Ipinanganak ako sa isang mahirap na pamilya. Ang Nanay ko ay isang bayarang babae, iyon ang sabi ng mga tao. Marami kaming magkakapatid, lima, pero iba-iba ang tatay namin. Kaya siguro iyon ang tawag nila sa nanay ko.
Kahit naghihirap, naging masaya naman kami sa kahong-bahay namin. Nagsisiksikan ngunit hindi iyon alintana dahil nakatulong pa nga ito sa amin lalo na kung malamig ang panahon. Niyayakap namin ang isa't isa habang hinihintay ang pagdating ni Nanay.
Hindi ko alam kung anong trabaho ni Nanay. Basta umuuwi na lang siya rito na may dalang pagkain para sa aming magkakapatid. Minsan isang pirasong isda o 'di kaya'y isang supot ng pandesal na pinaghahati-hatian namin. Aaminin kong hindi sapat ang inuuwing pagkain ni Nanay para sa amin, pero mas gugustuhin ko na lang magutom kesa masaktan si Nanay.
Isang araw, umuulan noon. Naglalaro kami ng mga kapatid ko, maliban kay Bunbun na ayaw makisama. Sa lahat ng mga kapatid ko, siya ang pinakanakakainis. Ayaw niya maglaro, gustp niya lang matulog. Dahil sa liit ng bahay namin, hindi maiiwasang magising siya sa kulitan namin. Sa tuwing nangyayari iyon, nagagalit siya at inaaway kaming lahat. Pero, hindi naman iyon ang sentro sa araw na iyon.
Nagpaalam si Nanay noong umaga ng araw na iyon, ang sabi niya maghahanap lang daw siya ng makakain namin. Buong araw kaming naghintay, hanggang sa magdilim na ay hindi pa rin siya bumabalik. Nagsimula ng umiyak si Potpot, ang pinakaiyakin sa aming lahat, dahil sa gutom. Gusto ko ring umiyak, pero baka magalit lang si Bunbun.
Dinadalaw na ako ng antok at nalipasan na ng gutom nang biglang dumating si Nanay. Masaya namin siyang sinalubong at excited na tiningnan ang dala niyang supot na naglalaman ng dalawang pandesal. Sa wakas, makakakain na rin kami.
"Mga anak, pasensiya na kung natagalan ako," Naaalala kong sambit niya. Naalala ko rin ang ngiting palagi niyang suot noon, kahit na paika-ika siya sa paglalakad at natatakpan ng ketchup ang maitim niyang mukha.
Noong panahong iyon, nagalit ako kay Nanay. Naisip ko na kaya siguro natagalan siya dahil inubos niya ang pagkaing may ketchup ng mag-isa. Naisip kong madamot siya. Hindi ako tumabi kay Nanay noong gabing iyon sa pagtulog dahil sa inis sa ginawa niya. Nanatili ako sa sulok habang nagsisiksikan sila sa tabi ni Nanay.
Pinagsisisihan ko ang gabing iyon.
Naging masaya naman ang mga sumunod na araw matapos noon, na na putol din dahil sa lubos na pagtitiwala ni Nanay.
Muling umalis si Nanay para maghanap ng makakain namin. Ang akala ko maghihintay na naman kami ng matagal. Ngunit, laking gulat namin nang ilang oras pa lang ay nakabalik na siya, kasama ang dalawang mayamang mag-asawa. Nagsiksikan kami sa sulok dahil hindi kami sanay sa mga estranghero, maliban kay Suman na sinalubong si Nanay at ang mga bisita.
Sa aming magkakapatid, si Suman ang pinakamaganda at pinakamabait. Siya ang paborito ko, at sigurong ng lahat. Malambing siya at lagi akong niyayakap sa gabi upang hindi lamigin.
Binigyan kami ng napakaraming pagkain ng mag-asawa na labis na ikinatuwa ni Nanay at nakakuha sa kaniyang tiwala. Hindi niya namalayan, pati ang anak niya ay kinukuha na pala. Huli na nang mapansin ni Nanay na hawak na nila si Suman na umiiyak at tinatawag si Nanay. Sinubukang bawiin ni Nanay si Suman, pero wala siyang nagawa nang tadyakan siya ng lalake. Napasalampak siya sa lupa at humagulgul na lamang habang tinatawag ang pangalan ni Suman.
Wala akong ibang nagawa kundi sundan ng titig si Suman hanggang sa ipasok siya sa sasakyan ng mag-asawa at nawala na ng tuluyan sa amin. Ngunit, hindi ko malilimutan ag tinig niya. Ang palahaw niya ng tulong. Ang pagtawag niya sa pangalan ko habang lumuluha.
Pagkatapos ng pangyayaring iyon, naging malamig na ang aming bahay kahit na siksikan kami sa pagtulog. May kulang. Hindi man pansin sa maliit na kahong-bahay namin, pero ramdam ko ito sa puso ko. May espasyo na dating inuukupa ng kapatid kong si Suman.
