"Rosalinda, pumunta ka na muna sa kuwarto. Mag-uusap tayo ng Daddy mo." Sabi sa akin ni Mommy. Sa tono palang ng pagsasalita ni Mommy, confirmed na galit sila. Kinakabahan akong sumang-ayon sa kanya. Hindi ko napansing nakayuko ako sa aking pag-akyat sa kuwarto. Hindi ko maatim na tingnan sina Mommy at Daddy. Ayaw ko nang makita ang kanilang mga matang waring nanlilisik sa galit.

Binaba ko ang aking bag sa gilid ng kama. Nilabas ko muna ang aking mga gamit mula sa bag para bumaba ang aking kaba kahit papaano. Ngunit, hindi iyon nakatulong dahil mas lalo lang akong kinabahan sa bawat segundong lumilipas. Lalo pa akong kinabahan nang narinig kong bumukas ang pinto ng aking kuwarto. Nahulog ko ang shampoo sa sahig sa kaba at gulat.

"Rosalinda, mag-usap nga tayo," utos ni Daddy. Sinara naman ng Mommy ang pinto.

"Daddy," pagbati ko kay Daddy sabay nag-mano ako. Nag-mano na rin ako kay Mommy.

"Maupo ka," sabi ni Mommy sa akin.

Naupo ako sa upuan ng aking study table. Sina Mommy at Daddy naman, naupo pareho sa kama at baon ang seryoso nilang mga mukha. Si Daddy, mukhang nagpipigil.

"Rosalinda, sabihin mo sa amin ng Mommy mo ang totoo," sabi sa akin ni Daddy. Naramdaman kong umakyat ng apat na levels ang puso ko mula sa kinalulugaran nito. Anong sasabihin ko sa kanila?

"Ano pong totoo?" Tanong ko.

"Sa lahat," sabi ni Mommy.

"Tungkol saang lahat po?"

"Huwag mo nang itago sa amin, Rosalinda," sabi ni Daddy nang may tono ng pagkadismaya. "Tumawag sa amin ang Tita Hazel mo. Isang buwan ka na daw hindi pumapasok sa eskuwela."

ITO NA NGA BA ANG SINASABI KO! Alam na nilang isang buwan na akong hindi na ako pumapasok sa law school. Dapat pala kinausap ko si Tita Hazel na huwag sabihin. Pero kahit na anong mangyari, alam kong malalaman at malalaman pa rin nila iyon. Lalong tumaas ang puso ko sa aking lalamunan na parang iyon pa ang pumupigil sa paghinga ko. Ang kaba sa buong katawan ko, nagpunta sa aking mga kamay na ngayon ay nagbibigay-lamig sa mga ito.

"Sabi pa sa amin ni Tita Gina mo, nakakalimutan mo nang alagaan ang mga kapatid mo. Ano bang nangyayari sa iyo, Rosalinda?" Pagpapatuloy ni Daddy.

Anong isasagot ko? May maisasagot ba ako? Ano? Walang lumalabas sa utak ko ngayon.

"Bakit, Rosalinda?" Tanong ni Mommy.

Napayuko ako. Napapikit. Naramdaman kong nag-iipon na ng luha ang aking mga mata.

"Ano, Rosalinda? Naghihintay kami ng Mommy mo ng sagot." Sabi ni Daddy, unti-unti nang tumataas ang tono ng boses niya. Mabilis siyang mairita kapag walang sagot na nakukuha.

"Rosalinda, sabihin mo na." Concerned na tanong ni Mommy. "May problema ka ba?"

"Ano?!" Pasigaw na tanong ulit ni Daddy. Lalo akong napapikit sa takot. Naramdaman kong may tumulong luha sa aking mga mata dahil sa matinding pagkakapikit ko ng mga ito. Wala talaga akong maisagot.

"Rosalinda." Sabi ni Mommy.

Binuksan ang aking mga mata. Marahil nakita nilang namumula na sa luha ang aking mga mata dahil nakita ko sa mga mukha nila na gulat sila sa itsura ko.

"Daddy, Mommy, I'm sorry!" Sambit ko sa kanila sabay nang pagtapon ng sarili ko sa kanila. Nakaluhod akong niyakap silang dalawa. Sobrang sakit nitong mga sasabihin ko dahil ito ang totoo. Hindi ko maatim na makita ang mukha nila habang nagkukumpisal ako.

"Patawarin niyo po ako. Hindi na po ako pumapasok simula noong nag-decide akong magsulat ng script para sa pelikula. Nag-concentrate na po ako doon at nakalimutan nang pumasok sa law school. Kahit nga sa trabaho, nag-resign po ako para sa pagsusulat. Ito po ang pangarap ko. Alam niyo naman po iyon, 'di ba? Gusto ko pong magawa ang bagay na alam kong gusto ko."

Scripted RelationshipWhere stories live. Discover now