Pilit kong iniisip ang susunod na mangyayari. Pero dahil natataranta pa rin ako at hindi ako makapaniwala na nagawa kong saktan at labanan ang mga tulisan kanina ay mas lalong nawawala na ako sa aking sarili. "Binibini, may masakit din ho ba sa inyo?" tanong sa'kin ng isang dalaga na nagtatrabaho sa pagamutan.

"A-anong araw na ngayon?" tanong ko, nagulat siya nang hawakan ko ang kamay niya. "Ika-trese po ng Septyembre" tugon niya na ikinagulat ko. Hindi ako agad nakapagsalita. Buwan ng July nang mapunta ako sa librong ito. Ngunit bakit September na?

Tiningnan ako ng babae mula ulo hanggang paa, "May sugat ba kayong tinamo binibini?" tanong nito, tulala akong napailing sa kaniya. Wala akong sugat, wala rin akong maramdaman dahil sa pagkabigla sa mga pangyayari. Hindi ko na rin alintana na sabog-sabog na ang buhok ko, nababalot ng lupa at dugo ang aking katawan at higit sa lahat naka-yellow blouse ako, black jeans at itim na sneakers. Bitbit ko rin ang shoulder bag kong kulay black.

Magsasalita pa sana ang babae pero tinawag siya ng doktor. Naiwan akong tulala roon at hindi makapaniwala sa mga pangyayari. Two months ang lumipas dito sa loob ng kwento. Nakalabas na ako dito pero hindi ko naalala ang mga nangyari. At ngayong nakabalik akong muli, naalala ko na ulit ang lahat.

Ang hindi ko maintindihan, bakit ako nakabalik dito? Paano ulit ako makakalabas? Ano bang dahilan bakit nangyayari ito? At bakit muntikan nang mamatay si Sebastian? Hindi ganoon kadami ng bala ang sinulat ko sa istorya at hindi dumating ang punto na sumuka na siya ng dugo.

TATLONG katok ang binitawan ko sa pinto ng Panciteria nila Aling Pacing. Ilang sandali pa bumukas ito, napa-sign of the cross pa si Aling Pacing sa gulat.

"Susmaryusep! Tanya ikaw ba iyan?" Agad namang lumabas sa pintuan si Mang Pedro at pinagmasdan akong mabuti. "Mahabaging diyos! Si Tanya nga!" pag-kumpirma ni Mang Pedro.

Tulala nila akong inakay papasok sa Panciteria at agad pinaupo sa pinakamalapit na silya. Dali-daling kumuha ng tubig si Mang Pedro sa kusina. "Anong nangyari sa iyo hija? Bakit bigla ka na lang naglaho?" nag-aalalang tanong ni Aling Pacing habang pinapagpagan ang damit ko.

Agad naman inilapag ni Mang Pedro ang baso sa mesa at pinainom ako. Parang ganito rin ang nangyari noong una nila akong pinapasok sa tahanan nila. Mukha akong gusgusin at palaboy sa kalsada. Ibinuka ko ang aking bibig, sasabihin ko na dapat na dinala ko sa ospital si Sebastian pero naalala ko na hindi pala nila pwedeng malaman na tinulungan ko si Sebastian dahil kaanib din sila sa mga rebelde.

"U-umuwi po ako sa Bulakan. Pasensiya na po kung hindi ako nakapagsabi dahil kinailangan kong magtungo roon agad" saad ko, hinawakan ni Aling Pacing ang kamay ko. Bakas sa mukha nilang mag-asawa ang labis na pag-aalala. Isang linggo lang naman ako nawala pero sa loob ng istoryang ito ay halos dalawang buwan na.

"Salamat sa diyos dahil ligtas ka hija. Labis kaming nag-alala sa iyong biglaang pagkawala. Ang sabi ni Lolita, hinanap mo raw si Heneral Sebastian para sa isang libro ngunit hindi ka na bumalik matapos niyon. Kami ay nangamba na may masamang nangyari sa iyo sa kamay ng mga heneral na iyon" saad ni Aling Pacing, nangingilid ang luha sa kaniyang mga mata.

"Hindi ba't sinabi na namin sa iyo hija na mapanganib ang heneral na iyon. Sinubukan ka naming hanapin ngunit walang makapagbigay ng kasagutan kung nasaan ka. May iilang nakakita sa iyo nang magtungo ka sa tanggapan ng heneral ngunit walang makapagtukoy kung nakalabas ka ba roon" dagdag ni Mang Pedro at napayuko ito.

Pinagmasdan ko silang dalawa, nagpapasalamat ako kahit papaano dahil may matatakbuhan ako sa oras na wala akong mapuntahan sa loob ng kwentong ito. Kahit papaano ay nararamdaman ko ang pagmamahal ng sarili kong pamilya mula sa mga character na tulad nila.

Salamisim (Published by Bliss Books)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon