38

16.2K 472 5
                                    

"Ang bango naman ng kape!" bungad ni Luke pagpasok sa kusina habang isa-isang tinatanggal ang mga butones ng polo shirt niya.

"Nariyan ka na pala, Luke," ani Manang Felipa at inaalis sa kalan ang lagaan ng kape. "Ipagtitimpla kita ng kape. Gusto mo bang magminindal? Nagluto ako ng palitaw."

"Maliligo lang ho muna ako sandali," wika niya.

"Nariyan sa sampayan sa likod ang tuwalya mo. Nilabhan ko. Tuyo na iyan," wika nito at inabot ang isang niyog. "Tamang-tama. Pagkaligo mo'y nakapagkayod na ako ng niyog." Inabot nito ang isang di-kalakihang itak upang biyakin ang niyog.

"Ako na ang gagawa niyan." Agad niyang kinuha ang itak mula rito. Then he frowned. May napuna siya sa puluhan ng itak. "Saan galing itong itak na ito, Manang Felipa?"

"Aba'y matagal na ang itak na iyan. Buhay pa si Elmo." Patuloy ito sa paglalagay ng palitaw sa dahon ng saging na nakasapin sa bilao.

Lalong lumalim ang pagkakakunot ng noo niya. "Elmo? Sinong Elmo?"

"Iyong dating panday sa Kawayanan. Si Elmo ay asawa ng sekretarya ni Mayor Quentin na si Marita. Pareho nang patay ang mag-asawa." Bahagyang tumawa ang matandang babae. "Ku, napakaraming kuwento sa mag-asawang iyon. Alam mo naman dito sa bayang ito, napakabilis gumawa ng kuwento ng mga tao. Pati iyong pagkamatay ni Marita nang maagasan ay nagawan pa ng malaking kuwento."

Tuluyan nang napukaw ang interes niya. "Ano hong kuwento?" Patuloy siya sa pagsipat sa itak, gumagana ang isip. Dinama ng kamay niya ang letrang nakalagay sa may puluhan.

"Matagal na iyon, nalimot na ng marami," sagot nito. "Nadulas sa hagdan ng mismong lumang bahay ni Mayor Quentin si Marita. Iyon ang sanhi upang maagasan ito at siyang ikinamatay. Nang madala sa klinika ay marami nang dugong nawala at malayo ang ospital. Humugong pa nga ang tsismis na anak ni Mayor ang nalaglag kay Marita. Noong panahong iyon ay bise-mayor pa lang si Quentin Santillan..."

Nilingon niya si Manang Felipa, sinisikap alisin ang sarisaring hinalang naglalaro sa isip niya. 

"May..." He swallowed a lump in his throat, "naiwan ho bang kamag-anak sina Marita at Elmo?"

"Aba'y oo. Si Robert. Anak ito ni Marita. Si Tandang Ponso na ewan ko ba kung saang lupalop nagtungo ay pamangkin si Marita. Natutuwa nga ako at maganda na ngayon ang kalagayan ng batang iyon. Aba'y kawawa iyang si Robert noong kabataan. Buhay pa ang ina'y pinagmamalupitan na ni Elmo ang anak. Pumapasok sa paaralan ang batang tadtad ng pasa. At nang mamatay naman si Marita ay wala nang nakapigil kay Elmo na pagmalupitan ang anak..."Luke tensed. Hindi niya gusto ang nararamdaman. Something was mortally wrong. Something was going to happen.

"Bale-bale kung bugbugin ni Elmo si Robert sa tuwing nalalasing dahil hindi raw niya ito anak... na anak daw ito ni Quentin Santillan. Aba'y ni hindi yata tumitingin sa salamin ang taong iyon noong nabubuhay pa. Magkahawig sila ni Robert, lalo na ngayong nagkakaedad itong huli. Ku, selosong sadya... Mabuti na lang at inampon ni Ponso si Robert at pinag-aral."

Halos pabagsak na binitiwan ni Luke ang itak. Hinugot niya ang cell phone sa may pantalon. Idinayal ang number ni Roseanne. Naubos ang sampung ring nang walang sumasagot. He redialed. Matagal bago may sumagot. Si Louise.

"Louise, I want to talk to Roseanne, please," nagmamadaling sabi niya.

"Wala rito, Luke. Nagtataka nga kami sa babaeng iyon at bigla na lang umalis at basta na lang dinala si Andre na basa ang damit at puro buhangin... hindi ko alam... Ten minutes or so ago... Natanaw ni Eric na sumakay sa jeep ni Robert—what? H-hindi ko alam..."

Ini-off niya ang cellphone na nagsasalita pa si Louise. Parang hindi siya makahinga sa takot at kabang pumupuno sa dibdib niya. Kaba at takot na hindi niya kailanman naramdaman sa buong buhay niya kahit na manganib siya sa mga assignment niya.

"Manang Felipa, nasa panganib ang buhay nina Roseanne at Andre," wika niya sa matandang nabaghan. "Saka ko na ipaliliwanag sa inyo. Saan ko maaaring makita si Robert? Saan ito nakatira? Saan sa palagay ninyo maaari niyang dalhin si Roseanne?" Nag-uunahan ang mga tanong sa bibig niya. His hand grasped the gun in his waistband.

"May... nabili itong hindi kalakihang bahay sa bayan. Malapit kina Attorney Librado. Iyon ang alam kong tirahan ng taong iyon. O baka naman ipinasyal lang ni Robert sa plantasyon si Roseanne, Luke?" sabi nito, puno ng alinlangan ang mukha.

Ipinasyal? Umaasa siyang ganoon nga. Pero iba ang idinidikta ng damdamin niya. His gut never failed him when it came to danger.

Think fast. Don't panic... damn it! he cursed himself. "Hindi niya dadalhin sa bayan si Roseanne, Manang Felipa. Hindi dadalhin ng isang mamamatay-tao—"

"Mamamatay-tao! " bulalas ng matandang nanlalaki ang mga mata.

"Hindi dadalhin ni Robert sina Roseanne at Andre sa isang hantad na lugar. May alam ba kayong maaaring pagdalhan ni Robert sa dalawa na hindi matao?" Nagmamadali ang tinig niya. Kung magagawa lang niyang ugain ang matanda ay ginawa na niya.

Umiiling ito, naguguluhan. Sandaling nag-isip bago, "S-sa Kawayanan mismo!" bulalas nito. "Sa lumang bahay ng mga magulang niya. Kadikit lang din ng bahay ang maliit na bodegang dating kiskisan at pandayan ni Elmo noong araw." Itinuro ng matanda ang daan.

He rushed to the door. Nasa Silverado na siya nang sumigaw ito. "Magsama ka ng kahit na sinong taong madadaanan mo para matunton mong madali, Luke. At mag-iingat ka!"

"BAKIT ka namumutla riyan?" tanong ni Eric kay Louise matapos nitong i-off ang cellphone ni Roseanne.

"Ayon kay Luke ay nanganganib si Roseanne kay Robert. And before I could ask him to explain, nawala na siya sa linya. Oh, Eric..."

"Naniwala ka naman." He rolled his eyes. "At si Robert ang naisip niyang pagbintangan?"

Tumitig si Louise sa nobyo. "Eric, gusto kong maniwala kay Luke. There's something about Robert that gives me a creep. May mga naaalala akong insidente sa nakaraan... he was just a young boy then. Isang beses ay narinig ko siyang nakikipag-usap kay Tiyo Quentin... nagmamakaawa. He was begging him to acknowledge him as Tiyo Quentin's son..."

"What are you talking about?"

"And then one time," patuloy niya na tila hindi nagtanong ang nobyo, "nang puntahan ko sa farm si Tiyo Quentin, nadaanan ko si Robert na ibinibitin sa puno ang isang asong itinali niya sa leeg—the dog!" Nanlaki ang mga mata niya nang maalala ang sinabi ni Roseanne tungkol sa asong patay sa kusina. Hinila niya sa kamay si Eric palabas ng bahay. "Let's call the police! 

Itanong natin kay Nancy kung saan makikita si Robert."

My Love My Hero, Montañez (UNEDITED) (COMPLETED)Onde as histórias ganham vida. Descobre agora