Part 13

6.3K 229 28
                                    

KIPKIP ANG ilang piraso ng libro ni Bax, habang nakalagay sa isang paperbag na hawak niya ang jacket at polo na naiwan ng binata sa kanya, ikinundisyon ni Michi ng isa pang beses ang sarili.

"Bax, kumusta? Napadaan lang ako kasi isosoli ko na itong jacket at t-shirt mo, este, polo pala. Baka kasi nami-miss mo na..." Tumikhim uli siya at inulit ang sinabi gamit ang iba't ibang tono. Nang makuntento ay humugot siya ng malalim na buntunghininga saka dahan-dahan ng naglakad patungo sa bahay ng binata, ilang metro na lang sa kanya. "Grabe, ang hirap palang manligaw! Mabuti na lang at naging babae ako."

Pero parang wala ring ipinagkaiba dahil ngayon ay parang iyon na nga mismo ang gagawin niya. Ang manligaw. At sa isang lalaki pa. Baliktad na nga yata talaga ang mundo...

"E, pakialam ba ng mundo sa akin?" patuloy niyang pakikipag-usap sa sarili upang kahit paano ay maibsan ang kaba sa kanyang dibdib. "Ganito talaga ang nagmamahal. Yeboy. Para na akong lalaki talaga." Bumuntunghininga uli siya. "Ah! Kaya ko 'to. I wanted to see him. I miss him...sugod!"

"Panget."

"Ay, kabayo!" Nabitawan niya ang kipkip na mga libro sa sobrang gulat. Na agad na napalitan ng kasiyahan nang makitang heto na sa harap niya si Baxter. "Bax! Bakit ka ba nanggugulat? Anong ginagawa mo rito? Bakit nasa labas ka ng bahay mo? Hindi ba dapat nandoon ka sa loob? Nasaan na ba ako? Sino ka?"

"Nawawala ka na naman sa sarili mo." Isa-isa nitong dinampot ang mga aklat. At mukhang nakilala na nito ang mga iyon. "Hindi ka na dapat bumili pa ng kopya nito. Puwede naman kitang bigyan na lang."

"Okay lang. Dagdag sales din iyan. A, oo nga pala. Heto." Iniabot niya ang paperbag dito. "Ako na ang nagdala niyan sa iyo para hindi ka na mahirapan pang pumunta sa condo ko. Marami pa namang maligno roon. Baka maligaw ka."

He gave her back the books as he took the paperbag. "Thanks."

"A, hindi. Ako nga dapat ang magpasalamat sa iyo dahil ako naman ang nakinabang ng mga iyan. I mean, 'yung jacket mo lang pala. Biruin mo, iniwan mo pa iyon sa akin nung Halloween..." Bumalik sa kanya ang alaala nang gabing iyon. Nang gabing halikan siya nito. Eeeehhh! tili niya sa isip. "I mean...alam mo na—"

"Masyado ng gabi. Bumalik ka na sa condo mo. Delikado pa naman ngayon ang panahon."

Hayun na naman ang malamig na tono nito. Hindi tuloy niya maiwasang magtampo na naman.

"Bax...galit ka ba sa akin?"

"No." Sinulyapan nito ang paperbag. "Ang mabuti pa, hintayin mo lang ako dito sandali. Kukunin ko lang ang kotse at ihahatid na kita sa inyo."

"Bax," pigil niya rito. "Tinatanong kita."

"Nasagot na rin kita. Hintayin mo na lang ako rito."

Pero sinundan niya ito. Hindi siya papayag na basta na lang hayaan na iwasan siya nito ng hindi niya alam ang dahilan. "Kung hindi ka galit sa akin, bakit ganyan mo na ako pakitunguhan? May nagawa ba akong mali? Sabihin mo naman at nang hindi na sumasakit ang ulo ko sa kakaisip kung ano ang naging kasalanan ko sa iyo para tratuhin mo ako ng ganyan."

Huminto naman ito sa paglalakad. Ngunit hindi siya nito hinarap.

"I'm sorry. I'm just tired."

"Ako rin naman napapagod. Pero ni minsan ay hindi naging ganyan kalamig ang pakikitungo sa isang taong...malapit sa akin." He still didn't say anything nor even turned to her. Napabuntunghininga na lang siya upang kahit paano ay maibsan ang bumibigat na damdamin niya. "I'm sorry kung naistorbo kita. Gusto ko lang naman...gusto ko lang isoli ang mga iyan sa iyo. Baka kasi importante iyan sa iyo. Tapos...gusto ko rin sanang magpa-autograph ng mga libro mo."

Wala pa rin itong imik. Hindi siya sigurado kung ano ang iisipin sa pagsasawalang kibo nito. Ano ba? Kagabi lang ay masaya sila, hindi ba? Anong nangyari ngayon? Dinalaw ba niya ito sa panaginip at ginawan ng masama kaya parang ayaw na siya nitong makita?

Nakakainis naman, o. Bakit ayaw mong magsalita? Don't you like me too?

Doon siya tila natauhan. Baka naman talagang wala itong gusto sa kanya kaya parang iniiwasan na siya nito ngayon? At ang halik nito sa kanya...sa pisngi lang iyon. Walang meaning. Parang...wala lang.

Daig pa niya ang binuhusan ng tinunaw na yelo nang mga sandaling iyon. Ang tanga talaga niya. Bakit ba ngayon lang niya iyon na-realize? Ang dahilan kung bakit mula nang umagang iyon ay parang iniiwasan na siya nito ay dahil gusto nitong ipaalam sa kanya na balewala lang ang nangyaring iyon sa kanila kagabi. At ayaw siya nitong mapahiya kaya hindi nito harapang sinasabi sa kanyang wala itong gusto sa kanya.

Ouch...ang sakit. Nakakaiyak. Peste!

"Sige, aalis na ako. Sorry kung naistorbo kita."

Bumalik na siya sa direksyong pinanggalingan niya. Ang bigat-bigat ng pakiramdam niya. Bakit ganito? Hindi ba dapat masaya kapag nagmahal na ang isang tao? Pero bakit iba ang nangyari sa kanya? Katulad lang niya ang mga nangyayari sa mga kuwento ng mga heroines sa kanyang mga nobela. Nasasaktan habang nagmamahal. Akala pa naman niya, kaya sinabing fiction ang kanyang isinusulat ay dahil hindi iyon totoo. Mga kathang isip lang lahat. Subalit ngayon, napatunayan niyang may katotohanan pala sa mga iyon.

That loving still hurts.

"Michelle."

Sumikdo ang puso niya nang tawagin siya ni Baxter. Tila plakang nasira ang pagsisenti niya at agad niyang nakalimutan ang kanyang dilemma. Hope flooded her system and reached her heart. Nilingon niya ito. Ah, yes. Hayun pa rin ang puso niyang hindi na yata mapigilan pang mahalin ito nang husto.

"Huwag mo uli akong pupuntahan dito."

Nagulat siya sa narinig. "Ha?"

"This will be the last time we'll have this kind of conversation."

"Ha?"

"Maiintindihan mo rin ako." He gave out a sigh. "Ihahatid na kita. Stay here. Kukunin ko lang ang kotse."

Sinundan lang niya ito ng tingin na malabo pa rin sa kanya ang mga sinabi nito. Nang maramdaman ang pagpitik na iyon sa kanyang sintido dahil sa sobrang pag-iisip sa mga sinabi nito ay hindi na siya nakatiis.

"Baxter!" Nilingon siya nito. "Mahal kita!" It was his turn to looked stunned. "Naiintindihan mo ba iyon? Mahal kita! Kaya paano ko magagawang huwag ng lumapit pa uli sa iyo? Hindi ko kayang gawin iyon. Hindi ko gagawin iyon."

He just stared at her for quite sometime. Hanggang sa mapansin niyang unti-unti ng nawawala ang anomang reaksyon sa guwapo nitong mukha.

No, sigaw niya sa isip. Don't you hide from me, Baxter!

"Bax—"

"I don't want to hear that from you again." Tinalikuran na siya nitong muli.

Nagprotesta ang puso niya. Sinulsulan naman siya ng kanyang isip na huwag sumuko.

"Nararamdaman kong may damdamin ka rin para sa akin, Baxter. Tama ba ako?" He continued walking away from her. "Mahal mo ba ako?"

Kapalan na ng mukha. Bahala na si Batman. Napahinto ito sa paglalakad ngunit hindi pa rin bumabaling sa kanya. Sa isa pang pagkakataon, umasang muli ang kanyang puso. Ngunit para lamang pala muling mabigo nang walang imik na itong tuluyang lumayo. Nang may mapadaang taxi sa street na iyon ay kinawayan nito iyon. Huminto ang taxi sa pagitan nila. Bumalik si Bax at binuksan ang pinto ng backseat ng sasakyan para sa kanya. Napilitan na rin siyang lumapit sa kabila ng sobrang bigat ng kanyang nararamdaman. She tried watching his face for the last time but he just avoided her.

"Goodnight, Michelle." Isinara na nito ang pinto ng taxi at umalis.

Iyon na ang huling pagkakataon na narinig niya ang boses nito. Ang makita ang guwapo nitong mukha.

Stallion #40: BAXTER SAAVEDRA (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon