Nanatili lang akong nakatayo kahit na umalis na si Professor Amilagir. Napailing ako.

Naiintindihan ko naman siya. Dapat ngang may elimination dahil hindi naman ito makatarungan sa iba pang mga estudyanteng gustong sumali pero hindi nabigyan ng pagkakataon. Pero hindi ko matanggap. Nagsimula na kami sa pag-aaral, eh. Naghanda na kami sa pag-aakalang kami ang makukuha.

Sobrang unfair no'n sa amin ni Sulivan. May mga oras na may quiz ako kinabukasan pero isinasantabi ko na lang muna dahil mas inuuna kong basahin ang reviewer ni Professor Amilagir. Hindi biro ang pagre-review namin. Hindi biro ang mga oras at araw na sinayang namin para lang doon tapos biglang babawiin?

Isa pa sa kinaiinisan ko ay hindi niya ako sinabihan muna bago ito i-anunsyo sa klase. Galing ako sa office kahapon, di ba? Ba't di na lang niya sinabi na magkakaroon ng elimination?

So.. kaya pala? Kaya pala hindi niya binigay sa akin ang reviewer kahapon? Talagang balak na niyang magsagawa ng elimination. Eh, bakit nga hindi na lang niya agad sinabi sa akin? Sana naman ay naisip niyang kami muna ni Sulivan ang kausapin dahil kami ang maaapektuhan nang sobra.

Hindi naman din ako manhid para hindi mapansing kaya biglang nagbago ang isip niya ay dahil sa resulta ng mockboard. Hindi ako makapaniwala. Kung ang mga kaklase ko ang magpapakita ng pagkadismaya, matatanggap ko pa. Pero pag ang Professor na ang nagpakita nito, hindi ko matatanggap.

Isang exam lang, nagbago na ang tingin nila sa akin? Wala na silang tiwala sa akin? Agad-agad? So disappointing.

Sa sobrang panggigigil ay wala akong oras na pinalagpas. Kapag break time ay nag-aaral ako at kapag uwian ay sa library ako dumidiretso. Gigil akong mag-aral pero hindi ko masyadong maintindihan ang binabasa dahil naiisip ko kung ano na kaya ang ginagawa ng iba.

Nag-aaral na kaya sila? Kung oo, anong subject naman? Accounting? Taxation? Pero nakita kong nagbabasa ng law kanina si Celline. Tumingin ako sa accounting book na kasalukuyan kong binabasa. Ilang sandali pa'y isinara ko ito at binuksan ang law book ko.

"Kakatapos mo lang sa law, ah? Ba't binalikan mo na naman?" tanong ni Sulivan.

Kanina pa siya nakaupo sa tapat ko habang pinagmamasdan akong papalit-palit ng binabasang libro.

Nagkibit-balikat ako. "Nakita kong ito ang pinag-aaralan nila kanina."

"So?"

"So kailangan kong pag-aralang muli. Kailangan ko silang matalo.." inis ko siyang tiningnan. "Mag-aral ka na nga lang. Nakakaistorbo ka."

Nagpatuloy na ako sa pagbabasa. Maya-maya lang ay pumasok sa library si Kylamae habang hawak-hawak ang taxation na libro.

Isinantabi ko ang law book ko at nilabas sa bag ang libro ko sa taxation.

"Oh? Wala pang five minutes, iba na naman?"

Inirapan ko si Sulivan at ininguso si Kylamae. Kunot-noo siyang bumaling sa akin matapos itong tingnan.

"So?"

"So I need to study this as well!" inis kong sabi dahil mukhang hindi niya naiintindihan ang kagustuhan kong matalo sila.

"You know what? You're doing it wrong, Pantorilla."

Naiinis ko siyang binalingan. Ang pinakaayaw ko sa tuwing nag-aaral ako ay ang mga maiingay na tao. At ano raw? I'm doing it wrong?

"This is my strategy, de Lopezes."

Bahagya siyang tumawa. "Hindi ka matatapos sa pag-aaral kung 'yan ang gagawin mo."

"Umalis ka na lang muna, pwede? Ba't ka ba nandito? Nandoon ang table mo, oh."

Sumandal siya at bahagyang niluwagan ang necktie. Akala ko'y makikipagtalo pa siya pero kunot-noo na lang siyang nagpatuloy sa pagbabasa.

After Her Last Straw (Dream Series #1)Where stories live. Discover now