Tiningnan niya ang screen ng laptop. Malapit nang matapos ang akdang ginagawa niya. Nasa author's note na rin naman siya. Kaya lang ay importante iyon dahil may araw siyang hinahabol para mai-publish na. Nagpasya siyang iwanan na muna iyon. Mas importante pa rin sa kanya ang nobya. Sinundan niya ito sa kuwarto. Naka-lock ang doorknob nang pihitin niya. "Babe, sorry na. Babalik na lang ulit ako at bibilhan kita," katok niya. Wala siyang nakuhang sagot. Inulit niya ang pagtawag nang makailan pang beses ngunit hindi siya pinansin.

Napaungol na lang si Yam. Sinulyapan niya ang wall clock. Kinse-minutos na lang at mag-a-alas dose na ng gabi. Nagtatalo ang isip niya kung babalik pa talaga ng 7-eleven. Malayu-layo rin kasi iyon at wala nang tricycle kapag ganoong oras.

"Kasalanan ko at kinalimutan ko," sisi niya sa sarili. "Sige na nga, babalik na 'ko." Napakamot siya sa ulo dahil sa inis sa sarili. Anyong aalis na siya nang biglang may maalala. "Hayy... Oo nga pala." Bumalik siya sa pinto at kumatok ulit. "Babe... Babalik ako ng 7-eleven. Kukunin ko lang ang wallet ko riyan sa loob," tawag niya. Ilang sandali pa siyang naghintay, patuloy na kumakatok ngunit hindi talaga pinagbuksan.

Sumuko na lang siya at hinanap ang susi ng kuwarto. Ang problema nga lang niya ay hindi niya alam kung nasaan. Nabaligtad na yata niya ang buong bahay ay hindi pa niya makita. "Nasaan na ba 'yon?" Pati ang ilalim ng lababo ay nasilip na rin niya. Maging ang banyo ay hindi niya pinaligtas. "Haizt!" daing niya nang mapagod na.

Bumalik na lang siya ng kuwarto at kumatok ulit. "Babe... Alam mo ba kung nasa'n ang susi ng kuwarto? Hindi ko makita, e."

Walang sagot. Ano pa bang aasahan niya? Alangan namang sasabihin nito gayong ito nga mismo ang ayaw siyang papasukin. Napailing na lang sa sarili si Yam.

Bumalik ulit siya sa paghahanap. Makalipas ang halos labinlima pang minuto ay nakita niya rin. "T- " Malutong pa siyang napamura. Nasa likod lang pala ng peanut butter sa itaas na cupboard ng kusina. "Kanina pa 'kong hanap nang hanap sa'yo, nandito ka lang pala?" inis niyang turan. Dalawang oras lang naman siyang naghanap ng pesteng susi. Napabuntong-hininga siya sa pagkapagod. Lumapit na sa pinto at nabuksan din iyon sa wakas.

Alanganin pa siyang lumapit sa kama. Nakahiga si Tori at nakasandal ang ulo sa headboard, may unan na nakapatong sa tiyan. Nakatiim lang ang mukha nito at hindi siya tinitingnan.

"Sorry na, babe. Nakalimutan ko lang talaga. Alam mo naman kung ga'no ako kaulyanin," pag-so-sorry niya ulit.

Walang response mula rito.

"Sorry talaga..." Sinubukan niyang magpa-cute at baka-sakaling umobra.

Hindi pa rin siya nito pinansin. Umayos ito ng higa at tinalikuran siya. Yinakap ang unan na kanina ay nakapatong sa tiyan.

"Babe... Sorry na." Panay hingi pa rin siya ng tawad. "Nakalimutan ko lang talaga."

"Ang sabihin mo, wala ka talagang pakialam sa'kin. Puro sarili mo lang ang iniisip mo," hindi lumilingong sumbat nito.

"Grabe naman 'tong makapagsalita," nakasimangot na saad ni Yam. "Siyempre may pakialam ako sa'yo. Girlfriend kaya kita. Nakalimutan ko lang talaga na ibili ka."

Inis siyang hinarap ni Tori. "Dutchmill lang naman ang pinapabili ko sa'yo. Iisa lang 'yon. Alam mong hirap akong makatulog 'pag wala 'yon. Tatlong taon na tayong magkasama sa bahay, nakalimutan mo pa?"

"Sorry na nga, e..." Alam ni Yam na matindi talagang magtampo ang nobya. May minsan ngang basta na lang siya nitong hindi kikibuin. Kailangan rin ng matinding panunuyo para lang humupa ang tampo nito. "Babalik na lang ako ng 7-eleven at bibilhan na talaga kita."

"H'wag ka nang mag-abala pa! Kakalimot-kalimutan mo tapos ngayon babalik ka!" Umismid ito at padabog na tumalikod ulit.

Isang buntong-hininga ang pinakawalan ni Yam. Kapag ganito ay alam niyang hindi siya nito basta-bastang patatawarin agad. Tumayo na siya at kinuha ang wallet mula sa closet niya. "Babalik na ako ng 7-eleven. Antayin mo lang ako at bibilhan kita ng Dutchmill mo." Nang hindi umimik si Tori ay lumapit siya sa kama. Sumampa siya at niyakap ito sa likod.

Tori's Tragedy | A Short Story [GxG]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon