Chapter 5 🌾

557 16 1
                                    

NAGLAKAD-LAKAD ako sa paligid

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.

NAGLAKAD-LAKAD ako sa paligid. Kapansin-pansin ang katahimikan ng isla. Tubigan ang kalakihan sa lugar na ito ngunit nakita ko rin ang malawak na taniman. Nakakatuwang isipin na kahit dumaan ang matinding trahedya rito ay nanagana pa rin ang lupa. Mayayabong ang palay at maisan. May nakita rin akong gulayan sa magkakatabing bahay katulad ng gulayan sa likod-bahay nina Mang Abel.

Magtatakip-silim na kaya kailangan ko nang makabalik. Nakasindi na rin ang mga ilawan sa mga kabayahan. Bago ko narating ang pintuan nina Mang Abel ay may narinig akong umiiyak sa gilid ng daan. Tila may sumipa sa dibdib ko nang may makita akong batang babae na nakayuko at nakatalungko. Yakap niya ang kanyang mga binti. Puti ang suot hindi gaya ng isang bata na nakita ko kaninang umaga. Bakit sumusulpot na lamang bigla ang mga bata? Akala ko ba, nawawala sila?

"Ne?" Nilapitan ko siya.

Umangat ang mukha nito. Maamo ang kanyang mga mata. Basang-basa ang mukha niya ng luha at sipon. Hindi siya nagsalita subalit sumisinghot siyang tiningnan ako.

Umupo ako sa tabi niya sa gilid ng daan. "Anong pangalan mo? Saan ka nakatira? Nasaan ang mga magulang mo?"

Yumuko ang bata. "G-Gusto kong maglaro. Ayaw nila akong isali," aniyang humihikbi.

"Nasaan ba ang mga kalaro mo?" tanong ko sa kanya.

"Puwede ka bang makipaglaro sa akin, Kuya?" Muli niya akong tiningnan. Nagpunas siya ng kanyang mga luha.

"Okay lang. Pero gabi na. Hahanapin ka na sa inyo," paalala ko sa kanya.

"Dito lang ako nakatira sa malapit. Hindi ako hahanapin nina Papa at Mama. Ikaw ang hinahanap nila ngayon."

"Ha?"

Nginitian niya ako at biglang tumayo. Sa pagtama ng liwanag ng buwan, doon ko lamang nakita ang putik sa kanyang mga paa. "Hanapin mo ako, Kuya Mike..." May gumapang sa batok ko nang banggitin niya ang pangalan ko. Paano ako nakilala ng batang ito? "Kapag nakita mo ako, ikaw naman ang susunod na 'taya'." Pagkasabi no'n ay agad na siyang tumakbo.

Mabilis akong kumilos upang sundan siya. Saktong patungo siya sa tarangkahan ng bahay nina Mang Abel. "T-Teka! Bata sandali. Hindi mo bahay iyan. Bumalik ka rito!" pigil ko sa kanya. Ngunit humagikhik pa ang bata at umikot sa likod-bahay. Sinundan ko siya. Iniligid ko ang mga mata sa buong halamanan. Naglakad ako patungo sa lugar kung saan ko nakita ang batang babaeng nakita ko kaninang umaga. "Ne? Ineng sorry, labas ka na. Talo na si Kuya. Ako na ang 'taya'," sabi ko sa kawalan. May naulinigan akong matinis na tumawa. Nilingon ko kung saan iyon nagmula. Ngunit ang mga tanim na gulay lamang ni Mang Abel ang nakita ko.

"Ano'ng ginagawa mo rito?"

Muntik na akong mapalundag nang may marinig akong boses. Sa likod ko pala ay naroon si Mang Abel at may dalang napakalaking drum. Hindi niya ito halos maiangat mula sa lupa. Kasunod niya ay si Aling Amanda na may dugo na naman ang suot na palda. Parehas silang nakatitig sa akin. Bumaba ang mga mata ko sa kamay ni Aling Amanda. Wala naman siyang hawak na itak kaya nakahinga ako na maluwag.

"U-Uh, may bata po kasing nagtago rito. Kaya hinahanap ko," sabi ko at napakamot ng ulo. Saan ba kasi nagsuot ang batang iyon?

"Walang bata rito. Kaya ka nga narito sa isla namin para alamin kung bakit nawawala ang mga bata rito, hindi ba?"

"Abel..." Hinawakan ni Aling Amanda ang braso ng asawa. "Hayaan mo na siya."

Huminga ng malalim si Mang Abel habang nakaigting ang panga niya. "Aalis lang kami sandali. Pumasok ka na sa silid mo at huwag na huwag lalabas mula roon hangga't hindi sumasapit ang liwanag."

"H-Ho?" Nagtaka ako subalit sa mga titig ni Mang Abel sa akin ay siguradong seryoso siya kaya tumango na lamang ako.

ILANG oras nang wala ang mag-asawa. Hindi ako mapakali. Hindi rin ako makatulog. Dalawang bata ang nakita ko taliwas sa sinasabi ni Mang Abel na walang mga bata rito. Nagtataka pa rin ako kung saan nagsuot ang mga batang iyon. Bumalikwas ako. I need to do something. I have to know the truth behind all of these mysteries. Hindi ako naparito para lang sa wala. Kailangan kong ma-promote sa trabaho. Gusto ko ng mas mataas na suweldo at makilala rin ang pangalan ko.

Tinungo ko ang munting sala at inilibot ang mga mata sa paligid. Kapansin-pansin na wala ni isang larawan dito. May narinig akong ingay. Agad akong bumalik sa silid ko. Ilang beses akong nagmura sa sarili sa kaduwagan ko. What is going on with me?

"Mang Abel! Aling Amanda!" tawag iyon mula sa labas. Napatingin ako sa cellphone ko. Mag-aalas dose na ng madaling araw ngunit mukhang may bisita pa ang dalawang matanda.

"Gusting!" Boses iyon ni Mang Abel. Sumilip ako sa siwang at nagbakasakaling may makikita sa labas.

"Bibili po kami ng 'pataba'."

"Gusting, ubos na ba ang una mong binili?"

"Ubos na, Mang Abel."

"Hindi ba't sinabi ko sa 'yong tipirin mo iyon?"

"Oo nga Mang Abel pero naikalat ko na sa lahat ng pananim. Saka napakabilis tumubo ng mga tanim kong palay dahil sa patabang iyon. Gusto ko pa sanang taniman ang nasa kabilang dulo at lagyan din ng pataba."

"Hindi na puwede, Gusting. Iisa na lamang ang anak mo."

"May sakit ang bunso ko, Mang Abel. Nahawa sa kapatid niya. Ayokong gumastos pa para maipagamot siya."

Bulungan. Hindi ko maintindihan kung ano ang sumunod sa pinag-uusapan nila.

"Sige. Dalhin mo rito ang anak mo," pagdaka ay nadinig ko si Mang Abel.

"Salamat, Mang Abel."

Mar Mojica
Copyright 2020

Matabang Lupa (Short Story)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon