Natawa ang lalaki saka naglakad papunta sa bakanteng silya at naupo roon na para bang siya ang may ari ng lugar na iyon. "Masaya kaya. Puno ng aksyon at simple lang ang buhay nila doon. Ang dami mo ngang natanim na halaman" tawa nito, ihahampas dapat ni manang Milda ang walis sa lalaki ngunit napatigil siya nang maalala na mahiwaga at makapangyarihan ito.

Ibinaba na niya ang walis, "Ano na naman ang pangalan mo ngayon? Umalis ka na sa trabaho mo doon sa opisina?" tanong ni manang Milda, nakita ng lalaki ang dalandan sa ibabaw ng mesa at sinimulang balatan iyon.

Tumango siya bilang tugon sa matandang manghuhula na matagal na niyang kaibigan, "Wala na akong kailangang obserbahan doon.. Sumasakit din ulo ko sa trabaho. Ilang computer ang nasira ko" tawa nito, natawa na lang din si manang Milda. May pagkamaloko at pasaway ang lalaki ngunit mabuti naman ang kalooban nito.

"Ano na ang balak mong gawin ngayon? May sunod ka bang misyon?" tanong ni manang Milda saka umupo sa katapat na silya. Nangangasim ang mukha ng lalaki habang nginunguya ang prutas dahil maasim ang dalandan. "Ito ba ang pa-freebie mo sa mga parokyano mo rito? Ang asim" kantyaw niya, natawa na lang si manang Milda dahil maasim ang mukha ng lalaki.

Sanay na siya na hindi marunong magsabi ng Po at Opo ang mahiwagang nilalang dahil hindi naman ito tao na kailangang gumalang sa iba at sa nakakatanda. Kung tutuusin ay mas matanda pa siya kay manang Milda. "Hindi mo ba sinasagot ang tanong ko. May sunod ka bang misyon? Idadamay mo na naman ba ako?" natawa ang lalaki dahil parang sumasakit na ang ulo ni manang Milda.

"Sa tingin ko hindi ko muna kailangan ng tulong mo. Madali lang naman 'to" wika ng lalaki saka kinuha sa loob ng suot niyang asul na coat ang isang pulang bookmark.

"Iyan na ba ang huli mong misyon?" tanong ni manang Milda. Napakibit-balikat ang lalaki saka Inilapag nito sa mesa ang pulang bookmark. Kinuha iyon ni manang Milda at binasa.

"Isang babaeng mahilig magbasa at may sakit na Leukemia?"

Tumango ang lalaki bilang tugon. Kahit maasim ang prutas ay patuloy niya pa rin itong kinakain. "Anong gagawin mo? Pagagalingin mo siya?" hindi maunawaan ni manang Milda ang misyon ng mahiwagang nilalang.

"Wala akong kakayahan magpagaling. Tagapagbantay lang ako ng mga libro" tugon ng lalaki, ibinalik ni manang Milda ang pulang bookmark.

"Basta kung anuman ang magiging misyon mo diyan, 'wag mo na ako idamay. Dadalhin mo pa ako sa panahon ng Kastila. Mamamatay ako ng maaga sa nerbyos" natawa ang lalaki dahil para silang mag-lola kung magbangayan.

"Sige. Dito ka na lang. Hindi kita tutulungan sa panghuhula mo" ngisi ng lalaki. Napatikhim si manang Milda. "O'siya, basta 'wag lang digmaan o kung anumang krimen ang pupuntahan natin. Aatakihin ako sa puso" bawi ni manang Milda. Malaki ang natutulong sa kaniya ng mahiwagang nilalang lalo na sa kaniyang panghuhula.

Tumayo na ang lalaki at akmang palabas na nang mapatigil siya sa pintuan dahil sa sinabi ng matandang manghuhula.

"Ano bang mangyayari sa kanila? Nakakaawa naman ang dalawang 'yon" tanong ni manang Milda, inihatid niya sa labas ng tolda ang mahiwanag nilalang.

"Hindi ko alam. Pero nagwakas na ang kwento nila. Hanggang doon na lang 'yon" saad ng lalaki, tumango na lang si manang Milda. Tumingala ang lalaki sa kalangitan. Madilim ito at walang buwan sa langit.

"Ngunit sana ay tulad ito ng buwan na naglalaho ngunit bumabalik din" patuloy ng lalaki. Kahit papaano ay naaawa rin siya sa sinapit ng nakaraan niyang misyon. Ngunit wala siyang magagawa, tagapagbantay lang siya ng mga istoryang nailathala.


KINABUKASAN, maagang nakarating si Marcus sa booksigning. Nanatili muna sila sa holding area. Nakasuot siya ng puting shirt sa loob, brown leather jacket, beige pants at white shoes. "Kailan mo ipapasa ang sunod mong novel?" tanong ni Ms. Crystal, kulay asul naman ang buhok nito. Kung minsan ay nagugulat sila dahil paiba-iba ng kulay ng buhok ang kanilang editor.

Salamisim (Published by Bliss Books)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon