Chapter 1 🌾

934 23 0
                                    

TAON 2013

Oops! This image does not follow our content guidelines. To continue publishing, please remove it or upload a different image.

TAON 2013. Bohol.

Malakas na pagyanig ang nagpagising sa aming lahat.

"Abel! Abel, gising. Lumilindol!"

Napabalikwas ako sa tawag ng aking asawang si Amanda. Umikot agad ang aking paningin. Lumalambitin ang kasera sa kisame na tila hinahampas ng malakas na hangin. Umaalon ang sahig na tila karagatan sa ibabaw ng lupa. Nagkalat kung saan-saan ang mga silya at mesa. Dinig ko ang palahaw ng aming bunsong anak na si Amelia.

Agad kong kinarga ang bunso kong anak. Hindi na ako nagdalawang isip nang pangkuin din si Ofelia na nakatingin lamang sa maingay at nagpapabalik-balik na kuliling. Hinila rin ni Amanda ang panganay namin na si Julia.

Paglabas ng aming kubo, mataas na ang tubig. Sa kasagsagan ng malakas na pag-ulan ay tinakbo namin ang patungong bahay na bato. Sumilong kami rito sa loob ng mataas at nag-iisang bahay na bato sa dulong bahagi ng isla. Ilan lamang kaming nakuhang makaabot sa lugar na ito dahil sa biglaang pagragasa ng tubig. Natagpuan na rin namin dito ang ilan naming mga kababaryo.

Makapanindig balahibo ang huni ng napakalakas na hangin. Kasunod pala nito ay isa na namang delubyo. Tsunami. Nalaman na lamang namin ito kinabukasan pagsikat ng haring araw. Marami sa aming mga kababaryo rito sa isla ang tinangay at inanod ng buhay.

"Abel, paano tayo?" Lumuluha si Amanda habang karga ang walang muwang naming anak na si Amelia. Anim na taon lamang siya samantalang si Julia ay sampu at Ofelia ay walong taon.

Lumubog sa baha ang lahat ng aming kabuhayan. Ang aming sakahan. Ang tanging pinagkukuhanan namin upang makatawid sa araw-araw.

Isang linggo pa ring dumadalaw ang malalakas na pagbuhos ng ulan. Tila pinaparusahan ng langit ang buong kalupaan. Sinira ng magkasunod na trahedya hindi lang ang maraming buhay pati na ang aming mga kabuhayan. Kabi-kabila ang mga nangamatay. Panaghoy ng mga nagdadalamhati ang mauulinigan sa bawat sulok ng isla. Ang pook kung saan napakataba ng lupa, ang aming pag-asa sa kahirapan ay nalugmok dahil sa pagbaha.

Pagdaan ng mga kalamidad, nagkasakit si Julia. Dinala namin siya sa nag-iisang manggagamot dito sa isla. Ngunit sa halip na gumaling ay lalong lumala ang kalagayan ng aming panganay na anak. Hanggang isang gabi...

"Juliaaaaa..."

Humahangos akong napabalik ng bahay. Nakakailang hakbang pa lamang ako palayo nang marinig ko ang palahaw ng aking asawang si Amanda.

Gayon na lamang ang aking pagkabigla. Sa kandungan niya ay ang panganay naming anak na si Julia. Nakalungayngay ang ulo. Bumubula ang bibig. Dumagundong sa takot ang aking dibdib. Pagluhod ko sa harap ng aking mag-ina, dinama ko ang pulso ng aking anak. Tila ako binagsakan ng langit at lupa. Ang aming panganay ay tuluyan nang nawalan ng hininga. Inilibing ko lamang siya sa bakanteng lote rito sa likod ng aming bahay.

Ilang araw at gabi kaming nagluksa. Kayhirap tanggapin ang nagdaang mga trahedya sa aming buhay. Sa gabi ay kayakap ko ang natitira ko pang mga anak. Natatakot akong pati sila ay mawala.

Awang-awa ako sa aking mag-iina. Kamote na lamang ang inihain ni Amanda kanina. Tuluyan na kasing nasira ang aming kabuhayan. Walang natira sa aking ipinunlang mga tanim. Halos lahat ng mga kasamahan kong magsasaka ay nalugmok at pare-pareho kaming mamamatay na sa gutom. Masyadong liblib ang aming isla upang mapansin man lamang kami ng gobyerno. Kahit subukan kong makabangong muli, kahit manilbihan pa ako sa iba, walang sumasapat. Hanggang isang araw paggising ko ay may nakita akong himala. Sa likod-bahay ay may sumibol na bagong pag-asa.

🌾 Mar Mojica
Copyright 2020

Matabang Lupa (Short Story)Where stories live. Discover now