Hindi nga siya nagsasalita hanggang sa matapos ako sa pag-aaral. Medyo nakakailang nga lang dahil minsan ay nararamdaman ko ang mabibigat niyang titig sa akin. Kapag naaabutan ko siyang nakatingin sa akin ay ngumingiti lang siya at pagkatapos ay ibinabagsak niya ang tingin sa kanyang libro. Gano'n lagi ang nangyayari sa amin sa table na ito.

Kinabukasan ay nasa library na naman ako.

"Oh.."

Napatingin ako kay Sulivan na kararating lang sa library. Nilapag niya ang isang sandwich sa binabasa kong libro bago siya umupo sa tapat ko.

"Sinabi ko naman sayong 'wag mo na akong dalhan ng pagkain, hindi ba?"

Paulit-ulit niya kasi itong ginagawa. Tuwing dumarating siya ay may pagkain siyang ibinibigay sa akin.

"Sinabi ko namang pambawi ko 'yan sa bikong binigay mo, hindi ba?"

Napailing na lang ako. Ito ang lagi niyang sinasabi. Pambawi raw sa bikong ibinigay ko dahil sobrang sarap daw. Hindi ko alam kung maniniwala ako dahil alam ko namang hindi gano'n kasarap ang pagkakagawa ko.

"Sana pala'y hindi na kita binigyan."

Tumawa siya at binuksan ang sandwich niya. Bawal kumain sa loob ng library pero nasa sulok naman ang table namin kaya walang nakakakita. Kinain ko na rin ang binigay niya. Nang maubos ay kinuha ko ang tumbler ko para uminom.

Habang ginagawa iyon ay nakatingin lang ako sa kanya na seryoso nang nagbabasa ngayon. Weird bang sabihin na gustong-gusto ko siyang titigan kapag ganitong seryoso siya? Suot pa niya ang reading glass niya kaya para siyang nerd tingnan. Nerd na sobrang gwapo.

"Water?" alok ko sa tumbler ko.

Gulat siyang napatingin sa akin. Babawiin ko na sana dahil sa hiyang biglang dumapo sa akin pero mabilis niya itong kinuha.

"Thanks."

Nagpatuloy na ako sa pag-aaral. Medyo humupa na rin ang usapan tungkol sa screen of death incident. Pero minsan ay may napapansin pa rin akong mga kataka-takang kilos. Bago dumaan sa locker ay naisipan ko munang pumunta sa cr para maghugas ng kamay.

"Pwedeng sa kabilang cr na lang kayo? Umiiyak kasi ang kaibigan ko sa loob. Nahirapan ata sa quiz."

Kunot-noo kong tiningnan ang babaeng isa sa mga kaibigan ni Sulivan. Tumango ang dalawang estudyanteng kausap at mabilis na umalis para siguro pumunta sa kabilang cr. Nakita niya ako.

"Hi, Aphra! Magc-cr ka ba? Sorry, ha? Umiiyak kasi ang kaibigan ko sa loob. Baka bigla siyang mahiya 'pag may pumasok."

Hindi ko kinagat ang palusot niya. Kung totoo ngang umiiyak ang kaibigan niya, malawak ang cr. Pwede namang umiyak sa cubicle. Alam kong may kung ano man silang ginagawa sa loob kaya mabilis akong pumasok dito habang pilit niya akong pinipigilan.

Pagbukas ko'y naabutan ko si Luisa at ang isa pa nilang kaibigan na may sinusulat sa dingding ng cr. Halos mapatalon sila nang makita ako. Mabilis na itinago ni Luisa ang marker sa likod samantalang ang kasama ay nakaharang sa isinulat ni Luisa.

"Aphra, ikaw pala.." tumawa nang pilit si Luisa. Bumaling siya sa likod ko. "Alicias, si Aphra, oh.." pinandilatan niya ito ng mata na para bang itinatanong kung bakit ako nakapasok.

"Sinabi kong umiiyak.. si Caitlyn pero ayaw maniwala, eh."

Biglang nanlaki ang mata ng tinawag niyang si Caitlyn at biglang yumuko para umiyak. Halos mapairap ako. Oo nga't hindi ako magtataka kung ganyan ang ipapakita nila sa akin. Oo talaga.

Dahil sa biglaang pagyuko ay nakita ko ang isinulat ni Luisa kanina sa dingding.

Kung magpapatuloy ito,
hindi lang isa ang maglalaho.

After Her Last Straw (Dream Series #1)Where stories live. Discover now