"Naku, maraming salamat po. Diyos ko, maraming salamat po." sabay naiyak naman ito, na parang nakaraos sa isang matinding hirap.

Nilapitan siya ni Shot at niyakap. Masayang masaya silang dalawa, unti-unti kahit maliliit na hakbang lamang, magtatagumpay si Lian sa laban sa sakit niya.

................

Dahan dahang dinilat ni Lian ang kanyang mga mata. Nahihilo pa rin siya, dala na rin siguro ng anaesthesia na tinurok sa kanya. Naramdaman niya na naghihina siya at hindi halos maigalaw ang kanyang katawan. Tanging ungol lamang ang nakaya niyang gawin upang sabihin sa mga ito na gising na siya.

Narinig ni Shot ang ungol na iyon. Pinagmasdan niya si Lian na nababalot ng malambot na benda ang ulo. Paulit-ulit at pabulong niyang sinasabi na sana ay walang epektong nagawa ang operasyon na iyon sa mga mata ni Lian.

Agad namang nilapita ng nurse si Lian. Sinigurado niyang naka angat ng kaunti ang ulo nito sa posisyon ng 30 degree gamit ang isang device para na rin maiwasan ang ibang komplikasyon.

"Lian, nakikita mo ba ako?" tanong agad ni Shot

"H'wag niyo muna hong kausapin ang pasyente at baka ma stress." Saway ng masungit na nurse dito, ngunit naiintindihan naman iyon ni Shot.

Ngunit hindi nakaligtas sa mga mata ni Shot ang tipid na ngiti ni Lian habang nakatingin sa kanya, waring sinasabing nakikita pa rin nito ang mukha ng binata. Napasigaw ng malakas na "yes" Si Shot na lalong ikinagalit ng Nurse kaya't minabuti na lamang ni Shot na lumabas.

Nanatili sa loob ng hospital si Lian sa loob ng dalawang Linggo, tinanggal na rin ang mga tahi ng operasyon at napansin ni Shot ang maliit na kalbong bahaging ulo ni Lian.

"Kalbo!" tukso niya dito sabay natawa sila.

Nagsimula na rin ang appointment ni Lian sa oncologist para na rin sa tuluyan niyang pagpapagaling. Madalas pagkatapos ng radiotherapy niya ay si Shot ang nakakasama niya. Medyo mainisin si Lian pagkatapos noon, ngunit balewala iyon kay Shot, ang gusto niya ay tuluyan ng gumaling ang dalaga. Gagawin niya kahit anong sakripisyo para sa ikagagaling nito. Kahit na dumating na ang araw ng pasukan ni Shot ay sinisigurado pa rin niyang maaalalayan niya si Lian sa araw ng appointment nito.

Tuluyan ng nakalbo si Lian sa ilang buwan na gamutan. Ngunit pinagtatawanan lamang nila iyon. Sa loob ng maikling panahon na nakasama ni Lian si Shot ay nahawa siya sa pagiging positibo ng binata. Gaya ni Shot ay simple na lamang din niyang tingnan ang buhay. Ang mahalaga ay ang ngayon, hahayaan nilang sorpresahin sila ng bukas.

Makalipas ang tatlong buwan ay kinausap ng oncologist ang Papa at Mama ni Lian.

"May good news ho ako sa inyo. Nagrerespond po ang cancer cell ni Lian sa treatment. Ang maganda rito kasi, concentrated lang ang cancer cell sa isang parte ng brain ni Lian. Lumiliit po ang cancer cell, at kapag nagpatuloy po ang ganitong phase ng development eh baka within 6-7 months maging cancer free siya."

Halos mapalundag si Aling Mercedez sa balitang narinig, napayakap ito sa asawa at umiyak.

"Ang tagal kong hinintay ito! Diyos ko, Salamat po!"

"Sabi sa iyo may awa ang diyos, hindi mawawala sa atin ang ating anak." Hindi narin napigilang tumulo ang kanina pa nangingilid na luha ng asawa nito.

............

Pagdating sa bahay ay agad nilang binalita kay Lian at kay Shot ang magandang sinabi ng doktor. Walang mapaglagyan ng kaligayahan si Shot, si Lian naman ay nanatili lamang nakahiga. Madalas ay naghihina siya matapos ang therapy, pero hindi niya pa rin naitago ang saya.

Hope in a Bottle (Completed)Where stories live. Discover now