19

20.4K 610 9
                                    


IRITABLE siya. Kanina pa siya sa sulok at pinagmamasdan ang dalawa. Mula sa pag-inom hanggang sa pagsasayaw. At kung sayaw ang tawag ni Jade sa ginagawa nito'y di may bagong pangalan siguro ang striptease dancing ng mga bayarang babae sa harap ng mga sundalo.

Oh, god. He hated this job. Gusto niyang kasuklaman ang ama sa ginawa nitong pagpapangako sa kanya sa dying bed nito. Tumiim ang mukha ni Kurt. Alam nito kung gaano kalapit sa isa't isa ang ama at si Bernard Fortalejo. They were buddies. Para kay Jackson, si Bernard ay isang nakababatang kapatid. Ang away ng isa'y away ng dalawa.

Anim na buwan na sa Vietnam si Jackson nang dumating si Bernard kasama ng mga bagong dating na batang-batang sundalong ipinadala ni Uncle Sam. And Bernard who was just more than a boy was under Jackson's command.

A scared and idealistic young man na hindi gustong gamitin ang rifle para sa kalaban. Para kay Bernard Fortalejo ay kasangkapan lamang ang mga batang sundalo ng magkabilang panig ng kani-kanilang mga bansa.

Isang pag-aalay sa diyos-diyosan sa modernong panahon. Kung ang mga Aztec ay nag-aalay ng mga batang babae noon sa kanilang diyos ay wala itong ipinagkaiba sa digmaan. Young soldiers were offered to the gods of war.

Sa battlefield, muntik nang mapatay si Jackson kung hindi ito tinakbo ni Bernard at idinapa. Subalit dalawang tama ng baril ng kalaban ang tinanggap lahat ni Bernard sa ginawa. Si Jackson ay tinamaan ng bala sa hita at nakuhang magpaputok ng baril sa kalaban at napatay ito.

"You f...ing SOB, why didn't you shoot him?!" hiyaw ni Jackson kay Bernard na halos pigilin ang paghinga sa tamang inabot.

"He... he's just a boy, Lieutenant..."

"F...k you! This is war, Fortalejo! It's either you kill the enemy or the enemy'll explode your f....ng ass!"

Subalit hindi na narinig ni Bernard iyon na tuluyang nawalan ng malay.

Bernard survived his wounds. Ganoon din si Jackson. And both men were sent back home.

"Thank you, buddy." si Jackson kay Bernard nang pareho na silang maayos sa ospital. "I owe you my life..." isang ngiti lang ang isinagot ni Bernard doon.

Nang pareho silang ma-discharge sa ospital ay sumama si Bernard sa nakatatandang American pauwi sa tinitirhan nito. Upang salubungin lamang ng higit pang trahedya kaysa sa digmaang pinanggalingan.

Inabutan nilang pinapalo ng sinturon ng ina ang siyam na taong gulang na si Kurt. Nagsisiksik sa isang sulok ang bata bagaman hindi umiiyak.

"Elizabeth!" Naibagsak ni Jackson ang dalang mga pasalubong at inagaw sa asawa ang sinturon. "What are you doing?"

"So you're back!" sarkastikong wika ni Elizabeth. Nanlilisik ang mga matang tinapunan ng sulyap ang batang pulos latay sa isang sulok.

Isang Pilipina si Elizabeth na sapilitang nagpakasal kay Jackson upang manatili sa bansang iyon at maging American citizen na rin.

Paika-ikang nilapitan ni Jackson ang batang lalaki. "What has she done to you, my boy?"

Nakita ni Bernard ang pagtiim ng mga bagang ng batang lalaki. At bago pa may makapagsalita uli ay lumabas mula sa silid sa itaas ang isang lalaking nakatapis lamang ng tuwalya.

"What's taking you so long, Eliza—?" nahinto sa ere ang sinasabi nito nang makitang hindi lang si Kurt ang kasama ni Elizabeth.

Tila patalim ang tensiyon na humihiwa sa ere sa pagitan ng mga lalaki. Pero hindi si Elizabeth na umismid.

"What do you want to do?" hamon nito kay Jackson. "Kill me?" umismid ito. "If you do that, Jackson, you'll go to prison. And what do you think will happen to your beloved son?"

"Go and pack, Kurt," utos ni Jackson sa anak sa tahimik na tono. Walang kibong sumunod ang bata.

Alam ni Bernard na gahiblang pagpipigil na lamang ang nalalabi rito upang hindi patayin ang asawa. Nakita nito iyon sa mga mata ng lalaki. Sa naglalabasang mga ugat mula sa mahigpit na nakakuyom na kamay.

Kristine 14 - Kapeng Barako At Krema (UNEDITED) (COMPLETED)Where stories live. Discover now