"O-opo. Maayos naman po ang kalagayan niya doon 'nung huli kaming nagkausap" tugon ko, napayuko na lang ako. Hindi ko kayang tumingin sa kanilang mga mata. Narinig ko ang malalim na pagbuntong-hininga ni Mang Pedro, tulala namang lumuluha si Aling Pacing.

Kung alam lang nila na mas mabuti na ito kumpara sa totoong takbo ng kwento kung saan mamamatay sa pagtakas sina Amalia at ang kasintahan nitong guardia civil. Marahil ay mas gugustuhin nilang malaman na hanggang sa pagtatanan lang ang sinapit ni Amalia.


NAPALINGON ako kay Lolita nang bigla itong lumapit sa aking tenga at bumulong. "Ate Tanya, narito ang lalaking kasama mo kagabi" wika niya, bakas sa kaniyang mukha na kinikilig siya. Nagbabalot kami ng suman sa kusina ng Panciteria kasama ang iba pang kusinera.

"Sinong..."

"Naabutan ko kagabi na may lalaki kang kausap. Hindi ko batid ang kaniyang pangalan ngunit madalas ko siyang makita rito kausap sina Aling Pacing at Mang Pedro" patuloy ni Lolita, napatingin sa'min ang ilang kusinera dahil kanina pa bumubulong sa'kin si Lolita at hindi mawala ang ngiti niya sa sobrang kilig.

Napaisip ako at hinampas ko sa noo ni Lolita ang hawak kong piraso ng dahon ng saging. "Magkaibigan lang kami. 'Wag kang ma-issue diyan" si Lorenzo siguro ang tinutukoy niya. Kilala naman ni Lolita si Sebastian at hindi naman ito nakikipag-usap sa mag-asawang may ari ng Panciteria.

Nawala ang ngiti ni Lolita at hindi pa rin siya humihiwalay sa'kin. Mapa-Tanya o Arturo, hilig niya talagang kumapit sa braso ko. "Isywu... Ano ang iyong tinuran? Ate Tanya"

Nagpatuloy na lang ako sa pagbabalot ng suman. "Ma-issue parang nag-iisip ng kung anu-ano na wala namang katotohanan"

Tumango-tango si Lolita at nagpatuloy na lang din sa pagbabalot ng suman. "Ikaw ay wala na sa wastong edad upang mag-asawa ate Tanya. Hindi mo ba naiisip na panahon na siguro upang ikaw ay magpakasal? Sa aking palagay ay may pagtingin sa iyo ang lalaking iyon" saad niya, napailing-iling na lang ako.

"Bata pa kaya ako. Gusto ko munang ma-promote at magkaroon ng maayos na trabaho. Mag-tatravel ba ako around the world" tugon ko, nagtaka muli ang hitsura ni Lolita. Nakalimutan kong hindi niya pala maiintindihan ang mga sinasabi ko.

"Kalimutan mo na 'yon. Kung anu-ano lang talaga lumalabas sa bibig ko" habol ko, napakibit-balikat na lang si Lolita at muli niya akong kinuwentuhan tungkol sa pangungulila niya sa ginoong nagngangalang Arturo.

Ilang sandali pa, inutusan kami ni Aling Lucia na ihatid ang dalawang bilao ng pansit sa tindahan ng mga bakya sa pamilihan. Naghugas na kami ng kamay ni Lolita at tig-isa naming binitbit ang dalawang bilao. Napatigil ako nang makita si Lorenzo kasama ang mga kasamahan nito sa pagawaan ng dyaryo.

Masaya silang nagkwekwentuhan habang kumakain ng pansit sa isang mahabang mesa. Napangiti si Lorenzo nang makita ako. Tumango lang ako sa kaniya, napatakip naman sa mukha si Lolita dahil sa kilig. Hinila ko na siya agad papalabas.

Mabilis kaming naglakad papalayo sa Panciteria. Ako ang nahihiya sa ginagawa ni Lolita. "Lolita, 'wag kang tumawa nang ganiyan, baka mag-isip siya ng kung ano. Hindi dapat---" hindi ko na natapos ang sasabihin ko dahil biglang nagsalita sa tabi ko na ngayon ay sumasabay na sa amin sa paglalakad.

"Sinong mag-iisip ng kung ano?" tanong ni Lorenzo na ikinagulat ko at mas lalong ikinatuwa ni Lolita. Nakangiti siya ngayon dahilan para mas lalong maging kaaya-aya at kaibig-ibig ang kaniyang dating.

Magsasalita pa sana si Lolita ngunit mabilis kong tinakpan ang bibig niya. "Hindi ba't may mga kasama kang kumain" wika ko, napatigil na kami sa paglalakad, napalingon ako sa Panciteria. Naroon pa rin ang mga kasamahan niya sa trabaho at masayang kumakain.

Salamisim (Published by Bliss Books)Donde viven las historias. Descúbrelo ahora