandiwa at pang-uri, at lahat ng anyo ng copula (isang salita o parirala na iniuugnay ang paksa ng pangungusap sa isang panaguri).

Ang hiragana ay ginagamit sa mga salitang may mahihirap o bibihirang kanji, mga kolokyal na kasabihan, at mga sintunog. Ginagamit rin ito ng mga batang nagsisimula pa lang matuto ng Nihongo o mga baguhan sa Nihongo bilang alternatibo ng kanji na hindi nila alam. Sa teorya, maaaring maisulat ang lahat ng salitang Nihongo gamit ang hiragana ngunit dahil ang Nihongo ay sinusulat ng walang espasyo, magiging mahirap mabasa o maintindihan ang isinulat kung hiragana lamang ang gagamitin.

Ang katakana, bagamat pareho ang mga tunog na nirerepresenta sa hiragana, ay ginagamit sa pagsulat ng mga salitang hiram mula sa Ingles at iba pang wika. Maaari rin siyang gamitin upang mabigyan diin ang isang salita, gaya ng tungkulin ng italics.

Ang kanji naman ay ginagamit sa pagsulat ng halos lahat ng salita sa Nihongo. Higit kumulang nasa 40,000 ang bilang ng mga kanji, ngunit nasa 2,000 lamang sa mga ito ang madalas na ginagamit sa pang-araw-araw na pamumuhay.

Bukod roon, kailangan ang kanji upang matukoy ang mga magkakahiwalay na salita sa loob ng isang pangungusap dahil gaya nang nabanggit kanina, walang espasyo sa pagsulat ng Nihongo. Parang sa orihinal na pagsulat lang ng baybayin, walang espasyo ang ginagamit. Ngunit sa pagdating ng mga Espanyol sa Pilipinas, nagkaroon ng espasyo sa pagitan ng magkakaibang salita. Sa Nihongo,ang kanji ang nagsisilbing espasyo na ito upang maging malinaw ang mensahe ng mga salita.

Dahil limitado ang mga tunog na ginagamit sa Nihongo, nagagamit rin ang kanji bilang pagtukoy sa pagitan ng iba't ibang homonyms (mga salitang magkakapareho ang pagbigkas o pagbaybay). Parang kung sa Filipino pa, ang salitang "baka" ay maaaring tumukoy sa hayop na "cow" o sa pang-abay na "maybe". Kung lalagyan ng diacritic mark (marka na magpapahiwatig kung saang parte ng salita ang ididiin), mas madaling matutukoy kung ano ang kahulugang nais ipahiwatig ng salita. Parang maihahalintulad sa diacritic mark ang tungkulin ng kanji, tinutulungan ka nitong matukoy ang angkop na gamit ng salita.

Learn JapaneseTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon