Astringent

12 1 0
                                        


"Iyan ang napapala ng mga taong sakim."

Dinig ko ang mga katagang iyon habang nakaharap ako sa basag na salamin dito sa banyo ng ospital.

Isa akong estudyante sa kolehiyo na may kursong BS Chemistry. Pinili ko ito dahil nais kong makaimbento ng gamot pampaganda. Pagod na kasi akong tawaging pangit. Sa tuwing nakikita ko aking sarili sa salamin, napapatanong na lang ako kung kailan titigil ang mass gathering ng mga pimples ko hindi na kasi pwedeng mag-social distancing dahil wala ng space.

Sa tuwing papasok ako, nabibingi na ako sa mga kutya ng mga taong matatalim ang dila. Pagod na akong magpabalat-bungang ngumingiti sa tuwing pinagtatawanan. Minsan, naisip ko na ring magpakamatay dahil hindi ako bagay sa mundo ng kagandahan. Minsan nga nakita ko sa facebook ung babaeng humikab lang sa tiktok aba'y umabot na sa million likes ang nakuha. Samantalang ako nagpakabirit na sa pagkanta, hindi pa umabot ng isang daan ang likes, na-bash pa.

Tinanong ko na rin ang Panginoon kung bakit niya ako binigyan ng isang pasakit sa buhay. Subalit nahulog ang isang libro sa aking ulo at nagpatanto kong isa itong biyaya, sapagkat marami akong kaibigang napapasaya dahil sa aking mala-payasong mukha. Pero minsan nakakapagod din lalo na gusto ko na rin magka-jowa. Pati nga derma-care pagod na akong tanggapin.

Nag-aaral akong mabuti, lalo na sa aking major subject upang makahanap ng paraan para mabago ang mukha ko. Pinag-aralan ko ang lahat ng mga komposisyon ng kemikal na pampaganda.

Isang araw binigyan kami ng aming guro ng pagkakataong mag-eksperimento ng kahit ano. Iyon na ang araw na pinakahihintay ko.

Agad akong kumuha ng mga sangkap at mga kagamitan para sa gawaing iyon. Kumuha ako ng mga apple cider, vinegar, tubig, essential oil, peppermint, sodium citrate, at ang mahiwagang sangkap.

Sa mga oras na iyon, ibinuhos ko lahat ng nalalaman ko tungkol sa kemikal, sa formula at mga equations. Sinigurado kong hindi ako papalpak. Tatlong oras kong tinapos ang aking eksperimento. Tinanong ako ng aking mga kamag-aral kung ano ang hawak ko. At sabay-sabay silang naghalakhakan nang malamang astringent ang aking hawak-hawak. Subalit akin silang tinalikuran at sinabi kong, "Magpakasaya kayo ngayon, bukas ako naman."

Nagtago na ang araw. Sabik na akong gamitin iyon at makita ang resulta. Habang ipinapahid, pakiramdam ko'y kasing lambot at puti ng aking mukha ang bulak na aking hawak. Pinahiran ko rin ang iba't ibang bahagi ng aking katawan.

Pagkagising, agad akong tumingin sa salamin. Laking gulat nang nakita ko ang isang babeng may kutis-labanos at pisnging kasimpula ng kamatis.

Dahil sa pagtataka, lumapit ako nang dahan-dahan sa salamin at umabot sa puntong halos mahalikan ko na. At totoo nga, hindi ako nananaginip. Ako si Anna, ang babaeng nasa harap ng salamin. Hindi ko maipaliwanag ang saya na aking nararamdaman sa mga oras na iyon kasabay ng pagtugtog ng awiting Dyosa na sa tiktok ko lang naririnig sa tuwing nagtatransform ang mga gumaganda (anong ma-sesay, havey na havey di na ako waley, hindi na ako chaka face, woooh oohhh wooohh, ako'y Dyo-ooo-dyooooosa).

Hindi ako nabigo. Nangyari na ang inaasam-asam ko ang pagbabago ng aking pisikal na anyo.

Lumabas ako sa aking kuwarto at nagulat ang aking pamilya sa kanilang nakita. Hindi nila inakalang ang isang pinagkaitan ng ganda'y naging isang dyosa. Dali-dali akong nagbihis. At sa araw na ito, luluhod ang mga nangutya sa kapangitan ko noon. Halos matunaw ako sa kakatitig ng mga tao sa pagsakay at maging sa pagbaba ko sa jeep. Ilang hakbang pa lang ako papasok sa paaralan, lumaki ang mga mata ng mga estudyanteng nakatambay sa shed.

Papunta na ako ng Chemistry laboratory nang matanaw kong paparating ang aking mga kaaway at dali-dali akong pumagitna sa may pintuan. Napanganga sila. Hindi sila makapaniwala sa kanilang nakikita. Nagtatanong silang lahat kung ano ang ginamit ko para gumanda. Sinabi kong nakaimbento ako ng astringent, na isang pahid lang ay gaganda ka na. Gusto nilang malaman kung papaano ko ginawa at anu-ano ang mga sangkap ng astringent na iyon. Subalit hindi ko binanggit.

Lumapit sa akin ang isa naming kamag-aral na babae na punong-puno ng tighiyawat sa mukha at katawan, at humiling na bigyan ko raw siya ng gamot pampaganda. Pero sinabi ko sa kanya na kung gusto niyang magmukhang artista, bumili siya ng astringent ko. Aba, nagalit ba naman silang lahat at sinabi pang sakim daw ako? Hindi lang nila alam ang pinagdaanan kong hirap para lang mabuo ang astringent na iyon.

Dumating na ang aming guro para suriin ang aming mga ginawang eksperimento. Ako ang unang tinawag at tinanong. Sinabi kong nakaimbento ako ng pampaganda. Inilabas ko ito at ipinakita sa kanila. Lumapit sa aking desk ang lahat ng aking mga usiserang kaklase. Binuksan ko ang takip nang biglang hinablot ito sa aking kamay ng isang kaaway. Hinabol ko siya. Habang kami'y naghahabulan sa chemistry laboratory, ang iba'y nakatayo't nagtatawanan. Sinaway siya ng aming guro at tumigil kami sa paghahabulan. Ibibigay na sana niya ang astringent subalit may sumapi yatang masamang espiritu sa kanya at ibinuhos niya iyon sa akin. Natapunan ng astringent ang aking laboratory gown. Dahil sa inis, hinabol ko ulit siya. Hindi ko napansin ang isang Bunsen burner na nakasindi. Nasagi ko ito at nasunog ang aking uniporme dahil flammable ang natapong astringent. Nag-panic silang lahat, hindi ko alam kung papaano papatayin ang apoy. Nagsisigaw ako. Nagkukumahog. Umiiyak.

Ilang sandali pa'y narinig kong may nabasag na salamin, at biglang namatay ang apoy sa aking katawan hanggang sa mukha. Nakita ko sa aking harapan ang isang babaeng punong-puno ng tighiyawat, hawak-hawak ang isang fire extinguisher at lumuluha ang mga mata dahil sa awa. Dinala ako sa ospital. Halos dalawang linggo akong nagpagaling.

"Iyan ang napapala ng mga taong sakim."

Dinig ko ang mga katagang iyon habang lumuluha at nakaharap sa basag na salamin dito sa banyo ng ospital. 

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: May 26, 2020 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

AstringentWhere stories live. Discover now