Kabanata 1

614K 19.9K 24.2K
                                    

[Chapter 1]

"BAKIT ka nagsusulat?" napangiti ako sa tanong na iyon. Hindi ko masyado makita ang mga tao dahil sa lakas ng liwanag ng ilaw na nakatutok sa entablado.

May malaking screen sa likod at dalawang upuan sa gitna kung saan ako kasalukuyang nakaupo. Nasa tabi ko ang host. "Sa totoo lang, hindi ko rin alam" panimula ko sabay ngiti na sinabayan nang pagngiti ng karamihan.

"Siguro dahil may mga gusto akong sabihin na hindi ko masabi. May mga bagay na mas madali nating napaparamdam sa paraan ng pagsusulat" patuloy ko, tumango at ngumiti naman ang host. Nasa kalagitnaan kami ng live interview at pagkatapos nito ay booksigning na.

Nakangiti ang mga tao sa ibaba ng entablado, may mga hawak silang libro. "Marami na ring nagtatanong nito, bakit ba raw mahilig ka sa mga tragic stories?" sunod na tanong ng host na sinabayan niya ng tawa.

Napaisip ako sa tanong na iyon, doon ko lang napagtanto na halos lahat nga ng nobelang isinulat ko ay puro malulungkot ang katapusan. Narinig ko ang pagsang-ayon ng mga tao sa paligid dahilan para mapangiti ako. Kung pagbabasehan ang mga isinulat kong kwento, masasabing hindi talaga ako mahilig sa mga happy ending.

Itinapat ko ang mic sa bibig ko, "Hindi ko rin alam kung bakit" saad ko sabay ngiti, may mga bagay na hindi ko kayang sagutin dahil hindi ko rin lubos na kilala ang sarili ko. Bakit nga ba? Bakit mahilig ako sa mga malulungkot na kwento? Maging sa mga pelikula, mas gusto ko ang mga palabas na may malungkot na wakas.

"Dahil siguro mas nakikita ko ang ganda mula sa mga kwentong nagwawakas sa kalungkutan" patuloy ko na sinang-ayunan ng host at sabay kaming tumawa, maging ang mga audience.

Marami pa siyang itinanong, mga tanong na may kinalaman sa librong isinulat ko. Lumipas ang ilang minuto, sumenyas na ang direktor na malapit nang matapos ang live interview. "Bago tayo magtapos, congratulations sa iyong bagong libro, ano ba ang dapat naming abangan?"

Itinapat sa akin ang camera, iyon na ang cue na titingin ako ng derecho roon at ipapakita ang librong isinulat ko. "Available na po sa lahat ng bookstores nationwide ang Salamisim. Maraming salamat po sa lahat ng mga sumusuporta. Salamat po sa inspirasyon at pag-asa" ngiti ko na sinabayan nang palakpakan ng lahat. Kasunod niyon ay sumenyas na ang direktor na tapos na.

Inilagay na sa entablado ang mesa at maayos na pumila ang lahat. Isa sa pinakamasayang pakiramdam bilang isang manunulat ay ang makausap mo ang mga mambabasa at makilala sila. Ang malaman kung paano nabago ang buhay nila dahil sa nobelang isinulat mo.

"ANG lalim ng iniisip mo, ah" natauhan ako nang marinig ko ang boses ni Pia. Ang bestfriend ko na siyang palagi kong kasama sa mga booksigning. Siya ang nagmamaneho ng kotse ngayon, pasmado at nanginginig ang kamay ko kapag pagod na.

"Hindi ko pa rin makalimutan 'yung ending ng story mo. Bakit ganon? Bakit hindi sila pwedeng magkatuluyan?" hirit niya, kasalukuyan naming tinatahak ang maluwag na express way. Papalubog na ang araw at medyo makulimlim ang langit.

Kinuha ko ang libro na nakapatong sa dashboard at binuklat iyon, "Ang sakit sa puso. Pati ba naman sa story, masasaktan din ako" habol pa niya, napangiti na lang ako habang nakatingin sa bawat pahina ng libro. Hindi ko rin maitatanggi na ako ang unang lumuha nang matapos ko isulat ang kwentong ito.

Dalawang taon na ang nakakaraan nang isulat ko ang Salamisim tungkol ito sa nag-iisang dalagang anak ng gobernadorcillo sa isang bayan na si Maria Florencita Garza, umibig siya sa isang binatang si Lorenzo Cortes na nagtatrabaho sa paimprintahan ng dyaryo at miyembro rin ng isang lihim na kilusan sa panahon ng pananakop ng mga Kastila.

Napahinga ako nang malalim, hindi pa rin mawala sa isipan ko ang mga tanong ng host kanina. Bakit ba hindi ako makagawa ng mga istorya na may masayang pagwawakas?

Salamisim (Published by Bliss Books)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon