Dahan-dahan akong naglakad papunta sa mesa, nakita kong mahimbing nang natutulog si Sebastian sa banig. Nakataklob din ang puting kumot hanggang sa tiyan niya. Dali-dali akong uminom ng tubig habang buong sikap na hindi makalikha ng ingay.

Babalik na sana ako sa kwarto nang marinig ko ang mahinang pag-ungol ni Sebastian. Nananaginip na naman siya ng masama. Agad akong lumapit sa kaniya, inilapag sa sahig ang kandila. Gigisingin ko sana siya ngunit naalala ko na hindi na siya nakakatulog ulit ng maayos kapag nagising na siya mula sa bangungot.

Huminga ako nang malalim saka dahang-dahang tinapik ang kaniyang dibdib. Sinabayan ko nang mahinang paghiging (humming) ang pagtapik ko sa dibdib ng kanta na minsan ko nang sinipol noon. Tila nagpapatulog ako ng bata.

Unti-unting nawala ang kunot sa kaniyang noo at naging maayos ang kaniyang paghinga. Animo'y muli siyang nakabalik sa mahimbing na pagkakatulog. Pinagpatuloy ko ang paghiging hanggang sa masiguro ko na hindi na muli siyang gagambalain ng panaginip ng kaniyang kamatayan.


KINABUKASAN, naalimpungatan ako sa maiingay na pagbagsak ng kahoy at pagkakarpintero mula sa labas. Nag-unat muna ako ng kaunti saka nagtaklob ng balabal sa balikat at lumabas sa kwarto. Naabutan ko si Niyong na abala sa pag-aayos ng mga libro.

"Magandang umaga, ate Tanya" bati niya, tumango ako saka naglakad papalapit sa kaniya. Napatingin ako sa likod ng tindahan na ngayon ko lang napansin na may pintuan pala iyon papalabas. Nakabukas ang pinto kaya tumatagos ang liwanag ng sikat ng araw mula roon.

"Niyong, may demolition ba dito?" tanong ko, nagtataka namang napatingin sa'kin si Niyong at napatigil sa kaniyang ginagawa.

"Ho?"

"Ah. Ang ibig ko sabihin, gigibain ba 'tong tindahan?" tanong ko, napatingin si Niyong sa likod ng tindahan at sa pintuang nakabukas doon. May mga lalaking nagkakarpintero roon.

"Pinapagawa ho ni Señor Sebastian ang likuran ng tindahan, ibig niyang palagyan ng kusina ito" tugon ni Niyong na ikinagulat ko. Naalala ko na nabanggit ko kay Sebastian kagabi ang tungkol sa kusina.

Hindi ko namalayan na napangiti ako sa aking sarili. Hindi ko akalain na gagawan na niya agad ng paraan ngayon. "Tila maganda ang tulog niyo, ate Tanya" ngisi ni Niyong dahilan para mawala na ang ngiti sa labi ko sa takot na mahalata niya.

Naglakad na ako papunta sa mesa, may pandesal at kape na roon. "Naabutan mo ba si Sebastian kanina dito?" tanong ko, tanghali na ako nagising dahil alas-dos na ako nakatulog kagabi habang binabantayan siya sa pagtulog.

Sumunod naman sa'kin si Niyong saka uminom ng tubig, "Dito ho? Hindi ho ba siya umuwi sa kanilang tahanan kagabi?" nagtatakang tanong ni Niyong dahilan para maging alerto ako. Ibig sabihin, maagang pumasok sa trabaho si Sebastian para hindi siya maabutan ni Niyong na dito siya natulog sa tindahan.

"Ah... H-hindi ko rin alam. Maaga rin kasi ako natulog kagabi" pagdadahilan ko saka nagsimula nang kumain ng almusal. Nang matapos ako kumain, bumalik na ako sa kwarto at kumuha ng damit. Maliligo na ako para makabisita sa Panciteria.

Napangiti muli ako nang makita kong puno ulit ang balde sa palikuran. "Niyong, salamat sa tubig. Favorite na talaga kita" ngiti ko saka sumaludo sa kaniya. Napatigil muli siya sa pag-aayos ng libro saka lumingon sa'kin.

"Ho? Hindi pa ho ako nag-iigib ng tubig mula pa noong sabado" saad niya, sandali ko siyang tinitigan. Mukhang hindi siya nagbibiro, hindi talaga siya nag-igib ng tubig para sa palikuran kagabi at ngayong umaga.

Muli akong napangiti sa sarili at nang isara ko na ang pinto sa palikuran, napahawak na lang ako sa aking pisngi sa ideyang si Sebastian nga ang nag-igib para sa'kin.


Salamisim (Published by Bliss Books)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon