Nagpaalam na ako kagabi kay Papa na lalabas kasama ang mga kaibigan pero hindi ko binanggit na isa sa mga kaibigan ko si Sulivan. Pinayagan na niya akong makipagkaibigan sa kanya pero alam ko namang hindi pa tuluyang naaalis ang galit niya kay Sulivan sa hindi ko malamang kadahilanan.

"Aalis kayo?" matigas niyang tanong.

"Opo, sir."

"Kayong dalawa lang?"

"May mga kaibigan pong kasama, sir."

Akala ko'y doon na magtatapos pa iyon pero gano'n na lamang ang takot ko nang sabihin ni Papa na gusto niyang makausap si Sulivan nang silang dalawa lang.

Pumasok sila sa bahay habang ako'y nakaupo sa passenger seat ng sasakyan ni Sulivan, kinakagat ang labi at maya't mayang sumisilip sa labas para tingnan kung tapos na ba sila.

Hindi nagtagal ay lumabas na rin si Sulivan kasama si Papa. Seryoso ang mga mukha nila. Kinatok ni Papa ang bintana ng sasakyan kaya kinakabahan ko itong ibinaba.

"You should be home at five in the afternoon, Aphra."

Tumango ako. Iyon lang ang sinabi niya at muli siyang pumasok sa loob ng bahay.

Mula noon ay lagi nang pumupunta sa bahay si Sulivan. Laging bumibisita at laging nang-iistorbo. Ang pinaka-nakapagtataka sa lahat ay ang unti-unting pagbabago ng pakikitungo sa kanya ni Papa.

Hindi ko alam kung anong naging usapan nila't ganito na lamang si Papa ngayon. Minsan, pakiramdam ko'y si Papa ang binibisita ni Sulivan sa bahay at hindi ako. Minsan, pakiramdam ko'y si Sulivan ang anak ni Papa at hindi ako.

"Papa, magmeryenda muna kayo," sigaw ko sa kanilang dalawa ni Sulivan.

Napapailing ako habang nakatingin sa kanilang dalawa sa itaas ng bahay para ayusin ang atip namin. Napatingin ako kay Sulivan na seryosong-seryoso sa pagmamartilyo habang ang pawis ay patuloy na tumatagaktak sa noo niya.

Hindi ko alam kung alin ba ang mas maganda. 'Yung galit si Papa sa puntong kahit anino ni Sulivan ay ayaw niyang makita o 'yung hindi na siya galit sa puntong inuutusan na niyang umakyat sa atip si Sulivan at samahan siya sa pag-aayos.

Habang tinitingnan silang dalawa ay doon ko lang napagtanto ang kakaibang hatak ni Sulivan sa mga tao. Akalain mong pati ang tatay kong galit na galit sa kanya dati ay napaamo niya?

"Ayos ba?" ngiti ni Sulivan sabay nguso sa atip namin ngayon na natapos na nilang ayusin.

Binigyan ko siya ng face towel dahil talagang sobra siyang pagpawisan. Siguro'y hindi sanay ang isang ito na mabiladan ng araw. Inabutan ko rin siya ng tubig.

"Thanks.."

Pagtingin ko kay Papa ay taas-kilay lang siyang nakatingin sa akin. Lumunok ako at nahihiyang ibinigay ang face towel na para sa kanya. Inabutan ko na rin siya ng tubig para hindi na siya mag-isip pa ng kung ano-ano.

"Kailan ka mag-eenroll?" tanong niya sa akin nang pumasok si Papa. Pinunasan niya ang buhok na nabasa ng pawis at nakayukong tumingin sa akin.

"Next week na lang siguro. Hindi ko pa alam kung anong araw pero hangga't maaari ay sa monday para tapos na."

"Sabay na tayo. Sa monday rin ang balak ng iba."

Tumango ako. Dati ay lagi akong maaga sa pag-eenroll dahil paunahan sa magandang schedule ng klase. Ngayon nga lang, halos pang isang section na lang ang bilang ng mga natitirang regular student sa batch namin kaya siguradong sa iisang block na kaming lahat.

"Magiging magkaklase na naman tayo ulit. Baka hindi mo na ako pansinin tulad no'ng high school tayo."

Napangiti ako habang inaalala kung gaano ako ka-immature dati. Hindi ko akalaing ang lalaking kaharap ko ngayon ay nagawa kong kamuhian nang todo.

After Her Last Straw (Dream Series #1)Where stories live. Discover now