Chapter 16 - Happy Anniversary

768 26 0
                                    

HAPPY ANNIVERSARY

November 6, 1992. Araw ng Martes. Pangalawang araw ng enrolment namin para sa second semester. Alas otso pa lang nang umaga ay nakapila na kami para sa final assessment. Kasama ko sina Mike, Randy, Sharon, at Tony. Sa College of Science kasi kami pare-pareho.

Sa mga nagdaang taon, kadalasan ay inaabot ng tatlo o apat na araw ang enrolment namin. Pero sa pagkakataong iyon, palibhasa mga graduating students kami, sa unang araw pa lang ay nakapag-enlist na kami sa mga kailangan naming subjects. Kaya sa ikalawang araw, pagkatapos ng assessment at pagbabayad, tapos na ang enrolment namin.

Sa gitna naman ng mga ginagawa namin, hindi ko maiwasang maging balisa. Mula pa noong umaga na magkita-kita kami sa lobby ng Yakal, nakatuon na ang mga mata ko kay Mike. May gusto akong marinig sa kanya na hindi ko naman sigurado kung dapat niyang sabihin. Saktong isang taon na kasi mula nang magkakilala kami at maging magkaibigan.

Sa loob-loob ko, may anniversary ba ang mag-bestfriends?

"Bespren, bakit?" bulong niya sa akin habang nakapila kami. Sa tono niya ay nag-aalala siya kung bakit ganoon ang ikinikilos ko.

"Ha? Anong bakit?" tanong ko kunwari.

"Kanina ka pa kasi tingin nang tingin sa akin nang seryoso," sabi niya.

Ngumiti lang ako. "A, wala. Ito naman. Masama bang tingnan ang guwapong bespren ko?"

"Para kasing may iniisip kang kakaiba e."

Yumakap ako sa braso niya. "Wala naman. Huwag mo na lang pansinin."

Lalo siyang napatingin sa akin. "Huwag kong pansinin? Ibig sabihin, meron nga."

Napabuntung-hininga ako. Nag-isip ako ng palusot. "Kasi, iniisip ko kung yayayain kitang mag-date pagkatapos natin dito."

Napangiti siya. "Date? Sige, game ako diyan."

Napangiti rin ako. "Hmm... Saan naman kaya tayo magde-date?"

"Pwedeng mag-suggest?" tanong niya.

"Sige. Saan?"

"Uwi na lang tayo sa bahay nyo. Miss ko na kasi sina Daddy Jules at Mommy Ann."

Napangiti ako. Naisip ko, sa bilis ng enrolment namin, siguradong maaga kaming makakarating sa bahay. Pwede kaming manood ng V.H.S. Pwede kaming maglaro ng family computer. Pwede kaming mag-sound trip.

"Sige," sagot ko agad. May naisip ako. "Pero may dalawang kundisyon."

Pabiro siyang sumimangot. "Ano namang mga kundisyon yun?"

Masuyo kong tinapik ang dibdib niya. "Una, dapat doon ka mag-dinner para makasalo ka namin nila Mommy at Daddy."

Ngumiti lang siya. "Yun naman talaga ang balak ko e, yung makasalo sila. Ano naman yung pangalawa?"

Ngumisi ako. "Ang pangalawa, dapat doon ka matulog mamayang gabi."

Nanlaki ang mga mata niya. "Pwede ba yun?"

Natawa ako sa reaksyon niya. "Ito naman. Para namang hindi ka pa natulog doon sa bahay."

"Iba yun. May sakit ka noon kaya binantayan kita. Ngayon, wala namang dahilan."

"Kailangan pa ba ng dahilan? Siyempre, kapag nag-dinner ka sa amin, gagabihin ka. So, para mas safe ka, doon ka na lang matulog. May guest room naman kami, di ba?"

My Bestfriend's LoveTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon