Chapter IX: La Oscuridad

3.9K 40 11
                                    

Ala una ng madaling araw, Miyerkules.

Naabot na ni Steve ang bahagi ng Santa Monica kung saa’y halos wala nang nakatira. Maliit lamang ang bayan ng Santa Monica, ngunit ang malaking bahagi nito ay hindi pa rin okupado ng mga tao.

Ang hilagang bahagi ng Santa Monica ang pinaka-tahimik sa buong bayan. Habang naglalakad si Steve patungo sa La Oscuridad ay hindi mawaglit ang matindi niyang pakiramdam na may mga matang nakasunod sa kanyang paglalakad, at ang kanyang tinutungong daan ay magdadala lamang ng kapahamakan sa kanya.

Di gaya ng mga ordinaryong tao, ang mga pakiramdam ni Steve sa mga bagay bagay ay hindi lamang basta pakiramdam. Ang espesyal na abilidad ng binata ay higit na mas makapangyarihan sa nakararami. Hindi lang niya kayang makakita ng multo o mga supernatural na mga elemento, kaya niya ring makita ang nalalapit na hinaharap o mga bagay na nagdaan na o kaya naman ay maramdaman kung ano ang iniisip o nararamdaman ng mga tao. Ngunit ang mga abilidad niyang ito ay hindi niya nako-kontrol. Nagkakaroon lamang si Steve ng “instinct” o mga “pakiramdam” kung kailan lamang, at hindi kung kalian niya ito gustong gamitin.

Habang naglalakad sa isang madilim na daan patungo sa kakahuyan ay palakas ng palakas ang kutob ni Steve na may masamang mangyayari sa kanya, ngunit palakas rin ng palakas ang kanyang pakiramdam na papalapit siya ng papalapit sa sagot na kanyang hinahanap, sa bagay o impormasyon na tutulong sa kanya upang mapigilan ang nalalapit na pagkagat ng dilim sa Santa Monica.

At kung ano man ang mangyayari kay Steve, handa siyang isugal ang kahit ano kapalit ang kaligtasan ng Santa Monica.

***

Narating na ni Steve ang daanan papasok sa La Oscuridad. Dala ang isang maliit na flashlight at ang kanyang backpack, maingat na pumasok si Steve sa pagitan ng mga barbwires papasok sa La Oscuridad, kung saan ang katahimikan ay nakakabingi.

Napakadilim at napakalamig sa kakahuyan. Maingat niyang binaybay ang daanan, at habang siya ay naglalakad papasok sa kakahuyan ay pakapal din ng pakapal ang mga puno na siyang tumatakip sa mahinang liwanag ng buwan.

Di gaya ng ibang kakahuyan, talagang walang ingay na naririnig si Steve; walang ingay ng mga dahon ng puno na sumasayaw sa pag ihip ng hangin, walang ingay ng mga insekto, walang ingay ng mga mababangis na hayop. Ang katahimikan ay sadyang kaduda-duda.

Maingat na naglakad si Steve sa kakahuyan ng La Oscuridad, halos lahat ng dako na kanyang nadadaanan ay iniilawan niya ng kanyang flashlight upang masigurong walang sinuman ang malapit sa kanya o walang kahit anong nakaambang panganib ang nasa paligid niya.

Pero alam niyang kahit hindi malapit sa kanya ang panganib sa kasalukuyan, ay darating at darating pa rin ito. Sigurado siya sa bagay na iyon.

***

Naglalakad si Ella sa lugar na hindi niya batid kung saan. Nakasuot ito ng pantulog, at walang saplot ang kanyang mga paa. Dahil sa layo ng nilakad ni Ella, ang kanyang mga paa ay duguan at sugatan na.

Wala pa rin siya sa kanyang sarili. Ang tinig na tumatawag sa kanya ay dinadala ang kanyang mga paa sa lugar na kailanman ay hindi niya akalaing pupuntahan niya.

Kahit pa siya ay nasa napaka-dilim na lugar sa napaka-delikadong oras ay, dahil sa boses na naririnig, tila ba walang takot sa kanyang dibdib. Parang ang tinig na kanyang naririnig ay ang tinig na magdadala sa kanya sa kung saan siya nararapat, at kung saan siya pinaka-ligtas.

Doon siya nagkakamali.

***

Mga tatlumpung minuto na ang lumipas mula ng mapasok ni Steve ang La Oscuridad ay narating niya ang isang bilugang patag na napapaligiran ng mga puno. Nagtaka si Steve pagkat kalianman ay di pa niya narinig na may ganitong bahagi ang La Oscuridad.

Santa Monica: A Filipino Ghost StoryTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon