Nauna nang maglakad si Angelita, halos nakaka-limang hakbang pa lamang siya ay muli siyang lumingon kay Marcus. Nagulat ito dahil ngumiti sa kaniya ang dalaga, "Ikaw pa lamang ginoo ang nakababatid ng aking kahilingang iyon. Nawa'y manatiling lihim sa ating dalawa ito" pakiusap ni Angelita, sa hindi malamang dahilan ay nagawang ngumiti ni Marcus nang marahan saka tumango.


MAKALIPAS ang ilang araw, napansin ni Angelita ang madilim na ulap. Naglalakad siya papunta sa tahanan nila Lorenzo. May dala siyang mga prutas at kakanin. Ibig niyang kamustahin ang binata at makita ang mga papeles na nakuha nito.

Pagdating niya roon ay naabutan niya sina Berning, Tadeo at Santino. Binabasa nila ang mga papeles. "Nasaan si Lorenzo?" tanong ni Angelita, si Santino ang lumingon sa kaniya. "Nasa palimbagan" tugon nito saka muling ibinalik ang tingin sa mga papeles.

Naupo si Angelita sa tabi ni Tadeo. Kinuha niya ang mga natapos basahin ng tatlo at binasa iyon ngunit magulo ang kaniyang isipan. Gusto niya makita si Lorenzo. "Hindi ba't wala silang pasok ngayon" saad ni Angelita, ang tinutukoy niya ang trabaho ni Lorenzo.

"Ah. Iyon pala ang narinig ko kanina kay Mang Tino. May paparating na bagyo kaya wala silang pasok sa palimbagan" wika ni Tadeo.

"Wala pa namang bagyo" saad ni Berning sabay tingin sa bintana. Madilim na ang langit kahit tanghali pa lamang.

"Ang mga signos na iyan ay nangangahulugang may paparating na bagyo" paliwanag ni Tadeo sa kakambal. Napatingin si Angelita sa napakadilim na langit. Mas dapat niyang isipin ang kaniyang sarili dahil hindi siya pwedeng abutan ng bagyo sa gitna ng daan. Ngunit ang nasa isip niya ay si Lorenzo.

"Hindi niyo ba susunduin si Lorenzo? Baka abutan siya ng ulan sa palimbagan" saad ni Angelita, natawa naman ang tatlo. "Malaki na ang batang 'yon" saad ni Santino, tiyak na mapapahiya at maiinis lang si Lorenzo kapag sinundo pa siya roon ng kaniyang kuya. Ngumiti na lang din si Angelita upang sumabay sa kanilang pagtawa. Ayaw niyang makahalata ang mga kaibigan na nag-aalala siya kay Lorenzo.

Tumayo na siya, "Uuwi na ako. Pakisabi kay Lorenzo na nagtungo ako rito" saad niya, tumango ang tatlo habang abala pa rin sa pagbabasa ng mga papeles. Matamlay na naglakad si Angelita pabalik sa Panciteria, pilit niyang winawaksi sa kaniyang isipan ang posibilidad na magkagusto si Lorenzo sa ibang babae.

Naalala niya na ang palimbagan ng mga dyaryo ay pag-aari ng pamilya Garza. Sa kaniyang isipan ay kaya ba pinili ni Lorenzo na magtrabaho roon ay upang maging tauhan ng pamilya Garza at magkaroon ng pagkakataon makita nang madalas si Maria Florencita.

Napatigil si Angelita sa tapat ng Panciteria nang mapansin niya ang sampung kalalakihan doon na abala sa pagpapatibay ng tindahan. Nasa bubong ang iba at ang iba naman ay nasa bintana. Kani-kaniya silang hawak ng martilyo at mga tabla upang pagtibayin ang Panciteria.

"Angelita!" tawag ni Aling Pacing nang makita siya. May bitbit itong mga baso ng tubig na pinapamahagi sa mga karpintero. "Ano hong nangyayari, inay?" tanong ni Angelita, binigay sa kaniya ni Aling Pacing ang dalawang baso.

"Dumating dito sina Niyong at ang isang lalaki na kasama niyang nangangasiwa sa aklatan, Sebastian ang ngalan nito. Ayon sa kaniya, pagtibayin natin ang Panciteria sapagkat may malakas na bagyong darating" paliwanag ni Aling Pacing, nakita niya sina Mang Pedro at ang tatlo pang lalaki na magkatulong buhatin ang isang mahabang tabla na ilalagay sa bawat gilid ng tindahan.

"O'siya, ipamahagi mo na ang mga tubig. Babalik ako sa kusina, luto na ang pansit" wika ni Aling Pacing, lumabas si Angelita sa Panciteria at sinundan ang amain. Ngunit napatigil siya nang makita si Marcus na abala sa pagpapatibay ng mga bintana.

Salamisim (Published by Bliss Books)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon