"Sa paanong paraan? Sandali. Huwag mo sabihing may nakita siyang bahagi ng iyong katawan?" gulat na saad ni Amalia dahilan para mapatigil ako at mapatulala sa kaniya. Mas lalo kong gustong magwala ngayon. Naalala ko na may nakita rin pala sa'kin si Sebastian dati.

Napailing na lang ako. Hindi iyon ang usapan ngayon. Dapat talaga nakalabas na ako kagabi sa kwentong ito para nabura na rin sa alaala ni Sebastian ang lahat ng kahihiyang nagawa ko sa harapan niya. "Kung gayon, nalaman ng ginoong tinutukoy mo na ikaw ay may pagtingin sa kaniya?" tanong ni Amalia. Tumango na lang ako at mas lalo akong nalulugmok dahil tumatama ang mga hula niya. Gano'n nga siguro ka-obvious ang mga kapahangasan na nagawa ko.

Hinawakan ni Amalia ang kamay ko at tumawa siya nang mahina. Ngayon ko na lang ulit siya nakitang tumawa matapos ang ilang linggong paghihirap niya upang labanan ang kaniyang pagsusuka ng dugo. Ngayon ko na lang ulit siya nakitang ngumiti matapos ang trahedyang sinapit nila ng kaniyang kasintahan.

"Paano kung may pagtingin din pala sa iyo ang ginoong iyon?" tanong niya, hindi ko alam kung bakit bigla akong nabuhayan ng pag-asa sa sinabi niya. "Paano kung wala? Ang saklap, ako pa talaga ang mababasted" saad ko saka napasubsob muli sa kumot.

"Basted?" nagtatakang tanong ni Amalia pero naroon ang pagkamangha sa mukha niya dahil masyado akong apektado sa lalaking tinutukoy ko. "Basta parang hindi niya ako gusto" paliwanag ko, napailing na lang si Amalia habang nakangiti. Okay na siguro kahit puno ako ng kasawian ngayon dahil napapangiti rin si Amalia.

"Ibig mo bang malaman kung may pagtingin din ba sa iyo ang taong iyong napupusuan?" tanong ni Amalia, napaisip ako sa sinabi niya. Ito ba 'yung mga 5 signs how to know if your crush likes you sa google?

Napatango na lang ako, dapat may idea ako kasi ako naman ang author at marami akong nasulat na nobela pero pagdating kasi kay Sebastian ay hirap na hirap akong basahin ang pagkatao niya. "Sa oras na magparamdam na siya na ibig ka niyang ligawan" tugon niya. Napakurap na lang ako ng dalawang beses. Wala akong maalala na nagpaparamdam si Sebastian na gusto niyang manligaw sa'kin.

Napailing na lang ako, mukhang hindi applicable kay Sebastian ang mga sasabihin ni Amalia. "Paano kung 'yung ugali ng lalaki ay parang masungit, suplado, tahimik, seryoso at hindi palakibo?" tanong ko, napaisip naman si Amalia, binilang niya pa gamit ang kaniyang daliri ang sinabi kong mga katangian ng lalaking tinutukoy ko.

"Kung gayon, mahirap nga basahin ang kilos ng ginoong tinutukoy mo" saad niya, napabagsak na lang muli ang aking balikat. Kahit ako na mismong gumawa sa character ni Sebastian ay nahihirapang basahin siya, paano pa kaya 'yung iba?

"Maaari mong makita ang kaniyang pagtingin sa iyo kung madalas siyang gumawa ng paraan upang ipagtanggol ka" saad ni Amalia. Napaisip ako nang mabuti, hindi ko na mabilang kung ilang beses akong niligtas at prinotektahan ni Sebastian mula nang makapasok ako sa loob ng kwentong ito.

"Ngunit kung matalik kayong magkaibigan o ipinagtatanggol mo rin naman siya. Sa aking palagay ay ginagawa niya lang iyon bilang pagtanaw ng utang na loob sayo" habol ni Amalia dahilan para mawala ang ngiti ko. May point naman siya, maraming beses ko rin niligtas si Sebastian. Gusto lang siguro niyang gantihan ako ng kabutihan.

"Kung nakakaramdam din siya ng paninibugho sa tuwing may kasama kang ibang ginoo" patuloy ni Amalia. Muli akong napaupo nang maayos. Nararamdaman ko na nagbabago ang reaksyo ng mukha niya at mas nagiging suplado siya kapag kasama ko si Lorenzo.

"Higit sa lahat, mababasa mo sa kaniyang mga mata ang kaniyang tunay na nararamdaman" dagdag ni Amalia. Napatulala na lang ako sa aking sarili. Wala pa akong narinig na sweet words mula kay Sebastian pero sa tuwing tinititigan niya ako, sapat na iyon para matunaw ako sa kaniyang harapan.


Salamisim (Published by Bliss Books)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon