41. Ang Ganti ni Brielle

Magsimula sa umpisa
                                    

Mahigpit na napakuyom si Brie. "‘Wag kang makikinig sa kanya! Diyan ka lang, Lagring!" Magkamatayan na pero hinding-hindi niya ito hahayaang makalapit kay Lorraine.

Lalo namang nanlisik ang mga mata ni Terrio nang bumaling sa kanya. "Lorraine, lumapit ka dito sabi!" Itinutok nito ang baril sa kanya. "Kung hindi, papatayin ko ang babaeng 'yan!"

Natigilan si Brie. Hindi niya inaalala ang sariling kaligtasan kundi si Lorraine. Paano kung patayin nga siya nito? Sinong magpuprotekta kay Lorraine?

"Bibilang ako ng sampu, Lorraine..." ang sabi pa ni Terrio na puno ng pagbabanta ang boses.

"Diyan ka lang! ‘Wag kang gagalaw sa kinatatayuan mo!" mahigpit namang utos ni Brielle. Sobrang bigat na ng paghinga niya. Lumikot ang mga mata niya. 'Ano bang gagawin ko? Ano bang gagawin ko? Mag-isip ka, Brie!'

"Isa..."

Narinig niyang napahikbi na si Lorraine. Humakbang paatras si Brie upang lapitan ito.

Agad namang napakapit sa kanya si Lorraine nang makalapit siya. "B-Brie... N-Natatakot ako..."

"Huwag kang matakot. Nandito lang ako. Akong bahala, okay?" Sinubukan ni Brie na payapain ito, kahit na maging sa sarili ay hindi niya alam ang gagawin.

"Dalawa..."

"Brie, papatayin ka niya..." humihikbing wika ni Lorraine.

"Basta't huwag kang lalapit sa kanya," matigas naman niyang sabi. "‘Pag sinabi kong takbo, tatakbo ka, okay?" Iyon na lang ang tanging naisip niya. Ipapain niya ang sarili. Wala nang ibang paraan. Malayu-layo na rin sila mula sa barangay hall. Bigla niyang nahiling na sana ay dumating sina Jace. Nasaan na nga ba ang mga ito?

"Pero Brie..." pagtutol ni Lorraine.

"Tatlo, apat, lima..." Biglang binilisan ni Terrio ang pagbibilang. "Lorraine... Naghihintay si Papi..."

Napahigpit pang lalo ang pagdakot ni Lorraine sa damit niya. Napakagat ito sa labi dahil sa takot. "Brie..."

"Diyan ka lang!" saway agad ni Brie nang makitang parang gusto na nitong humakbang paabante. Iniharang niya ang braso dito.

Umiling-iling si Lorraine. "P-Papatayin ka niya..."

"Takbo na, Lagring. Ngayon na," mariing sabi lang ni Brie. Nakadipa ang dalawang braso niya na parang sinasalagan si Lorraine mula kay Terrio.

Bakas naman ang pagtutol sa mukha ni Lorraine.

Ikiniling ni Brie ang ulo para lingunin ito. "Sige na!"

Lalong bumuhos ang luha sa mga mata ni Lorraine.

Si Terrio na nakamasid ay napakamot sa ulo gamit ang dulo ng baril. Bakas na ang labis na pagkainip sa mukha. "Anim... Pito..."

Straight-phobia (GirlXGirl)[Completed]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon