The Thousand Year Life of Rupert by Ace Antipolo

Start from the beginning
                                    

“Miss, mag-ingat ka paminsan-minsan. At palagi kang tumingin sa dinadaanan mo. Delikado ‘yang ginagawa mo. Baka malagay pa sa peligro muli ang buhay mo,” pangaral ng binata.

Sa tantiya ni Jerica ay mas matanda lang ito ng dalawa o tatlong taon sa kanya. Halos magkasingtangkad lang sila pero medyo may kalakihan ang pangangatawan nito.

“Sorry po. Hindi na mauulit,” tugon ni Jerica. “S-salamat nga pala sa ginawa mo. Kung hindi mo ako nasalo agad, baka nawasak na ang kagandahan kong ito.”

“Wala ‘yun. Sige, mauna na ako,” paalam ng binata.

Subalit bago pa makatalikod ito ay bigla niya itong pinigilan. “Sandali lang. Puwede bang samahan mo muna akong magkape. Pasasalamat ko na rin sa pagliligtas mo sa akin kanina.”

Lumingon ang lalaki at napakamot ng ulo. “Sigurado ka ba?”

Ngumiti si Jerica. “Aalukin ba kita kung hindi?”

*****

Inilapag ng waitress ang isang baso ng Coffee Caramel Frappuccino sa tapat ng binata. Isang baso naman ng Strawberries and Cream ang kay Jerica. Agad na humigop nito ang dalaga gamit ang straw. Nakaramdam siya ng kilig na gumapang sa kanyang buong katawan. Hindi niya alam kung dahil lang ba ito sa napakatamis na frappe na in-order niya o dahil sa binatang kasama niya.

“Rupert, tama ba?” tanong ni Jerica.

“Oo. Tama ka. Rupert nga. Masaya akong makilala ka, Jerica.”

“Ako din, Rupert,” tugon niya sa binata.

Humigop muna ng inuming frappe si Rupert, bago nagtanong sa kanya, “Ano nga palang ginagawa mo kanina at tutok na tutok ka sa hawak mong cellphone?”

“Ah, ‘yun ba? Wala ‘yun. Naglalaro lang ako ng app sa phone ko. Kanina pa kasi ako bored na bored, eh. Ang bagal kasi nang takbo ng araw kapag wala akong pasok sa eskuwela.  Feeling ko, isang libong taon na ang lumilipas, hindi pa rin natatapos ang umagang ito.”

Napangiti si Rupert. “Wala kang ideya kung ano ang pakiramdam nang maghintay at mabuhay ng isang libong taon.”

“Ano’ng ibig mong sabihin? Teka, ano nga bang ginagawa mo dito? Ano’ng ginagawa mo sa buhay mo?” tanong niya sa lalaki. “At saka ilang taon ka na? Parang ka-edad lang kita, eh.”

Napabuntong-hininga si Rupert. “Huwag kang maingay, ha? Sikreto lang natin ito.”

“Bakit? Ano bang sasabihin mo?”

“Alam mo kasi, Jerica. Hindi ako normal na tao. Ego anathema. Ako ay isinumpa.”

“Anong ibig mong sabihin?”

“Isa akong imortal. Ego anathema, ibig sabihin nito ay isinumpa ako. Isinumpa mahigit isang libong taon na ang nakararaan na mabuhay magpasawalang-hanggan,” ani ni Rupert, sabay pakita ng isang tattoo sa kanyang braso. Isa iyong itim na marka ng isang krus na pabilog ang dulo.

“Pinagloloko mo ba ako? Kakakilala pa lang natin eh nagsisinungaling ka na agad sa akin,” ani ni Jerica.

“Totoo ang sinasabi ko. Isinumpa ako noon ng nakalaban kong isang salamangkero. Ang sumpa niya ay mabubuhay ako ng walang kamatayan, upang manatili akong mag-isa habang buhay, habang lahat ng mahal ko sa buhay ay wala na.”

“Hindi ako naniniwala sa ‘yo,” wika ni Jerica sabay labas ng dila.

“Gusto mo bang patunayan ko?” tanong ni Rupert.

“Go! Sampulan mo ako!” tugon naman niya.

Biglang kinuha ni Rupert ang mga kamay ni Jerica. Nakaramdam siya ng tila kuryente na dumaloy sa buong katawan niya. Pagkuway biglang nagliwanag ang kanyang paningin.

Jahric Lago Presents: Sweet Fantasy (Published under TBC Publications)Where stories live. Discover now