Hi! Enjoy reading 😊
————
Akala ko ang pagsulat...
Ay isang kalayaan...
Bakit ako nakakulong?
Sa pribadong piitan ako dinala ng mga armadong kalalakihan. Tulala akong nakaupo sa mahabang upuan katapat ang maliit na mesa na lulan rin ng kwartong iyon.
Napabuntong hininga na lang ako. Ilang oras na lang, malapit nang tapusin ng mga otoridad ang buhay ko.
Napasandal na lang ako sa pader at mapaklang tumawa. Nakakatawa dahil ito pa naman ang unang beses na magiging matapang ako, mamamatay pa.
Ano ba namang buhay 'to oh!
Kaya gustong-gusto ko ang mabuhay sa takot, eh. Ligtas pa ako.
Walang bakas ng kahit anong emosyon ang mga mata kong nakatingin sa puting pader ng kwarto. Hindi ko pinansin ang langitngit ng pinto. Mas lalo na ang pagpasok ng mga lalaki.
Katapusan ko na.
Naghari na naman ang takot sa akin. Mas lalong lumalim ang bawat paghinga ko. Pinuno rin ng malakas na tibok ng puso ko ang buong kwarto. Kinuyom ang kamay kong nagsisimula nang mangatog.
Sa ganitong paraan pala matatapos ang buhay ko.
"Nasaan na siya?" Bakit pamilyar ang lalim ng boses ng nagsalita?
"Nandito sa loob, Boss." Narinig ko ang pagsara ng pinto. Siguro lumabas na ang mga kasama dahil nang makita ko kung sino ang pumasok, mag-isa na lang ito.
Nanlalaki ang mga mata kong nakatingin sa kanya na unti-unting lumalapit sa akin. "Kumusta, Ybarra?"
"Professor Simeon." Ang guro ko noong nasa kolehiyo pa lang ako.
"Ikaw ang nagpadakip sa'kin?" Tanong ko. Mas lalo kong ikinuyom ang mga kamay ko dahil tumango siya. Ano ba ang pinaplano niya?
UMALIS AKO SA lugar na 'yon nang tulala. Hawak ko ang case na bigay niya sa'kin. Laman n'on ay limpak-limpak na pera.
Hindi ako makapaniwala. Binayaran niya ako para manahimik. Ano na ang nangyare sa integridad na iniingatan mo, Professor Simeon? Akala ko ba... misyon nating manunulat ang maglahad ng katotohanan?
Gusto kong isumbat sa kanya ang pamamahiyang ginawa niya sa'kin sa loob ng isang taon, tumapang lang ang loob ko.
"LUISITO, DUWAG." Iyan ang naging bansag niya sa akin sa bawat klase niya. Kahit ang mga ka-eskwela ko at ibang Professor, 'yan din ang tawag sakin.
Bilang mahiyaing estudyante noon, nanginginig ang mga tuhod ko sa bawat recitation.
"Y-yes po." Nanginginig ang tuhod kong tumayo. Ganyan ang palagi kong sagot sa pagtawag nila sa akin ng ganyang bansag. Parang pumapayag din akong tawagin na duwag.
Ano bang magagawa ko? Takot ako sa unibersidad na 'to. Tahanan 'to ng mga magagaling na journalist, nakaka-pressure.
May ilang hagikhikan akong narinig kaya biglang lumakas ang pagkabog ng dibdib ko. Namamawis na rin ang kamay at noo ko.
Tinaas ni Professor Simeon ang hawak nito, "ano 'to?" Tanong niya sa akin.
Nangangatog ang labi na sumagot ako, "f-folder p-po." Nagtawanan ang klase ngunit nahinto ito nang tumama sa balikat ko ang pinalipad na gamit.
"Mali ka. Basura 'yan." Kumuha si Prof. Simeon ng alcohol at hinugasan ang kamay. Puno ng disgusto ang mga matang nakatingin sa'kin.
"Ano ba namang kwento 'yan?" Dagdag pa nito. Natikom ko ang bibig.
YOU ARE READING
Handicapped
Short StoryA journalist faced his greatest fear: lost of his own hands. He has to think of another way to reveal the truth about the dirtiest person in their country.
