Nagpatuloy lang siya ng lakad. Inignora niya ang kabang lalo pang sumidhi nang makita ang pinagtigilan ng police patrol. Ayaw niyang tingnan ang lugar kung maaari lang, pero daraanan niya ito. Parang biro namang medyo humina ang ulan at mas naaninag na niya ang paligid. May mga ilang taong nakatayo roon. Sa hindi kalayuan ay may isang kotseng yupi ang hood at nakadikit sa sementadong bakod ng isang bahay. Umuusok pa iyon. Tuloy lang siya ng lakad, gusto niyang malampasan agad ang lugar na iyon. Sinadya niyang iiwas ang tingin sa bandang gitna ng kalsada kung saan nagtitipon ang mga tao. Ilang hakbang na lang sana ay makakalampas na siya, ngunit may isang bagay siyang nakita sa daraanan na biglang nagpatigil ng kanyang hakbang...

.
.
.
.
.
.
.
.
.
.

Isang karton ng Dutchmill.

Biglang parang nawala ang ingay ng lahat sa pandinig ni Tori. Wala ang hagibis ng ulan, wala ang boses ng mga tao. Tanging ang mabigat niyang paghinga ang pumupuno sa kanyang pandinig. Nasa bandang kaliwa niya ang pinagkakaguluhan ng mga tao. Sa gilid ng kaniyang mga mata ay tila may naaaninag siyang nakahandusay, ngunit hindi siya nangiming lumingon doon. Nakatitig lang siya sa bagay na nasa gilid ng daan. Hinayon niya ng tingin ang kalsada at nakita niyang may ilan pang nakakalat sa paligid.

Hindi. Hindi puwede.

Pilit niyang itinatanggi sa sarili ang imaheng pumapasok doon. Hindi pa sana siya lilingon sa gitna ng kalsada kung hindi lang sa narinig na sigaw.

"Kailangan nang dalhin sa ospital 'to, kung hindi ay hindi na 'to aabot!" ika ng isang pulis.

"Parating na ang ambulansya," tugon ng isa pa.

Napilitan na rin si Tori na lumingon doon. Ang una niyang nasulyapan ay ang pamilyar na salamin sa mata. Ngunit nasa sahig na iyon at basag na. Ilang dangkal mula roon ay nasilayan niyang muli ang pinanabikang mukha ng minamahal. Subalit hindi sa ganoong kalagayan niya ito inaasahang makita ulit- duguan at tila... wala nang buhay.

No.

Hindi niya namalayang umiiyak na siya kung hindi pa nanlabo ang kaniyang paningin. Agad ang pagbagsak ng payong mula sa kaniyang kamay. Wala na siyang pakialam sa buhos ng ulan.

Napatakip siya ng isang kamay sa bibig. Pakiramdam niya ay hinahalukay ang kaniyang sikmura at gusto niyang masuka. Sa kabila nang panginginig ng mga paa ay nagawa niyang humakbang palapit sa nakahandusay na katawan. Ang bigat ng dibdib niya at tila iyon sasabog.

Nakita ng mga pulis ang paglapit niya.

"Ma'am, kilala niyo ba ang biktima?" ang tanong ng isang may katangkaran at malaki ang bulto ng katawan.

Nilampasan lang ito ni Tori at hindi pinansin. Napaluhod siya sa tabi ni Yam. Parang mapupugto ang hininga niya ano mang oras habang nakatitig sa tila namumutla nang mukha ng nobya, lalo na nang makita ang dugong nagkalat sa paligid ng ulo nito.

Sobrang bigat. Hindi niya maipaliwanag ang sakit. Pilit pa rin niyang itinatanggi sa sarili ang nakikita. Kinukumbinsi niya ang sariling nasa isang masamang panaginip lamang siya. Sa nanginginig na kamay ay hinawakan niya ang pisngi ng nobya, humihiling na kapag nahawakan niya iyon ay bigla iyong maglaho at malaman niyang hindi totoo ang lahat, subalit...

"Y-Yam..." Gumaralgal ang tinig niya nang dumampi ang kamay sa nanlalamig nang mukha ng nobya. Totoong-totoo ito at hindi isang panaginip lang. Sa kaalamang iyon ay tila nadudurog ang puso niya. Gusto niyang pangkuin ang ulo ng nobya ngunit alam niyang maaari iyong mas ikapahamak pa nito. Gayon pa man ay hindi niya napigil ang sariling yapusin ang katawan nito.

"Ma'am sandali!" Pipigilan pa sana siya ng pulis ngunit sinaway ito ng isang kasama.

"Hayaan mo na, pare."

"Y-Yam... Anong nangyari?" Hindi na napigilang mapahagulhol ni Tori. Iniangat niyang muli ang katawan at sinapo ang mukha ng nobya. Ingat na ingat siyang huwag itong magalaw. Marahan niya itong tinapik-tapik sa pisngi. "Y-Yam... Yam, gumising ka. Please. Y-Yam... Babe, please...." Patuloy ang pagbuhos ng luha sa kanyang mga mata. Inilinga niya ang paningin sa paligid. "T-Tulong... Tulungan niyo siya, pakiusap..." Bakas ng labis na desperasyon ang boses niya.

Malungkot namang tumitig sa kanya ang isang pulis. Ito ang parehong pulis na umawat sa kasama nito. "Parating na ang ambulansya, Ma'am."

Maya-maya pa nga ay narinig na nila ang sirena ng paparating na ambulansya. Hinawakan siya ng pulis sa balikat. "Ma'am, hayaan na po natin ang mga medic." Marahan siya nitong inilayo.

Nagpahinuhod naman si Tori. "Y-Yam..." Inalalayan na siya ng pulis habang inilalagay ng mga medic sa stretcher si Yam. Nauna na itong lagyan ng cast sa leeg.

Sumama si Tori sa loob ng ambulansya. Mahigpit niyang hawak ang kamay ni Yam na tila ba sa pamamagitan niyon ay hindi ito tuluyang mawawala sa kanya. Wala na ang dating init ng palad nitong gustong-gusto niya. Sa tuwing nararamdaman niya ang init ng palad nito ay nakakaramdam siya ng seguridad. Ang parehong init na iyon ang nagligtas sa kanya sa labis na kalungkutan at pag-iisa. Subalit ngayon... hindi na niya iyon maramdaman.

"Yam.. lumaban ka. Lumaban ka. Babe, please..." Patuloy ang pagdaloy ng kanyang mga luha habang nagmamakaawa.

Pagdating ng ospital ay dineretso sa emergency room si Yam.

Tulalang nakaupo sa waiting area si Tori, nakatitig sa nakapinid na pinto kung saan isinasagawa ang operasyon. Ayaw niyang mag-isip ng kahit ano. Pinipigilan niya ang pag-iyak. Makakaligtas si Yam. Makakaligtas siya.

Subalit kahit anong pagpigil ay naglandas muli ang tubig sa kanyang pisngi. Bibihira siyang umiyak. Hindi dahil sa itinuturing niya iyong kahinaan, kundi dahil kahit gustuhin man niyang umiyak ay hindi niya magawa. Isang manhid. Iyon ang taguri sa kanya ng mga tao. Subalit ngayon... tila ayaw paawat ang pagbuhos ng luha sa kanyang mga mata.

Si Yam ang nagturo sa kanyang makaramdam ulit. Sa mahabang panahon ay tanging kadiliman ang niyakap niya, at si Yam ang humila sa kanya papunta sa liwanag. Huwag naman sanang pati ito ay mawala sa kanya. Hindi niya kakayanin.

Matapos ang mahabang sandali ay bumukas na ang pinto ng emergency room. Iniluwa noon ang isang lalaking nakaputing gown na nasa mid-forties ang hitsura. Agad ang pagtayo ni Tori.

"Miss Tori Salmieda?" Sinulyapan siya ng doktor mula sa hawak nitong clipboard. Nakita niya ang ilang butil ng pawis na namumuo sa noo nito, at hindi iyon magandang senyales para sa kanya. Gayon pa man ay tila kalmado pa rin ng hitsura ng doktor.

"Y-Yes?" Hindi niya napigilan ang pagpiyok ng boses. Nilunok niya ang hikbing gustong kumawala sa lalamunan. "Kumusta po ang girlfriend ko, doc?"

Hindi nakaligtas kay Tori ang bahagyang pagkunot ng doktor sa kaniyang tanong, subalit hindi na niya iyon binigyang-halaga. Ang importante sa kanya ay ang malaman ang kalagayan ng nobya. Tumikhim muna ito. Pigil niya ang paghinga nang muli nitong ibuka ang bibig.

Tori's Tragedy | A Short Story [GxG]Where stories live. Discover now