Kabanata 13

189K 12.1K 16.5K
                                    

[Chapter 13]

Malabo man sa aking pandinig pero malinaw ang boses ni mama. 6 years old pa lang ako nang mahulog ako sa swimming pool, nabitawan ako ni mama dahil hawak niya rin si Fate. Dahan-dahan akong hinihila pababa ng tubig, nababalot ng bula ang buong katubigan habang natatanaw ko ang bilog na sinag ng araw mula sa ibabaw.

Mabilis na lumundag si mama sa swimming pool para hilahin ako pabalik. At nang dahil sa pangyaring iyon, hindi ko na sinubukan matutong lumangoy hanggang ngayon.

Nagising ako dahil sa alaalang iyon. Agad akong bumangon mula sa pagkakahiga. Napahawak ako sa aking ulo na ngayon ay tila nabigla dahil sa aking biglang pagbangon. Dahan-dahan kong inilibot ang aking mga mata sa paligid. Hindi ko alam kung nasaan ako, kung kaninong bahay ito.

Nanlaki ang mga mata ko nang makita ko na nakasuot na ako ng malaking baro't saya. Nakahiga ako ngayon sa isang maliit na kama na gawa sa kawayan at may sapin na banig. Nasa loob ako ng isang maliit na bahay kubo.

Nakasarado ang bintana at pinto ngunit naaamoy ko ang usok mula sa labas. Tulala kong pinagmasdan ang loob ng bahay. Hindi ako makapaniwala sa mga nakikita ko. Maraming mga voodoo dolls na nakasabit sa bawat dingding at may mga patalim na nakatusok sa mga iyon.

Nagkalat din ang mga palayok sa mesa, may mga manika rin doon na nakalubog sa kumukulong tubig na nasa isang maliit na pugon sa loob. Napalunok na lang ako sa kaba, mukhang napadpad ako sa bahay ng isang mangkukulam. Agad akong tumayo sa kama, mabilis kong hinanap ang mga gamit ko. Hindi ko pwedeng iwan ang damit, sapatos at lalo na ang hikaw at kwintas ni mama.

Nakita ko sa ilalim ng kama ang mga gamit ko na nakalagay sa sako saka mabilis na naglakad papunta sa pintuan pero nagulat ako nang biglang bumukas ang pinto. Tumambad sa aking harapan ang isang babae na nasa edad limampu pataas. Hindi pa naman siya gano'n katanda pero halos puti na ang kaniyang buhok.

"Magpahinga ka muna, hija" wika niya saka pumasok sa loob ng bahay. May hawak siyang bilao na naglalaman ng iba't ibang uri ng halaman. Nilagay niya iyon sa mesa saka dinikdik ng mabuti. "S-salamat po sa pagpapatuloy niyo sa'kin pero kailangan ko na po umal---" hindi ko na natapos ang sasabihin ko dahil nagsalita na siya.

"Kumain ka muna rito ng agahan. Kailangan manumbalik ang iyong lakas" wika niya habang nakatalikod pa rin sa'kin, napatingin ako sa labas ng pintuan, kung tumakbo na kaya ako papalabas? Mahahabol niya ba ako?

Napatingin muli ako sa ale na iyon, kung hindi man niya ako mahabol, baka nakakuha na siya ng hibla ng buhok ko at kulamin ako. Napahinga na lang ako ng malalim saka naglakad papalapit sa kaniya, "Aling..." panimula ko ngunit hindi ko maituloy dahil hindi ko alam ang pangalan niya.

Bukod doon, wala naman akong ginawang mangkukulam na character sa Salamisim. "Hindi mo na kailangan malaman ang aking pangalan" wika niya saka inilagay ang mga dahon sa kumukulong palayok. Hindi ba 'yon ang pinaglalagyan ng manika kanina?

"S-salamat po talaga dahil iniligtas niyo ako. Hindi naman po ako nagugutom, uuwi na po ako. Salamat po ng marami" saad ko at nagbigay galang sa harapan niya. Akmang aalis na dapat ako nang mapatigil siya sa kaniyang ginagawa at tumingin sa akin, "Hindi ako ang nagligtas sa iyo. Hindi ako marunong lumangoy, hija" wika niya saka nagpatuloy muli sa pagdikdik ng mga dahon.

Napatulala ako, lalaki ang natanaw kong lumundag sa ilog para sagipin ako pero hindi ko na nakita nang mabuti ang mukha niya dahil nawalan na ako ng malay bago pa niya mahawakan ang aking kamay. "S-sino po ang nagligtas sa'kin?" tanong ko pero naglakad siya papalapit sa kumukulong palayok, nilagyan niya ito ng iba pang sangkap.

"Hindi mo na rin kailangan malaman" tugon niya, ilang minuto pa ang lumipas. Gusto ko na talagang umalis dahil natatakot na ako sa mga ritwal na ginagawa niya. "Kung ibig mo nang umuwi, maaari ka nang lumakad" wika niya nang hindi lumilingon sa akin.

Salamisim (Published by Bliss Books)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon