Isang Ordinaryong Insidente

105 8 9
                                    

‘Holdap to!’

Nagising ako sa sigaw ng isang babae sa loob ng bus. Buwisit. Maganda pa naman ang panaginip ko. Lumilipad raw ako sa langit kasama ang isang libong penguin. Tapos napadpad ako sa lupain ng katahimikan kung saan walang hanggang umuulan ng mga tuyong dahon. Nakakalungkot isipin na minsan mas interesante pa ang panaginip kaysa sa totoong buhay.

Tiningnan ko ang orasan sa taas ng driver's seat. Alas-siyete kinse na! Late na naman ako sa klase. Lumipat ang tingin ko sa babaeng holdaper. Kalmado siya. Kontrolado niya ang sitwasyon habang hawak ang baril – isang maliit na revolver. Tantsa ko ay hindi siya lalagpas ng dise-sais anyos. Siguradong magkasing-edad lang kami. Malamang third year highschool rin. Maliit ang height niya at walang bakas ng panganib ang itsura.  Nagpapaala siya sakin ng isang gitara na wala sa tono.

Isa-isang binigay ng mga takot na pasahero ang kanilang mga wallet at cellphone kapalit ng tiyak na kaligtasan. Kung pag-aalala at kaba ang gustong itanim ng babae, nagtagumpay siya. Puno ng mga 'yun ang buong hangin ng bus.

Dumangaw ako sa bintana. Maganda ang tanawin; mabigat na traffic, maitim na usok at mga nagmumurang drayber. Ito ang Sirado City. Mataas na lebel ng stress ang maibibigay sayo ng lugar na 'to. At maiingganyo kang magpakamatay.

Tumugtog sa utak ko ang isang kanta ng Rivermaya. Di ko maalala ang title pero memoryado ko ang lyrics. Panandalian akong dinala ng naturang kanta sa malayong ala-ala. Malayo rito. At pabalik sa reyalidad. Humantong ang isip ko sa school projects namin at parating na periodic exams. Tapos naisip ko ang concert ng Metallica. Tapos, ang Tom and Jerry, ang Detective Conan at yung gripo sa kusina na malamang eh nakalimutan kong isarado. At ang One Piece. Tama! Namatay na nga pala si Ace sa huling Episode ng One Piece. Sayang. Nakakaaliw pa naman siyang character. Gusto ko pa siyang mapanood ng mas matagal.

‘Hoy ikaw!’ Sigaw sakin ng babaeng holdaper, nakatutok ang baril sa mukha ko. Ito ang kasalukuyang problema.

‘Wallet mo!’ Utos niya.

Napahimas ako ng noo. ‘Naiwan ko sa bahay eh,’ Sabi ko, nakatitig sa mga mata niya. ‘Wala akong pera.’

‘Ano?’ Nagtaas ng kilay ang babae. Tila ngingiti na maaasar. ‘Patawa ka ba? Sumakay ka ng bus ng walang dalang pera?’

‘Well, hindi naman 'yun labag sa batas. Hindi kagaya ng…’ tinitigan ko ang bibig ng baril. ‘…panghoholdap.’

Kita ko sa mukha niya ang nagsisimulang galit at inis. ‘Kung ganun sabihin mo,’ Pinilit niyang maging kalmado ang boses at kilos. ‘Paano mo pinaplanong magbayad? Ha?’

‘'Yan din ang pinoproblema ko kanina.’ Humikab ako sandali at ibinalik ang atensyon sa kanya. ‘Pero ngayon mukhang lahat kaming pasahero wala nang ipambabayad.’

Humigpit ang hawak niya sa baril. Lubhang seryoso ang kanyang ekspresyon. Doon ko lang napagtanto na medyo maganda pala siya (sa standards ko). Maliit ang patulis niyang mukha, kahalintulad ng isang tipikal na babaeng karakter sa mga anime. Matatalim ang mga mata at maninipis ang mga labi

‘Baka nakakalimutan mo kung sino rito ang may hawak ng baril?’ Ngayon ay malamig at walang bakas ng simpatya ang tono niya. Ang mga titig niya ay nagpapahiwatag na handa siyang manakit.

Dapat ako ang may awtoridad sa sitwasyon. Dapat ako ang may awtoridad. Palagay ko 'yun ang tumatakbo sa isip niya. Sigurado.

Dapat ako ang may awtoridad.

‘Alam ko kung sino ang may hawak ng baril.’ Mas lalong umigting ang titigan namin. Nandoon ang init. ‘At alam ko rin kung sino ang makukulong.’ Sumandal ako sa upuan. ‘Siguradong hindi ako 'yun.’

Kaya niya kayang iputok ang baril? Gusto kong malaman. May lakas ng loob kaya siya na pumatay ng tao? Na patayin ako? At kung ganun man, mamamatay naman ba kaya ako? Sana nasarado ko nang maayos yung gripo sa kusina.

Dahan-dahang tumulak ang hintututro niya sa gatilyo. Ito na.

Isa. Dalawa. Tatlo.

Bang!

                                                           ---End---

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Dec 16, 2014 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

Isang Ordinaryong InsidenteWhere stories live. Discover now