"Nagpaalam na ako sa kanila. Sasamahan ko na kayo" ngiti ni Lorenzo saka kinuha sa kamay namin ni Lolita ang bitbit naming bilao ng pansit. "Ako na rin ang magdadala nito" patuloy niya, kumindat pa siya kay Lolita na para bang nagpapasalamat siya sa suporta nito.

Wala na akong nagawa kundi ang hayaan na lang siya. Ilang ulit ko pang tiningnan si Lorenzo, kinikilabutan ako sa mga kinikilos niya. Ganito ko nakikita ang mga eksena sa nababasa kong kwento o napapanood na movie kung saan nagpaparamdam na manligaw ang isang lalaki at nagpapa-good shot pa 'to sa mga kaibigan ng babae.

Napailing na lang ako sa ideyan iyon. Hindi naman siguro. Imposible namang magkagusto sa'kin si Lorenzo. Mas maganda at mas bagay sila ni Maria Florencita. Bakit ko aagawan ang bidang babae sa nobelang ginawa ko?

"Ano ho ang inyong pangalan?" tanong ni Lolita kay Lorenzo habang nakangiti. Nasa gitna nila akong dalawa habang sabay naming tinatahak ang mataong pamilihan.

Napatingin muna sa'kin si Lorenzo bago siya tumingin kay Lolita. "Gani" pakilala ni Lorenzo, pinagpatong niya ang dalawang bilao sa kaniyang braso, hinubad niya ang kaniyang sumbrero at itinapat iyon sa kaniyang dibdib bilang pagpapakilala.

Halos mapunit naman ang mukha ni Lolita sa laki ng kaniyang ngiti. "Lolita naman ho ang aking pangalan" pakilala nito at nagbigay-galang kay Lorenzo. Nangangamba na naman tuloy ako baka mabaling ang pagtingin ni Lolita kay Lorenzo.

"Kuya Gani, matagal na ho kayong magkakilala ni ate Tanya?" tanong nito kay Lorenzo. Napangiti naman si Lorenzo at muling tumingin sa'kin. Naalala ko na hindi niya pwedeng basta-basta sabihin sa iba ang totoo niyang pangalan. Isa ang Gani sa pangalang lagi niyang ginagamit.

Tumango si Lorenzo, "Oo, ilang buwan na ngunit ibig ko pa siyang makilala nang lubos" tugon ni Lorenzo habang nakatingin lang sa'kin. Napaiwas na lang ako ng tingin, kung ano pa man ang ibig niyang iparating, ramdam ko na mukhang makakadagdag na naman ito sa pananakit ng ulo ko.

"Kung wala ka pa namang kasintahan o kabiyak kuya Gani. Nasa wastong edad naman na kayo ni ate Tanya upang—Ahh" hindi na natapos ni Lolita ang sasabihin niya dahil kinurot ko siya nang marahan sa tagiliran.

Pinandilatan ko ng mata si Lolita. Tumawa lang si Lorenzo, mukhang natutuwa pa siya dahil suportado siya ni Lolita. "Ah. May kailangan pa pala akong daanan sa aming tahanan. Mauna na lang ho kayo" mabilis na paalam ni Lolita.

Ngumiti pa siya kay Lorenzo. Tatawagin ko pa sana siya ngunit dali-dali na itong tumakbo papalayo. Napahawak na lang ako sa aking noo. Masyadong halata ang gustong mangyari ni Lolita.

Napalingon ako kay Lorenzo na kanina pa pala nakatingin sa'kin at naghihintay. Nakangiti pa rin siya. "Pagpasensiyahan mo na 'yon si Lolita. Kung kani-kanino niya ako nilalakad. Nakakahiya tuloy" wika ko, naalala ko tuloy na ganito ko rin sila inasar ni Niyong noong namasyal kami sa ilog. Bumabawi siguro siya sa'kin.

Nagpatuloy na kami sa paglalakad. Hindi ko alam kung bakit pero may kung anong awkwardness na tuloy sa'min. Kung hindi ba naman inumpisahan ni Lolita ang mga pinagsasabi niya kanina. Hindi sana ganito ang pakiramdam ko kay Lorenzo.

"Siya nga pala... Kumusta kayo ni Maria Florencita?" sinubukan kong ibahin ang usapan. Kailangan si Maria Flrorencita lang ang babaeng tumatakbo sa kaniyang isipan. Nagbago ang timpla ng kaniyang ngiti, hindi ito kasing aliwalas ng ngiti niya kanina.

"Maayos naman kami. Masaya ako na may mahabagin din siyang puso para sa mga taong nasasadlak sa hirap at biktima ng pananamantala ng pamahalaan" tugon ni Lorenzo, kahit papaano ay nakahinga ako nang maluwag. Sana lang ay gusto niya pa rin si Maria Florencita.

"Oo, nakakatuwa nga siya. Sa tingin ko ay bagay talaga kayo. Ano kaya kung dalhan mo siya ng---" hindi ko na natapos ang sasabihin ko dahil bigla siyang napatigil sa paglalakad. Wala na ang kaniyang ngiti, nakatingin lang siya sa'kin ngayon.

Salamisim (Published by Bliss Books)Where stories live. Discover now