Nagtago sila ni Hans sa likod ng pinagpatong-patong na karton. Halos hindi na sila huminga, huwag lang silang makalikha ng tunog at para hindi sila matagpuan ni Henry.
Mula sa pinagtataguan nila ay nakarinig sila ng tunog na para bang may nagtatadtad ng karne. Paulit-ulit ang pagtadtad na iyon na animo'y gawa ng isang taong galit na galit sa pagputol ng matigas na karne.
Mayamaya lang ay nawala na ang tunog na iyon kaya naman nagpasya na sila ni Hans na lumabas sa pinagtataguan. Binalikan nila ang lugar kung saan nila nakita ni Henry dahil iyon lang ang daan palabas.
Kasindak-sindak ang bumungad sa kanilang dalawa. Ang patay na katawan ng mga magulang nina Henry at Hans ay parang kinatay na baboy. Duguan at puro tadtad sa katawan. Lasog-lasog na iyon nang huli nilang makita subalit mas lalo pa iyong hindi naging katanggap-tanggap sa kanilang mga mata. Hindi na nila iyon masikmura at halos maduwal na. Ang mga bituka ay nagsilabasan at kumalat sa sahig at ang ilan pang mga lamang loob ay hindi na makilala dahil sa wasak nitong itsura. Ang mga mukha ng dalawang matanda ay nababalutan ng dugo, para bang kasasalang lang sa isang surgery kung saan nalipat ang posisyon ng ilong sa bandang baba at ang labi sa bandang gilid.
'Walang kaluluwa lamang ang makakagawa nito!'
Pinagmasdan niya ang katabi. Nanlalaki ang mata nito habang paunti-unting napapaupo sa sahig. Ang makita ang magulang sa ganoong kalagayan ay tiyak na nakapanlulumo at nakapanghihina ng tuhod. Patay na nga ang magulang nito, binaboy pa ang katawan!
'Nakakaawa!'
"Ano ba ang nangyari sa kuya mo?" takang tanong niya. Hindi siya makapaniwala na magagawa ni Henry ang bagay na iyon sa sariling magulang.
"Hindi ko po alam. Matagal nawala si kuya. Noong bumalik ito ay bigla na lamang itong nagbago," nauutal na sabi ni Hans.
"Sigurado ka ba na siya talaga ang Kuya Henry mo?" tanong niya muli. Napakalayo kasi ng pag-uugali nito sa naging kaklase niya noon. O baka naman hindi niya lang talaga lubusang kilala ang lalaki?
"Opo."
"Saan daw ba nagpunta ang kuya mo noong panahong wala ito sa inyo?"
"Hindi ko po alam. Wala po akong ideya. Basta bago ito umalis ay nagtalo pa sila ng mga magulang namin."
Tumango-tango na lamang siya. Subalit may palagay siya na may kakaibang nangyari sa bahay na iyon.
Lumabas na sila ni Hans ng basement. Maingat lang ang paglalakad nila dahil ayaw nilang makita sila ni Henry. Pumunta sila sa back door para sana lumabas na subalit nakasarado iyon.
"Balik tayo sa main door," bulong niya kay Hans at nagsimula ulit maglakad. Subalit sarado rin ang main door. 'Shit!'
Napabuga siya nang malalim habang sinusubukang buksan ang pinto subalit hindi niya talaga mabuksan. Gustong-gusto na niyang hampasin ang pinto dahil sa pagkayamot pero pinigilan niya ang sarili upang hindi siya makalikha ng ingay. Nilingon niya si Hans at nagtanong, "May duplicate key ba kayo?"
Tumango sa kaniya si Hans saka tinuro ang taas. Napapailing-iling na lamang siya dahil kailangan pa nilang umakyat sa taas. Dahan-dahan nilang binagtas ang hagdan at nagpunta sa kuwarto ng magulang ng mga ito. Pinihit niya ang siradura. Nang itutulak niya na ang pinto ay tumunog iyon kaya napahinto siya. Akala niya sa eksena lang sa palabas nangyayari ang pagtunog ng pinto. Walang-hiya! Pati rin pala sa totoong buhay. Dahan-dahan niya muli iyong binuksan nang maliit lang. Dahil kung isasagad niya pa ay lalo iyong lilikha ng tunog.
Pinagkasya na lamang nila ang kanilang katawan upang makapasok sa kuwarto.
"Nasaan nakalagay ang susi?" Ginawi niya ang tingin kay Hans.
YOU ARE READING
WRONG MOVE
Mystery / ThrillerMagnanakaw si Thieve. Lahat ng bagay na nais niya ay gusto niyang makuha. Ito lamang ang magpapasaya sa kaniya. Subalit hindi lahat ng bagay ay maaaring mapunta sa kaniya, lalo pa't may nagmamay-ari ng iba. Kung hindi siya hihinto, maaaring iyon din...
