Napakagat-labi si Tori. Kinakain ng pananabik ang dibdib niya. Parang bigla na siyang nawalan ng interes sa Dutchmill at gusto na lang niyang makauwi si Yam at makita ito. Nag-type siya ng reply.

'Bilisan mo!' Iyon ang una niyang mensahe na mabilis ding sinundan ng isa pa.

'Kanina pa 'kong naghihintay!'

Maaaring ipagpalagay ni Yam na ang Dutchmill ang kinaiinipan niya, ngunit ang totoo ay ito ang gusto na niyang makasama. Ewan ba niya... pero parang ang sakit ng dibdib niya nang sandaling iyon.

'Coming, my love. I love you.' Napangiti si Tori sa mensaheng iyon, ngunit hindi niya alam kung bakit naluluha rin siya.

'Bilisan mo na. Miss na kita.' Iyon ang binubulong ng puso niya, ngunit sa halip na iyon ang sabihin ay iba ang itinipa niyang reply.

'Mukha mo!'

Hindi na ulit nag-text si Yam matapos iyon. Tumayo si Tori at nagpalakad-lakad sa kuwarto. Bitbit niya ang cellphone at pasulyap-sulyap doon. Nag-aabang pa rin siya sa mensahe nito. Hindi niya alam kung bakit bigla siyang nakaramdam ng kaba. Ilang sandali pa ay bigla siyang napakunot ng noo. May pamilyar na ingay siyang narinig mula sa labas. Mabilis ang paglapit niya sa salaming bintana upang kumpirmahin iyon.

"Shit. Umuulan." Lalo pang sumidhi ang kaba at pag-aalala niya. "Yam, nasa'n ka na ba?" Naalala niya ang cellphone at agad na idinayal ang numero ng nobya. "Pick up, babe. Please."

Nakailang dial pa siya, pero hindi sumasagot si Yam. "Yam, ano ba!" Nag-p-panic na siya dahil lalo pa yatang lumalakas ang ulan. Hanggang sa...

Tot. Tot. Tot.

"Shit!" Malakas siyang napamura nang tuluyan nang hindi makontak ang telepono ni Yam. Inulit pa niya pero wala na talaga. "Damn it!"

Napalabas na siya ng kuwarto sa sobrang pagkabalisa. Binuksan niya ang pinto at halos mabingi siya sa ingay ng ulan sa labas. "Yam... Where are you?" Parang gusto na niyang maiyak dahil sa labis na pag-aalala.

Bumalik siya ng kuwarto at kinuha ang duplicate key ng bahay. Hindi siya matatahimik kung mananatili lang sa loob; kailangan na niyang sunduin ang nobya. Nagsuot siya ng makapal na hooded jacket at kumuha ng malaking payong, pagkatapos ay matapang na sinagupa ang malakas na ulan.

Yam... I'm coming for you, babe.

Sobrang higpit ng hawak niya sa payong dahil halos ibagsak iyon ng malakas na bugso ng ulan. Parang galit na galit yata ang langit at pakiramdam niya ay mabubutas na ang payong. Sinubukan niyang bilisan ang lakad. Hindi rin niya halos maaninag ang daan kung hindi lang sa liwanag ng mga streetlights sa gilid.

Ilang minuto na siyang naglalakad nang may makita siyang bulto ng taong papalapit. Tumatakbo ito at walang payong. May bumangong pag-asa sa dibdib niya na baka ang nobya na ito. Subalit ganoon na lang ang panlulumo niya nang hindi pala. Isa iyong lalaki na hindi na inalintana kung mabasa man. Nahiling niyang sana ay hindi magkamali si Yam na sagasain din ang ulan. Malabo ang mga mata nito. Hindi naman ito lampa, pero kadalasang clumsy kumilos. Baka madulas pa ito at kung ano pang mangyari. "Babe, nasa'n ka na ba?"

Nasa kalagitnaan na yata siya ng daan papuntang 7-eleven nang kakaibang tunog ang narinig niyang umalingawngaw sa paligid. Humalo iyon sa ingay ng hagibis ng ulan. Sirena iyon ng patrol ng pulis. Dinaanan pa siya ng sasakyan.

Sandaling napatigil ng lakad si Tori. Hindi niya gustong pagtuunan ng pansin ang takot na biglang bumangon sa dibdib niya. Hindi naman siguro. H'wag kang mag-isip ng kung ano, Tori. Ipinilig niya ang ulo.

Tori's Tragedy | A Short Story [GxG]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon