"Ano bang sinasabi mo?" Tila hindi kumbinsido si Tsuyu sa sinasabi ng kapatid.

"Nisan, nanganganib ang kaharian, halos lahat pati si Hera!"

"Totoo ang sinasabi ni Itsoru," ani Kaisei at tinitigan ang pangalawang kapatid.

"Hindi tayo magkakasundo dahil sa nakaraan. Pero ngayong nauulit na naman ang nangyari noon, hindi ako papayag na may magbubuwis na naman ng buhay. Ikaw na ang bahala kung makikipanig ka sa plano namin. Itsoru, tayo na," yaya ng seryosong si Kaisei na balak ring sabihan ang panganay na si Jin.

"Sandali," tawag ni Tsuyu sa dalawa kaya nahinto ito.

Wala itong sinabi nang lingunin sila ng dalawa. Sa halip ay  nagkatitigan lamang sila ni Kaisei at nagtanguan na tila nag-usap na sa mga tingin. Unti-unti namang napangiti si Itsoru.

Mukhang may magkakasundo na muli.





"Kung maisasara ang buong lagusan ng kaharian, wala silang ibang daraanan. Kailangan lamang ay ihanda ang hukbo pati ang mga armas," litanya ni Jin habang itinuturo sa mapa ang mga posibleng daanan ng kalaban. Nilagyan niya ito ng maliliit na bato bilang palatandaan.

"Ikaw Itsoru, ang mananatili sa tabi ng hari at reyna," sabi pa nito kaya napangiwi si Itsoru.

"Bakit ako? Gusto ko rin makipaglaban!"

"Mas mapoprotektahan mo ang palasyo sa ganoong paraan. Wala ka pang masyadong alam sa pakikidigma."

"Pero!" tutol nito.

"Itsoru, huwag nang matigas ang ulo." Napalakas ang boses ni Jin at ibinagsak ang kahuli-hulihang bato sa mesa.

"Paano natin itatakas si Hera?" Dahil sa naging tanong ni Kaisei ay nagkatitigan silang apat at natahimik bigla.

"Kung siya ang totoong pakay ng taga-Kanluran, siya ang unang hahanapin nito. Kailangan natin ng isang lugar kung saan ligtas siyang madadala roon," suhestiyon ni Jin at kinilatis ang mapa.

Nanatiling tahimik ang apat pagkatapos at kanya-kanyang nag-iisip ng paraan upang itakas ang dalaga. Ang kaninang hindi nagsasalita na si Tsuyu ang biglang nagsalita.

"Sa kanluran magmumula ang pagsalakay. Hindi maaaring doon mismo itungo si Hera. Mas mailalagay siya sa panganib."
"Kung ganoon, saan siya idadaan?" problemadong sabat ni Itsoru.

Agad naalala ni Kaisei ang lugar kung saan niya natagpuan ang hairpin ng dalaga bago siya tuluyang umuwi noon ng palasyo.

Nanlaki ang mata niya at napatingin sa mga kapatid.

"Sa kabundukan ng Hida!"

"Teka, alam na ba ni Hera na nanganganib na siya?" Sa naging tanong ng bunso ay mas nabahala ang magkakapatid.

"Eto ang plano..." direktang sabi ni Jin at isa-isang sinulyapan sina Tsuyu, Kaisei at Itsoru.

Nang gabing iyon ay hindi sila ang mga prinsipe na may mabigat na hinanakit sa isa't isa. Kundi ang magkakapatid na may pagtutulungan para sa iisang kaharian at para sa babaeng lihim nilang pinahahalagahan.




CELESTE'S POV


"Mira, kalma! Ano bang nangyayari?" mahinahon kong sambit kahit maging ako ay gusto ko na ring mag-panic. Pinapanood ko lamang siya na ihanda ang gamit ko at pinilit itong pagkasyahin sa iisang bag. Kinuha na rin niya ang salakot at agad itong pinasuot sa akin.

"Mira! Hindi ko alam kung anong nangyayari, pakiusap sabihin mo naman sa akin bago ka magkaganyan!" sigaw ko na kaya naihilamos niya ang dalawang palad sa pawisang mukha bago ako tinitigan sa mga mata. Kitang-kita ko ang pagkabahala sa kanya.

"Makinig ka, Hera. Anumang oras, sasalakayin ang palasyo ng mga taga-Kanluran. Susunduin ka rito ng alinman sa mga prinsipe upang itakas," sabi niya at hinawakan na ako sa magkabilang balikat.

"Bakit ako itatakas? Dito lang ako, wala naman akong ibang pupuntahan," giit ko pa.

"Hera, ikaw ang puntirya nila kaya hindi ka pwedeng manatili rito! Papatayin ka nila!"

Bumilis ang tibok ng puso ko. Pilit niyang ipinasuot sa akin ang isang coat at inabot ang bag ko.

"Mira, ayoko. Hindi kita iiwan rito. Kung gusto mo, sumama ka. Sabay tayong tatakas kung totoo man iyang sinasabi mo." Naluluha na ako nang makita ko siyang umiling.

"Iligtas mo ang sarili mo. Kailangan mong mabuhay." Pumiyok ang boses niya at niyakap ako ng mahigpit.

Mayamaya pa ay nakarinig na kami ng sigawan mula sa labas at ang sunod-sunod na pagsabog. Nanlaki ang mata ko at kumawala sa yakap ni Mira. Kapwa kami natataranta.

"Nasaan ang babaeng mula sa kabilang mundo?!" Umalingawngaw ang sigaw mula sa kung saang direksyon kaya halos maiyak na ako at hindi mapakali. Agad pinahid ni Mira ang mga luha nang kumalabog ang pinto ng silid namin at pumasok roon ang natatarantang si Kaisei.

Nagkatinginan sila ni Mira at tumango na lamang silang dalawa. Naguguluhan pa rin ako.

"Mahal na prinsipe, ikaw na ang bahala sa kaibigan ko."

"Makakaasa ka. Hera?" baling sa akin ni Kaisei kaya agad akong napalingon kay Mira na umiiyak na rin.

"Mira? Sasama ka naman, hindi ba?" Inilahad ko ang kamay ko ngunit tinitigan lamang niya ito at umiling.

"Buong buhay ko narito na ako sa palasyo. Hindi ko sila kayang iwan," aniya at pinunasan ang luha. Ang tinutukoy niya ay ang iba pa naming kasamahan na katiwala. Napakagat-labi ako upang huwag tuluyang humagulhol.

Hindi ko kaya.

Nangako akong sa tabi lang niya ako kahit anong mangyari. Ang duwag ko naman masyado kung iiwan ko siya sa ganitong sitwasyon.

Iwinakli ko ang braso ni Kaisei.

"Kung ganoon, dito lang din ako. Hindi ako aalis," paninigurado ko pero umiling siya ng paulit-ulit.

"Hera, umalis ka na! Sige na, umalis ka na!"

"Mira!" Bago ko pa siya tuluyang malingon ay hinatak na ako palabas ni Kaisei.

Napaiyak na lamang ako habang tumatakbo palayo, palabas ng palasyo.

Iniwan ko si Mira. Tinalikuran ko ang ikalawang Patrice na naging tapat sa akin hanggang sa huli.

Hindi ko mapapatawad ang sarili ko.

***

HIRAETH | COMPLETEDWhere stories live. Discover now